Chapter 73

(Ayesha)

ALAM naming lahat na huli na ang lahat. Mariing nakapikit si Cain. Biglang humagulgol. Parang nilamutak ang puso ko. Si Chance at Angus napatakbo para lapitan ang kambal pero natulak sila palayo ng pwersa ng kapangyarihan ni Cain.

Si Zion naging itim na itim ang mga mata. Bakas ang pagdurusa sa mukha. Na para bang alam din nito kung ano ang nakikita ni Cain sa nakaraan.

Kahit ako, nakatatak na sa isip ko ang mga nangyari. Hindi na nawala mula nang makita ko ang lahat sa sikretong silid sa ancestral house ng mga Malyari.

Ang batang si Zion, tumakbo at niyakap ang kapatid na patuloy pa rin sa pagtangis. Na ang unang nakakita sa kanila ay si Ambrosio na humiyaw at umiyak din nang makita si Rosario. Na sa labis na pagdurusa niya nagdesisyon siyang tapusin na rin ang buhay kasama ang mga anak.

“Hindi na tayo magkakahiwa-hiwalay. Magsasama tayo habambuhay. Rosario… hindi ka namin hahayaang mag-isa.” Iyon ang sinabi ni Ambrosio habang lumuluha. Nakita ko sa nakaraan at sigurado akong nakikita rin ni Cain nang parang wala sa sarili na kinuha ni Ambrosio ang mga papel at libro sa shelf at inihagis sa kama. Pagkatapos binuksan ang cabinet, kumuha ng lighter at walang pagdadalawang isip na sinindihan ang mga papel na nasa kama.

Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng silid. Umiyak ang kambal pero hindi na pinansin ni Ambrosio ang mga ito. Lumuhod lang ang may-edad na lalaki sa tabi ng katawan ni Rosario at naghintay na lamunin silang lahat ng apoy.

Na hindi nangyari dahil nakarating na agad ang Elders at si Gregorio na hindi pa senador noon. Sinuntok at sinabihan nila si Ambrosio pero parang walang naririnig ang lalaki kaya puwersahan itong inilabas sa kuwarto. Sa mga sandaling iyon malakas na ang apoy at makapal na ang usok kaya lumabas na rin ang mga nakatatanda. Si Gregorio hinablot pakarga si Cain. Ganoon din sana ang gagawin nito sa batang si Zion pero biglang may bumagsak na nasusunog na kisame sa pagitan nila.

Malinaw ko pang natatandaan ang tunog ng mga bumbero mula sa naging paglalakbay ko sa nakaraan. Natatandaan ko ang pagdating ng bumbero, hinatak palayo sa apoy si Gregorio at Cain. May isa pang bumbero ang tuluyan silang inilabas ng kuwarto. Naiwan ang isang bumbero para iligtas si Zion pero dahil nataranta at natakot siguro ang bata ay kusang lumabas ang kapangyarihan niya.

May bumikig sa lalamunan ko nang maalala ang labis na takot sa mukha ng batang si Zion nang bumagsak na wala nang buhay ang bumbero sa harapan nito. Na nasaksihan iyon ni Gregorio, ng batang Cain at ng isa pang bumbero. Na bago pa may makakilos sa kanila may kisame na namang bumagsak, nag-aapoy, humarang sa pinto. Tuluyang nilamon ng apoy ang buong silid.

Nang maapula ang apoy, dalawang katawan lang ang natagpuan ng mga bumbero. Wala ang kay Zion.

“Tumigil ka na!” hiyaw ni Zion sa kasalukuyan. May enerhiyang nagmula sa kaniya at itinulak ang kapangyarihan ni Cain. Sa isang iglap nabitawan niya ang kakambal, suminghap siya at sumabog sa hangin hanggang tuluyang mawala ang enerhiya ni Cain. Nawalan siya ng balanse at muntik na matumba pero tumakbo agad sina sir Angus at Chance palapit kaya naalalayan nila ang pinsan.

“Huwag mo na ulit gagawin iyon. Walang katuturan kahit makita mo pa ang nakaraan ko,” galit na sigaw ni Zion at mabilis na tumalikod.

“Zion!” tawag ko sa kaniya. Napunta ang tingin nito sa akin. May dumaang pangungulila sa mga mata niya na tumagos sa puso ko. Umawang ang mga labi ko para muli itong tawagin pero binawi na nito ang tingin, tumalikod at mabilis na naglakad palayo.

Tumakbo ako para sundan siya pero nakalabas na siya ng gate at mabilis na nakapasok sa binuksang pinto ng van. Humarurot palayo iyon hanggang mawala ng tuluyan sa paningin namin.

“Cain, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni sir Angus.

Naalis ang tingin ko sa daan. Humangos ako palapit sa kanila. Nakasalampak ng upo sa mabatong daan si Cain, nakasubsob ang mukha sa kanyang mga kamay. May luha pa rin mga pisngi niya pero tipid na tumango.

“Cain,” anas ko. Lumuhod ako sa harap niya at hinawakan ang magkabilang balikat niya. Naiiyak ako sa nakikita kong kalagayan niya.

Tumingala siya kaya nagtama ang mga paningin namin. “You know about our past, don’t you?”

Kumurap ako sa biglang tanong na iyon. Natigilan si sir Angus at Chance. Napatitig sa akin.

“Hindi ko alam kung paano nangyari pero alam mo ang lahat, Ayesha. Sa nakaraan ni Zion noong bata pa siya… sa dungeon… nandoon ka.”

Lumunok ako. Huminga ng malalim. At dahil walang silbi ang magkaila kaya tumango ako. “Kailan ko lang nalaman,” amin ko. “Alam ko ang lahat.” Naramdaman ko ang pagtulo ng luha ko. “Kaya gusto kong maging maayos ang lahat sa pagitan niyo. Dahil natatabunan man ng galit at sama ng loob ang puso niya ngayon at puno ka man ng pagdududa at frustration na ngayon mo lang nalaman ang lahat, sigurado ako na importante kayo para sa isa’t isa. Nakita mo rin ang nakaraan bago ang sunog, hindi ba, Cain? Nakita mo kung ano ang nangyari kaya nalaman ng Elders ang kapangyarihan ni Zion. Nakita mo ang relasyon ninyong dalawa noong hindi pa lumalabas ang mga kapangyarihan ninyo.”

Lumunok si Cain. Dumaan ang pighati sa mga mata at tumango. “Nakita ko. We were four years old. Naglalaro kami sa labas ng mansiyon. Magkahawak ang mga kamay namin pero bumitaw ako at tumakbo. Isang malaking aso ang muntik nang makakagat sa akin. Hinarangan niya ako para protektahan. But we were just children, what can we do? That was when his power activated. The dog died in seconds. Nangyari iyon dahil gusto niya akong protektahan. Lahat ng nangyari sa buhay niya… nag-ugat sa pangyayari na iyon. He lived his life in darkness because of me.”

Humikbi ako. Marahas na umiling. Pagkatapos ay niyakap ko si Cain ng mahigpit. “Hindi mo kasalanan. Kaya ayaw niyang makita mo ang nakaraan dahil kahit ganoon ang mga sinabi niya sa iyo ay ayaw niyang sisihin mo ang sarili mo. Hindi pa huli ang lahat. We can still save Zion. Maaalis natin siya sa kadiliman.”

Bigla kong naalala ang dalawang posible kong hinaharap. Na kailangan ko magdesisyon kung alin ang tatahakin ko.

Ngayon nakapagdesisyon na ako. Hindi ko muna iisipin ang hinaharap at mag-fo-focus sa kung ano ang gusto ng isip at puso ko sa kasalukuyan.

Medyo inilayo ko ang sarili ko kay Cain. Tiningnan ko sina sir Angus at Chance. “Kailangan ko makausap si Zion. Help me,” pakiusap ko.

Nagkatinginan silang dalawa. Nang muli silang bumaling sa akin may nakita ako na nagpakabog sa dibdib ko. May pag-unawa sa mga mata nila. Na para bang nababasa nila ako ng walang kahirap=hirap. May pag-aalala rin akong nakita. May alinlangan. Kaya akala ko tatanggihan nila ako.

“Ito ba talaga ang gusto mo, Ayesha?” tanong ni sir Angus.

“Sigurado ka na ba talaga?” tanong naman ni Chance.

Kumalma ako at naging determinado. “Oo. Sigurado na ako.”

“Then, we will help you. Sisikapin namin alamin kung nasaan siya sa lalong madaling panahon,” sabi ni sir Angus pero nag-aalala pa rin na sumulyap kay Cain. “Kung talagang sigurado ka.”

Huminga ako ng malalim. Sigurado ako. I’ve never been this sure since the moment I learned I am the moon bride.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.