Chapter 59

(Cain)

PARA akong nasa loob ng bangungot sa nakaraang mga araw. Gusto kong tumakbo pero hindi pwede. Mayroon akong responsibilidad sa pamilya ko na kailangan kong gawin. Umaasa sila sa akin. Kaya kahit pa biglang sumulpot si Ambrosio Alpuerto, ang biological father ko na hindi ko matandaan at nakita ko lang sandali sa alaala ni Rebecca, kinailangan kong siguruhin na hindi mawawala ang kontrol ko sa emosyon ko. Mahigpit kong pinanghawakan ang talas ng isip ko kahit na hindi niya ako binalingan man lang sa araw na ‘yon sa conference room – nang ibagsak niya ang bombang dala niya. Na siya ang nasa likod ng pagbili sa mga stocks sa lahat ng negosyo ng pamilya. Na siya na ngayon ang may hawak sa Alpuerto Group Of Companies.

Pagkatapos, habang tahimik at parang hindi humihinga sa pagkamangha ang mga tao roon, para siyang bagyong dumating at mabilis ding umalis.

Tatlong araw na mula nang mangyari ‘yon. Pero hindi pa ako nakakahinga man lang para damdamin na mukhang hindi niya napansin na naroon ang anak niya. Wala rin akong oras para magtanong kung bakit niya ako iniwan gayong buhay naman pala siya. O kung nasaan ang aking ina.

Ang alam ko lang, hindi ko nakita sa mukha niya ngayon ang ngiti at kislap ng saya sa mga mata ng mas batang Ambrosio sa alaala ni Rebecca. They even look like two different persons.

Bakit siya nagbago? Bakit ngayon lang siya nagbalik makalipas ang halos dalawang dekada? At bakit parang matindi ang kagustuhan niyang pabagsakin ang pamilya Alpuerto?

Hindi lang pag-agaw sa pamumuno sa mga negosyo ng pamilya ang nangyari sa nakaraang mga araw. Sa kung anong dahilan wala ring inatupag ang media kung hindi ang sundan kami at hukayin ang lahat ng balitang may kinalaman sa amin. Simula pa noong unang panahon, nanatili sa anino ng mga kilalang tao ang pamilya namin. Oo at ang gusto ni papa Gregorio ay unti-unting makilala ang pamilya. Kaya nga siya dapat tatakbong presidente. Pero hindi sa ganitong paraan. Hindi sa isang expose na nakatuon hindi sa mga nagawa ng pamilya para sa bansa mula pa noon kung hindi sa mga hindi kanais-nais na sikreto na wala akong ideya kung paano nila nalaman.

Maliban na lang kung mayroong nagsabi sa kanila. Hindi na ako magtataka kung si Ambrosio din ang may gawa ‘non.

But what happened today is really too much. Kahit na hindi ako malapit ng husto kay tiyo Demetrio at marami siyang ginagawa na hindi ko aprubado, katulad ng malamig na pagtrato niya kina Chance at Angus, hindi pa rin ako naniniwala na sangkot siya sa Graft and Corruption. Masyado niyang mahal ang trabaho at posisyon niya sa AFP para gumawa ng isang bagay na sisira sa reputasyon niya.

Pero dumating pa rin ang warrant of arrest niya. Hinuli siya ng sarili niyang mga subordinate. Nagkagulo dahil nataranta at nagwala na ang mga Elder. Sinubukan nilang pigilan ang marahas na pag-aresto kay tiyo Demetrio pero hindi sila umubra. Sa unang pagkakataon narealize ko na talagang hindi na kami kaya protektahan ng mga espesyal na abilidad na taglay namin. Hundreds of years ago, our ancestors had the power to fight enemies. Ngayon, para kaming mga latak ng dati ay makapangyarihan naming pamilya. Nakaka-frustrate isipin.

Si Angus lang ang nagkaroon ng kakayahan na pakalmahin ang kaguluhan. Ang kapangyarihan lang niya ang naging kapaki-pakinabang. Hindi naging madali na para bang may kumokontra sa ginagawa ni Angus pero kalaunan napasailalim din sa kaniya ang dalawang humuhuli kay tiyo Demetrio.

“Bakit niyo ito ginagawa? Sino ang nagbigay sa inyo ng ideya na may kasalanan siya?” tanong ni Angus sa dalawa.

Halos maglumuhod at sumamba sa pinsan ko ang dalawa. May kislap ng longing at desire sa mga mata nila habang nakatingin kay Angus. Nakakakilabot tingnan kung tutuusin, lalo at mga lalaki ang dalawa. Pero ang pinsan ko, seryoso ang mukha, nakatiim ang bagang at kahit may iritasyon sa mga mata, may nakahalo ring pagtanggap doon. Na para bang sanay na siya na pinagnanasaan ng mga tao, ano man ang kasarian.

I don’t like the idea of him getting used to such treatment from other people.

“Sagutin niyo ako,” malamig na sabi ni Angus sa dalawang lalaki.

“May nagbigay sa amin ng tip. Kasama ang mga ebidensiya. Kinausap lang niya kami at bigla… gusto ko nang sundin ang kahit na anong iutos niya,” sabi ng isa.

“Ganoon din ang naramdaman ko. Parang hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko ginagawa ang gusto niyang gawin ko,” sabi rin ng isa.

Kumunot ang noo ko. “What does that mean?”

Tiningnan ako ni Angus. “It means somebody must be controlling them. Hanggang ngayon nararamdaman ko ang kapangyarihan niya sa loob ng dalawang ‘to, nilalabanan ang kapangyarihan ko.”

Now I know why there is a feeling of wrongness in the air. Kung bakit hindi maganda ang pakiramdam ko nang sandaling kumatok sa pinto ng Old Alpuerto mansion ang dalawa. At kung bakit may kung ano sa mga mata nila na hindi kanais-nais. Katulad sa mga mata ng ngayon ay presidential candidate ng partido ni papa.

Posible bang iisang tao lang ang kumokontrol sa kanila?

Kumabog ang dibdib ko nang magtagpo ang mga paningin namin ni Angus. Marahan siyang tumango na para bang naiintindihan ang tumatakbo sa isip ko. Nagsalita ang pinsan ko, “Sa kasamaang palad kung sino man ang nagkokontrol sa mga taong ito, mas malakas siya sa akin.”

Bigla naramdaman ko ang pagkawala ng epekto ng kapangyarihan ni Angus. Parang pisi na naputol. Parang lobo na pumutok. Parang pwersahang itinulak palayo sa katawan ng dalawang sundalo. Napaatras si Angus at napangiwi.

Natauhan ang dalawa, nagsipagtayo at sandaling parang naguluhan kung nasaan sila o ano ang ginagawa nila. Hanggang makita nila si tiyo Demetrio. Parang mga puppet na inulit nila ang mga sinabi kanina, ipinakita ang arrest warrant at kahit anong pagpapaliwanag namin ay hindi nakinig. Sa huli pumayag na din sumama si tiyo, tiim ang ekspresyon at may nakakaunawang kislap sa mga mata.

“Walang pagpapaliwanag ang papasok sa isip nila. I might as well go to give us all time to think of a way to stop this insanity.” Iyon ang sabi ni tiyo Demetrio bago tuluyang naisama ng dalawang lalaki.

Napansin ko ang palitan ng tingin ng mga Elder nang makaalis si tiyo kasama ang dalawang humuli sa kaniya. May alam sila. Iyon ang sigurado ko.

“Siya rin ba ang may gawa nito?” basag ko sa tensiyonadong katahimikan.

Hindi agad sumagot ang mga nakatatanda. Frustrated na bumuntong hininga ako. “Marami kayong itinatago sa amin. May krisis ang pamilya natin. Sabihin niyo na ang mga dapat naming malaman para hindi kami nangangapa.”

“Tama si Cain. Paano namin malalaman kung sinong kalaban ang hinaharap namin kung naglilihim kayo?” sang-ayon ni Angus.

Tumingin sa malayo si papa Gregorio, nakatiim ang bagang at mariing nakakuyom ang mga kamao. Sina lolo Carlos, lolo Ingracio at lolo Bartolome, parang hindi alam kung ano ang sasabihin. Hindi rin sila makatingin sa amin ni Angus.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.