Chapter 78

(AYESHA)

“Lumabas na tayo dito, Ambrosio. Lumabas tayong lahat na buhay. Huwag kang kumapit sa alaala ng patay na,” sabi naman ni senator Gregorio. Malumanay at nakikiusap ang boses.

Nawala ang ngiti ni Ambrosio at nanlisik ang mga matang tumingin sa kapatid. “Patay na? Ganiyan mo na lang ituring si Rosario kahit na sinabi mong mahal mo siya noon? Ganiyan lang kababaw ang naging pagtingin mo sa kaniya? Tama lang pala na inagaw ko siya sa iyo!”

“Minahal ko siya ng husto! Patuloy ko siyang mamahalin buong buhay ko. But more than the memory of her, I value the living more. Mahalaga sa akin ang pamilya natin. Mahalaga sa akin ang kasaysayan ng lahi natin na ngayon ay kinakain na ng apoy na ikaw ang may gawa! Sa kabila ng lahat ng nagawa mo noon at ngayon, kapatid pa rin kita at mas mahalaga ka rin sa akin kaysa kay Rosario. I want you to live. I want us to live. I want our bloodline to continue to exist in this world!” sigaw na ni senator Gregorio.

Nakatayo pa rin ako malapit sa pinto nang biglang bumigay ang kisame sa itaas ko. Bumagsak iyon at napatili ako dahil kahit umiwas ako natamaan pa rin ako. Sobrang sakit ng nasunog kong balat mula sa apoy na umuubos sa piraso ng plywood na iyon.

“Ayesha?! What the hell are you doing here?!” sigaw ni Cain.

Napalingon ako sa kaniya. At nakita kong nakatingin na silang lahat sa akin. Si Zion, magkahalong pagkamangha at takot ang nakikita ko sa mukha niya. Lumakas ang apoy sa pasilyo at napatili na naman ako nang may bumagsak na namang kisame kahit na malayo iyon sa akin. Na sinundan ng isa pang pagbagsak sa may paanan ko naman.

“Ayesha!” tawag ni Zion sa pangalan ko. Napasinghap ako at napalingon. Nakita ko na nakatakbo na siya palabas ng silid, nakabuka ang mga braso at ilang hakbang na lang makakalapit na siya sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko nang makitang itutok ni Ambrosio ang baril na hawak niya kay Zion. Pinaputok niya iyon nang wala man lang pag-aalinlangan. Napaigik si Zion, nanlaki ang mga mata at bumagal ang pagkilos hanggang sa nasa mismong harap ko na siya. Nawalan siya ng balanse. Ibinuka ko ang mga braso ko at nasalo ko siya bago siya matumba. May dugo siya sa tagiliran!

“Zion!” naiiyak at tarantang tawag ko sa kaniya. Mahigpit kong pinaikot ang mga braso ko sa katawan niya para makaya ko ang bigat niya. Pumulupot ang mga braso niya sa mga balikat ko. Humigit siya ng hangin at naubo.

“Bakit mo ginawa iyon? Anak mo siya!” galit na sigaw ni senator Gregorio kay Ambrosio.

“Walang lalabas dito! Walang magliligtas sa inyo. Iyang babaeng iyan, iyang tinatawag niyong moon bride, wala iyang silbi. Hindi siya tagapagligtas na katulad ng akala niyo. Isa lang din siyang mortal katulad nating lahat. Tingnan niyo, itong baril at ang iba pang sandata na naimbeto ng mga tao, mas malakas kaysa sa kapangyarihang mayroon tayo. Mula nang maimbento ang mga ito nawalan na ng silbi ang mga naunang henerasyon sa atin kaya ang ginawa nila nagpayaman na lang sila. Pinaasa lang tayo ng mga ninuno natin at pinaniwala na espesyal tayo pero hindi iyon totoo. Hindi tayo espesyal. Isinumpa tayo. We are all meant to die anyway! Bakit hindi pa ngayon?”

“Nasisiraan ka na talaga! You are beyond redemption!” galit na sabi ni Cain. Pagkatapos ay humarap siya sa amin ni Zion at tumakbo palapit sa amin.

“Cain, no!” sigaw ko dahil nakita kong sa kaniya naman itinutok ni Ambrosio ang baril. Biglang pinihit ako ni Zion patalikod kaya siya naman ang naharap sa loob ng silid.

“Tumigil ka na! Huwag ang kapatid ko!” sigaw niya.

Napasinghap ako dahil kahit duguan siya naramdaman ko ang paglabas ng enerhiya mula sa katawan niya. Narinig ko ang paghigit ng hangin ni Ambrosio at ang pagbagsak sa sahig ng baril.

Ginagamit ni Zion sa ama ang kapangyarihan niya. Pilit akong sumilip mula sa mga braso niyang nakapaikot sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakaluhod sa sahig si Ambrosio, galit ang mga mata habang nakatingin kay Zion, namumula ang mukha at nakahawak ang mga kamay sa leeg.

“Papatayin mo ako?” paos na sabi ni Ambrosio sa anak. “Sige, gawin mo. Para lalo mong mapatunayan na magkapareho talaga tayo, Zion. Katulad ko kaya mo rin pumatay ng kadugo.”

Naramdaman ko ang tensiyon sa katawan ni Zion. I felt his power waver. Ngumisi si Ambrosio. Alam nito kung paano lalaruin ang emosyon ng anak. Humigpit ang yakap ko kay Zion.

“Hindi ka niya katulad,” sabi ko sa kaniya. Isinubsob ko ang pisngi ko sa dibdib niya. Naririnig ko ang mabilis at malakas na tibok ng puso niya. “May puso ko, Zion.”

Humigpit ang mga braso niya na nakapaikot sa mga balikat ko. Hindi siya nakatingin sa akin pero alam ko na rumehistro sa kaniya ang mga sinabi ko.

Nawala ang ngiti sa mukha ni Ambrosio, namula lalo ang mukha at lalong parang hindi na makahinga. Bigla ang apoy sa paligid kumalat na sa bukana ng silid. Lumapit si senator Gregorio kay Cain, hinawakan ito sa braso at hinatak palabas ng silid at palapit sa amin.

“We need to get out of here. Mauna na kayong tatlo. I will drag him out of this place,” sabi ng senador.

“Pero papa – ” Si Cain.

“Walang silbi kahit subukan mo siya iligtas,” sabi ni Zion sa hirap na boses. “Ito ang plano niya umpisa pa lang. Pagkatapos gantihan ang pamilya niya, plano niya mamatay dito kung saan namatay ang asawa niya. Kapag nagpumilit kang isama siya palabas, mamamatay ka rin dito kasama niya.”

Namutla ang senador. Nagdadalawang isip. Uminit ang mga mata ko. Sa kabila ng lahat ng ginawa ni Ambrosio, importanteng pamilya pa rin ito para kay senator Gregorio. At kahit masakit para sa aking aminin ay tama si Zion. We cannot save Ambrosio. Because he doesn’t want to be saved.

Biglang nagliyab ang loob ng kuwarto at napaatras kami palayo. Nawala ang kapangyarihan ni Zion. Habol ni Ambrosio ang paghinga na naging ubo dahil kumakapal na ang usok at apoy doon. Tumingala siya sa amin. Ngumisi. May itinuro.

Sabay-sabay kaming tumingala. Binalot ako ng takot nang makita ang malaking bahagi ng kisame sa mismong itaas namin na nilalamon na ng apoy. Bumigay at babagsak na sa amin.

No!

Humigpit ang yakap ko kay Zion. Mariin akong pumikit at sumubsob sa dibdib niya.

Please. Hindi kami pwedeng mamatay. Ayoko.

Gods. Godesses. Kahit sino mang nakikinig sa inyo ngayon. Save us!

Bigla ay may init akong naramdaman sa loob ko. Bigla bumagal ang oras para sa akin. Kumalat ang init sa buong katawan ko at biglang umalpas. Nahigit ko ang paghinga at ilang segundo bago ko narealize na nawala ang nakakapasong init ng apoy. Nawala rin ang nakakaubo at nakaka-suffocate na amoy ng makapal na usok.

What was left is a comfortable warmth surrounding me. At malamyos na tinig na bumubulong sa tainga ko gamit ang lengguwaheng minsan ko na narinig.

Hindi pa magtatapos ang buhay mo rito. May nakatakda ka pang gawin. Ikaw ang magiging katapusan. Kailangan mo mabuhay hanggang sa susunod na kabilugan ng buwan… Tapusin mo ang nasimulan… Saka lang makakamit ang kalayaan…

Dumilat ako.

Hindi kami nabagsakan ng nasusunog na kisame. Para iyong lumihis at tumama sa bukana ng kuwarto kung nasaan si Ambrosio na nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa amin.

Dahan-dahan akong kumalas kay Zion. Nakita ko si Cain at senator Gregorio na mangha rin ang ekspresyon habang iginagala ang tingin. Tumingin din ako sa paligid namin. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang may parang invisible shield na nakapalibot sa amin. Hindi nakakapasok ang usok at apoy.

“Ano ‘to?” manghang tanong ko.

Tumingin sa akin ang tatlo. “Galing sa iyo,” sabi ni Cain at itinuro ako.

Napayuko ako at nakita ko na parang may liwanag na nagmumula sa katawan ko.

“It is one of your power as the bride born under the blood moon. The power to protect yourself,” bilib na sabi ni senator Gregorio. “Siguro iyan ang dahilan kaya nang tangkain ni Victor na saktan si Rebecca noon nawala ang kapangyarihan niya. Because he will hurt you in the process. Dahil buntis ang nanay mo noon sa iyo. You protected yourself and protected your mother too. At ngayon… napoprotektahan mo rin kami.”

Hindi ako makapagsalita. Namamangha pa rin kasi ako. Bukod sa para pa ring nag-e-echo ang malamyos na tinig na kanina bumubulong sa tainga ko.

“May tao ba diyan?!” Sigaw ng kung sino mula sa dulo ng hallway kung saan ako galing kanina. Napalingon kami lahat. “Rescue ‘to! Sumagot kayo kung mayroong tao. Tutulungan namin kayo.”

“Ang mga bumbero! Sigurado inaapula na nila ang apoy.” Hindi ko napigilan makahinga ng maluwag. We are saved!

“Nandito kami!” malakas na sigaw ni senator Gregorio.

Bigla may narinig kaming malakas na bumagsak. Napalingon kami. Ang malaking bahagi ng sira na talagang kisame ng kuwarto kung nasaan si Ambrosio ang bumigay. Nilamon ng apoy ang loob ng silid, kasama na si Ambrosio na hindi humihiyaw sa sakit pero nakapikit pa na parang iyon talaga ang hinihintay niya!

“Ambrosio!” sigaw ni senator Gregorio. Tinangka niyang tumakbo para tulungan ang kapatid pero para siyang tumama sa pader na napigilan ng invisible shield na nakapalibot sa amin. Nilingon niya ako. “Alisin mo ‘to! Kailangan ko siya tulungan!”

Nataranta ako. Sinubukan kong taimtim na hilingin na mawala ang harang pero walang epekto. Tumindi ang apoy sa kinaroroonan namin. Parang nagliliyab na ang lahat maliban sa sahig na inaapakan namin.

“Papa, we need to get out,” sabi ni Cain sa senador. Nanginginig din ang boses ng binata. Si Zion din, nararamdaman ko ang tensiyon ng muscles niya. Naluha na ako. Hindi ko kinaya pagmasdan lamunin ng apoy si Ambrosio. Iniwas ko ang tingin ko.

“Tara na,” sabi ni Zion maya-maya. Kahit hirap maglakad hinapit niya ako sa katawan niya at nagsimulang kumilos palayo sa nasusunog na kuwarto. Napilitan sumunod sina Cain. Humikbi ako. Humigpit ang braso ni Zion sa balikat ko. “Huwag ka umiyak,” bulong niya sa ulo ko. “Huwag ka umiyak.”

Bago kami makarating sa parte ng ikalawang palapag kung nasaan ang hagdan pababa nasalubong na namin ang ilang rescue personel. Nang dumating sila bigla parang lobo na pinutok at nawala ang shield na nakapalibot sa amin. Napaungol ako sa nakakapasong init at napaubo sa usok. Ganoon din ang mga kasama ko.

Ang hindi ko inaasahan ay ang panghihina na naramdaman ko. Nanlambot ang mga tuhod ko at dahil inaalalayan ko si Zion pareho kami nawalan ng balanse. Napaluhod kami. Tinulungan kami agad ng rescuer. Nanlalabo ang diwa ko at para akong hihimatayin pero nilabanan ko ang pagkahilo.

Hanggang makalabas kami ng mansiyon at makasagap kami ng hangin.

“Ayesha!”

Boses iyon ni mama. Nag-angat ako ng mukha. Sa nanlalabong paningin nakita ko siyang tumatakbo palapit sa akin. Sa likuran niya naroon ang lola ko. Niyakap ako ni mama. “Salamat sa mga Diyos at buhay ka,” umiiyak na sabi niya.

Napangiti ako. Yumakap din sa kaniya. Huminga ako ng malalim at sandaling sumandig kay mama. Nang medyo mawala ang pagkahilo ko saka lang ako umayos ng tayo. Nakatitig si mama sa nasusunog na mansiyon. Nilingon ko rin iyon.

“Iyan ang isa sa pinaka-unang itinayong bahay dito sabi ng lola ko,” bulong ni mama, may lungkot sa boses.

Narealize ko, nasasaksihan namin ang pagkawasak ng isang kasaysayan. Hindi lang ng isa sa unang bahay na naitayo roon. Kasamang maaabo ang lahat ng alaala ng mga nakaraang henerasyon ng mga Alpuerto na tumira roon.

Sa laki ng apoy na ngayon tinutupok na ang kabuuan ng mansiyon kahit may mga bumbero nang sinusubukan patayin ang apoy, wala ni isang bakas ng lihim ng angkan ng mga Alpuerto ang matitira.

Lalo na kapag dumating na ang susunod na kabilugan ng buwan.

Kailangan ko tapusin ang nasimulan. Sa gabi ng ikalabing walong kaarawan ko.

Tama si Ambrosio. Hindi ako tagapagligtas ng mga Alpuerto.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.