Pagdating ng hapon ay bigla na lang nawala si Miguel. Ang sabi ni nanay Memay sa kaniya ay baka bumisita daw sa ibang kapitbahay ang binata para makipag inuman. Madalas naman daw kasing kasama nito ang mga kalalakihan doon para makipagkwentuhan. Nanghihinayang man ay hindi na lang umimik pa si Dorothea.
Kung siya ang tatanungin ay mas gusto pa niyang nandoon lang si Miguel para makapag usap na sila. Hindi na kasi siya nakahanap ng tiyempo kanina na kausapin ito dahil pinagkaguluhan siya ng mga kapitbahay ng matanda ng malaman ng mga ito na commercial model siya. Hindi na tuloy sila nagkaroon pa ng pagkakataon ng lalaki na pag usapan ang tungkol sa kanila. Pero naisip niya na mas mabuti na rin siguro na wala na muna ito dahil hindi pa niya alam kung ano ang sasabihin niya dito pagkatapos niya itong halikan kanina sa harap ng maraming tao.
“Magmeryenda ka na muna, Thea, mamaya lang ay siguradong nandito na si Miguel. Alam ko naman na gusto mo siyang makausap.” Nangingiting sabi ng matanda sa kaniya. Awtomatikong namula ang mga pisngi niya at nag iwas ng tingin dito. “Huwag ka nang mahiya, babae din ako at alam ko na hindi mo gagawin ang ginawa mo kanina kung galit ka pa rin sa kaniya. Masaya ako para sa inyo, anak. Masaya din ako dahil siguradong matutupad na ang pangako ni Miguel na iimbitahan niya kami lahat sa kasal ninyo.”
“Nanay naman ‘eh!” nahihiyang saway niya dito. Natawa si nanay Memay at muling itinuloy ang pagsasalin ng ginataang saging sa mangkok. Naupo na siya at nagpasalamat nang ilapag nito sa mesa ang umuusok na pagkain.
“Nanay! Nanay!”
“Ano bang ingay iyon?”
Napatayo siya nang humahangos na pumasok sa kusina ang binatilyong si Erik na pamangkin ni nanay Memay. Nagmamadaling inabutan naman niya ito ng isang basong tubig nang mapansin na kinakapos na ito ng paghinga.
“Ano ba ang nangyari at daig mo pa ang hinabol ng sampung aso, ha?”
“Si kuya Miguel, natuklaw ng ahas!”
“Ano?!” magkasabay na sigaw nila ng matanda.
“Diyos ko, anong nangyari? Nasaan ang kuya Miguel mo?”
Parang may higanteng bato ang biglang dumagan sa dibdib niya at hindi na siya makahinga ng maayos. Pinisil niya ang nanginginig na mga kamay. Kung hindi siguro niya gagawin iyon ay baka bigla na lang siyang mawalan ng malay at humandusay sa sahig.
“Kasama po siya nila tatay, pakihanda na lang po ang kwarto niya. Tinawag na rin po namin si Mang Noel para matingnan si kuya Miguel.”
B-bakit hindi po natin siya dalhin sa ospital para maturukan siya ng gamot?” nagsisikip ang dibdib na tanong niya sa matanda.
“Malayo tayo sa bayan, Thea. Mas mabuti nang malapatan agad ng gamot dito si Miguel bago pa kumalat ang kamandag sa dugo niya. Huwag kang mag alala, hindi lang ito ang unang beses na nangyari ito at magaling na manggagamot si Noel. Siya talaga ang nilalapitan namin sa mga ganitong sitwasyon.”
Wala na siyang nagawa pa nang kumilos na ang mga ito para ihanda daw ang mga gagamitin ng albularyo. Nanatili lang siyang nakatulala hanggang sa marinig niya ang ingay mula sa labas. Patakbong lumabas siya at nagsimula nang humikbi nang makita ang ama ni Erik. Pasan nito sa likod si Miguel na halatang hinang hina na.
“Miguel!” umiiyak na sumunod na siya sa loob nang ipasok na ng matandang lalaki si Miguel sa kwarto. Maingat na inihiga nito sa kama ang umuungol na binata. Mayamaya pa ay dumating na ang manggagamot.
“Sige na, Thea, lumabas ka na muna, tatawagin na lang kita kapag natapos na kami sa ginagawa.”
“P-pero…”
“Iyon na lang muna ang magagawa mo sa ngayon.”
Napipilitan siyang tumango at lumabas na ng kwarto. Parang wala sa sarili na naglakad siya at nagtungo sa sala. Matagal lang siyang nakaupo sa sofa habang nakikiramdam sa nangyayari sa paligid. Sa tuwing sumisigaw at umuungol si Miguel ay parang gusto na niyang sumugod sa kwarto nito at yakapin ito hanggang sa mawala na ang nararamdaman nitong sakit. Kung pwede nga lang ay ilipat na lang sa kaniya kahit kalahati man lang ng sakit na nagpapahirap dito.
Ipinikit niya ang mga mata at taimtim na nagdasal. Nang marinig niyang bumukas ang pinto ay agad na nagmulat siya. Nakita niya si Eric na pawisan at halatang pagod na pagod pa. Lupaypay na lumapit ito sa kaniya at naupo sa tabi niya.
“Okay na ba si Miguel?” mahinang tanong niya.
“Medyo, huwag ka na pong mag alala ate Thea, magaling naman po ang gumagamot kay kuya Miguel. Marami na sa amin dito ang nakagat ng ahas at napagaling ni mang Noel.
Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi niya. “Saan ba kasi kayo nagpunta?”
“Nagpunta po kami malapit sa may ilog kasi may magagandang mga bulaklak doon. Gusto daw kasi ni kuya Miguel na makita ka ulit ngumiti kaya nang sabihin ko sa kaniya na maraming magagandang bulaklak doon ay nagpasama siya sa akin.”
“G-gago talaga iyon.” Humihikbang turan niya. Hindi niya pinansin ang mahinang pagtawa ni Erik. Nakita niya ang paglabas nila nanay Mela at ng matandang albularyo kaya mabilis na tumayo na siya at lumapit sa mga ito.
“Maayos na siya, naagapan naman agad ni Noel kaya hindi tuluyang kumalat ang kamandag sa katawan ni Miguel. Pwede mo na siyang puntahan, kanina ka pa niya hinahanap.”
Nagpasalamat siya at pumasok na sa loob ng kwarto ni Miguel. Nakita niya na may nakatapal na halamang gamot sa kaliwang binti nito kung saan ito natuklaw ng ahas. Maputla pa rin ito at halos naliligo na sa sariling pawis. Nadurog ang puso niya nang makita ang paghihirap sa buong mukha nito.
“Thea…” ungol nito. Pinunasan niya ang mga luha at lumapit dito. Naupo siya sa gilid ng kama at hinawakan ang kamay ng binata.
“Nandito lang ako, Miguel, hindi ako aalis.” Pinigilan niya ang pumiyok nang magsalita siya. Nanatiling nakapikit ang binata habang pabiling biling ang ulo nito. Tuluyan na siyang napahagulhol at yumuko para yakapin ito ng mahigpit. Alam niyang nagdedeliryo pa rin ito hanggang ngayon at wala man lang siyang magawa para dito. Naipikit niya ang mga mata nang rumehistro sa balat niya ang matinding init na nagmumula sa katawan nito. Mataas pa rin ang lagnat nito hanggang ngayon.
Nahiga siya sa kama at isinandal ang ulo nito sa dibdib niya. Nagsumiksik naman ito sa katawan niya na para bang umaamot ito ng init at pagkalinga mula sa kaniya. Masuyong hinagod niya ang likod nito para maging komportable na ito.
“I love you, hindi ka na galit sa akin `di ba?” mahinang anas ni Miguel.
“Sshh…” masuyong hinalikan niya ang noo nito. “Hindi na ako galit sa`yo, magpahinga ka na. Kapag gumaling ka na mag uusap tayo agad. Aayusin natin ito, ha? Basta magpagaling ka muna.”
Tumango ito at muling nagsumiksik sa dibdib niya. Nabawasan na ang panginginig ng katawan nito at mayamaya pa ay natahimik na ito. Alam niyang nakatulog na ito sa mga bisig niya pero hindi niya pa rin ito magawang bitiwan. Matinding trauma ang inabot niya kanina kaya kahit siguro mawala lang ng isang segundo sa paningin niya si Miguel ay matataranta na siya ng sobra.
“I love you,” buong pagmamahal na sambit niya habang pinapadaanan ng mga daliri niya ang dulo ng matangos na ilong ng binata. Isang mahinang ungol lang ang naging tugon nito sa kaniya.