Three years later…
“Alis na muna ako ha? May racket kasi ako ngayon at baka gabi na ako makauwi. Nakapagluto na ako ng ulam mo kaya hindi mo na kailangan lumabas mamaya.” Sabi ni Dorothea habang abala siya sa pagsusuklay ng mahabang buhok sa harap ng salamin.
Tinawagan siya ni Sammy kahapon para alukin ng panibagong commercial project na tinanggap naman niya agad. Kahit may negosyo siyang computer shop sa bayan ng Mondemar na iniwan niya kay Selly ay hindi pa rin siya tumigil sa pagtatrabaho. Maliban sa pagiging commercial model ay bodyguard din siya ni Suzy. Hindi nga lang alam ng pinsan niya na binabayaran siya ni Juancho para bantayan ito. Ang sinabi lang kasi niya dito ay nag away sila ni Miguel nang mabisto ng lalaki ang tungkol sa pakikipagsabwatan niya dito. Humingi naman ng tawad sa kaniya ang pinsan. Ngayon ay magkasama silang umuupa sa isang magandang apartment sa Maynila.
Malaki na ang ipon niyang pera dahil wala naman siyang masyadong binabayaran sa bahay. Halos lahat kasi ng mga pangangailangan nila ni Suzy ay si Juancho ang gumagastos. Madalas din na tumatawag siya sa binata para ibalita ang mga bagay tungkol sa pinsan niya.
Sa halip na magmukmok siya noon dahil sa nangyari sa kanila ni Miguel ay mas pinili niyang puntahan si Juancho. Kinapalan na niya ang mukha niyang lapitan ang binata para humingi dito ng trabaho. Alam niyang may namamagitan dito at sa pinsan niya at alam din niya noon na balak umalis ni Suzy ng bayan nila para magtungo sa Maynila. Sinabi niya sa binata na payag siyang maging bodyguard ni Suzy lalo pa at maraming mga siraulo sa Maynila at pwedeng mapahamak ang pinsan niya. Hindi kasi ito katulad niya na nasanay nang mamuhay sa magulong siyudad. Agad na sumang ayon naman si Juancho kaya ngayon nga ay magkasama silang naninirahan ni Suzy sa apartment at kailangan niyang ireport sa binata ang lahat nang ginagawa ng pinsan niya.
“Iiwan mo na naman ako dito?” angal ni Suzy. Kauuwi lang nito mula sa pag aapply ng trabaho. Padapa na nahiga ito sa sofa at niyakap ang isang unan.
“Alam mo naman ang trabaho ko `di ba? At saka malamang na traffic na naman mamaya kaya gabi na ako makakauwi.”
“Pasalubong ko ha?”
Tumango lang siya. Hindi niya magawang tumugon dahil abala siya sa paglalagay ng lipstick sa labi niya. May make up artist naman sa set na mag aayos mamaya sa kaniya kaya naglagay lang siya ng polbo at lipstick. Hinayaan lang niyang nakalugay ang mahabang buhok na ngayon ay hanggang baywang na ang haba. Pagkatapos magsuklay ay kontentong pinagmasdan niya ang sarili sa salamin.
Bumagay sa kaniya ang suot na jumpsuit na tinernuhan niya ng wedge sandals na kulay itim. Simple lang naman ang porma niya dahil ayaw niyang masabihan ng mga kapwa modelo na overdressed siya. Dahil na rin sa pangungumbinsi sa kaniya ni Sammy ay madalas na siyang magwork out kaya mas lalo pang nagkaroon ng hubog ang katawan niya. Kontento naman siya sa kinalabasan dahil napansin niya na gumanda ang hugis ng balakang niya.
“Hindi ka ba kinukulit ng tatay mo?”
“Ha?” kinuha niya ang bag na nakasabit sa gilid ng salamin at nilingon si Suzy. “Tungkol saan?”
“Tungkol pa ba saan? Isa lang naman ang palaging tinatanong ni tito sa`yo `di ba?”
Nagkibit balikat siya. “Sinabi ko naman sa inyo `di ba na wala akong balak na mag asawa pa.”
Napalabi ito. “Hindi naman porke nasaktan ka ng isang beses ay mangyayari pa ulit iyon sa susunod. Anong malay mo kung bigyan ka ulit ni Lord ng chance na magmahal.”
“Ayoko na,” matigas na umiling siya. Alam naman ni Suzy ang pinagdaanan niya dahil pareho silang brokenhearted nang dumating sila sa Maynila. Maraming gabi na magkayakap pa silang umiiyak hanggang sa makatulugan na nila iyon.
“Dorothea, iba naman ang sitwasyon mo sa sitwasyon ko kaya pwede ba huwag mo akong tularan. Iniwan ko si Juancho dahil choice ko iyon, kailangan kong lumayo dahil sa ginawa ng mga kapatid ko. Pero ikaw, inosente ka at ako ang may kasalanan kung bakit kayo nag away ni Miguel.”
“Suzy, tama na please? Alam mo naman na ayoko siyang pag usapan.” Seryosong tugon niya. Marinig pa lang niya ang pangalan ni Miguel ay para nang mapupunit sa sobrang sakit ang puso niya. Tatlong taon na ang lumipas pero hindi pa rin niya magawang alisin sa sistema niya ang binata. May mga gabi na umiiyak pa rin siya sa tuwing maaalala niya ito.
“Fine,”
“Aalis na ako,” hindi na niya hinintay pang sumagot ang dalaga dahil nagmamadali na siyang lumabas ng apartment nila. Dahil wala pa naman dumadaan na taxi ay mas pinili niya munang maglakad lakad. Magandang exercise na rin iyon lalo pa at ilang araw din siyang hindi nakapunta ng gym mula nang magkatrangkaso siya.
Naramdaman niya ang pagvibrate ng cellphone na nasa bag niya kaya agad na kinuha niya iyon at sinagot ang tawag.
“Dorothea,”
“Boss!” masiglang bati niya kay Juancho nang marinig ang tinig nito sa kabilang linya. Alam naman niya kung ano ang kailangan ng lalaki kaya nagreport na agad siya dito. “Okay naman po si Suzy, busy pa rin siya hanggang ngayon sa pag aapply ng trabaho. Wala rin kaming problema dahil marami pa kaming grocery supplies.”
“Thea?”
Natigil sa paghakbang ang mga paa niya nang marinig na nag iba ang boses sa kabilang linya. Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig sa buong katawan nang masiguro na hindi si Juancho ang kausap niya.
“Thea, ikaw ba talaga `yan?”
Oh god! Halos madurog na ang cellphone na hawak niya habang nakatulala siya at pinipigilan niya ang pag alpas ng mga hikbi mula sa lalamunan.
“Baby, please? Kausapin mo ako, alam kong ikaw `yan—”
Nanginginig ang mga kamay na pinindot niya ang cancel button sa cellphone niya. Natitigilan na tumingin siya sa kawalan habang tutop niya ang kaliwang dibdib. Huminga siya ng malalim nang maramdaman na parang may kamay na bakal ang biglang pumisil sa puso niya. Mariing ipinikit niya ang mga mata nang magsimulang pumatak ang mga luha niya.
“Hindi, panaginip lang ito. Imposibleng siya ang kausap ko,” panay ang hikbi niya habang tinatapik niya ng mahina ang mga pisngi.
Sana nga ay totoong panaginip lang iyon dahil baka hindi na naman niya makayanan ang sakit kapag narinig ulit niya ang boses ni Miguel.