(ZION)
“Zion.”
Napalunok ako. “Bakit ba?”
“I’m sorry I’m late.” Kumurap ako. Ano bang sinasabi ni Ayesha? Namasa na naman ang mga mata niya. Hindi inaalis ang tingin sa mga mata ko. “Nangako ako sa iyo noong bata ka pa na ililigtas kita.”
Napatitig ako sa mukha niya. Para akong sinipa sa dibdib. May bumara sa lalamunan ko. Hindi ako nakakilos.
Lumitaw sa isip ko ang isang eksena na noong bata pa ako pinanghawakan ko na totoong nangyari. Pero pagkatapos ng nangyaring sunog kung saan hinayaan akong mamatay ng sarili kong mga pamilya at paulit-ulit akong sumigaw ng tulong pero hindi dumating ang nangakong ililigtas ako, napatunayan ko na gawa-gawa lang ng utak ko ang tungkol doon.
Kinalimutan ko ang babaeng umiyak para sa akin habang nakayukyok ako sa loob ng kulungan ko. Dahil para sa akin katulad din siya ng pamilya ko na sinungaling at hindi naman talaga ako gustong tulungan.
Pero ngayon luminaw sa akin ang nakaraan. Luminaw sa utak ko ang mukha ng babaeng nagpakita sa akin noong bata pa ako.
Si Ayesha.
Paanong nangyari iyon? Kung bata pa ako noon hindi pa siya pinapanganak noon.
Binitawan ko ang mga balikat niya. Umatras ako palayo sa kaniya. “P-paanong?”
Huminga ng malalim si Ayesha. Humakbang palapit sa akin, tinawid ang distansya na inilagay ko sa pagitan namin.
“Hindi ko alam noon ang tungkol sa naging pagkikita natin noong bata ka pa, Zion. Kailan lang, sa tulong ng kapangyarihan ng Forseer ng pamilya Malyari, nagkaroon ako ng pagkakataong makita ang lahat. Mula sa pinagmulan ng kapangyarihan ng mga pamilya natin hanggang sa kasalukuyan. At nang mapunta ang isip ko sa nakaraan kung saan naroon ang batang ikaw… sa kung anong dahilan nag-materialize talaga ako sa sandaling iyon. Ang sabi ng Forseer, malakas daw ang koneksiyon nating dalawa kaya noong humihingi ka ng tulong, narinig ko at sa kagustuhan kong puntahan ka kaya talagang nakita mo ako. Zion… narinig mo rin noong ako ang humihingi ng tulong kahit magkalayo tayo, hindi ba? May nagdudugtong sa ating dalawa at alam ko na nararamdaman mo rin iyon.”
Umangat ang mga kamay ni Ayesha at humakbang na naman palapit sa akin hanggang mahawakan na niya ang mga braso ko. “Nandito ako ngayon. Nandito ako para iligtas ka. Nandito ako para alisin ka sa kadiliman. Sumama ka na sa amin, Zion. Huwag mo hayaan na lalo kang ihulong ng tatay mo sa kasamaan. Please.”
Shit. Humahapdi ang mga mata ko. Parang may nagpupumilit punitin ang dibdib ko at gustong hatakin palabas sa katawan ko ang puso ko. Nanginginig ang buong katawan ko. Kinalas ko ang mga kamay ni Ayesha mula sa pagkakahawak sa akin.
“Huli ka na.” Putsa, pati boses ko nanginginig. Marahas akong umiling. “Hindi mo naman talaga ako gusto iligtas. Ginagawa mo lang ito para sa mga Alpuerto. Hindi ito para sa akin.”
E ano kung nararamdaman ko ang koneksiyon na sinasabi niya? E ano kung para siyang magnet at palagi akong nahahatak sa kaniya? Siya ang moon bride. Kakampi ng mga Alpuerto at nakatakdang maging asawa ng susunod na lider nila na walang iba kung hindi ang kakambal ko.
“Umalis ka na,” singhal ko. “Matagal ko na kinalimutan ang pangako na sinasabi mo. Matagal ko na natanggap na dito talaga ako nababagay. Bumalik ka na sa –”
Bumakas ang inis sa mukha ni Ayesha kaya natigilan ako. Lumapit siya at nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang collar ng damit ko. Mahigpit parang gusto akong sakalin na ewan.
“Iyan talaga ang tingin mo sa akin? Gagamitin ko lang ang pangako ko noon at lilinlangin ka para sa ibang motibo? Alam mo ba kung gaano katagal akong nag-isip bago ako nakapagdesisyon na sundin ang puso ko?”
May bumara na naman sa lalamunan ko. Parang may asidong humihiwa sa sikmura ko.
“Ang sabi sa akin ng Forseer, hindi pa sigurado ang hinaharap ko. Na may dalawa akong hinaharap at ang mga desisyon na gagawin ko sa kasalukuyan ang magdidikta kung alin ang magiging hinaharap ko talaga. Sa tingin ko, hindi lang sa akin applicable iyon. Lahat ng tao, kahit na ikaw, hindi pa nakatakda ang hinaharap. Mababago pa iyon ng desisyon na gagawin mo ngayon. At ako, ito ang desisyon ko, Zion.”
Ilang segundo bago rumehistro sa utak ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Hindi na ako nakapag-react nang tumingkayad siya kasabay ng paghatak niya sa damit ko kaya napayuko ako.
Hinalikan niya ako.
O mas tamang sabihin na mariin lang niyang nilapat ang mga labi niya sa bibig ko. Hindi siya marunong humalik. Sigurado ako. Natutukso akong ipakita sa kaniya kung paano talaga ang humalik at mahalikan. Pero kapag ginawa ko iyon ano ang susunod na mangyayari?
Kumurap ako nang lumayo na sa akin si Ayesha. Binitawan niya ako. Para akong nawala sa balanse kahit na pareho namang nakalapat sa lupa ang mga paa ko. Para akong tanga na nakatitig lang sa mukha niya. Determinado pa rin ang kislap sa mga mata niya.
“Kung ano man ang maging desisyon mo, sabihin mo sa akin, please? Nasa Alpuerto mansion lang ako. Hihintayin kita, Zion.”
Magrereklamo pa lang ako tumalikod na siya at patakbong lumayo sa akin. Nakanganga na lang akong napasunod ng tingin sa kaniya hanggang lamunin na siya ng kadiliman at tuluyang mawala.
Pero ang pakiramdam ng yakap niya at ng mga labi niya sa bibig ko, hindi yata mawawala.
Mariin akong napapikit. Shit. Ginulo niya ang buong sistema ko. Ginulo niya ang isip ko na magulo naman na talaga. Kaya nga ako lumabas.
Tangina, hindi ko na alam kung ano ang tama at mali. Hindi ko na alam kung ano ang dapat ko sundin. Hindi ko na alam kung ano ang susunod kong gagawin.
Inis na ginulo ko ang buhok ko. Dumilat ako, tumalikod sa direksiyong tinakbo ni Ayesha at mabilis na naglakad palayo.