(Ayesha)
Namulsa siya. “Sa nakaraang mga taon, habang mabilis na nagbabago at tumatanda ang mga taong nakakakilala sa akin, kinailangan kong lumayo sa paningin ng lahat dahil kung hindi may makakahalata na mabagal ang pagtanda ko. Minsan kapag naiinip ako pumapasok ako sa school kung saan walang nakakakilala sa akin gamit ang ibang pangalan. Ilang beses na ako pumasok ng high school. Sa huling beses na pagpasok ko… nakilala ko si Roxette.” Sandali siyang natahimik. Naaalala siguro ang nakaraan. Nang mukhang nakalma niya ang sarili tumingin siya ulit sa akin. “Anyway, kapag nakakulong ako at nagtatago sa mga tao, inuubos ko ang oras ko sa isang library sa lumang Alpuerto mansion. Doon nakatago ang mga kasulatan mula pa noong unang panahon. Matatawag na journal ang mga ‘yon ng pamilya mula pa noong unang natutong sumulat ng mga simbulo ang mga ninuno namin. Sa mga kasulatan na ‘yon, naintindihan ko ang isang bagay. Hindi dapat nag-e-exist sa mundo ang pamilya namin.”
Kumurap ako. Natigilan. Kinabahan. “Anong ibig mong sabihin?”
“We are an anomaly in this normal world. Ang mga taglay naming kakayahan, mga diyos at diyosa lang ang dapat mayroon. Milyong taon ang nakararaan, maraming mortal ang may taglay na kapangyarihan. Pero dahil doon nagkaroon ng isang matinding kaguluhan sa bayang ito. Mga diyos laban sa mga nilalang ng kadiliman na hindi nagustuhang may mga nakatira sa lupa na may kapangyarihan. May kasunduan daw ang mga diyos at ang mga nilalang na ‘yon na neutral ground dapat ang lupa. But they were threatened by humans who have powers. Kaya nagkagulo.
“Pagkatapos ng kaguluhan na ‘yon, nagdesisyon si Bathala na alisan ng kapangyarihan ang mga tao. Pinagbawal na rin na direktang makipagkita ang kahit na sinong diyos o diyosa sa mga mortal. Para mapanatili ang kapayapaan sa lupa at para hindi na manggulo ulit ang mga nilalang ng kadiliman, umalis sa lupa ang mga diyos at piniling huwag na makielam sa mga mortal hangga’t maaari. Pero libo-libong taon pagkatapos ‘non, bumaba ang isang diyosa at nanirahan sa kalupaan. Nakilala niya ang ninuno namin at dahil umibig siya sa mortal na isang malaking kasalanan, binigyan niya kami ng kapangyarihan. We were never meant to exist. Pero narito kami ngayon, dahil sa isang bulag at bawat na pag-ibig.
“Our bloodline will surely bring chaos in this land if we remain here. Panira kami sa kasunduang pangkapayapaan ng dalawang makapangyarihang pwersa. May pahaging na mga talata sa mga sinulat ng mga ninuno namin na may nararamdaman na silang signs na hindi sila dapat nagtataglay ng kapangyarihan. Na balang araw, kailangang mawala sa mundo ng pamilya namin. Na maging alerto ang mga susunod na henerasyon sa pangitain ng katapusan. Lumabas ang pangitain sa henerasyon ng magulang ko. At mayroon din sa henerasyon namin. Kaya sigurado ako na kami na ang huli.”
Ilang segundo ang kinailangan ko para unawaing maigi ang mga sinabi niya. Para lang siyang nagkukuwento ng isang kathang isip na kuwento na nabasa niya. Pero alam ko rin na kung galing ang mga ‘yon sa diary ng mga naging Alpuerto, totoo ang mga ‘yon.
Lumunok ako. “Anong pangitain ang sinasabi mo?”
Sinalubong ni Chance ng tingin ang mga mata ko. “Ang nanay mo ang unang moon bride na tumakbo palayo sa pamilya. Alam mo kung bakit? Dahil simula pa noong unang panahon, lahat ng moon bride, umiibig sa nakatakdang maging clan leader ng mga Alpuerto. It’s as if they were all born to love each other. Pero sa panahon ng mama mo… nahulog ang loob niya sa iba. Na para bang may nangyayaring preparasyon para sa kung ano. And then you were born. Alam mo rin ba na ikaw lang ang nag-iisang moon bride na ipinanganak na pula ang buwan?”
Kumabog ang dibdib ko at nanlamig ako. Natahimik kami pareho.
“Kuya Chance!”
Kumurap ako at sabay kaming napalingon. Nakita ko ang teenager na babaeng kasama ng mga magulang ni Chance noong kaarawan ng tita nila.
“Agnes.”
Humangos palapit ang babae. Namumutla at pawisan. Bakas ang takot sa mukha.
Naalerto si Chance. “Anong problema? Anong ginagawa mo dito sa campus?” tanong niya.
“Tumawag si tita Corazon. Si lolo Ingracio daw… tinakbo sa ospital dahil nag-collapse siya.”
Napatayo ako sa labis na pagkagulat.
“What? Bakit siya nag-collapse?” tanong ni Chance.
Namasa ang mga mata ni Agnes. “Si tiyo Demetrio kasi…”
“Si papa? Anong nangyari sa kaniya?”
“Sinibak siya sa trabaho at inaresto dahil kinasuhan siya ng Graft charges. Magkakasama sila nang arestuhin si tiyo. Tumaas ang presyon. Kuya Chance, alam kong mahigpit nilang sinabi na manatili tayo dito pero hindi ako mapakali. Puntahan natin si lolo, please?”
“Okay. Let’s go,” determinadong sagot ni Chance na inakbayan si Agnes.
“Sasama ako,” mabilis na sabi ko.
Napalingon sila sa akin. “Hindi papayag ang mama mo. At si Cain, magagalit siya,” sabi ni Chance.
“Pero ayokong manatili dito na hindi alam kung ano ang nangyayari. Please.”
Tinitigan ako ni Chance saka bumuntong hininga. “Fine. Let’s go.”
Hindi ako nagdalawang isip na tumango at kumilos.