Chapter 69

(Ayesha)

Hindi pa ako nakakalabas ng Malyari compound tinatawagan ko na si Cain. Pero hindi niya sinasagot ang tawag ko. Lalo akong kinabahan. Nakakainis pa na walang dumadaang taxi sa tapat ng compound kaya malayo pa ang nilakad ko papunta sa mas malaking kalsada kung saan may dumadaang mga sasakyan.

Isang oras ang nakalilipas nakarating ako sa gusali kung saan nakatira si Cain. Pero nadismaya ako nang sabihin sa reception area na wala daw siya doon. Na isang linggo na raw siyang hindi umuuwi doon.

Huminga ako ng malalim at sinubukan siyang tawagan ulit. Nang hindi pa rin siya sumasagot si Chance ang tinawagan ko. Mabuti na lang pala ibinigay niya sa akin ang numero niya noong nasa Tala kami. Ilang ring lang sinagot na niya ang tawag ko.

“Nasaan ka? Si Cain at sir Angus kasama mo ba?”

Ilang segundo ang lumipas bago sumagot si Chance. “Nandito kami lahat sa old Alpuerto mansion. Lolo Bartolome isn’t feeling well. Hindi maganda ang mood dito. Galit si Cain sa Elders at wala siyang kinakausap na kahit sino. Well, kahit ako kung nalaman ko ang mga nalaman niya baka nga umalis na ako dito.”

Lumunok ako at huminga ng malalim. “Pupunta ako diyan. Sabihin mo sa akin kung paano.”

“Ayesha. I don’t think –”

“Basta. Pupunta ako,” determinadong giit ko.

Bumuntong hininga si Chance. “Fine.” Sinabi niya sa akin kung paano pupunta sa old Alpuerto mansion. Hindi na ako nagtaka nang sabihin niyang sa Forbes Park matatagpuan ang mansiyon. Itatawag na lang daw nila sa isang gate na papasukin siya kapag dumating siya. “Hindi ka pwede dumaan sa main entrance. Maraming media people.”

Tumango ako kahit hindi niya ako nakikita at tinapos ang tawag. Isang saglit pa sakay na naman ako ng taxi. Kahit sa am radio station na pinapakinggan ng taxi driver balita ang mga Alpuerto. Ang daming maling impormasyon na sinasabi tungkol kay senator Gregorio Alpuerto na diumano ay dahilan kaya hindi na siya ang pinatakbo ng partido sa posisyon ng presidente. Nabalita din si General Demetrio at ang mga diumano katiwaliang ginagawa niya.

Lalo lang ako ninenerbiyos sa mga naririnig ko. At nang makarating na ang sinasakyan kong taxi sa isang gate ng Forbes Park. Nagulat ako nang makitang nakatayo katabi ng mga security guard si Chance. Binuksan niya ang pinto sa side ko at yumuko. Inabutan niya ng pera ang driver bago bumaling sa akin. “Come on,” aya niya. Hinawakan niya ang braso ko at inalalayan palabas. Nalilito pa rin ako kahit nang nakatayo na ako sa harap niya.

“Bakit ka nandito? Akala ko…”

“I need to get some air, anyway. Maglakad na lang tayo,” sagot ni Chance. Hinila niya ang braso ko at iginiya palayo sa gate.

Matagal na tahimik lang kami naglakad. Huminga ako ng malalim. “Napanood niyo ba ang balita kanina?”

Tumiim ang ekspresyon ni Chance at tumango. “Hindi ko gusto ang ginagawa ni tiyo Ambrosio sa pamilya namin. Pero hindi ko rin gusto ang ginawa ng mga Elder. Hindi ko alam kung ano ang tunay na nangyari sa pagitan nila at ni tiyo noon pero nakakagalit na nadamay kami.” Sinulyapan niya ako. “Nang araw na iyon sa ospital, narinig mo ang mga sinabi ni Ambrosio, hindi ba? Parang nakita kita sa may pinto noon.”

Uminit ang mukha ko. Napahiya ako na nahuli niya akong nakikinig ng araw na iyon. Pero nang maalala ko na higit pa nga doon ang nagawa ko habang nasa loob ako ng sikretong silid kasama si Luna, nawala ang pagkapahiya ko. Una sa lahat, alam ko ang nangyari sa nakaraan. Alam ko rin na may magandang rason man ang galit ni Ambrosio sa pamilya niya ay mas malaki naman ang kasalanan ng may edad na lalaki.

“Nakita namin ni mama ang tunay na ama ni Cain sa lobby ng ospital nang araw na iyon. Namukhaan siya ni mama kaya sinundan ko siya. Hindi na ako nakapasok sa loob nang marinig ko ang mga sinasabi niya. Hindi ko rin nagawang umalis hanggang hatakin ako palayo ni mama mula sa pinto,” amin ko.

Tahimik na ulit si Chance pero dama ko na galit pa rin siya. Hanggang huminto kami sa tapat ng higanteng gate ng isang mas higanteng mansiyon. It was so huge yet so quiet. Halatang ilang dekada nang nakatayo ang mansiyon base sa disenyo.

“Ito ang old Alpuerto mansion,” sabi ni Chance.

Hinawakan niya ulit ang braso ko at giniya ako sa gilid ng higanteng gate. May maliit na daanan doon para sa mga tao.

Papasok pa lang kami sa front door ng mansiyon nagitla na ako sa ingay mula sa loob. Sigawan. Galit na mga sagutan. Nagkatinginan kami ni Chance na gulat at naging alerto din. Muling may sumigaw sa loob. Parang boses ng isa sa mga lolo. Sa isang iglap napatakbo kami papasok. Sa living room namin nakita ang dahilan ng galit ng mga Elder. Maraming tao roon, nakasuot ng uniporme at isa-isang kinukuha ang mga gamit sa loob. Sa gitna nakatayo naman si Ambrosio, parang hari na nakataas ang noo at kalmado ang hitsura habang nakatingin sa mga nakatatanda.

“Simula sa araw na ito ako na ang may-ari ng mansiyon na ito. And I want to renovate this place. Get rid of the old. Kaya mag-empake na kayo at umalis dito,” sabi pa niya.

“How dare you?!” histerikal na sigaw ni Martha Alpuerto. Nanginginig ang boses at naiiyak. “Hindi kami ang may kasalanan sa iyo! Ikaw ang nagsimula ng gulo. Bakit mo ito ginagawa sa amin?”

Tumigas ang anyo ni Ambrosio. Kumislap ang galit sa mga mata. “Ginawa niyong miserable ang buhay ko kaya gagawin ko rin miserable ang mga buhay ninyo. This is the rule of nature. This is the rule of the karma. What goes around comes around. Kung ano ang nagawa mo, ibabalik sa iyo.”

“You are twisted. Wala kaming ginawa sa iyo. Nagpakamatay si Rosario dahil sa kagagawan mo! Nagsinungaling ka sa kaniya. Minanupula mo ang isip at puso niya para mapunta sa kaniya ang pagmamahal niya na dapat ay kay Gregorio. Kaya siya nabaliw,” sigaw ni Martha.

“Tiya,” saway ni Angus sa may-edad na babae. “Kahit na galit ka, huwag mong kalimutan na ina pa rin ni Cain si Rosario.”

Si Cain nakakuyom ang mga kamao. He looks torn and hurt and angry.

“Ha! Hindi ko na siya anak. Pinili niyang kalabanin ako nang sandaling hindi siya sumama sa akin noon sa ospital. Wala siyang karapatang angkining ina si Rosario,” sigaw ni Ambrosio.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.