(Ayesha)
Namula si miss Roxette at sandaling sinulyapan si Chance bago binawi ulit ang tingin. “Wala na akong hawak na picture niya. Wala na rin akong balita sa kaniya. Isang group picture lang ang mayroon ako kasama siya pero nawala pa. Ang alam ko na-i-post ko ‘yon sa personal blog ko noong high school ako pero nalimutan ko na kung paano ia-access kaya hindi ko na nabubuksan.” May dumaang panghihinayang at pangungulila sa mga mata niya, sandaling natulala sa kawalan bago huminga ng malalim at tipid na nginitian si Raye. “Kaya iyang pagkakagusto mo, kahit sino pa iyan, i-enjoy mo. That feeling of happiness and kilig, treasure it. Kasi habang tumatanda ka, pahirap ng pahirap makaramdam ng ganiyan. Pahirap ng pahirap humanap ng tao na magpaparamdam sa iyo ng ganiyan.”
Masyadong tahimik si Chance. Sinulyapan ko siya. Nakatutok sa lamesa ang tingin niya pero nagulat ako nang makita ang sakit at pangungulila sa mga mata niya.
Blog. First love. Group picture.
Namilog ang mga mata ko at muling napatingin kay miss Roxette. Pinakatitigan ko siya, hinanap sa mukha niya ang imahe ng mahiyaing teenager sa larawan na nakita ko sa isang personal blog. Ang larawan kung nasaan si Chance.
Ngayon ko lang narealize kung bakit palaging nasa library ang lalaki. O kung bakit nahuli ko siyang nakamasid kay miss Roxette. O kung bakit ganoon ang reaksiyon niya noong unang beses na nakita niya ang librarian.
Silang dalawa ang pareha sa lumang larawan. Si Chance ang first love ni miss Roxette. At mukhang mutual ang feelings nila. Pero bakit parang hindi nakikilala ng babae si Chance ngayon?
Of course. Dahil ang alam ni miss Roxette, ang Chance na kilala niya dapat kaedad lang niya ngayon.
Sinulyapan ko ulit si Chance na kaedad ko lang ngayon ang hitsura. Tiyempo naman na tumingin din siya sa akin. Nang magtagpo ang mga paningin namin nasiguro ko na alam niyang alam ko na ang koneksiyon nila ng librarian.
HINDI kami nag-usap ni Chance pero pagkatapos ng lahat ng klase ko naabutan ko siyang naghihintay sa labas ng classroom ko. Hindi ko alam kung bakit pero hindi ako nagulat. Mas nagulat pa ang mga kaklase ko, lalo na si Raye. Mabuti na lang hindi na nagtanong ang kaibigan ko at pumayag na lang na sumama ako kay Chance.
Umupo kami sa isang bench sa bahagi ng campus. Matagal na magkatabi lang kaming nakaupo doon, hindi nag-uusap. Ako ang bumasag sa katahimikan. “Wala ka bang balak sabihin sa kaniya na magkakilala kayo?”
Nanatiling nakatitig sa malayo si Chance, seryoso ang mukha. “No. She will freak out.”
“Hindi ka nakakasiguro. Sa tingin ko matatanggap ni miss Roxette ang totoo.”
Tumingin siya sa akin. May pait ang mga mata niya. “It will not make any difference, Ayesha. Walong taon ang nakararaan, noong magkaklase kami, mukha lang kaming magka-edad. She was fifteen but that truth was that I was twenty then. At ngayon, mukha akong eighteen at siya twenty three. At sa paglipas ng mga taon, palayo ng palayo ang magiging agwat ng edad namin. Sa tingin mo makakabuti sa kaniya na malaman ang tungkol sa akin?”
Hindi ako nakapagsalita. May kumurot sa puso ko at uminit ang mga mata ko. Mukhang nakita niya ang pamamasa ng mga mata ko kaya umiwas siya ng tingin at marahas na bumuntong hininga. “This is why I told you I am cursed. Itong mayroon ako, hindi biyaya mula sa isang diyosa. Wala na akong magagawa kung sa tingin ng buong pamilya ko, regalo ang mayroon ang bloodline namin. Walang mabuting naidulot sa akin ang sumpa na ito.”
“Siguro naman mayroon kahit papaano. Huwag kang mag-isip na isinumpa ka.”
Tumingin siya ulit sa akin, marahas ang mga mata. “Wala. Alam mo ba na mula nang malaman nila kung ano ang kakayahan ko, pinag-eksperementuhan ako ng sarili kong ina para lang malaman kung ano ang sikreto sa mabagal na pagtanda? Na nanood at hinayaan lang ng aking ama at lolo ang ginagawa sa akin? Do you know how painful and humiliating it is for me to be treated not as a son but just a laboratory experiment? To be caged like a guinea pig?”
Napanganga ako sa mga sinabi niya. At nang makita ko sa mukha niya na nagsasabi siya ng totoo ay parang nilamutak ang puso ko. Nagkaroon ako ng matinding udyok na yakapin siya pero alam ko na hindi kami ganoon ka-close para doon. Kaya nakuntento ako sa pagkapit sa braso niya. “Paano nila…” gumaralgal ang boses ko at naramdaman kong tumulo ang luha ko.
Nawala ang balasik sa mukha niya. Huminga siya ng malalim at marahang pinalis ng likod ng palad niya ang luha sa pisngi ko. “Don’t cry for me. Mas baboy pa ang ginawa nila kay Angus. Mas kaya ko i-tolerate ang paggalaw ng doktor sa katawan ko kaysa sa naranasan ng kapatid ko.”
Naalala ko ang galit sa boses ni sir Angus noong nagkasagutan sila ni Cain. Nanlamig ako. “A-ano ang ginawa nila sa kaniya?”
Tinitigan ako ni Chance bago umiling. “Hindi ko pwedeng sabihin sa iyo. Hindi niya gugustuhing malaman mo. He’s acting like your protector, you see? Sigurado ako na gusto niya maganda ang maging tingin mo sa kaniya.”
“Umaakto siyang ganoon kasi first love niya si mama.”
Tipid na umangat ang gilid ng mga labi ni Chance. “Hindi lang ‘yon ang dahilan.” Marahan niyang inalis ang mga kamay ko sa braso niya saka tumayo. “Malaki ang naging papel ng existence mo kaya nakaya niyang tagalan ang mga nangyari sa buhay niya, Ayesha. Just the thought of you, even before he met you, made him stronger.”
Napatitig ako sa mukha niya. Lalo na sa ngiting ‘yon sa mga labi niya. “Bakit bumait ka sa akin?” nasabi ko bago ko pa mapigilan ang sarili ko.
Hindi agad sumagot si Chance pero hindi rin nagbago ang ekspresyon niya. “Because you’re not as weak and dependent as I first thought. At dahil alam ko na sinsero ka sa pagkilala sa aming lahat. Na hindi mo kami hinuhusgahan o kinatatakutan kahit nakikilala mo na kami. Na nakikita kong totoo sa puso mo ang pagtanggap sa amin. We badly needed someone like you, Ayesha.”
May bumikig sa lalamunan ko. “Pero helpless ako. Walang maitulong sa inyo.”
Umiling si Chance. “Someone strong and powerful is trying to overthrow our family. Kahit sina Cain, mahihirapan kalabanin kung sino man siya. You don’t have to be hard on yourself. It is meant to happen anyway.”
Natigilan ako. “A-anong ibig mong sabihin?”