“Nagsinungaling ka sa akin.”
“Hindi ako nagsinungaling sa`yo, mas pinili mo lang na magpakagago kaya ka nagkakaganiyan ngayon.”
Hindi makaniwalang tiningnan ni Miguel ang kapatid na si Juancho. Kung kaya lang niyang bumuga ng apoy ngayon dahil sa galit niya ay baka sakaling ginawa na niya.
“My god, Juancho! Nasaktan ko si Thea, sa tingin mo ba magagawa pa niya akong patawarin pagkatapos ng mga nagawa ko?” nanggigigil na asik niya sa lalaki. Inis na naihilamos niya ang mga palad sa mukha at marahas na napabuntong hininga.
Lumipas ang tatlong taon na pinigilan niya ang sarili na huwag makipagkita kay Dorothea dahil na rin nawalan siya ng lakas ng loob na harapin ito. Buong buhay niya ay ngayon lang siya naduwag ng ganoon pagdating sa babae. Nagpadala siya sa galit niya at nagawa pa niyang isipin na dahil sa pera kaya nito nagawang pumayag sa plano ni Suzy.
Magulong magulo ang isip niya ng mga oras na iyon dahil sa nangyari kay Juancho at sa mga natuklasan niya tungkol kay Dorothea at sa pinsan nito. Isa siyang malaking gago at malamang ay wala na siya sa sarili niya noon habang nagtatalo sila. Kinain na siya ng matinding pagkalito at galit sa nangyari kay Juancho. Natakot din siya na sa oras na ungkatin ng dalaga ang tungkol kay Janella ay malaman nito na sinubukan niyang lumabas ng ilang beses kasama ang kaibigan niya para lang masiguro niya ang nararamdaman niya.
Ilang taon siyang nagdusa at mas piniling huwag nang makibalita pa tungkol sa dalaga. Iniiwasan nga niyang manood ng mga local show sa TV dahil ayaw niyang mapanood ang mga commercial nito. Baka hindi kasi niya mapigilan ang sarili niya at halughugin pa niya ang buong Maynila para lang makita ito.
“Fuck!” naikuyom niya ang mga kamao habang nagpipigil siya ng matinding emosyon. Alam niyang walang katotohanan ang hinala ni Janella na baka may kinalaman si Dorothea sa nangyari kay Juancho lalo pa at konektado ang dalawang pinsan nito sa mga sumaksak sa kapatid niya. Kailanman ay hindi siya naghinala sa dalaga. Aaminin niya na nasaktan siya nang malaman ang tungkol sa pagsang ayon nito sa mga plano ni Suzy kaya niya ito napagsalitaan ng masakit noon. Pero hindi na importante pa sa kaniya ang mga nalaman niya. Katulad nang sinabi niya noon ay wala siyang ibang paniniwalaan kundi si Dorothea lang.
Mapaklang ngumiti siya nang maalala ang best friend niyang si Janella. Dahil alam nito noon na kinakain siya ng matinding kalungkutan mula nang umalis si Dorothea ay hindi siya nito iniwan. Palagi itong nasa tabi niya kahit na maraming beses na niya itong itinaboy palayo. Bandang huli ay sumuko na rin ito at bumalik na sa ibang bansa. Wala na siyang balita pa tungkol kay Janella.
“Matagal na pala siyang nagtatrabaho sa`yo pero hindi mo man lang sinasabi sa akin? Anong klase kang kapatid?” masama ang loob na sumbat niya kay Juancho.
Mula nang gumaling ito mula sa sinapit nitong aksidente ay bihira na silang magkita dahil mas pinili nitong tumira sa Isla Camito at magpakaermitanyo. Ngayon na nga lang niya ito nadatnan sa mansiyon. Sakto naman na wala ang mga magulang at iba pang mga kapatid nila kaya malaya silang nakapag usap sa study room ng kanilang ama.
“Nabisto mo na ako kaya wala na akong choice kundi ang aminin sa`yo ang lahat.”
Nasabunutan niya ang sarili dahil sa matinding frustration. Kulang na lang ay hamunin na niya ng suntukan si Juancho. Kaya lang naman siya nagkaroon ng ideya na si Dorothea ang kausap nito sa cellphone ay dahil narinig niyang binanggit nito ang pangalan ng babae. Sakto naman na pumasok siya ng study room para kausapin ang panganay na kapatid. Hindi na siya nakapag isip pa ng maayos kanina at inagaw ang cellphone mula kay Juancho. Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang marinig ang pamilya na tinig ng dalaga.
“At isa pa alam ko naman na darating ka rin sa ganitong point at hindi na ako pwedeng makialam pa sa bagay na iyon. Ngayong alam mo na kung nasaan siya ay ikaw ang magdedesisyon kung babalik ka pa rin sa kaniya kahit alam mong galit na galit siya sa`yo.”
“Hindi ba niya ako tinatanong man lang sa`yo?” nasasaktang tumingin siya kay Juancho. Mabilis ang naging pag iling nito.
“Ayaw niyang banggitin ko ang pangalan mo, iyon ang number one rule na ibinigay niya nang magtrabaho siya sa akin.”
“Oh heaven! Ganoon ba kalaki ang galit niya sa akin?”
“Yeah, Hindi mo siya masisisi dahil ang alam niya ay niloko mo siya.”
Parang may higanteng kamay ang kumuyumos sa puso niya ng mga oras na iyon. Pero hindi siya pwedeng sumuko. Hihingi siya ng tawad sa babae at kung kinakailangan na araw-araw siyang lumuhod at umiyak sa harap nito ay gagawin niya para lang mapatawad na siya nito.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Juancho nang tumayo na siya.
“I’ll find her.” Seryosong sagot niya.
“Sige, pero tandaan mo lang sana Miguel na hindi pinipilit ang pagpapatawad. Hindi mo siya pwedeng pilitin kung talagang ayaw na niya sa`yo.”
No! hindi ko matatanggap kapag nalaman ko na mayroon na siyang iba. Hinding hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa oras na mangyari iyon. I’ll do everything to win her back at wala ng kahit na sino pa ang pwedeng pumigil sa akin.