Chapter 56

(Ayesha)

MALI ba na nainis at sumama ang loob ko kay Cain? Sa loob ng tatlong araw mula nang makabalik kami ulit ni mama sa Tala palagi nang laman ng isip ko ang nangyari. Alam ko na nag-aalala lang siya para sa akin. Kahit naman ako, ayoko na ulit maranasan ang nangyari sa akin. Lalo na sa kamay ng mga lalaking pisikal akong sinaktan at pinagtangkaan pa akong halayin bago pagkaperahan. Kahit nagsisikap akong maging matapang, may mga sandali pa rin na bumabalik sa akin ang mga nangyari. Kagabi lang, napanaginipan ko ‘yon.

Kaya hindi naman sa hindi ko naiintindihan kung bakit napagtaasan ako ng boses ni Cain. Ayoko lang talaga na wala akong maitulong sa kanila. Ayoko lang ng feeling na napaka-worthless at powerless ko. Why do they treat me like I’m special when I can’t do anything?

Malalim akong bumuntong hininga.

“Ang lalim naman ‘non,” puna ni Raye.

Kumurap ako at sumulyap sa matalik kong kaibigan na katabi kong nakaupo sa bench sa ilalim ng isa sa mga puno sa loob ng campus. Dapat ecology class namin sa mga oras na ‘yon pero wala si sir Angus at nagbigay lang ng assignment sabi ng isang professor na nagtungo sa classroom namin kanina. Dismayadong dismayado ang lahat ng mga babaeng estudyante at nagtanong kung bakit absent si sir. Hindi daw alam ng professor pero ako alam ko.

Napabuntong hininga ako ulit.

“Hay naku, kumain na lang kaya tayo sa cafeteria? Mahahawa ako sa gloomy mood mo eh. Ayaw mo naman sabihin sa akin kung ano ang pinoproblema mo. Bestfriend mo lang naman po ako, baka lang nakakalimutan mo Ayesha.”

Nakonsiyensiya naman ako sa parinig ni Raye. Kaso hindi ko naman alam kung paano ipapaliwanag sa kaniya ang lahat. Alam ko na kahit mahirap paniwalaan ang tungkol sa pamilya ko at sa pamilya Alpuerto, kung sa akin manggagaling sigurado na maniniwala siya.

Pero hindi ko pa rin masabi sa kaniya. Siguro dahil ayokong magulo ang normal na pagtingin niya sa mundo. Siguro dahil sa kasalukuyang sitwasyon ko, si Raye lang ang pinanghahawakan ko sa normal na buhay.

Huminga ako ng malalim, kinalma ang sarili at nakangiting ginagap ang mga kamay niya. “Salamat sa pag-aalala mo. Alam ko na bestfriend kita. Huwag kang mag-alala, okay ako. Kapag talagang hindi ko na kaya, pangako ikaw ang una kong sasabihan.”

Pinakatitigan ako ni Raye. Maya-maya bumuga siya ng hangin at pinisil ang mga kamay ko. “Tara na nga. Kumain na lang tayo.”

Napangiti na ako at nagpahatak sa kaniya patayo.

SA CAFETERIA, napansin agad namin ang isang kakaiba at nakakagulat na eksena. Hindi nagsisigawan sa palakasan ng boses ang mga estudyanteng nakatambay doon. Katunayan ang mga babaeng estudyante ay parang nagkukunwari lang na nag-uusap kasi mahihina ang mga boses at sa iba nakatingin.

Siniko ako ni Raye. “Tingnan mo, Ayesha,” bulong niya sa akin at itinuro ang tinitingnan ng mga estudyante.

Nakita ko si Chance na nakaupo sa isang lamesa kasama ang librarian namin na si miss Roxette. Tahimik at mukhang masungit as usual si Chance. Pero mukhang balewala sa librarian namin ang facial expression niya. Nakangiti pa nga si miss Roxette habang inilalagay sa harap niya ang mga pagkain.

“Bakit kaya sila magkasama? Weird,” puna ni Raye.

Hindi ako sumagot at napatingin lang sa dalawa. Daldal ng daldal ang librarian samantalang si Chance kahit hindi nagsasalita titig naman na titig sa mukha ng kaharap. Katulad ng pagtitig niya noong nahuli ko siya sa library.

Hindi kaya may gusto si Chance kay miss Roxette? Na-love at first sight ba siya noong ipinakilala ko sa kaniya ang librarian namin? Pero sa personalidad niya, posible ba siya ma-love at first sight? Sa tingin ko masyado siyang mapagduda sa kapwa para sa ganoon ka-romantikong nosyon.

Napaatras ako at napakurap nang mapalingon sa amin si miss Roxette. Ngumiti siya, mukhang natuwa na makita kami at masigla pa kaming kinawayan para lumapit sa lamesa nila. Nagkatinginan kami ni Raye.

“Baka makaistorbo tayo sa kanila kaya huwag na tayo pumunta ha?” bulong ko.

“Ano ka ba? Mapapahiya naman si ma’am kung hindi tayo lalapit e tinatawag niya tayo,” katwiran naman ni Raye.

May punto siya kaya lihim na lang ako napabuntong hininga at saka naglakad palapit sa lamesa ng dalawa. Alanganin kong nginitian si miss Roxette. Saka sinulyapan si Chance. Akala ko galit o iritasyon na naman ang makikita ko sa mukha niya katulad noong naistorbo ko siya sa library. Kaya nagulat ako nang magtama ang mga paningin namin. Nakita ko kasi ang kislap ng relief sa mga mata niya. Hinatak pa ang silya sa tabi niya. “Dito na kayo kumain, Ayesha.”

“Ah…” Sinulyapan ko ulit si miss Roxette na ngumiti naman at tumango. Si Raye kumilos na at umupo sa tabi ng librarian namin. Kaya umupo na rin ako sa tabi ni Chance.

“Bakit magkasama kayong dalawa ma’am?” kaswal na tanong ng kaibigan ko.

“Ah. Tinulungan kasi niya ako magligpit ng mga librong naiwan sa mga lamesa sa library. Nagdesisyon akong ilibre siya bilang pasasalamat,” sagot ni miss Roxette. “Wala rin ba kayong klase sa oras na ito?”

“Wala po. Ecology dapat ang klase namin ngayon kaso wala si sir Angus. Absent,” sabi ni Raye na exaggerated pang bumuntong hininga.

“Ah, si sir Angus pala ang professor niyo,” komento ni miss Roxette. Bigla parang may iniisip siya. Inayos niya ang suot na salamin sa mga mata at biglang tumingin kay Chance. “Magkamag-anak ba kayo ‘non? Magkahawig kasi kayo.”

Kumabog ang dibdib ko at napatingin ako kay Chance na naging tensiyonado pero hindi sumagot.

“Magkahawig ba sila?” kunot noong tanong ni Raye. “Hindi naman. Mas guwapo si sir Angus.” Sabay tawa.

Naipagpasalamat ko na taklesa ang kaibigan ko. Nawala kasi ang atensiyon ni miss Roxette sa orihinal niyang tanong. Naramdaman ko ring unti-unting na-relax si Chance.

“Marami nga ang may gusto kay sir Angus. Hindi nakapagtataka.”

“Baka may gusto ka rin sa kaniya ma’am ha?” biro ni Raye.

Tumawa ang librarian at umiling. “Iyong karisma niya sa mga babae sa paligid niya, may naalala lang ako.”

“Sino? Uyyy… ex-boyfriend mo ma’am?”

Naging masuyo ang ngiti ni miss Roxette pero umiling. Pagkatapos parang nahihiyang humiling kay Raye at bumulong. Narinig ko naman. “First love ko. Kaklase ko noong high school ako.”

“Anong hitsura niya? May picture ka ma’am?” sabik na tanong ni Raye na hyper talaga pagdating sa usaping pag-ibig.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.