(Ayesha)
Namasa ang mga mata ko nang maalala na naman ang mga nakita ko sa nakaraan. Si Cain, nanlaki ang mga mata at marahas na lumingon sa pamilya niya. “Ano ang ibig niyang sabihin? Ang sabi niyo sa akin sa ospital, may kakambal ako na may sakit at siya ang dahilan kaya palaging depressed ang nanay namin. Kaya hindi ko rin siya nakita at nakasamang lumaki. Na iyon at ang pagkawala ng kontrol ng tatay namin sa isip at puso niya ang dahilan kaya siya nagpakamatay. That my twin brother died in a hospital not long after my mother died. Ano ba talaga ang totoo?”
Hindi makapagsalita ang mga lolo, namumutla at bakas ang guilt sa ekspresyon.
“Nang araw na iyon sa ospital hindi namin alam na buhay pa si Zion,” si senator Gregorio ang sumagot. “Kung wala na siya sa mundong ito ayoko nang malaman pa ninyo ang tunay na nangyari. Ayokong maging dala niyo rin ang alaala ng gabing iyon. Ayokong… mawala ang respeto ninyo sa mga lolo niyo dahil alam kong noon ay ginawa lang nila ang sa tingin nila tama at makabubuti sa inyong mga bata.”
Tiningnan ng senador si Zion. Napansin kong namamasa ang mga mata niya. Iyon ang unang pagkakataong nakita kong ganoon si senator Gregorio. “Ang alam namin ay namatay ka. Salamat sa mga diyos na buhay ka. We tried to save you that night. But you lost control of your powers. Isang bumbero… ang namatay nang tangkain niyang lumapit sa iyo at matitigan ang mga mata mo.”
“Kaya niyo nakumpirma na mapanganib ako at mas mabuting mamatay na sa gabing iyon kaysa makapatay pa ako ng maraming tao. Kaysa isa sa inyo ang mapatay ko,” nanunuya na sabi ni Zion, mapait na nakangiti. Pero agad ding nawala ang ngiti na iyon. Naging mabalasik ang mukha niya. “Buhay man ako ngayon pero malaking bahagi ng pagkatao ko ang pinatay na ninyo sa gabing iyon. Unti-unti niyo akong pinatay mula pa nang araw na ikinulong niyo ako sa ilalim ng mansiyon na ito na parang isang preso.”
“Zion… patawarin mo kami. Hindi ganoon ang gusto namin mangyari noon,” nanginginig ang boses na sabi ni lolo Bartolome. “Ako ang clan leader noon. Sa akin mo isisi ang lahat ng mga maling desisyon ko. Pero huwag mong isipin na gusto ka namin mamatay. Apo kita. Parte ng pamilya. We would never want to hurt a family member. Ang plano ko ay unti-unting ituturo sa iyo kung paano mo kokontrolin ang kapangyarihan mo. Na kapag nagawa mo na iyon aalisin ka na namin sa kadiliman at – ”
“Huli na ang lahat,” putol ni Zion sa sinasabi ng matanda. “Ang sorry mo at ang pagsisisi mo, huli na. Hindi na sa inyo ang mansiyon na ito. Umalis kayo bago kami bumalik.” Saka siya tumalikod at malalaki ang hakbang na umalis. Pagkalabas niya sa front door narinig ko ang paghikbi ni tita Martha.
“Galit siya at may dahilan siya para makaramdam ng ganoon. Alam ko noon na mali ang ginawa natin pero dahil wala akong maisip na ibang paraan hinayaan ko siyang mapag-isa at makulong doon. Nagdusa si Rosario at maraming beses nakiusap na palabasin si Zion pero nagmatigas ako dahil sa personal kong disgusto sa babaeng iyon. Pero mahal ko si Zion. Mahal ko kayong lahat na pamangkin ko. Buhay siya. Iyon ang mahalaga. Buhay siya,” paulit-ulit na sabi niya.
Nabigla kaming lahat nang walang salitang kumilos si Cain at tumakbo pasunod sa kakambal. Nagkatinginan kami ni Chance bago sabay na napatakbo pasunod sa kaniya. Narinig ko ang pagtawag sa amin ni sir Angus at naramdaman ang pagsunod niya sa amin.
Naabutan namin si Cain na ilang dipa na lang ang layo mula kay Zion. Sa labas ng gate ng mansiyon may nakaparadang itim na van. Nakatayo doon ang mga lalaking malalaki ang katawan at halatang mga bodyguard. Naroon din ang mga lalaking kasama ni Ambrosio kanina sa mansiyon na nagsipagtakbuhan pasunod sa may-edad na lalaki nang dumating si Zion.
“Walang kakayahan si Cain na lumaban sa kanila,” sabi ni sir Angus.
“I don’t think he plans to fight his twin brother,” sabi naman ni Chance.
Ilang segundo bago ko naintindihan ang ibig sabihin ni Chance. Nakita kong umangat ang kamay ni Cain at nadama ko ang enerhiya ng kapangyarihan niya. Mainit. Nostalgic. Hinawakan niya ang balikat ni Zion na gulat na lumingon.
Narealize ko na ginamit ni Cain ang kapangyarihan niya para makita ang nakaraan ni Zion. Naging madali iyon para sa kaniya dahil hindi naitaas ni Zion ang depensa niya laban sa kapangyarihan ng kakambal niya. I felt Cain’s power engulf him.
Gusto ko ring makita niya ang nakaraan. Gusto kong maintindihan niya si Zion. Gusto kong makita niya ang tunay na nangyari nang gabing namatay ang ina nila. I willed him so see and suddenly I felt his power grow stronger.
Alam ko kung ano ang makikita ni Cain.
Makikita niya ang mga nangyari sa kabundukan noong dinukot ako ni Zion. Makikita niya ang duguang katawan ng lalaki noong iniwan namin siya. Makikita ni Cain ang araw na puntahan ni Ambrosio ang anak para hingin ang kooperasyon nito sa planong pagganti sa mga Alpuerto. Makikita ni Cain ang naging buhay ni Zion sa mga taon bago iyon. Noong nasa ilalim ito ng sindikato. Noong pinatay nito ang pinuno niyon para lang makalaya. Noong nagpalaboy-laboy ito sa kalsada, walang makain, walang matirhan, halos mamatay nang ilang ulit na magkasakit at walang kapamilya na pwedeng mag-alaga sa kaniya.
Sigurado rin ako na makikita ni Cain ang tunay na nangyari nang gabing namatay si Rosario na nabura sa alaala niya dahil sa kapangyarihan ni lolo Bartolome. Malalaman niya na kaarawan nila nang araw na iyon at si Cain ang gustong makita si Zion. Na umaga pa lang kinukulit na niya ang mga magulang na makasama ang kakambal sa espesyal na araw na iyon. Na ganoon din ang gusto ni Zion. Na palihim na nagpunta si Cain kasama si Angus sa dungeon ng mansiyon para patakasin si Zion pero sandali lang sila nakapag-usap dahil dumating ang Elders at hinatak sila palayo sa kulungan.
Kaya kinagabihan, si Zion ang gumawa ng paraan para makatakas at lumabas ng dungeon. Kasi gusto niya makita at makasama ang kakambal at mga magulang. Makikita ni Cain na nang makalabas ang kapatid niya ang una nitong narinig ay ang malakas na iyak at pagtawag niya sa kanyang ina mula sa isang kuwarto. Na nang tumakbo ito at nakapasok sa kuwarto nakita nitong nilaslas ng ina nila ang pulso sa harapan mismo ng batang Cain. Na tumalsik ang dugo sa mukha niya. Na bumagsak sa sahig ang kanilang ina, dilat ang mga mata. Na nag-echo sa mansiyon ang sigaw ng kambal habang nasaksihan nilang malagutan ng hininga ang nanay nila.
“Anong nangyayari sa kaniya?” nag-aalalang tanong ni Chance. Kumurap ako at nakita kong pilit kumakalas ni Zion mula sa pagkakahawak ng kapatid pero hindi nito magawa. Balot sila ng kapangyarihan ni Cain. Si Cain naman biglang humiyaw na para bang nahihirapan.
“Bitawan mo ako,” sigaw ni Zion. “Huwag mong tingnan! Huwag!”