(Ayesha)
PAPASIKAT na ang araw nang tuluyang maapula ang sunog. Sa kabutihang palad hindi kumalat sa ibang mansiyon ang apoy. Sa kasamaang palad, sunog na bangkay na nang ilabas si Ambrosio. Ni hindi na siya ipinakita ng mga rescuer at dinala sa punerariya na nakabalot ng itim na tela ang natira sa kanyang katawan. Walang burol na nangyari. Deretso cremation at silang pamilya lang ang dumalo sa libing.
Hindi pinayagan ang kahit na sino na lumapit sa mansiyon. Dahil daw sa sunog hindi na matibay ang natitirang nakatayong bahagi niyon. Kaunting galaw guguho iyon. Sa makatuwid, hindi na talaga pwedeng tirhan at kailangan na gibain para mapatayuan ng bago.
Dahil namatay si Ambrosio nawala rin sa ilalim ng kapangyarihan niya ang lahat ng mga taong minanipula niya. Hanggang ngayon hindi pa tuluyang nareresolba ang kalituhan at kaguluhang ginawa ni Ambrosio. The people he manipulated are still in a state of confusion. Pero inaayos na raw iyon nina senator Gregorio at inaasahang magiging maayos na ulit ang lahat sa mga darating na linggo.
Sa mansiyon nina lolo Carlos tumuloy ang buong pamilya ng Alpuerto. Maliban kay Zion na kinailangan dalhin sa ospital dahil bumaon sa tagiliran niya ang bala. Ako naman tumuloy sa Malyari compound. Ang sabi ni mama nawalan daw ako ng malay nasa sasakyan pa lang kami pauwi.
Nagising ako kaninang umaga. Dalawang araw daw akong walang malay. Nag-alala sila na hindi ako bumabangon kaya pinapunta daw nila ang doktor ng pamilya. Hindi na nila ako dinala sa ospital dahil pagod lang daw ako kaya hindi ako nagigising. It’s as if the warm invisible shield depleted my energy.
Si mama ang nagsabi sa akin ng mga nangyari sa nakaraang dalawang araw. Kung paanong naging laman ng mga balita ang pagkasunog ng mansiyon ng mga Alpuerto. Kung paanong mula ng gabing iyon ay naging regular ang komunikasyon ng mga Malyari sa kanila.
Ang nalalapit kong kaarawan ang paksa ng mga usapan ng dalawang pamilya.
“Walang natira sa mga kasulatang itinago ng bawat henerasyon ng Alpuerto. Naabo lahat dahil sa sunog,” sabi ni mama. Nakatingin ako sa labas ng bintana habang nakasandal sa headboard ng kama. Umupo siya sa tabi ko. “At mukhang nang gabing iyon nawala ang kapangyarihan ni Bartolome. Desperado na sila. They are fighting for their special existence in this world, after all. Naniniwala sila na ang moon bride ang magsasalba sa pamilya nila. Na ikaw ang magpapanatili ng kapangyarihan nila. Gusto nila na kapag malusog ka na ay pupunta sila rito para pag-usapan ang tungkol sa inyo ni Cain.”
Kumurap ako at napatingin kay mama. “Tungkol sa amin ni Cain?” litong tanong ko.
Umangat ang mga kilay ni mama. Nagtataka yata sa pagkalito ko. “Akala ko may unawaan na kayo ni Cain. Palagi kayong lumalabas noong nasa Tala pa tayo, hindi ba? Siya ang susunod na leader ng pamilya Alpuerto. Nagkasundo na sila at nakapag-usap na rin ang magpipinsan. Lahat sila gustong si Cain ang maging leader. Hindi raw sila maghahabol sa posisyon na iyon at kung willing ka pa rin na maging bahagi ng pamilya nila, ipaplano ang kasal niyo. Iyong simple muna dahil gahol na sa oras. Pero huwag ka mag-alala anak, iginiit ko na kailangan matapos mo ang pag-aaral mo kahit na mag-asawa na kayo. Kailangan kasi talaga na ikasal kayo bago gawin ang ritwal sa gabi ng kaarawan mo.”
Bumakas ang alinlangan sa mukha ni mama. Hinawakan niya ang kamay ko at pinisil iyon. “Gusto mo ba talaga gawin ang ritwal? Para sa akin masyado ka pang bata, anak ko.”
Wala sa ritwal ang isip ko. Nasa sinabi niya bago iyon.
“N-nagkasundo silang lahat na si Cain ang magiging kapareha ko?” Nanginig ang boses ko. “Pumayag din si Zion?”
Mukhang nagulat si mama sa tanong ko. “Bakit bigla mong natanong ang kakambal ni Cain?”
“Mama, sagutin mo naman po ang tanong ko,” pakiusap ko. May kurot akong naramdaman sa puso ko.
Kahit mukhang nagtataka pa rin, sumagot si mama. “Oo. Buong pamilya silang dumalaw kahapon. Nagkausap na raw sila ng masinsinan. Thankfully, nagkapatawaran. Nangako sila sa isa’t isa na kahit dahan-dahan, babawiin nila ang mga taong napalayo at napabayaan nila si Zion. Kasama siya nang pag-usapan ang tungkol sa ritwal at sumangayon siya na si Cain ang dapat maging pinuno ng pamilya.”
Ibig sabihin pumayag si Zion na ipareha ako ng pamilya niya kay Cain. Umiinit na ang mga mata ko. Sa totoo lang, nang sabihin ni mama kanina na nasa ospital si Zion gusto ko na bumangon para puntahan siya. Pero ayaw akong paalisin ni mama dahil kailangan ko pa raw magpahinga.
Pagkatapos siya gusto akong ipareha sa iba. Sa kakambal pa niya.
Naging mapanuri ang titig sa akin ni mama. Binabasa niya ako sigurado. Wala akong balak itago ang tunay na nararamdaman ko.
“Hindi ko mahal si Cain, mama.”
Kumislap ang pagunawa sa mga mata ni mama. Na naging pagkagulat. “Si Zion ang mahal mo? Paanong nangyari?”
Huminga ako ng malalim at sinabi sa kaniya ang lahat ng namagitan sa amin ni Zion. Pati na ang gabi sa sikretong silid kasama si Luna, pinagtapat ko na kay mama.
Nang matapos ako magkuwento hindi nakapagsalita si mama. Mangha lang nakatitig sa akin.
“So, si Zion ang lalaking napapanaginipan mo. Siya ang mahal mo,” sabi ni mama maya-maya.
May kurot akong naramdaman sa puso ko. Huminga ako ng malalim para palisin iyon. “Masyado bang mabilis na ganito ang nararamdaman ko para sa kaniya kahit hindi pa naman talaga kami nagkakasama ng matagal?”
Nawala ang pagkagulat sa mukha ni mama. Bumuntong hininga siya, lumapit pang lalo sa akin at hinaplos ang ulo ko. Naging masuyo ang ekspresyon niya. “Sinabi ko na sa iyo, hindi ba? Sa pamilya natin, isang lalaki lang ang mamahalin natin. Siguro dahil ginagabayan tayo ni diyosa Mayari at diyosa Dian Masalanta kaya kapag nakita natin ang lalaking iyon, nalalaman agad natin. Mahuhulog agad ang puso natin sa kanila kasi bago pa man natin sila makita ng personal, laman na sila ng mga panaginip natin kaya parang kilalang kilala na rin natin sila. Ganoon din ako sa papa mo, hindi ba? At hindi ako nagsisi na siya ang pinili kong makasama kahit sandali lang iyon kasi… maaga siyang nawala sa atin.”
Nakangiti si mama pero namasa ang mga mata. Palaging ganoon ang nangyayari kapag si papa na ang pinag-uusapan. Naiiyak na rin tuloy ako.
“Ayesha, gusto kong sundin mo ang sinasabi ng puso mo. Pero nasa iyo pa rin ang desisyon. Alam ko na kumpara sa akin noong kaedad mo ako, mas responsible at selfless ka. Alam ko na hindi tulad ng teenager na ako, mas iniintindi mo ang ibang tao kaysa sa sarili mong kaligayahan. Kaya ba balisa ka nitong mga nakaraang linggo at palaging malalim ang iniisip?”
Huminga ako ng malalim at tumango. “Nakapagdesisyon na po ako mama. Bago pa mangyari ang sunog.”
“At ano ang napagdesisyunan mo?”
Sa halip na direktang sagutin ang tanong na iyon nakiusap na lang ako ulit. “Gusto ko pong makita si Zion ngayon. Kailangan ko siya makausap.”
Nakakaunawang ngumiti si mama. “Sige. Ako na ang bahala sa mga lola at tiyahin mo. Pumunta ka ng ospital at mag-usap kayo.”