Chapter 76

(ZION)

MADALING araw na ako nakabalik sa hotel. Kakatapak ko pa lang sa palapag na bayad ng tatay ko naramdaman ko na agad na may hindi tama. Mabilis ang kilos ng mga puppet ng tatay ko papunta sa elevator at malamang palabas ng hotel. May determinasyon sa mga mukha nila.

May inutos sa kanila si erpats. Sigurado ako.

Hindi maganda ang kutob ko. Mabilis akong nagpunta sa kuwarto kung saan tumutuloy ang tatay ko. Kakatok pa lang ako bumukas na ang pinto ‘non. Palabas siya ng kuwarto niya.

“Saan ka pupunta?”

“Hindi na ako makakapaghintay pa. Kung ayaw nila ibigay sa akin ang mansiyon walang makikinabang ‘non,” sagot ni erpats. Hindi man lang huminto at nilampasan na ako. Malalaki ang mga hakbang.

Lalo akong kinutuban. Napasunod ako sa kaniya. “Anong gagawin mo?” dudang tanong ko nang makahabol ako sa kaniya sa loob ng elevator.

Sinulyapan niya ako. “Sisiguruhin na walang makikinabang sa mansiyon.”

Naintindihan ko agad kung ano ang balak niyang gawin. Mabilis kong pinindot ang numero ng kasunod na palapag para mapigilan ang pagbaba agad ng elevator. Halatang nagulat ang tatay ko. Sinalubong ko ng tingin ang mga mata niya. “Huwag mong gawin. Nakuha mo na ang gusto mo. Napabagsak mo na sila. Hindi mo kailangan ang mansiyon pero sila kailangan nila iyon. Ibalato mo na sa kanila.”

Tumalim ang tingin niya sa akin. “Wala kang alam, Zion. Hindi ko pa sila napapabagsak hangga’t hindi ko nakukuha ang mansiyon na iyon. Hangga’t nasa kanila pa iyon. Iyon ang sentro nila. Kumbaga sa katawan ng tao, ang mansiyon ang puso. Hitman ka, hindi ba? Kaya alam mo na para patayin ang isang tao, dapat puso ang tirahin. At iyon ang gagawin ko.”

Tumiim ang bagang ko. Hindi ko gusto ang kislap sa mga mata ng tatay ko. Talo pa ang mga kriminal na lulong sa droga. Wala na sa sarili dahil puro kabaliwan na lang ang tumatakbo sa utak.

Ayokong maramdaman pero nasaktan ako na mukhang hindi na makakaalpas sa kasamaan at kadiliman ang tatay ko. Kinain na siya ng galit at kagustuhang maghiganti.

Akala ko may pag-asa pa. Mali ako.

Bigla kong naalala si Ayesha. Narinig ko ulit ang mga sinabi niya tungkol sa kung paano mababago ng desisyon sa kasalukuyan ang magiging hinaharap. Buong buhay ko, sigurado na akong sa impiyerno ang bagsak ko. Na hindi na magiging maayos ang kalagayan ko sa lipunan pagkatapos ng lahat ng kinailangan ko gawin para mabuhay. Pero ngayon may gustong kumawala sa dibdib ko na pagrerebelde sa dati sigurado akong magiging bagsak ko pagdating ng araw.

May kapangyarihan akong baguhin ang hinaharap ko. Hindi katulad ng kapangyarihang dala ng lahing pinagmulan ko na kakaiba at mahika pero kasing lakas din. Kapangyarihang magdesisyon kung ano ang hinaharap na gusto ko at siguruhing matutupad iyon. Kapangyarihang magbago.

Dumeretso ako ng tayo. “Kung itutuloy mo ang gusto mo, labas na ako diyan,” determinadong sabi ko. “Ayoko nang sumali sa mga plano mo. Sobra ka na.”

Ilang segundo yata bago rumehistro sa kaniya na kakalas na ako sa mga plano niya. Nagulat siya. Pagkatapos nakita ko ang matinding galit sa mukha niya.

“Ta-traydurin mo ako, ganoon ba?”

Kinuyom ko ang mga kamao ko. “Walang traydurang nangyayari dito. Hindi ko na lang gusto ang mga ginagawa mo.”

“Ha! Ang sabihin mo, gusto mo kumawala para sa isang babae. Akala mo ba walang nakakita sa inyo kanina sa labas ng hotel? Marami akong tauhan, Zion. Huwag mo akong lokohin.”

Nagalit na talaga ako. “Ikaw ang niloloko ako! Nang araw na sumulpot ka sa buhay ko pagkatapos ng maraming taon, sinabi mo na gusto mo akong makasama dahil anak mo ako.Na babawiin natin ang mga kinuha sa atin dahil gusto mong mabuhay na ulit tayo na magkasama. Pumayag akong sumama sa plano mo kasi… tangina, umasa ako na sa tagal ko sa mundong ‘to na mag-isa, sa wakas may matatawag na akong pamilya.

“Pero hindi para sa akin ang ginagawa mo. Hindi para sa pamilya natin. Para sa sarili mo. Para sa kahibangan mo sa nanay ko. Para sa galit at paghihiganti na nagpaitim na sa budhi mo!”

Nahigit ng tatay ko ang hininga niya. Nanlaki ang mga mata at napasandal sa isang bahagi ng elevator. Namutla siya. Napahawak sa leeg na parang nahihirapang huminga.

Lumampas ang tingin ko sa kaniya at napunta sa repleksiyon ko sa pader ng elevator. Saka ko lang nakita ang mga mata ko.

Sa galit ko hindi ko nakontrol ang kapangyarihan ko. Nagamit ko sa tatay ko. Kumurap ako. Napaatras. Para akong binuhusan ng isang baldeng yelo.

Habol niya ang paghinga niya nang mawala sa kontrol ng kapangyarihan ko. Napaluhod siya sa sahig. Naubo.

Mabilis kong pinindot ang buton ng susunod na palapag. Sandali lang bumukas na ang pinto ng elevator. Paatras akong lumabas.

Nagawa ko na naman. Nagamit ko ang kapangyarihan ko nang hindi ko sinasadya. Kung hindi ko nakita agad baka napatay ko na ang sarili kong ama.

Lumitaw ang mukha ni Ayesha sa isip ko.

Ang tanging tao na hindi tinatablan ng sumpang mayroon ako. Ang babaeng matindi ang hatak sa akin. Ang babaeng gusto kong paniwalaan na makakatakas pa ako sa kadiliman.

Gusto ko siyang makita. Gusto kong magdesisyon para sa sarili ko. Gusto kong maniwala na pwede pa akong mailigtas. Gusto kong mabuhay ng matino kahit na may sumpa akong dala sa loob ko.

Tumalikod ako, handa nang lumayo sa tatay ko na mas gustong magpalamon sa kasamaan.

“Huwag kang magmalinis, Zion. Pareho tayo,” paos na sabi ng tatay ko. Napahinto ako sa paglalakad. Nilingon siya. Nakaluhod pa rin siya sa sahig pero deretso na ang tingin sa akin. “Nananalaytay sa ugat mo ang dugo ko at ang dugo ng iyong ina. Akala mo lang matatanggap ka nila pero hindi. Ibabalik ka lang nila sa kulungan mo noon kapag hindi ka na nila kailangan. Walang magmamahal sa iyo, Zion. Magkatulad tayo. Magsisisi ka na ipagpapalit mo ako sa kanila.”

Mariin kong pinaglapat ang mga labi ko. Ayoko makinig sa kaniya pero medyo tinablan ako ng mga sinasabi niya. Paanong hindi ako tatablan ‘e iyon din ang mga sinasabi ko sa sarili ko sa loob ng mahabang panahon.

“Hindi tayo magkatulad,” gigil na sagot ko. “Hindi ako magpapatalo sa kahinaan ko na katulad mo. Hindi ako magpapatalo sa dugong sinasabi mong nananalaytay sa katawan ko.”

Saka ako tumalikod at mabilis na lumayo sa kaniya.

Alam ko na nangako si Ayesha na ilalabas niya ako mula sa kadiliman at ililigtas niya ako. Pero alam ko na dapat ako mismo ang gumawa ‘non.

Kaya iyon ang gagawin ko.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.