(Zion)
GUSTO kong magwala. Gusto kong manira ng kahit anong bagay na maabot ng mga kamay ko. Gusto kong lumabas sa kalaliman ng gabi, magpakalat-kalat sa pinakadelikadong kalsada sa kamaynilaan at maghanap ng gulo. Para lang may mapaglabasan ako ng kumukulong emosyon sa dibdib ko. ‘Tangina, sigurado ako may makabangga lang sa akin sasabog ako.
Isang linggo nang ganito ang pakiramdam ko. Mula nang magpunta kami sa mansiyon ng mga Alpuerto.
Ayokong maalala ang nakaraan. Gusto kong ituon lang ang atensiyon ko sa mga bagay na nagpapakulo sa galit na nararamdaman ko para sa pamilyang matagal ko na itinakwil. Buong buhay ko, pinanghawakan ko ang galit na iyon. Kaya hanggang ngayon buhay pa ako.
Pero nang hawakan ako ni Cain tatlong araw ang nakararaan naramdaman ko ang puwersa ng kapangyarihan niya. Naramdaman ko nang sapilitan niyang pinasok ang mga alaala ko. At sa bawat alaala na nakikita niya, bumabalik din sa akin.
Lintik na nakaraan. Kahit tapos na at wala na silbi sa buhay ko naapektuhan pa rin ako. Lintik na Cain dahil akala ko wala na ako mararamdaman ni katiting na emosyon kapag nakita ko siya ngayong matatanda na kami pero mali pala ako. Akala ko pwede ko isisi sa kaniya ang lahat ng kamalasan ko sa buhay. Na magagalit ako sa kaniya dahil nakuha niya ang lahat ng mga bagay na gusto ko para sa sarili ko.
Pero ‘tangina, paano ako magagalit sa kaniya ng totoo kung hindi pa kami ipinapanganak magkasama na kami? Kung bumalik sa isip ko ang mga pinagsamahan namin noong mga bata pa kami bago ako makulong sa dungeon? Kung kahit ako aminado naman na siya ang mas mabuting kambal. Na kung nagkataon na nagkabaligtad kami ng sitwasyon hindi ako papayag. Mas kaya ko mabuhay sa kadiliman kaysa kay Cain. Lalong ayoko na maranasan niya ang lahat ng napagdaanan ko. Ayos na din na lumaki siya na maganda ang buhay.
Buhay na sinisira namin.
Putsa, hindi ko na alam kung tama ba na pumayag ako makipagsabwatan para magawa ang paghihiganti na gusto ng tatay namin. Bakit ba ako sumama sa kaniya noong bigla siyang sumulpot sa tinitirhan ko? Bakit hindi ako natutuwa kahit nagagawa na namin ang mga plano? Bakit pakiramdam ko walang silbi ang galit ko? Ano ba ang mababago ‘non?
“‘Tangina talaga.” Gigi na bumuntong hininga ako.
May kumatok sa pinto ng hotel room kung saan ako tumutuloy. Gusto ng tatay ko dahil hindi na raw ako nabubuhay sa black market ngayon. Big time na daw ako. Nagmamay-ari na ng bilyon bilyong negosyo at ari-arian. Mga bagay na pwersahan naming inagaw sa mga Alpuerto.
Wala akong maramdamang saya na mayaman ako ngayon sa totoo lang. Naiilang pa rin ako hanggang ngayon sa pormal na suot ko. Hindi pa rin ako komportable sa magarang mga kagamitan at disenyo ng tinutuluyan ko. Kapag lumalabas ako mula nang mapilit ako ng tatay ko na magpakita sa media, nabu-buwisit ako kapag may nakakakilala sa akin.
Ayoko ng ganitong buhay. Ayoko na nasa sentro ng atensiyon.
Hindi ganito ang akala ko magiging papel ko sa mga plano ng erpat ko. Akala ko ang trabaho ko sa dilim lang. Galit pa rin ako sa kaniya na ganito pala ang totoong plano niya at hindi niya sinabi sa akin.
Kaya hindi ko pinansin ang katok sa pinto.
Maya-maya narinig ko ang pagbukas ‘non. Inis na lumingon ako sa pinto. Isa sa mga kanang kamay ng tatay ko.
“Ano?” singhal ko. Hindi ko gusto ang pagmumukha ng mga tauhan niya. Alam ko kasi na mga puppet lang naman sila ng kapangyarihan niya.
“Bukas ng umaga dadalhin na ang mga gamit ninyo sa mansiyon. Sa ayaw daw nila at sa gusto, aalis sila at titira kayo doon.” Pati pagsasalita, parang robot. Lalo lang ako nabuwisit. Para akong sinasakal.
Hindi ako sumagot. Tumingin ulit ako sa labas ng salaming bintana. Madilim na sa labas. Buong buhay ko gusto ko kumawala sa kadiliman pero ngayon gusto ko lumabas at maglagalag sa dilim.
Nakikita ko sa repleksiyon na hindi pa umaalis ang puppet. Inis na ginulo ko ang buhok ko. “Oo na!” Saka lang tumango ang lalaki at walang ingay na lumabas ng kuwarto.
Malakas akong bumuntong hininga. Nakita ko ang hitsura ko sa salaming bintana. Naka-coat at tie pa ako. Inis na inalis ko ang necktie at ang coat. Hanggang tuluyan ko na hinubad lahat ng suot ko at nagpunta sa backpack na dala ko palagi. Lahat ng laman ‘non ang tanging pag-aari ko maliban sa motorsiklo.
Nagbihis ako. Kupas at sira-sirang maong na pantalon. Itim na t-shirt at itim na baseball cap.
Lumabas ako ng hotel. Sa fire exit ako dumaan dahil alam kong maraming puppet si erpats na pakalat-kalat sa hotel lalo na sa ground floor lobby. Hindi nila ako pwede makita.
Humugot ako ng malalim na paghinga nang naglalakad na ako sa madilim na kalsada. Hindi pa ako nakakalayo may isang sasakyan na ang biglang huminto ilang metro lang sa mismong harapan ko. Naging alerto agad ako. Mabuti nang sigurado na makakalaban ako kung sakaling –
Bumukas ang pinto ng sasakyan. Lumabas si Ayesha. Para akong sinipa sa sikmura. Napaatras ako. Lalo na nang tumingin agad siya sa akin.
Ako ang pakay niya.
Putakte. Mas gusto ko pa makipagbugbugan sa isang dosenang sanggano kaysa ang makita si Ayesha.
Hindi ko gusto ang epekto niya sa akin.
Kapag tinititigan niya ako parang nababasa niya ang lahat ng tungkol sa akin. Kapag nasa malapit siya lalo kong nararamdaman na ako ang pinakamasama at maruming tao sa mundo.
Pinapalabas niya ang mga kahinaan ko.
Pipihit na sana ako para lumihis ng daan pero hindi ako nakagalaw nang makita ko ang emosyon sa mukha ni Ayesha. Kahit hindi masyadong maliwanag doon nakita ko pa rin na namasa ang mga mata niya. Patakbo siyang lumapit sa akin.
Hindi ako humihinga na napatitig lang sa kaniya hanggang nasa mismong harap ko na siya, ilang metro na lang ang layo mula sa akin.
Bakit ganoon siya tumingin sa akin? Bakit namamasa ang mga mata niya? Bakit may kislap ng pangungulila at pamilyaridad sa mga matang iyon? Bakit nakabuka ang mga braso niya na para bang yayakapin niya ako?
“Ugh!” Muntik na ako mawalan ng balanse dahil nabigla ako nang lundagin niya ako payakap.
Hindi ako nakakilos. Hindi nakahinga. Dahil sa loob ng dalawang dekada ngayon lang may yumakap sa akin. Hindi ko sinasama sa bilang ang mga bayarang babae na nakasama ko sa kama kapag hindi ko na kaya tiisin ang tawag ng laman. Trabaho lang iyon para sa kanila. Parausan lang para sa akin.
Kaya iba ang yakap ni Ayesha. Sobrang iba na hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Sa tagong bahagi ng isip ko gusto ko rin siyang yakapin. Nakaangat na nga ang mga kamay ko, ipapaikot ko na katawan niya. Pero napigilan ko ang sarili ko sa huling sandali. Inis sa sarili na kinuyom ko ang mga kamao ko.
“Anong ginagawa mo?” Gusto kong maging galit ang boses ko nang sa wakas makapagsalita ako. Kaso hindi ganoon ang nangyari. Kahit sa pandinig ko paos at nanginig ang boses ko.
Putsa, lumalambot talaga ako sa babaeng ito.
Hindi pwede.
Huminga ako ng malalim. Hinawakan ko ang magkabilang braso niya at inilayo siya sa katawan ko. Nasa lalamunan ko na ang galit pero hindi ako nakapagsalita nang tingalain niya ako.