(Ayesha)
Napasinghap ako. Nakita ko kasi na kumislap ang sakit sa mga mata ni Cain kahit pa sandali lang iyon.
“Wala ka rin karapatan na angkinin ang mansiyon na ito,” biglang sabi ni Chance sa malamig na tinig. Nagulat ako na nagsalita siya. Mukhang ganoon din ang lahat ng tao roon na lumingon sa amin.
Nagsimulang maglakad palapit sa kanila si Chance. Sa isang iglap nakita ko sa mukha niya na sa lahat ng magpipinsan, siya talaga ang panganay. Deretso ang tingin niya kay Ambrosio. “Umalis ka na rito at isama mo ang mga puppet mo. This mansion is full of history. This is our bloodline. Kung galit ka sa pamilya at balak mong sirain ang lahat ng pinaghirapan ng mga ninuno natin, wala kang karapatang tumira dito.”
Humarap sa amin si Ambrosio. Kinilabutan ako nang mapunta sa akin ang tingin niya. Kumislap kasi sa mga mata niya ang rekognisyon. Na para bang kilala niya ako. Na may alam siya tungkol sa akin.
Inilipat niya agad ang tingin kay Chance. Naningkit ang mga mata. “Kahit ikaw ipinagtatanggol mo sila. Kahit na para kang daga na pinag-eksperementuhan ng sarili mong mga magulang? Mapapatawad mo sila kahit na sigurado akong bakas sa katawan mo ang mga hiwa na ginawa nila sa katawan mo?”
Nagtagis ang mga bagang ni Chance at hindi nakasagot.
“Tumigil ka na at umalis,” babala ni sir Angus. Kahit siya galit na rin. Humakbang siya palapit kay Ambrosio na agad ikinumpas ang kamay at sa isang iglap ang mga taong kasama niya na magbubuhat sana ng mga gamit doon ay biglang umalerto. Sabay-sabay na kumilos ang mga ito palapit at paikot kay Ambrosio na parang pinoprotektahan siya. Napansin ko na parang walang buhay ang mata ng mga lalaking iyon. Kontrolado ng kapangyarihan niya ang mga ito.
“Hindi ako aalis. Kayo ang aalis. Nagiging mabait na ako sa inyo pero nagmamatigas kayo. Now I have to use force.”
“Kung kaya mo,” hamon ni sir Angus at humakbang pa palapit kahit nakaharang na ang mga lalaki na higit na mas malaki at mukhang mapanganib kaysa sa professor ko. Bigla nagkaroon ng kakaibang pakiramdam sa paligid. May enerhiya na nanggagaling kay sir Angus. Mainit at nakakakiliti. Nakakabilis ng pintig ng pulso at nakakapagpatalon sa puso. Unti-unting pinawala ang mabigat na enerhiya sa paligid na galing sa kapangyarihan ni Ambrosio.
Ginagamit ni sir Angus ang kapangyarihan niya. At kahit na ako na hindi tinatablan ng mga espesyal na abilidad ng mga Alpuerto, para pa ring hinahatak ng mapang-akit na enerhiya na iyon. Kaya hindi na ako nagtaka na isa-isang napapasailalim sa kapangyarihan ni sir Angus ang mga tao ni Ambrosio. Alam ko na kapag nangyari iyon ay gugustuhin ng mga itong gawin lahat ng gusto ni sir.
Pero hindi papatalo ang may-edad na lalaki. May enerhiyang pumalibot sa kaniya, nilalabanan si sir Angus. Hindi maganda ang pakiramdam na hatid ng kapangyarihan ni Ambrosio. Masangsang ang amoy at mabigat na parang gusto akong itulak pabagsak sa sahig. Masakit at parang sasabog sa labis na pressure ang ulo ko.
Napaatras kami ni Chance. Ang mga Elder naman hinarangan ni Cain para protektahan. Nakahawak sila sa kani-kaniyang ulo at napapaungol sa sakit. Lalo na ang mga lalaking tau-tauhan ni Ambrosio, humihiyaw na parang tinotorture dahil sa dalawang kapangyarihang nag-aagawan masakop ang mga ito. Bigla akong natakot na hindi kayanin ng mga lalaki ang pressure at bigla na lang sumabog at magkapira-piraso ang katawan ng mga ito kapag tumagal pa.
Stop it. Stop. Napapikit ako ng mariin. Huminga ng malalim dahil bigla para akong kinakapos ng hangin. Patindi ng patindi ang pressure sa paligid. Umiinit. Nakakapaso. Nakakasakal.
Gusto ko kumawala. Gusto kong makahinga. Gusto kong mawala na ang enerhiyang nagpapahirap sa amin. Pinilit kong dumilat. Sa naniningkit kong mga mata nakita kong bakas na ang paghihirap sa mukha ni sir Angus. Ganoon din sa mukha ni Ambrosio. Pero biglang ngumiti ang may-edad na lalaki. Isang malupit at malisyosong ngiti. “Bakit mo sila pinoprotektahan? Dapat magalit ka rin sa kanila, Angus. Akala niyo ba hindi ko alam kung ano ang ginawa nila sa iyo? Bata ka pa ginamit ka na nila para makuha ang gusto nila, hindi ba? Binugaw ka ng sarili mong lolo at mga magulang sa kung sino-sinong asawa ng mga negosyante para lang mapayaman pa ng husto ang pamilya. Gaano karami ang nagpakasasa sa katawan mo? Gaano karaming matron ang nabaliw sa iyo kaya lahat ay ginawa nila para kumbinsihin ang mga asawa nila na makipag-negosyo sa mga Alpuerto. Everyone in high society knew about Angus Alpuerto, the manwhore.”
Nanlaki ang mga mata ko at parang nilamutak ang puso ko sa sinabi ni Ambrosio. Pero mas nakadurog sa puso ko ang emosyong dumaan sa mukha ni sir Angus nang mapasulyap siya sa akin at magtagpo ang mga tingin namin. Pait, sakit, pagkapahiya at malalim na pagdurusa. Nang alisin niya ang tingin sa akin at bumaling ulit kay Ambrosio napalitan ang mga emosyon na iyon nang galit. “Hindi ko alam kung paano mo nalaman ang tungkol diyan. But my life is not your business.”
Bigla lumakas ang pwersa ng kapangyarihan ni sir Angus. Napasinghap ako nang humiyaw si Ambrosio at lumakas din ang pwersa na nagmumula rito. Natumba na at nagsisigawan sa sakit ang mga lalaking kasama ni Ambrosio. May dugo nang lumalabas sa ilong ng mga ito. Ang puso ko parang sapilitang hinahatak pahati sa dalawa.
I can’t take it anymore.
May munting init na nabuhay sa tagong bahagi ng dibdib ko. Huminga ako ng malalim at naramdaman kong kumalat ang init na iyon, palaki ng palaki, malikot, katulad ng mga liwanag noon sa sikretong silid sa Malyari ancestral house. Bumuka ang bibig ko at humakbang ang mga paa ko palapit sa dalawa.
“Stop it,” mahina lang ang pagkakasabi ko pero naramdaman ko ang pwersa ng paglabas ng init mula sa katawan ko. Pumagitna ang init na iyon sa dalawang nagsasalpukang enerhiya at sa isang iglap nagkaroon ng pagsabog. Not the normal explosion of fireworks or grenade but an explosion of energy and wind. Nagulo ang mga gamit doon. Napaatras hanggang matumba sa sahig ang mga tao sa paligid. Maging ako, natulak ng pagsabog paatras hanggang matumba ako paupo.
Nawala ang kapangyarihan nina Ambrosio at sir Angus. Bumalik sa normal ang hangin sa paligid. Nakahinga ako ng maayos. Namayani sa paligid ang tunog ng mga naghahabol ng kani-kanilang paghinga.
Nang mag-angat ako ng tingin nakita kong nakatingin silang lahat sa akin. Mangha ang ekspresyon. Lalo na si Ambrosio na maya-maya naging galit na ang tingin sa akin. Susuray-suray siyang kumilos paharap sa direksiyon ko, halatang pagod at naubusan ng enerhiya sa matagal na paggamit sa kapangyarihan niya. “Ikaw,” may akusasyon sa boses niya nang magsalita. Humakbang siya palapit sa akin. Kumabog ang dibdib ko at naging alerto ako. Bayolente kasi ang kislap sa mga mata niya. Ilang hakbang na lang ang layo niya sa akin at nakaangat na ang mga kamay niya na para bang gusto akong hablutin. “Paano mong” –
“Tama na iyan.” Dumagundong ang malamig na tinig mula sa nakabukas na front door ng mansiyon. Sumikdo ang puso ko dahil kilala ko ang nagmamay-ari ng boses na iyon. “Gawin mo na ang ipinunta mo dito at umalis na tayo.”
Huminto si Ambrosio at lumampas ang tingin sa akin. Maging ang lahat ng mga Alpuerto nakatingin na rin sa bagong dating. Nanlalaki ang mga mata sa pagkamangha. Si Cain parang napako sa kinatatayuan at naghahalo ang mga emosyon sa mga mata habang nakatitig sa lalaki.
Lumunok ako at lumingon. Nakatayo doon, suot ang suit na suot niya kanina nang makita ko siya sa telebisyon, ang lalaki na gusto pero ayaw kong makita.
Si Zion.