Chapter THE DAY YOU WENT AWAY 24

Dahan dahang iminulat ni Dorothea ang mga mata nang masilaw siya sa sinag ng araw na tumatagos sa nakabukas na bintana. Umungol siya at kinapa ang ilalim ng unan para kunin ang cellphone niya. Nang maalala na naiwan nga pala niya iyon sa sasakyan kahapon at hostage nga pala siya ni Miguel ay muli na naman siyang umungol at nagpasiyang bumangon na.

Inunat niya ang mga braso at ilang beses na naghikab. Sa lahat yata nang ipinadukot ay siya lang ang nagawang makontento sa lugar na pinagdalahan sa kaniya. Tahimik kasi doon at mabait naman si nanay Memay. Naalala niya ang banta ni Miguel sa kaniya na hindi rin naman siya makakatakas dahil maraming nagbabantay sa kaniya.

Palibot pala sila ng mga bahay at ang lahat ng mga tao doon ay malaki ang utang na loob sa binata. Ayon kay nanay Memay ay madalas daw bumisita doon si Miguel kaya naging malapit na rin ang mga tao dito. Kahit sino man sa mga naroon ang mangailangan ng tulong ay hindi daw nabibigo kapag lumapit na kay Miguel. Kung ganoon na hawak ang mga ito ng lalaki ay wala na nga siyang kawala pa. Kailangan na siguro niyang makausap ng maayos ito para pakawalan na siya nito. Ayaw niyang mag alala pa sa kaniya ang pamilya niya.

Tumayo na siya at agad na nagsuklay. Inayos na muna niya ang kama niya at plano na sanang lumabas ng kwarto nang may marinig siyang kung anong ingay sa labas. Napakunot noo siya nang marinig ang tilian ng mga boses na parang kinikilig at ang malakas na tunog ng gitara. Nagmamadaling lumabas na siya at agad na nagtaka nang mapansin si nanay Memay na panay ang tawa habang nakadungaw sa bintana.

“`Nay?”

“Dorothea!” excited na tawag nito sa kaniya nang makita siya. “Mabuti naman at gising ka na, maagang manghaharana ngayon ang manliligaw mo.”

“Ano po?”

Tumawa lang ito at ininguso sa kaniya ang nangyayari sa labas ng bintana. Malaki ang bintanang yari sa kahoy at luma na ang istilo niyon na katulad ng napapanood niya sa mga lumang pelikula. Dala ng matinding kuryusidad kaya lumapit siya sa matanda at sumilip na rin sa labas. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita si Miguel na nakatayo sa labas habang hawak ang isang lumang gitara. Ito pala ang pinagkakaguluhan ng mga babae.

“Tinanong niya kasi ako kung paano ba sinusuyo ang mga babae noon, sinabi ko sa kaniya na noong araw ay dinaan ako sa harana ng asawa ko.” Kinikilig na wika ni nanay Memay sa kaniya. Nakaawang ang mga labi na tumitig siya kay Miguel. Kahit simpleng cargo shorts at t-shirt lang naman ang suot nito ay lutang na lutang pa rin ang kagwapuhan nito. Kahit nga siguro pagsuutin ito ng butas-butas na damit ay makakaya pa rin nito iyong dalahin.

Habang tumitipa ang mga daliri sa gitara ay napansin niyang nakatitig ito sa kaniya. Hindi niya na nagawang alisin ang mga mata dito dahil parang bigla siyang hinihigop ng matinding mahika ng mga sandaling iyon. Nakakalunod ang epekto ng mga titig ni Miguel at pakiramdam niya ay parang ayaw na niyang umahon pa. Nagsimula itong kumanta kaya lalong nagtilian ang mga nanonood dito.

Huli na nang mamalayan niya na umiiyak na pala siya. Lutang na lutang siya sa dami ng mga emosyon na nararamdaman niya ngayon. Oo nga at wala sa tono ang pagkanta ni Miguel pero hindi iyon nakabawas sa tuwang nararamdaman niya ngayon. Sa dami rin ng mga sikat na kanta ngayon ay ang paborito pa niyang kanta ang pinili nito kaya mas lalong lumambot ang puso niya. Sa ginawa nito ay alam niyang unti unti nang nababawasan ang galit niya sa binata.

“Give your all to me, I’ll give my all to you, you’re my end and my beginning. Even when I’m lose I’m winning. Cause I give you all of me, and you give me all of you…”

Parang gusto nang sumabog ng malakas ng dibdib niya nang matapos na itong kumanta. Ibinigay nito sa isang katabing lalaki at naglakad patungo sa direksiyon niya. Habang lumiliit ang agwat sa pagitan nilang dalawa ay unti unti namang nauubusan ng hangin ang katawan niya. Hindi na siya makagalaw dahil tuluyan na siyang nahipnotismo ng mga mata ni Miguel.

“Good morning, baby,” bati nito sa kaniya. Nakakawala ng katinuan ang malambing na tinig nito. Kung ganoon siguro palagi ang gagawin nito tuwing umaga ay baka tuluyan na niya itong mapatawad.

“Masarap ba ang tulog mo kagabi?”

“A-anong nangyari sa`yo?” nahigit niya ang paghinga nang mapansin ang namumulang pantal sa mga braso nito.

“Magdamag tayong walang kuryente kagabi. Hindi mo na siguro namalayan dahil sa matinding pagod mo. Natakot si Miguel na papakin ka ng mga lamok kaya magdamag ka niyang pinaypayan.” Singit naman ni nanay Memay.

Hindi na niya pinansin pa ang matanda at kahit ang magandang mga bulaklak na inabot sa kaniya ni Miguel ay saglit na tinapunan lang niya ng tingin. Kahit may bintanang nakaharang sa pagitan nilang dalawa ay hindi siya nagdalawang isip na abutin ito at halikan ng mariin sa mga labi.

Oh Miguel! Bakit ba napakabilis lang sa akin na patawarin ka?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.