Halos paliparin na ni Miguel ang sasakyan habang mariin ang pagkakahawak niya sa manibela. Nakatanggap siya ng tawag mula sa ama. Kailangan daw niyang umuwi agad dahil may mga bisita sila sa mansiyon, si Janella at ang buong pamilya nito. Nabigla siya nang malaman na nakauwi na pala ng bansa ang best friend niya.
Hindi na siya makapaghintay na umuwi para lang makumpirma kung totoo nga ba ang sinabi ng pamilya niya. Maraming taon niyang hindi nakita ang dalaga kaya ngayon na nakauwi na ito sa bayan nila ay parang hindi pa rin siya makapaniwala.
Sa malawak na parking space ng mansiyon ay nakita niya ang mga sasakyan na malamang ay sa mga kapatid niya. May isang itim na van doon na hindi pamilyar sa kaniya at malamang ay sa pamilya iyon ni Janella. Nagmamadaling bumaba na siya ng kotse at pumasok sa loob ng mansiyon. Sa malaking sala ay sumalubong sa kaniya ang mga magulang at mga kapatid niya na masayang kausap ang mga magulang ni Janella.
Damn! Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang matinding kaba na namamahay sa dibdib niya. Kaya siguro halos ilang buwan itong hindi nagparamdam sa kaniya ay dahil gusto siya nitong sorpresahin.
“Miguel!”
Mabilis ang ginawa niyang paglingon nang marinig ang pamilyar na tinig ni Janella. Nakita niya itong pababa ng hagdan kasama ang mga pamangkin niya. Saglit na pinagmasdan niya ang dalaga. Maliban sa mas lalo itong tumangkad at pumuti ay walang masyadong nagbago dito. Napakaganda pa rin nito at naroon pa rin sa mga labi nito ang matamis na ngiti na una niyang nagustuhan dito.
“Hi!” nakangiting kumaway ito sa kaniya.
“You’re back.” Tanging nasabi niya at nilapitan ito para yakapin ng mahigpit. Naramdaman niya ang init ng katawan nito pero hindi sapat iyon para matuwa siya. Hindi niya inaasahan na ganoon ang mararamdaman niya. Ang buong akala niya kasi ay magiging abot hanggang langit ang tuwa niya kapag nakita na niya ulit ito. Tumawa ang dalaga at mahinang tinapik siya sa balikat.
“Nangako ako sa`yo `di ba? Kumusta ka na? my god, Miguel! Mas lalo ka yatang naging gwapo ngayon.”
Natawa siya at inakbayan ito. “Binobola mo lang ako dahil may kasalanan ka, ilang buwan ka kayang hindi nagparamdam sa akin.”
Napalabi ito. “Gusto lang naman kitang sorpresahin `eh at saka alam mo na, medyo busy.”
Wala na siyang nagawa pa nang hilahin siya nito patungo sa sala kung saan naroon ang mga pamilya nila.
“Balita ko may announcement ka, Janella?” tanong ng daddy niya. Nagtatanong ang mga mata na nilingon nman niya ang babae. Ngumiti lang ito at mas lalo pang hinigpitan ang pagyakap ng kamay sa braso niya.
“Yes, gusto ko lang sabihin sa inyo na ready na ako sa panibagong buhay kasama si Miguel.”
Narinig niya ang malakas na pagsinghap ng kaniyang ina. Nagsikip ang dibdib niya nang tingnan siya ng makahulugan ni Janella.
“Sinasagot na kita, Miguel, tinatapos ko na ang matagal na paghihintay mo.”
Oh fuck!
“Dito ang counter para bongga `di ba?”
“Parang mas maganda naman kung dito natin ilalagay?” suhestiyon ni Dorothea at itinuro pa kay Selly ang pwesto kung saan malapit sa pinto ang counter na gusto nito. Sumimangot ito at tumango na lang sa kaniya.
“Sige na nga, ikaw naman ang may mas malaking share.”
Napahagalpak siya ng tawa at siniko sa tagiliran ang pinsan. Ito ang katulong niya sa pag aayos ng computer shop na bubuksan nila sa sunod na linggo. Madali lang silang nakakuha ng pwesto dahil ibinigay iyon sa kanila ng isang tiyahin ni Selly na kapatid ng ina nito. Malapit lang sa compound na tinitirahan nila ang pwestong nakuha nila. Lumang tindahan iyon at matagal ng umalis ang dating umuupa kaya medyo napagastos pa sila sa pagpaparenovate ng lugar.
Ginawa nilang stockroom ang second floor at ang ibaba naman ang computer shop. Thirty five na computer units ang kinuha nila at ang usapan nila nila ni Selly ay ito ang magbabantay ng shop kapag wala siya. Minsan kasi ay kailangan niyang lumuwas ng Maynila kapag may trabaho na ibinibigay sa kaniya si Sammy.
Kung tutuusin ay wala naman na silang masyadong gagawin pa dahil natapos na ang pagkukumpuni ng mga sira at pagpipintura. Nailagay na rin ang glass door at window at mamayang hapon lang ay idedeliver na sa kanila ang mga mahahabang computer table na ipinagawa nila.
“Excited na ako, bakla, change is coming na talaga.” Nakangiting hinaplos ni Selly ang mahabang buhok niya. “Kung hindi dahil dito sa buhok mo hindi tayo aasenso.”
“Ano ka ba,” natatawang saway niya dito. Palagi nitong sinasabi sa kaniya na asset daw talaga niya ang buhok niya kaya kahit anong pilit niyang itago iyon sa iba ay mapapansin pa rin. Maliban sa magandang buhok ay namana rin niya ang natural na ganda ng ina. Kahit light make up lang daw ang ilagay sa kaniya ay kusang lumulutang ang ganda niya na itinago niya sa loob ng mahabang panahon.
“Ay nandiyan si papa Miguel!”
“Ha?”
Hindi na ito nagsalita pa at hinawakan lang siya sa magkabilang balikat para pihitin paharap sa direksiyon ng pinto. Parang bigla ay nagkaroon ng karera ng mga daga sa loob ng dibdib niya dahil bigla na lang kumabog ng malakas iyon. Nakagat niya ang mga labi nang magtama ang mga mata nila ni Miguel. Wala silang usapan na lalabas ngayong araw kaya nagtaka siya sa biglang pagsulpot nito. Isa pa ay hindi pa niya nababanggit sa pamilya ang tungkol sa binata. Baka biglang atakihin sa puso ang ama niya kapag nalaman nito na nakikipagmabutihan na siya sa isang lalaki at ang dating boss pa niya ang napili niya.
“P-paano mo nalaman ang location nitong shop namin—” natigilan siya nang maramdaman ang pagpisil ni Selly sa balikat niya. Naniningkit ang mga mata na nilingon niya ito. “Sinabi mo?”
“Sorry na, hindi mo daw kasi sinasagot ang mga tawag niya.”
Napailing na lang siya at pasimpleng siniko ang pinsan niya bago siya nagmamadaling lumapit sa binata.
“Hi,” nakangiting ibinuka ni Miguel ang mga braso para salubungin siya ng yakap. Buong pusong gumanti naman siya ng mahigpit na yakap dito. Nakiusap siya dito na hindi na muna siya makikipagkita ng dalawang linggo dahil magiging abala na siya sa pag aayos ng computer shop nila ni Selly. Ilang araw pa lang ang nakalipas ay mukhang hindi na nakatiis pa ang binata at nakipagsabwatan pa sa pinsan niya.
“I’ve missed you..” masuyong anas nito. Naipikit niya ang mga mata nang manuot sa ilong niya ang mabangong cologne na gamit ni Miguel. Pero bigla siyang natigilan at gulat na nag angat ng tingin dito nang masamyo na may kahalo iyong matamis na amoy na nasisiguro niya na pabangong pambabae. Naramdaman din niya na parang may kakaiba sa pagyakap nito sa kaniya. Masyadong mahigpit iyon na para bang may bagay itong kinatatakutan na hindi niya maintindihan kung ano.
“What?” nagtatakang tanong nito habang masuyong hinahaplos ang pisngi niya. “May problema ba? Masama ba ang pakiramdam mo?” sinapo nito ang mga pisngi niya at mataman siyang pinagmasdan.
“W-wala.” Natitigilang umiling siya at muling isiniksik ang sarili sa mga bisig ni Miguel. Binalot ng matinding pagtataka ang puso niya pero hindi niya magawang magtanong sa binata. Natatakot kasi siyang mainis ito sa kaniya sa oras na sabihin na niya ang mga bagay na tumatakbo sa isip niya.
“God, I missed you so much, baby. Akala ko hindi na naman kita makikita ngayon.” Kinintalan nito ng magaang halik ang ibabaw ng ulo niya. Hindi na siya nagsalita pa at kontentong ibinaon lang ang mukha sa dibdib nito. Ayaw na niyang pasakitin ang ulo at magpakaparanoid pa. Ngayon na lang ulit niya nakasama si Miguel kaya dapat lang na sulitin niya ang mga oras sa piling nito.
Syet! Tumigil ka nga Dorothea! Hindi mo pa nga alam kung tama ang iniisip mo o baka masyado ka lang kinakain ng paghihinala mo!
“Hi,”
Matipid na ngiti lang ang ibinigay ni Miguel nang dire diretsong pumasok si Janella sa loob ng opisina niya. Nang makita ang masiglang ngiti sa mga labi nito ay parang gusto nang sumakit ng ulo niya.
Oh man! Mukhang wala pa rin talaga itong balak na sumuko kahit tinapat na niya ito na nagbago na ang nararamdaman niya dito at hindi na siya nakapaghintay pa sa pagbabalik nito. Alam niyang isa siyang malaking gago dahil napakaraming taon ang hinintay niya para lang sa bandang huli ay sumuko na. Pero ngayon niya napatunayan na talagang hindi maaaring diktahan ang puso ng isang tao.
Pagkatapos nilang lumabas ng ilang beses ni Janella ay napatunayan niya na hindi na katulad ng dati ang nararamdaman niya para dito. O baka nga noon pa ay talagang hindi na niya ito mahal at tanging ang isip na lang niya ang nagdidikta sa kaniya na maghintay sa pagbabalik nito.
Biglang nagbago ang ikot ng mundo niya at sa mundong iyon ay nasisiguro niya na hindi si Janella ang kasama niya. Wala siyang maramdaman na kahit ano kapag magkasama sila. Isang beses ay nagpakita pa ito ng motibo sa kaniya matapos niya itong ihatid sa sariling bahay nito. Hinalikan siya nito pero nagawa niyang kontrolin ang sarili at tanggihan ang pang aakit nito sa kaniya.
Pagkatapos niyang masiguro sa sarili na mas matimbang talaga sa puso niya si Dorothea ay tinapat na niya si Janella na may iba na siyang mahal. Hindi siya nagdalawang isip na sabihin dito ang tungkol kay Dorothea dahil umaasa siya na mas maiintindihan siya nito.
Ang buong akala niya ay naintindihan siya nito at maluwag sa dibdib nitong tinanggap na imposible nang maging sila. Pero ngayon na bigla itong sumulpot sa opisina niya ay parang gusto na niyang kabahan. Kung siya ang tatanungin ay mas mabuti sana na huwag na muna silang mag usap ni Janella dahil pinag iisipan pa niya kung papaano aaminin kay Dorothea na ilang beses siyang nakipagdate sa best friend niya. Hindi niya magawang magsinungaling sa dalaga kaya hanggang ngayon ay problema niya kung papaano ipagtatapat dito ang ginawa niya ng hindi ito masasaktan.
Gago ka ba? Natural na masasaktan siya. Para mo na rin siyang niloko sa ginawa mo. Iisipin niya na sinumpong ka na naman ng pagkababaero mo kaya pinagsasabay mo sila ng kaibigan mo.
Marahas na napahinga siya ng malalim at muling sumulyap kay Janella. Hindi niya magawang itago ang pagkainip sa mga mata ng tingnan ito. Hindi niya magawang alukin itong umupo dahil gusto niyang iparating dito na ayaw na muna niyang makipag usaps a kaniya.
“Janella, may kailangan ka ba? Alam mong busy ako ngayon at may problema kami kaya hindi rin kita mahaharap.”
Buong araw na mainit ang ulo niya dahil malaki ang problema ng pamilya niya ngayon dahil sa nangyaring aksidente kay Juancho. Pagkatapos na masaksak at mabangga ng kotse ang kapatid niya ay basta na lang ito iniwan ng mga walang pusong nilalang na nangholdap dito.
Nasa ospital si Juancho at hanggang ngayon ay wala pa rin itong malay. Mabilis na umusad ang imbestigasyon at pinaghahanap na ang mga kasabwat ng dalawang lalaking nahuli ng mga pulis. Galit na galit siya nang malaman kung ano ang nangyari sa kapatid niya. Sisiguruhin niya na may kalalagyan ang mga taong gumawa ng masama dito.
“Alam ko naman na mainit ang ulo mo kaya ganiyan ang trato mo sa akin ngayon pero Miguel may kailangan kang malaman.”
“Ano ba iyon?”
“Tungkol kay Dorothea,”
“What?” natigilan siya at nalilitong tiningnan ang babae. May bumundol na matinding kaba sa dibdib niya nang mapansin ang determinasyon sa mga mata nito. Parang gusto na tuloy niyang pagsisihan na ipinagtapat pa niya sa kaibigan kung sino ang babaeng itinitibok na ngayon ng puso niya.
“Nagpaimbestiga ako,”
Marahas na napailing siya. “Wala kang karapatan na gawin iyon, Janella—”
“I know, sorry na, hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko dahil ayokong basta ka na lang ibigay sa iba at ngayon na alam ko na ang totoong kulay niya ay hindi ako papayag na basta ka na lang hayaan na mapunta sa Dorothea na iyon, Miguel.”
“Ano bang sinasabi mo?”
“Alam mo ba na pinsan niya ang dalawang lalaking nakakulong ngayon na siyang mga suspect sa nangyari kay Juancho? At ito.”
Naikurap niya ang mga mata nang ibigay ni Janella sa kaniya ang isang folder. Napalunok siya nang buksan niya ang folder at tumambad sa kaniya ang mga larawan ni Dorothea kasama ang isang magandang babae.
May isang pangyayari ang lumitaw sa isip niya. Pamilyar sa kaniya ang mukha ng babaeng iyon dahil minsan na niya itong nakita sa hotel. Hiningi pa nga niya ang number nito pero ng minsan na sinubukan niya itong tawagan ay hindi naman nito iyon sinagot hanggang sa nawala na nga ito sa isip niya dahil palagi siyang abala at sa huli ay natuon na rin kay Dorothea ang buong atensiyon niya.
“Ang babaeng nasa picture na kasama ng girlfriend mo ay kapatid ng dalawang lalaking suspect. Magkakapatid silang tatlo at mga pinsan lang naman sila ni Dorothea. Nakipagsabwatan si Dorothea sa pinsan niyang si Suzy para akitin ka. Gusto ni Suzy na magkaroon ng anak at ikaw ang napili niyang maging ama ng magiging anak niya. Sana naman Miguel matauhan ka, ang pamilya ni Dorothea ang may malaking atraso sa`yo. Hindi mo ba naisip na baka kasabwat pa siya sa nangyaring gulo?”
“W-what?” natulig siya sa narinig. “No, kilala ko si Dorothea at alam kong hindi niya magagawa ang mga ibinibintang mo!” asik niya sa babae.
“Ngayon mo nga sabihin sa akin, sa ganiyang klase ba ng babae mo ako ipagpapalit? ”
“N-no—”
“Hindi mo pa siya ganoon kakilala,”
“Shut up!” malakas na sigaw niya. Hindi niya gustong marinig mula kay Janella ang mga pang iinsulto nito kay Dorothea. “Umalis ka na lang, please , bago pa ako tuluyang mawalan ng respeto sa`yo.”
“Mahal kita Miguel! Talaga bang sasayangin mo na lang ang mga panahon na hinintay natin ang isa’t isa?” naluluhang tanong nito sa kaniya.
Pagak na natawa siya. “Naghintay ka? No, Janella, ako lang naman ang naghintay dahil ang sabi mo hindi ako pwedeng maging sagabal sa pag aaral mo. Sinunod ko lang naman ang lahat ng gusto mo pero napagod na ako kaya sana naman pabayaan mo na lang ako—” nanlaki ang mga mata niya nang tawirin ni Janella ang pagitan nilang dalawa at bigla siya nitong hinalikan sa mga labi.
Dahil sa labis na pagkabigla ay hindi agad siya nakahuma. Ang mahihinang mga hikbi na narinig niya ang nagpabalik ng katinuan niya. Mabilis na itinulak niya palayo sa kaniya si Janella para lang muling magimbal nang makita si Dorothea na nakatayo sa may pinto habang umiiyak na nakatitig sa kaniya.
“T-thea!” kulang na lang ay suntukin niya ang sarili nang walang imik na tumalikod na ang dalaga at iniwan na siya.