Chapter 77

(Ayesha)

MALAKING bahagi na ng buwan ang nakalitaw sa kalangitan. Kahit kanina pa kami nagkaharap ni Zion, mabilis pa rin ang tibok ng puso ko hanggang ngayon. Lalo na kapag naaalala ko ang mga sinabi at ginawa ko.

Hinalikan ko siya.

Hindi ako makapaniwala na may lakas ako ng loob na gawin iyon. Pero hindi ko napigilan ang sarili ko. Kahit anong sabihin ko, kahit gaano ko pa ipakita sa mukha ko ang nararamdaman ko, ayaw pa rin niyang maniwala. Ayaw niyang buksan ang isip niya. Ayaw niya akong papasukin sa harang na pinalibot niya sa sarili sa mahabang panahon bilang proteksiyon.

Umakto ako base sa instinct ko. At kahit nahihiya ako, hindi ako nagsisisi.

“Para mong hinahamon ang tadhana.”

Iyon ang sabi sa akin ni Luna nang dumaan ako sa Malyari compound pagkatapos ko makipagkita kay Zion. Kasama ko sina Chance at sir Angus pero mas gusto nilang maghintay sa sasakyan sa labas ng compound.

Dumeretso ako sa ancestral house at lampas isang oras nakipag-usap kay mama at lola para sabihin sa kanila ang mga naging desisyon ko. Nang sa wakas pakawalan na nila ako at hayaang makalabas sinalubong naman ako ni Luna at iyon ang una niyang sinabi sa akin. Hindi na ako nagkunwari na hindi ko alam ang sinasabi niya.

“Pinili ko lang ang hinaharap na gusto ko.”

“Kahit na alam mong hindi magiging tahimik at madali ang hinaharap na iyon?” tanong ni Luna.

Ngumiti ako. “Iyon pa rin ang pipiliin ko. Si Zion pa rin. Dahil kung pipiliin ko ang kasalungat na hinaharap, pakiramdam ko tumakas lang ako. Isa pa, hindi ko pwedeng piliin si Cain. May ibang babaeng nakatakda para sa kaniya. At mas magiging masaya siya sa piling ng babaeng iyon.”

Gumanti ng munting ngiti si Luna. Pero nawala rin agad ang ngiti niya. Medyo umangat ang mukha na para bang may narinig siya o naramdaman. “Hindi ka magtatagal dito, hindi ba?”

“Oo. Nagsabi na ako kay mama at lola. Pupunta ako sa Alpuerto mansion. Maghihintay na darating si Zion. Mas magiging maganda kung magkakasundo silang pamilya. At mangyayari lang iyon kung makakapag-usap sila ng maayos.”

“Mag-iingat ka.”

Kinabahan ako sa tono ni Luna. “May mangyayari bang hindi maganda?”

“Nakalimutan mo na ba ang naging laman ng iyong mga panaginip? Nalimutan mo na ba na katulad mo may dalawang posibleng hinaharap din si Zion? Babalutin ang gabing ito ng init at liwanag. Mag-iingat ka.”

Nanlaki ang mga mata ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ang mga panaginip ko. Hinahabol ko si Zion. May galit sa mukha niya na nasisinagan ng malakas na apoy.

Apoy na siya ang may gawa.

Mabilis akong nagpaalam kay Luna at patakbong lumabas ng Malyari compound papunta sa nakaparadang kotse na ginamit namin nina sir Angus at Chance. Nagulat sila nang makitang nagmamadali ako pero hindi na ako nagpaliwanag. Pinagmadali ko na lang sila pabalik sa Alpuerto mansion.

Nasa daan pa lang kami papunta sa Forbes park naalarma na ako ng malakas na tunog ng mga truck ng bomber sa malayo. Palapit ng palapit sa daan na tinatahak namin. Lalo akong kinabahan nang pagpasok namin may mga tao sa labas. Kakaiba iyon dahil bihira may makitang pakalat-kalat na residente sa labas ng mga mansiyon nila.

“Anong nangyayari?” takang tanong ni Chance na sumisilip sa labas ng sasakyan.

Sumilip din si sir Angus na siyang nagmamaneho. Natigilan siya. “May itim na usok doon sa malayo. Parang may nasusunog.”

“Bilisan natin!” tarantang sigaw ko. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko. Nanlalamig na ako sa takot. “Ang Alpuerto mansion ‘yon!”

Halatang nagulat ang dalawa. “What? Paano mo nalaman?” Sabay pa sila ng pagkakasabi.

“Saka ko na ipapaliwanag. Bilis na!”

Pinaharurot ni sir Angus ang kotse.

Malayo pa lang kami natatanaw na namin ang Alpuerto mansion. Sa dilim ng gabi, kitang kita ang pagliliyab niyon.

“Naroon ang buong pamilya maliban sa amin,” tarantang sabi ni sir Angus.

Si Chance paulit-ulit na nagmumura. Mariing nakakuyom ang mga kamao niya.

Namasa na ang mga mata ko. Taimtim akong nagdasal na sana walang mapahamak sa sunog.

Pagkahinto ng kotse, hindi pa napapatay ang makina lumabas na kaming tatlo at tumakbo palapit sa mansiyon. Damang dama ko ang init, para akong masusunog. Sa laki ng Alpuerto mansion halos kalahati na ‘non ang balot ng apoy. Nagkakaingay sa paligid dahil tarantang lumilikas ang mga taong nakatira sa mga mansiyong malapit. Palakas ng palakas ang tunog ng sirena ng mga papalapit na bombero. Pero mas malakas sa pandinig ko ang mabilis na tibok ng puso ko habang nakatingin sa entrada ng mansiyon na himalang hindi pa nasusunog.

May nakatalikod na tao malapit doon.

Si Zion.

Alam ko dahil suot pa rin niya ang damit na suot niya nang magkita kami kanina sa labas ng hotel na tinutuluyan niya. Mas marumi na nga lang iyon ngayon. Humakbang siya, parang papasok sa nasusunog na mansiyon.

Napatakbo ako. “Zion!”

Huminto siya at lumingon. Madilim at dahil sa liwanag ng apoy natabingan ng anino ang mukha niya kaya hindi ko makita. Ano ang ekspresyon niya ngayon? Ano ang emosyong nasa mga mata niya? Namasa ang mga mata ko. “Zion!”

Pero pumihit lang ulit siya paharap sa entrada. Parang hindi ako nakita at narinig. Saka mabilis na pumasok sa nasusunog na mansiyon.

Desidido na ako sumunod sa kaniya pero may biglang humawak sa braso ko. Nilingon ko ang taong pumigil sa akin. Suminghap ako nang marealize na si Cain pala ang may hawak sa akin. “Don’t come near the mansion. It’s dangerous.”

Kumurap ako. Madungis si Cain, magulo ang buhok at nangingitim ang suot. Hinatak niya ako palayo sa mansiyon hanggang makita ko ang mga matatandang Alpuerto at ang tatlong babae sa pamilya ilang bloke ang layo. Wala si senator Gregorio.

Nakasalampak ang mga babae sa kalsada. Umiiyak si Agnes na yakap ni tita Martha. Si Corazon, histerikal habang iniisa-isa ang mga importanteng bagay na pag-aari nito na kasamang tinutupok ng apoy.

Ang mga Elder hindi na mukhang makakapangyarihan at maimpluwensiya. They all look like weak old men now. Magkahalong pagkamangha at pagdurusa ang nasa mukha nila habang nakatingin sa nasusunog na mansiyon. Namamasa pa ang mga mata nila na parang gustong maiyak sa nakikita.

May bumikig sa lalamunan ko. Tiningala ko si Cain. “Sino ang may gawa ng sunog?” paos na tanong ko.

Please. Huwag si Zion. Sana hindi nagkatotoo ang napanaginipan ko. Ang hinaharap na nakita ko.

Mukhang nabasa ni Cain ang taimtim kong dasal dahil umiling siya. “Hindi siya ang may gawa nito. In fact, he help me save the Elders from the fire. Dumating siya malaki na ang apoy. Nagpapahinga na sa kani-kanilang silid ang matatanda habang kami nila papa, tiyo Demetrio at tiyo Victor nag-uusap sa library nang magsimula ang sunog. We were… too deep inside the library at hindi kami nakalabas agad. Pagdating namin sa hallway, makapal na ang usok. Nahirapan kami nila papa na iligtas silang lahat. Just when I thought we will lose one of them… he came. My… my twin brother came to help us.”

Napahinga ako ng maluwag. Naantig ang puso ko sa nakikita ko sa mukha ni Cain. Nanginig pa ang boses niya. Nauunawaan ko na big deal sa kaniya na tinulungan sila ni Zion. Alam ko na gusto rin ni Cain na pumunta sa panig nila ang kakambal niya. Alam ko na sa kabila ng lahat ng maling ginawa ng mga matatanda noon, nagsisisi sila na hindi nila napalaki ng maayos si Zion.

Zion made a choice. Binuksan ng desisyon na iyon ang daan papunta sa mas maayos na hinaharap. He made the choice to get out of the claws of darkness.

Naiiyak ako pero pinigilan ko ang sarili ko. Huminga ako ng malalim. “Kung ganoon paano nagkaroon ng sunog? N-nasa loob pa ba ang iba?”

Tumiim ang bagang ni Cain. Binitawan niya ako at tumitig siya sa mansiyon. “Our father. Siya ang may gawa ng sunog. Siya at ang mga tauhan niya na nagsipag-alis nang lumiyab ang mansiyon. Nasa loob pa si… Ambrosio. Sila papa Gregorio nasa loob pa rin. He’s trying to confront him. Pero nagmamatigas. Papasok ako sa loob. Maiwan ka dito.”

Bago pa ako makapagsalita tumakbo na si Cain pabalik sa mansiyon. Lampas kalahati na ang nasusunog.

“Cain!” tawag ko sa kaniya pero hindi siya lumingon. Tuluyan siyang nawala sa paningin ko.

Nilingon ko si sir Angus at Chance na tinutulungang kalmahin ang mga babae at nakatatanda sa pamilya nila. Mas kailangan sila doon. Iginala ko ang tingin sa paligid. Sa di kalayuan huminto na ang ilang truck ng bumbero. Handa nang apulain ang apoy.

Tumingala ako sa panggabing kalangitan. Nasa tuktok namin ang buwan. Bakit parang ang liwa-liwanag ‘non kahit na hindi pa nga half moon? Bakit parang natutuwa ito sa nasasaksihan?

Pinaglapat ko ang mga labi ko.

Diyosa Mayari, ikinatutuwa mo ba ito? Natutuwa ka ba na sila-sila nagsasakitan? Do you think they deserve this because of what their ancestor did to Goddess Dian Masalanta?

Ang dami kong gustong sabihin sa diyosa pero kahit alam kong naririnig niya ako, hindi naman niya ako kakausapin. Naipakita na niya sa akin sa pamamagitan ni Luna ang lahat ng gusto niyang makita ko.

Lumunok ako. Inalis ko ang tingin sa buwan. Huminga ako ng malalim at nakapagdesisyon.

Kahit mainit at alam kong delikado, tumakbo ako papasok sa nasusunog na mansiyon.

HINDI pa masyadong tinutupok ng apoy ang living room pero balot na iyon ng makapal na usok. Naubo agad ako at naluha ang mga mata ko sa hapdi na dulot ng init at usok.

Nasaan kaya sila?

Biglang may umalingawngaw na putok ng baril sa itaas na palapag ng bahay. Tumalon ang puso ko sa gulat at takot. Sino ang nagpaputok at sino ang binaril?

Putok na naman ng baril. Napatakbo na ako paakyat sa hagdan. May humalakhak sa kanang pasilyo kaya doon ako dumaan. As I go deeper inside the hallway, the fire and heat grow stronger.

Binilisan ko ang pagtakbo. Napatili ako nang may bahagi ng kisame ang bumigay at bumagsak. Nahagip ng nag-aapoy na kahoy ang isang braso ko. Sumigi ako sa pagtakbo. May bumagsak naman sa kabilang gilid ko. Naiiyak na ako sa hapdi. Parang gusto ko na bumalik sa pinanggalingan ko at lumabas na lang. Huminto na ako sa paglalakad. Nauubo na ako at tatalikod na sana.

“Nababaliw ka na talaga!”

Napahinto ako. Boses iyon ni Zion. Tiningnan ko ang pinanggalingan ng boses niya.

Sa dulong bahagi ng pasilyo. May isang silid na ang pinto ay bumagsak na sa sahig.

“Sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin. Pero lahat tayo, mamamatay dito. Subukan niyo lumabas, babarilin ko kayo. Hindi na ako magmimintis.” Boses iyon ni Ambrosio.

Kumabog sa takot ang dibdib ko. Mabilis akong lumapit sa bukana ng silid hanggang sa makita ko na ang nasa loob.

Wala pang masyadong sunog sa kuwarto na iyon pero maitim ang paligid. Walang mga gamit. May kumurot sa puso ko nang marealize na iyon ang kuwarto ni Rosario. Doon namatay ang babae. Doon nagsimula ang paghihiganti ni Ambrosio. Doon huling nagkasama sina Cain at Zion.

At ngayon may pakiramdam ako na doon din magwawakas ang lahat.

Nakatayo silang lahat sa gitna ng silid. Malapit sa pinto sina senator Gregorio, Cain at Zion. Si Ambrosio, nakaharap sa kanila, hawak ang baril na nakatutok sa tatlo.

Kinilabutan ako sa ekspresyon niya. Galit at parang wala sa sarili ang mga mata pero malawak ang ngiti niya. “Hindi ako takot mamatay dahil sa ganitong paraan makakasama ko si Rosario. Ang silid na ito lang ang kailangan ko sa mansiyon na ito pero nagmamatigas kayo. Ayaw niyong umalis sa tanging lugar na puno ng mga alaala namin ni Rosario. Kaya walang makikinabang dito. Walang ibang pwedeng umangkin sa mansiyon na ito. Mamamatay tayo lahat!” Saka siya humalakhak.

“Ito lang iyon?” manghang sabi ni Zion. “Lahat ng ginawa mo at ang paghihiganti na gusto mo, para lang sa mansiyon na ito? Para sa alaala na kasama mo ang asawa mo? Hindi mo man lang naisip na kaming mga anak mo buhay pa?”

“Mga anak? Aanhin ko ang mga anak kung wala ang babaeng mahal ko? Walang makakapalit sa kaniya sa puso ko. Wala! Ikaw Zion, ginamit lang kita. Narinig ko na magaling kang mamamatay tao. Alam ko na kapag nakuha ko ang kooperasyon mo magiging makapangyarihan ako. Alam ko na sasama ka sa akin. Dahil kahit mukha kang matigas sa labas, alam kong naghahanap ka ng pamilya. Nakita ko iyon sa mga mata mo nang araw na magpakita ako sa iyo.”

Nasaktan ako para kay Zion. At alam ko na mas matindi ang sakit na nararamdaman niya ngayon dahil hindi siya kumibo sa sinabi ng ama.

“So you really never cared for us,” sabi ni Cain. Dinig ko ang hinanakit sa boses niya.

Parang hindi siya narinig ni Ambrosio. Tumingala siya. “Rosario, magkakasama na tayo sa wakas, mahal ko.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.