(Ayesha)
MALAMIG ang tingin ni Zion. Kalmado pero mararamdaman ng kahit na sinong nakatingin sa kaniya na may kumukulong galit sa loob niya. Tumitig ako sa mga mata niya at nakikita ko na para bang nagbabadyang magbago ang kulay ng mga iyon. Na para bang sobrang willpower ang ginagamit niya para kontrolin ang kapangyarihan niya.
“Bakit nandito ka? Sinabi ko nang hintayin mo ako sa sasakyan,” sabi ni Ambrosio, mukha pa ring galit at parang dadakmain pa rin ako ano mang sandali.
Humakbang palapit sa akin si Zion. Nakatiim ang mga labi. “Tumigil ka na,” sabi niya ulit. Sandaling umitim ng husto ang mga mata pero agad ding nawala. Para bang babala iyon na mukhang tumalab kay Ambrosio. Mukhang galit pa rin ang may-edad na lalaki pero bumagsak na ang mga kamay nito at humakbang palayo sa akin. Si Zion naman ilang hakbang pa nasa tabi ko na. Niyuko niya ako at tiningala ko siya. Nagtagpo ang mga paningin namin. Uminit ang mga mata ko. May bumikig sa lalamunan ko at alam ko nakikita niya sa mga mata ko ang mga emosyong hindi ko mapigilan maramdaman ngayong nakita ko siya ulit. Ngayong alam ko na ang lahat ng tungkol sa kaniya. Mula sa nakaraan hanggang sa magiging hinaharap.
Pinutol ni Zion ang eye contact namin pero yumuko at akmang hahawakan ako para alalayan siguro na makatayo. Pero bago lumapat ang mga kamay niya sa balat ko biglang humarang si Chance at mabilis na pinaikot ang braso sa mga balikat ko. Hinila niya ako palayo at tinulungan makatayo. Nakita kong kumuyom ang mga kamao ni Zion nang dumeretso ng tayo. At nang sinubukan kong huliin ulit ng tingin ang mga mata niya hindi na niya sinalubong ang tingin ko.
“Zion… buhay ka nga,” manghang sabi ni senator Gregorio.
Napunta sa senator ang tingin ni Zion. Kumislap ang pait at galit sa mga mata niya. “Bakit? Sa tingin niyo nagpapanggap lang ako nang humarap ako sa madla? Sa tingin niyo patay na ako dahil iyon ang gusto ninyong mangyari noon, hindi ba? Gusto niyo akong mamatay.”
Hindi nakasagot ang mga matatandang Alpuerto. Nang tingnan ko sila, nakita kong takot sila kay Zion. Parang may pumiga sa puso ko. Bakit ganoon nila siya tingnan? Mula noon hanggang ngayon, bakit hindi mawala ang takot nila sa kaniya? Why can’t they accept him and love him?
“Sa kasamaang palad para sa inyo, buhay pa ako,” sabi pa ni Zion. Napansin ko na hindi niya tinitingnan si Cain na titig na titig pa rin sa kakambal. Katunayan tinalikuran na niya ang mga tao roon at naglakad patungo sa pinto.
Sandali siyang huminto nang matapat kay Ambrosio. May sinabi siya pero masyadong mahina kaya hindi ko narinig. Tumiim ang bagang ng may-edad na lalaki at matalim na tumingin sa Elders. “Babalik ako at dapat wala na kayo rito. Kung hindi walang makikinabang ni isa sa atin sa mansiyon na ito.” Saka tumalikod si Ambrosio at nauna pang lumabas ng mansiyon kaysa kay Zion. Iyon ay pagkatapos akong tapunan ng matalim at mapanganib na tingin.
Si Zion ilang segundo pang tumayo roon bago naglakad pasunod sa ama. Nang dumaan siya sa tabi namin ni Chance hindi ko na napigilan ang sarili ko. Hinawakan ko ang braso niya. Napahinto siya at halatang nagulat na nilingon ako. Pinagtagpo ko ang mga paningin namin.
“Hindi talaga ito ang gusto mong mangyari. Huwag ka kumampi sa kaniya kahit tatay mo siya, Zion. Ginagamit ka lang niya para sa sarili niyang pagganti at alam kong alam mo iyan. Don’t do this,” pakiusap ko.
“Kilala mo siya, Ayesha?” manghang tanong ni Chance na hindi pa rin inaalis ang braso sa balikat ko.
Ilang segundong napunta doon ang tingin ni Zion bago ibinalik ang tingin sa mukha ko. Napasinghap ako nang makita na itim na itim na ang mga mata niya, puno ng galit at kapangyarihan. Alam ko na hindi ako tatablan ‘non pero naramdaman ko ang pwersa ng enerhiyang nagmumula sa kaniya kaya kahit ayoko nabitawan ko ang braso niya.
“Hindi mo ako kilala para sabihin sa akin kung ano ang gusto o hindi ko gustong mangyari. Ano ba tayo sa tingin mo? Magkaibigan? Hindi tayo ganoon umpisa pa lang, Ayesha. Alam mo rin na masama akong tao. Dinukot kita para mapunta sa paghahanap sa iyo ang atensiyon nilang lahat habang isa-isang minamanipula ng kapangyarihan ng tatay ko ang mga taong nakapaligid sa pamilya. Isa ka lang panlinlang para mawala ang focus nila sa tunay na planong makuha ang lahat ng mayroon ang mga Alpuerto. Iyon lang ang papel mo para sa akin at wala ng iba,” malamig na sabi ni Zion.
Alam ko na nagsisinungaling siya pero nasaktan pa rin ako. Alam ko na nararamdaman din niya ang koneksiyon naming dalawa. Alam ko na –
“Ikaw ang dumukot kay Ayesha at nagdala sa kaniya sa kagubatan na iyon?” biglang sabi ni Cain. Iyon ang unang beses na narinig ko ang boses niya mula nang dumating kami ni Chance sa mansiyon.
Lalong naging galit ang ekspresyon ni Zion at dahan-dahang lumingon. Bumilis ang tibok ng puso ko at pinagpalit-palit ang tingin sa kambal. Nakakunot ang noo ni Cain. “Ikaw ang lalaking tinutugis ng mga kasama namin nang gabing iligtas namin siya? Ikaw ang may gawa ng mga pasa ni Ayesha sa katawan at ang nanakit sa kaniya kaya namamaga ang mukha niya?”
Namilog ang mga mata ko. “Cain –”
“At kung ako nga?” sagot ni Zion, nakataas ang noo at deretso ang tingin sa kakambal. Naghahamon pero hindi nakaligtas sa akin ang emosyong pilit itinatago ng galit. Kahit ano pa ang nangyari sa nakaraan at kahit nasa magkabilang panig sila ngayon, hindi maikakaila na may lukso pa rin sila ng dugo para sa isa’t isa. Mga bata pa sila noon at hindi alam ang mga nangyayari. Ipinanganak sila na magkasama pero bigla na lang silang pinaghiwalay. Worst, lumaki si Cain na wala sa alaala niyang may kapatid siya. At si Zion… napakarami niyang pinagdaanan na hindi dapat naranasan ng isang tao. Lalo na ng isang bata.
Humakbang si Cain palapit sa amin. “How could you hurt a woman?! Bakit kailangan niyo pang idamay si Ayesha? Bakit kung buhay ka sa ganitong paraan mo pinaalam ang tungkol sa iyo? Kayo ni…” Hindi natuloy ni Cain ang pagbanggit sa ama niya. Lumunok siya saka nagpatuloy sa pagsasalita. “Kailangan niyo ba talagang sirain ang pamilya natin ng ganito? We all have the same bloodline. We all have the same roots. Paano niyo nakakayang sirain ang kasaysayan na pinaghirapang buuin ng mga ninuno natin? How can you…” Nanginig ang boses ni Cain at hindi itinuloy ang sinasabi. Mariin lang niyang pinaglapat ang mga labi. Bakas ang frustration, inis at pagdurusa sa mukha.
How can you leave me behind? Iyon ba ang gusto niyang sabihin?
Sarkastikong tumawa si Zion. Matalim pa rin ang tingin. “Sinasabi mo iyan dahil ikaw ang napili nila, Cain. Ikaw ang hindi nakaranas ng kahit na anong paghihirap dahil pinalaki ka nila ng maayos. Isinubo na sa iyo ang lahat. Maging ang pagiging leader ng pamilya sa iyo nila balak ibigay hindi ba? Kaya wala kang karapatan husgahan kami. Lalo na ako. Wala kang ideya kung gaano kalaki ang kasalanan sa akin ng sinasabi mong pamilya. Wala kayong ideya kung ano ang nagagawa sa isang bata na ikulong sa kadiliman kahit wala siyang ginawang kasalanan. Wala kayong ideya kung paano mabuhay na dala sa loob niya ang sumpa ng kapangyarihang pumatay ng walang kahirap-hirap. Ikaw Cain, wala kang ideya kung ano ang pakiramdam na maging ang kambal na pinabayaan at hinayaang mamatay.”