“Naku Dorothea, sinasabi ko sa`yo! lumaban ka at hindi iyong ganyan na hinahayaan mo lang ang sarili mo na mag isip ng kung anu-ano.”
Nakangiwing inilayo ni Dorothea ang cellphone sa kaliwang tenga niya habang naririnig ang walang tigil na panenermun ni Selly. Hindi na siya nito tinigilan nang mabanggit niya na naamoy niya ang amoy ng pabangong pambabae sa damit ni Miguel. May hinala ang pinsan niya na baka may ibang babae daw ang binata. Nasaktan man ay hindi niya magawang magalit at pagdudahan ito ng tuluyan. Kailangan niyang alamin mula sa lalaki kung may iba pa ba ito maliban sa kaniya.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko `eh. Mahirap talaga kapag wala kayong label dahil hindi mo magagawang magalit kapag nalaman mong may iba siya. Baka ipamukha pa niya sa`yo na wala siyang karapatan.”
“Selly! Tama na okay?” pigil niya sa panenermon ng pinsan. “Papunta na ako sa office ni Miguel ngayon, kakausapin ko na siya para matahimik na ako.”
“Mabuti naman!”
Pinutol na niya ang tawag at pumasok na sa loob ng malaking commercial building na pag aari ng mga Mondemar kung saan naroon ang opisina ni Miguel. Pasado alas kuwatro y medya na ng hapon kaya nagpasiya siya na sunduin na ang binata. Naglakas loob na siyang kausapin ito ngayon at itanong ang mga bagay na gumugulo sa isip niya.
Ang akala siguro ni Selly ay madali lang para sa kaniya na magtanong kay Miguel. Bago pa lang siya sa ganoong sitwasyon kaya hindi niya alam ang gagawin. Hindi lang naman kasi ang tungkol sa pabangong pambabae na naamoy niya sa damit ng lalaki ang issue niya. Napansin din kasi niya na madalang na silang magkita ngayon dahil palagi nitong idinadahilan na busy ito. Kapag magkasama naman sila ay napapansin niya minsan na parang balisa ito.
Pero paano kung magalit sa kaniya ang binata at pagtalunan pa nila ang mga bagay na gusto niyang itanong dito? Paano kung iyon ang maging dahilan para iwasan siya nito? marami siyang mga bagay na kinatatakutan na pilit niyang binabalewala ngayon dahil ayaw niyang mawala ito sa kaniya.
Kinakabahan man ay sumakay na siya ng elevator at umakyat sa fifth floor ng building. Nakita niya ang mga tauhan ni Miguel at masayang binati naman niya ang mga ito. Nang makita ang sekretaryang si Magie ay nakangiting kumaway siya dito.
“Dorothea, ang ganda-ganda mo na talaga!” nakangiting bati nito sa kaniya. “Palagi kitang ibinibida sa mga kakilala ko.”
“Salamat,” nahihiyang tugon niya. “Si boss?”
Mas pinili niyang tawaging ‘boss’ si Miguel sa harap ng sekretarya dahil nakasanayan na niya iyon. Nakita niya ang pagtataka sa mukha ng babae bago sumagot.
“Nasa loob may—”
Hindi na niya hinintay pa ang ibang sasabihin nito at nagmamadaling lumapit sa pinto ng opisina ng binata. Alam niyang kapag ganoong oras ay ito na lang ang nasa loob at wala ng ka-meeting pa kaya mas mabuti nang sorpresahin niya ito.
Nakangiting pinihit niya ang seradura at binuksan na ang pinto. Pero hindi niya inaasahan ang tagpong bumungad sa kaniya. May kasamang babae si Miguel sa loob at magkayakap ang mga ito habang naghahalikan. Siguro ay naramdaman ng mga ito ang presensiya niya dahil kusang bumitiw ang binata at tumingin sa direksiyon ng pinto. Bumalatay ang matinding pagkagimbal sa buong mukha nito nang makita siya.
“Thea!”
Natitigilang nagpalipat lipat ang tingin niya sa dalawa hanggang sa mapako ang mga mata niya sa magandang babae na kasama ni Miguel. Nang matitigan ang mukha nito ay pilit na inalala niya kung saan niya ito unang nakita.
“Sabihin mo na sa kaniya na alam mo na ang totoo.” narinig niyang turan ng babae kay Miguel.
“Janella, please!” asik ng binata dito bago muling tumingin sa kaniya.
Pakiramdam niya ay may matulis na bagay ang bumaon sa tapat ng puso niya ng maalala kung saan niya unang nakita ang babae. Minsan na kasing ipinakita sa kaniya ni donya Leticia ang ilan sa mga litrato ng babae na kasama si Miguel.
Iglap lang ay nag unahan na sa pagpatak ang mga luha niya. Tiningnan niya ng masama ang binata bago siya nagmamadaling umalis.
“Thea, please, let’s talk!”
“Ayoko!” mariing sabi niya. Mas lalo pa niyang binilisan ang paglalakad nang maramdaman ang paghabol nito sa kaniya. Wala na siyang pakialam pa kahit nakikita ng mga taong nasasalubong niya ang pag iyak niya. Namamanhid ang buong katawan niya dahil sa pagkabigla at sakit na nararamdaman niya.
Nasundan siya ng binata nang sumakay siya ng elevator. Hindi niya ito pinansin nang tumabi ito sa kaniya. Pagkalabas niya ng building ay sinundan pa rin siya nito. Sinubukan niyang pumara ng jeep o taxi pero parang kahit ang mga ito ay nakikisama sa kamiserablehan niya.
“Bullshit!” inis na napamura na siya.
“Kailangan natin mag usap.”
“Bitiwan mo ako!” asik niya kay Miguel nang hawakan siya nito sa braso. Hilam na sa luha ang mga mata niya kaya halos puti na lang ang nakikita niya sa paligid. Pinahid niya ang mga luha at matalim na tiningnan ito. “Mag uusap tayo? Para saan pa? nandiyan na si Janella `di ba? Siguro naman ngayon masaya ka na kasi dumating na siya. Oo nga pala, matagal mo nga pala siyang hinintay kaya siguradong masayang masaya ka na ngayon.” Masamang masama ang loob na sumbat niya.
Kung pwede lang siguro siyang lamunin ng lupa ngayon ay ginawa na sana niya. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganoong klase ng sakit na para bang gusto na niyang mamatay para mawala na ang sakit sa dibdib niya.
“Hindi mo kayang magtiwala sa akin at pakinggan ang mga sasabihin ko?”
Napilitan siyang mag angat ng tingin dito. Awtomatikong nagsikip ang dibdib niya nang makita ang pait sa mga mata ng lalaki.
“Sa tingin mo dapat pa kitang pagkatiwalaan sa nakita ko? hindi ako tanga Miguel! Kitang kita ko na naghahalikan kayo at hindi ako ipokrita para balewalain lang ang nakita ko!” nagsimula ng tumaas ang boses niya. Ang lahat ng masakit na emosyon na hindi niya inaasahang mararamdaman niya ay unti unti nang pumapatay sa kaniya ngayon.
“Hindi pa ba sapat iyong mga nakita ko?” mabigat ang paghinga na tanong niya dito. Tumaas baba ang dibdib nito at tahimik na pinagmamasdan siya. Madilim ang ekspresyon ng mukha nito na para bang nagagalit din ito sa kaniya.
Pero bakit? Nagagalit ba ito dahil sa mga ikinikilos niya? hindi ba ay mas dapat na siya ang magalit sa paglilihim nito sa kaniya na nakabalik na pala si Janella?
“At ito, paano mo ipapaliwanag sa akin ang mga ito? Hindi mo magawang magtiwala sa akin pero ako nakahanda akong makinig sa mga paliwanag mo. Wala akong pakialam sa sinasabi ng iba dahil sa`yo ko lang gustong makinig, Thea.” mariing saad ni Miguel sa kaniya at walang emosyon ang mga mata na inabot ang isang envelope. Pinahid niya ang mga luha sa pisngi bago napipilitang inabot ang envelope mula dito.
Nangatal ang mga labi niya dahil sa labis na pagkabigla nang makita na mga litrato nila ni Suzy ang laman niyon. Kuha ang mga litrato isang linggo na ang nakakalipas matapos siyang bisitahin ng pinsan sa computer shop.
“Anong—”
“Alam ko na ang tungkol sa naging sabwatan ninyo ng pinsan mo. Si Janella ang mismong nagpaimbestiga.”
Nadurog ang puso niya sa sobrang sakit at nag iwas ng tingin kay Miguel.
“Makikinig ako sa mga paliwanag mo, alam kong hindi ka magsisinungaling sa akin.”
Mariing ipinikit niya ang mga mata.Ngayon ay magkahalong galit at pang uusig ng konsensiya na ang nararamdaman niya. Malaki ang atraso niya kay Miguel. Oo nga at hindi naman natuloy ang pang aakit dito ni Suzy pero hindi na magbabago pa ang katotohanan na nakipagsabwatan siya sa pinsan niya noong una.
“Oo, totoong nakipagsabwatan ako kay Suzy dahil gusto niyang magkaroon ng anak sa`yo. Ano? Masaya ka na na sa akin na mismo nanggaling na kamuntik na kitang traydurin dati?” nagsisikip ang dibdib na tanong niya sa lalaki.
“Dahil ba sa pera?”
“A-ano?” Halos mabaliw siya sa magkakahalong emosyon na bumalot sa dibdib niya nang tuluyang rumehistro sa utak niya ang sinabi ni Miguel.
“Hayup ka!” nangangatal ang buong katawan na sinugod niya ito at pinaghahampas sa dibdib. “Ang kapal ng mukha mo!” galit na galit na sigaw niya. “Hindi ko kailangan ng pera mo naiintindihan mo?” hindi niya mapigilan ang pag uunahan ng mga luha niya sa pagpatak.
Hindi natinag si Miguel at hinayaan lang siyang bayuhin ito sa dibdib. Mas lalo siyang nasaktan sa ginagawa nito. Nawalan na siyang lakas kaya napaatras siya at humihikbing pinagmasdan ang mukha ng binata. Nanatili lang itong nakatitig sa kaniya pero hindi niya magawang basahin ang kung ano man na nasa isip nito.
Marahas na bumuntong hininga siya at nag iwas na ng tingin dito. Tumalikod na siya at mabilis ang mga hakbang na iniwan na si Miguel habang tutop niya ang kaliwang dibdib at patuloy sa malakas na paghagulhol. Hindi niya na inaasahan na hahabulin pa siya nito pero napakasakit para sa kaniya na nagawa nitong isipin na dahil lang sa pera kaya siya pumayag noon na makipagsabwatan sa pinsan niya.
Sa ganoon lang nagtapos ang relasyon nila. Sa ganoon lang rin matatapos ang masasayang mga araw niya kasama ang lalaking sa loob lang ng maikling panahon ay natutunan na niyang mahalin.