“Thea, may appointment ka bang tinakasan sa Manila kaya parang kinakabahan ka?”
Inalis ni Dorothea ang mga mata sa kalsada at saglit na nilingon si Suzy habang abala siya sa pagmamaneho. Nang mapansin ang pagtataka sa mukha nito ay hindi niya mapigilan ang magpakawala ng malalim na buntong hininga.
“Sorry na, n-ngayon lang kasi tayo uuwi ulit ng Mondemar kaya medyo kinakabahan ako.” Mayamaya ay turan niya. Sa totoo lang ay kanina pa siya nanlalamig dahil sa matinding nerbiyos. Sa loob kasi ng tatlong taon ay ngayon na lang ulit siya umuwi sa Mondemar. Ayaw pa nga sana niyang umuwi noong una kaya lang ay nakiusap sa kaniya ang lolo ni Suzy na iuwi na ang paborito nitong apo.
Sana lang ay mapatawad siya ni Juancho sa oras na malaman nito na nakipagsabwatan siya kay lolo Impeng. Gusto kasi ng matanda na magkaayos na si Juancho at ang apo nito kaya umisip ito ng isang magandang plano. Tinawagan na rin niya kagabi pa ang mga kapatid ni Suzy at alam na ng mga ito na ngayong araw ang uwi nila.
Kanina pa siya palingon lingon sa side view mirror ng sasakyan dahil may itim na van ang sumusunod sa kanila. Alam niya na ang mga kapatid iyon ni Suzy kaya kampante lang siyang nagmaneho. Siguradong naghahanap lang ng tiyempo ang mga ito para maharang sila at madukot na si Suzy. Ang sabi sa kaniya ni lolo Impeng ay nasa isla Camito daw ngayon si Juancho at doon dadalahin ang apo nito.
Napansin niyang bumilis ang pagtakbo ng van nang makarating sila sa medyo tagong bahagi na lugar. Sinadya niyang doon dumaan para walang makakita sa gagawin ng mga kapatid ni Suzy na pagdukot dito.
“Shit!” malakas na napamura siya nang magsimula nang umarangkada ang van at unahan siya sa pagpapatakbo ng kotse. Kahit naman alam niyang parte lang iyon ng plano ni lolo Impeng ay hindi pa rin niya mapigilang mataranta lalo pa at hindi hamak na mas malaki ang sasakyan na humarang sa gitna ng kalsada.
“Thea!”
Parehong nanlaki ang mga mata nila ni Suzy nang makita ang pagbaba sa van ng apat na lalaki na may takip na bonnet ang mga mukha. Bigla siyang kinabahan sa nangyayari.
Apat? Bakit apat ang kailangang dumukot kay Suzy?
Natigilan siya ng biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kanila ang isang matangkad na lalaki. Hinila nito mula sa passenger seat ang pinsan niya. Nagsisigaw naman ang babae at nagmamakaawang tumingin sa kaniya.
“Sorry. Para sa`yo din ito Suzy.” Matipid na nginitian niya ito. Masaya siya para dito dahil alam niyang hindi matatapos ang araw na makakasama na nito ang lalaking pinakamamahal nito. Pero sa kabilang banda ay hindi niya maiwasan na makaramdam ng inggit dahil alam niyang lilipas ang maraming araw na wala pa rin magiging pagbabago sa kaniya. Palagi pa rin niyang maaalala si Miguel at ang masasayang mga oras na kasama niya ito.
Nang kunin na ng dalawang lalaki –na nasisiguro niya na ang dalawang pinsan niya—ang walang malay na si Suzy at isakay sa van ay bigla na lang umalis ang mga ito at iniwan pa ang dalawa kasama. Ang buong akala niya ay aalis na rin ang mga ito pero nagimbal siya at malakas na napasigaw nang buksan ng isa pang lalaki ang pinto sa driver side.
“Ano pang kailangan ninyo?”
“Sumama ka na lang sa amin at huwag mo na kaming pahirapan pa!” mabalasik ang tinig nito na para bang hindi siya nito papalampasin kapag sinubukan niyang lumaban.
Nanlaki ang mga mata niya nang hawakan siya nito sa braso at piliting hilahin palabas ng sasakyan. Dahil mas malakas ito sa kaniya ay nagawa siya nitong buhatin at ilipat sa backseat. Sinubukan niyang manlaban at gamitin ang nalalaman niya sa self defense pero wala na siyang nagawa pa nang takpan nito ng panyo ang ilong niya. Halos maduwal siya nang manuot sa ilong niya ang nakakasulasok na amoy ng panyo. Mahinang napaungol siya nang maramdaman ang biglang pag ikot ng paningin niya. Ilang saglit lang ay nawalan na siya ng malay.
*************************************************************************************
“Pakawalan ninyo ako!” halos mamaos na si Dorothea sa pagsigaw habang nagpupumiglas siya. Masakit na ang mga kamay at paa niya dahil sa mahigpit na pagkakatali sa kaniya. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nawalan ng malay dahil nang magising siya ay may piring na ang mga mata niya. Alam niyang nasa sasakyan pa rin siya hanggang ngayon. Naririnig niya ang tunog ng makina at ang pagyugyog ng sasakyan sa tuwing mapapadaan sila sa mababatong daanan.
“Tumigil ka na lang miss, mas lalo mo lang papahirapan ang sarili mo. At saka mahigpit na bilin sa amin ni sir na dalhin ka sa kaniya ng walang kahit anong galas kaya huwag mo nang pilitin pang kumawala sa pagkakatali sa`yo. Mapapagalitan kami ng kasama ko kapag nasugatan ka.”
“A-ano?” mas lalo siyang kinabahan. Sino ba ang boss na tinutukoy ng lalaking nagsalita? Kahit anong tapang niya ay hindi niya mapigilan na makaramdam ng matinding takot. Marami na siyang nababalitaan tungkol sa mga babaeng ginagahasa at pinapatay ng walang kalaban laban. Sa kalagayan niya ngayon ay hindi niya magagawang maipagtanggol ang sarili niya. Nakapiring na nga ang mga mata niya ay nakagapos pa siya. Sa ganoon na lang ba matatapos ang buhay niya?
Nakagat niya ang mga labi at nagsimulang manginig ang buong katawan sa takot. Nagsimula na siyang mataranta at muling nagpumiglas. Nanlambot siya ng hawakan siya ng mahigpit sa braso ng lalaking kumausap sa kaniya. Kahit hindi niya ito nakikita ay alam niyang kanina pa ito nasa tabi niya at binabantayan siya.
“S-sino ba kayo ha? Hindi ba ninyo alam na kakampi ako? Pinsan ko iyong dalawang lalaking kasama ninyo kanina!”
“Pasensiya na miss, napag utusan lang kami.”
“Anong utos? Sinong nag utos sa inyo?” nalilitong tanong niya. Tagaktak na ang pawis sa buong katawan niya at mas lalo pa siyang pinagpapawisan dahil sa takot na nararamdaman niya.
“Nandito na tayo.” Anang isa pang lalaki na nasisiguro niyang ang nagmamaneho ng kotse. Naramdaman niya ang paghimpil ng sasakyan at ang pagbukas ng pinto sa mismong side niya. Hindi niya nagawang pumalag ng maramdaman ang mainit na palad na humawak sa isang braso niya. Nasisiguro niya na hindi iyon kamay ng kung sino man sa dalawang lalaking kasama niya.
“Boss, aalis na kami,”
Narinig niyang sabi ng lalaking katabi niya. Wala siyang narinig na sagot mula sa kausap nito. Siguro ay ang taong nakahawak sa braso niya ang tinawag nitong boss.
“S-sino ka? Anong kailangan mo sa akin? Kung pera baka magawan ko pa ng paraan. Pakawalan na ninyo ako please? Siguradong nag aalala na ang pamilya ko.” Nagmamakaawang wika niya. Sa halip na sagutin siya ay naramdaman lang niya ang pagyuko nito para pangkuhin siya.
Shit! Ilang beses siyang napalunok nang tuluyan nang magdikit ang mga katawan nila. Base sa malapad na dibdib at balikat nito ay alam niyang lalaki ito. Bumilis ang paghinga niya nang manuot sa ilong niya ang natural na amoy ng lalaking bumuhat sa kaniya. Hindi siya maaaring magkamali ng hinala. Kilalang kilala niya ang amoy na iyon.
Hindi… panaginip lang ito! Hindi totoong kasama ko siya ngayon. Mabilis ang ginawa niyang pag iling para gisingin ang sarili sa kahibangan niya. Imposibleng si Miguel ang taong nagpadukot sa kaniya.
“Baby?”
Nanlamig ang buong katawan niya nang marinig ang pamilyar na boses ng binata. Maingat na iniupo siya nito sa malambot na kutson bago nito inalis ang piring sa mga mata niya. Bumaha ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya nang masilayan niya ang maamong mukha ni Miguel. Nakaluhod ito sa harap niya habang pinagmamasdan siya.
“Sinaktan ka ba nila? Bakit ka umiiyak?” buong pag aalalang tanong nito. Doon lang niya namalayan na wala palang tigil ang mga luha niya sa pagpatak na para bang hindi na iyon mauubos pa. Hindi niya magawang ikurap ang mga mata habang pinagmamasdan ang lalaki. Sa loob ng maraming taon na hindi niya ito nakita ay ngayon niya nasisiguro na walang kahit anong nagbago sa nararamdaman niya para dito. Si Miguel pa rin ang isinisigaw ng puso niya at kahit pilit na tinakpan niya ng galit ang pagmamahal niya dito ay hindi naman siya nagtagumpay na makalimutan ito.
“Pakawalan mo ako.” Malamig na sabi niya. Iniiwas niya ang mukha nang subukan nitong haplusin ang mga pisngi niya. Nag iwas siya ng tingin nang makita ang pagbalatay ng sakit sa mga mata nito.
“Sige, aalisin ko ang mga tali mo pero hindi ibig sabihin niyon ay matatakasan mo na ako. Ngayon pa lang sasabihin ko na sa`yo na nasa pinakadulong bayan tayo ng Mondemar. Mababait ang mga tao dito at masisiguro ko sa`yo na hinding hindi mo ako matatakasan dahil maraming magbabantay sa`yo.”
“Ano?!”
Tiningnan siya nito ng makahulugan.
“Hindi na ako magpapakaduwag ulit at nakahanda akong maghintay ng kahit gaano katagal para lang mapatawad mo na ako.”
Marahas na bumuntong hininga siya. Naikuyom niya ang mga kamay kaya mas lalo pang sumakit iyon. Hindi niya kayang ipaliwanag ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Pakiramdam niya ay unti unting nahahati sa dalawang bahagi ang puso niya at nadudurog ang bawat bahagi ng katawan niya.
“Masyado ka ng huli, Mondemar, hindi kita kayang patawarin.”
“Talaga bang ganiyan na katigas ang puso mo? Kahit ba mamatay ako sa harap mo ngayon, hindi mo pa rin ako magagawang patawarin?”
Pagak na natawa siya. “Mamatay ka muna, baka sakali ngang mapatawad pa kita.”
Naging malamlam ang mga mata ni Miguel at napayuko na lang na para bang may malalim na iniisip ito. Mayamaya ay tumango ito at malungkot na tumingin sa kaniya.
“Kompleto naman ang mga gamit dito sa kwarto mo kaya hindi ka basta maiinip. Kung sakaling kailangan mo ng kausap, nasa labas lang ako. O kung ayaw mo pa akong kausapin marami naman tao sa labas.” Kumilos na ito at tinanggal ang mga tali sa paa at kamay niya.
“Sa tingin mo gusto kitang makasama?” pasarkastikong tanong niya. Matipid na ngumiti lang ito at tumayo na. Sinundan niya ito ng tingin nang tumalikod na ito at magsimulang maglakad palabas ng silid niya. Pinihit nito ang seradura ng pinto pero hindi nito nagawang lumabas agad.
“Mahal kita,” anas nito. Gimbal na napatitig siya sa likod ng binata. Nagsikip ang dibdib niya sa narinig. “Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit naduwag akong harapin ka ulit at aminin sa`yo na nagkamali ako. Nabulag ako ng matinding takot pero hindi ibig sabihin ay nakalimutan ko nang mahalin ka. Dahil hanggang hindi tumitigil sa pagtibok ang puso ko ay paulit ulit ka lang isisigaw nito.”
Natutop niya ang mga labi at hinayaan ang sariling umiyak ng umiyak. Nang umalis na ang binata ay malakas na napahagulhol siya at niyakap ang sarili. Naantig ang puso niya sa mga sinabi ni Miguel pero sapat na ba iyon para mapatawad niya ito?
*************************************************************************************
Pagsapit ng alas siyete ng gabi ay nakaramdam na ng gutom si Dorothea. May mga damit pambabae siyang nakita sa isang malaking closet kaya naghalungkat na siya ng damit at mabilis na naligo. Dahil sa pagod at matagal na pag iyak ay matagal siyang nakatulog kanina. Kahit namumugto pa ang mga mata ay nagpasiya siya na lumabas na ng kwarto.
Katulad ng kwartong pinagdalahan sa kaniya ay yari din sa kahoy ang buong bahay. Hindi masasabing mayaman ang taong nakatira doon dahil simple lang ang mga gamit na nakita niya. Maliit lang ang bahay at magkadikit na ang sala at kusina. Malinis ang buong paligid at napansin niya ang mga nakahanay na picture frame sa tabi ng malaking TV. Nang marinig niya ang ingay sa kusina ay mabilis na napalingon siya doon. Natatakpan ng kurtina ang kalahati ng kusina kaya hindi niya magawang makita kung sino ang taong naroon.
Maingat ang mga hakbang na naglakad siya patungo sa kusina. Hinawi niya ang kurtina at nang makita ang isang matabang babae na nakatalikod at abala sa pagluluto ay nag aalangan na nagsalita siya.
“Magandang gabi po.”
Gulat na pumihit paharap sa kaniya ang may edad na babae. Sa tantiya niya ay mahigit singkwenta na ang edad nito. Medyo maputi na ang buhok nito at kung pagmamasdan ay medyo kahawig nito ang artistang si Nova Villa.
“Magandang gabi, ikaw ba si Dorothea?”
Maaaliwalas ang mukha ng matanda kaya mabilis naman na napalagay ang loob niya dito. Pinatay nito ang kalan bago muling humarap sa kaniya.
“Ako nga po,”
“Marami nang nakwento sa akin si Miguel tungkol sa`yo,”
“Po?”
Ngumiti ito. “Ako nga pala si Memay, nanay na lang ang itawag mo sa akin dahil iyon naman ang tawag sa akin ng mga anak ni don Federico.”
Hindi siya nagsalita at nalilitong tiningnan lang niya ang matanda. Nahalata siguro nito ang naging reaksiyon niya kaya hinawakan siya nito sa braso at marahang hinila paupo sa isang silya. Ito naman ay nagtungo sa may lababo at nagsimulang maglabas ng mga plato mula sa cabinet na katabi ng ref.
“Matagal akong nagtrabaho sa mga Mondemar kaya kilalang kilala ko na ang ugali ng mga anak nila don Federico at donya Leticia. Halos ako na ang nagpalaki sa mga batang iyon. Limang taon na ang nakalipas mula nang magresign ako sa trabaho ko. Malalaki na naman silang magkakapatid at gusto ko na rin kasing magpahinga. Nakatapos na rin kasi nang pag aaral ang nag iisang anak ko at nasa abroad na.”
“Mag isa lang po ba kayo dito?”
“Oo, matagal na akong biyuda. Kaya nga masaya ako na nagbakasyon dito sa Sta. Ynez si Miguel dahil kahit papaano ay may makakasama ako. Nabanggit nga pala sa akin ni Miguel ang tungkol sa problema ninyo, hindi pa ba kayo nagkakaayos?”
Natigilan siya at mayamaya ay nahihiyang umiling. Nakakaunawang tumango naman ito at muling nagsalita.
“Huwag mo naman sanang isipin na kinukusinti ko ang alaga ko sa ginawa niyang pagpadukot sa`yo. Nakita ko kasi na talagang desperado na si Miguel na mapatawad mo siya at siguro naisip niya na ito na lang ang tanging paraan para pumayag kang makasama siya.”
“Pero hindi po ganoon kadali iyon nanay, nakita ko po siyang kahalikan ang best friend niya at isa pa po nagawa rin niya akong pagdudahan ng dahil sa ginawa kong pakikipagsabwatan sa pinsan ko na akitin siya.”
Ipinaliwanag niya sa matanda ang nangyari at kung paano sila nauwi sa matinding pagtatalo ni Miguel. Sa halip na tumugon ay naupo ito sa katapat niyang silya saka inabot ang isang kamay niya.
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang nagiging desisyon natin. Nagkamali si Miguel pero hindi naman ibig sabihin niyon ay hindi mo na siya pwedeng patawarin. Kung nagawa mo lang sigurong aminin sa kaniya noon pa ang tungkol sa pakikipagsabwatan sa`yo ng pinsan mo ay baka hindi naman kayo umabot pa sa ganito.”
Naikurap niya ang mga mata at pinagsalikop ang mga palad. May punto ang sinabi ni nanay Memay. Kung hindi siya naglihim kay Miguel ay hindi naman siguro magiging malaki ang pagdududa nito sa kaniya. May kasalanan din naman siya pero hindi niya iyon magawang tanggapin noong una. Kinailangan pa na sa ibang taong manggaling ang bagay na iyon.
“Good evening.”
“Nandito ka na pala, Miguel, kumain ka na rin.”
Hindi niya magawang lumingon sa binata. Nakayuko lang siya at nakikiramdam sa paligid. Narinig niyang inalok ni Miguel ang matanda na sumabay na sa kanilang kumain pero tumanggi ito at nagpaalam na tatawid na muna sa kapitbahay para maglaro ng bingo.
Alam niyang gusto lang ng matanda na masolo siya ng binata at makapag usap sila nito ng maayos. Nang umalis na si nanay Memay ay wala pa rin siyang imik. Si Miguel na ang naglagay ng ulam at kanin sa plato niya. Nagsalin din ito ng juice sa baso niya. Kahit naiilang siya sa presensiya nito ay hindi pa rin niya mapigilan na lumambot ang puso niya sa ginawa nito.
“Salamat.” Mahinang sambit niya.
“Mamaya na lang ako kakain, alam ko naman na hindi mo gustong makasabay ako.”
Nagulat man ay hindi na niya nagawang pigilan pa ang lalaki nang tumalikod ito at maglakad patungo sa isang kwarto. Nasasaktang tumitig na lang siya sa pinto ng kwarto nito. Ang laki niyang tanga para isipin na siya lang ang nahirapan sa sitwasyon nilang dalawa. Inisip niya na siya lang ang biktima at halos isumpa na niya si Miguel dahil sa matinding galit niya dito. Pero hindi niya naisip agad na nasaktan din naman ito. Hindi lang pala siya ang biktima at wala siyang ideya kung gaano kasakit para dito ang mga nangyari noon.