“Ang tagal mong dumating!” maktol ni Callea pagbaba ng kotse ni Deive. “Inip na inip na ako dito.”
Umalis ang Kuya Torque niya kasama sina Marina at Luna. Mamasyal daw ang mga ito. Habang siya ay naiwan lang sa Villa Celesta. Gusto rin naman niyang mamasyal tulad ng mga ito. Matagal na panahon na rin siyang di nakakalabas ng Nagcarlan. Puro bahay at simbahan lang ang destinasyon niya. Nakakasawa din.
“Gusto mo bang um-attend ng cosplay event?”
“Cosplay?” Kumislap ang mga mata niya nang maisip ang mga taong nakasuot ng iba’t ibang costumes. Hindi mahalaga doon kung sino ka. Hindi ka rin obligadong ipakita ang mukha mo. Ang importante ay maipakita ang character at ang creative side ng tao. “I love that.”
“May cosplay event sa Mall of Asia. Maaga pa kaya makakahabol tayo.” Alas nuwebe pa lang kasi nang mga oras na iyon.
“Ngayon na?” HIndi siya mapakali. Excited siya. Ngayon lang siya makaka-attend sa ganoong event. Dati kasi ay gusto niyang magpasama sa mga pinsan niya pero pawang mga killjoy ang mga ito. Pambata lang ang mga ganoong event. Tumakbo agad siya sa kuwarto niya nang maalala si Deive. “May costume ka rin ba?”
Tumango ito. “Shadow Knight. Ibinigay sa akin ni Pipay. Mabuti na ring may paggamitan. Sayang ang creation niya.” Character din si Shadow Knight sa isa sa mga graphics novels niya.
“Then I will be Calliope. Para magka-partner tayo.”
Wala pang limang minuto ay nakahanda na ang costume niya. Mabuti na lang at nailagay iyon ni Marina sa parte ng closet kung saan madali niyang makita. Kahit ang black knee high boots niya ay naka-ready na rin. Calliope’s costume was perfect. May veil ang hat niya kaya di makikita ang mukha niya.
Sa kotse pa lang ni Deive ay nakatuwaan na niyang isuot ang veil niya. Ni hindi niya napansin ang tagal ng biyahe nang makarating sila sa condo ni Deive kung saan sila nagbihis. Bagay na bagay dito ang Shadow Knight costume nito. Pero di tulad niya, nakababa sa leeg ang maskara nito. kaya naman kitang-kita ang guwapong mukha nito.
he was like a gallant warrior with his jeweled sword.
She was so amazed when she entered SMX Convention Center. Nagkalat ang mga cosplayers at karamihan sa mga iyon ay galing sa graphic novels niya ang costume. Nakakataba ng puso.
Pero naroon siya bilang cosplayer. Hindi bilang author na si Xylara.
Nanlamig ang mga paa niya nang makita ang malaking tarpaulin nang papasok na siya ng convention area. Xylara Book Signing.
Ilang beses siyang kumurap. Pen name nga niya ang nakasulat doon. Hindi nagbabago. Saka niya iniikot ang tingin sa mga cosplayers. Kaya naman pala nakasuot ang mga ito ng mga characters mula sa libro niya. Para sa kanya ang event na iyon at sa nobela niya.
Maraming tao. Maraming-maraming tao. Kanya-kanyang kuhanan pa ng pictures ang mga ito. Humakbang siya paurong. Ayaw niya sa lugar na iyon. Hindi niya kayang humarap sa mga taong iyon.
Ihinarang agad ni Deive ang katawan para pigilan siyang umalis. “Stay. Kanina ka pa hinihintay ng mga taong iyan para makilala at mapirmahan mo ang libro nila. Pwede mo ba silang biguin?”
“Ayoko sana pero…”
“Hindi ka nila makikilala dahil naka-costume ka. You are here as Xylara. Walang makakaalam na ikaw si Callea,” bulong nito.
“Wala bang magtatanong kung ano ang itsura ko?”
“Who cares? Lahat ng nandito naka-costume. Even Mattheu.”
Nilapitan siya ni Mattheu at iginiya papunta sa stage. Hindi niya binitiwan ang kamay ni Deive. Kahit pa sabihing naka-costume siya, naroon pa rin ang kaba.
“May unang gustong magpapirma sa iyo,” wika ni Mattheu at inilapag sa harap niya ang libro.
“Para kanino?” tanong niya at tiningala ito.
“Tomasino Lopez, Sr.”
Nang iangat niya ang tingin ay nasa gilid ng mini-stage ang Lolo Tomasino niya. Naroon din ang Lolo Jorje ni Deive at pawang naka-pirate costume. Kanya-kanyang costume din ang mga kaibigan ni Deive na sa palagay niya ay pwede niyang pagkunan ng character sa susunod niyang mga istorya. At ngayon niya nalaman kung saan ipinasyal ng Kuya Thorn niya sina Marina at Luna. Naroon din ang mga ito sa convention center at naka-costume. Lahat ay sumusuporta sa kanya.
Kumawala si Luna sa pagkakahawak ni Marina at sumampa sa kandungan niya. “Kumpleto na ang costume ni Calliope,” anang isa sa mga fans na nasa unahan ng mesa.
Tuluyan nang nawala ang kaba niya nang pirmahan niya ang pinakabagong libro niya para sa Lolo Tomasino niya. It was indeed a day for her.
HINDI matapos-tapos ang tanong ng mga readers ni Callea. Matapos ang sumakit ang kamay niya sa pagpirma ng mga libro, nakipag-kwentuhan ang mga ito sa kanya. Noon lang niya nakilala ang mga ito pero parang matagal na silang magkakaibigan dahil din sa mga istorya niya.
Maging si Marina ay nag-enjoy din. Nobody minded if she was a hunchback. Marami itong naging kaibigan lalo na nang malamang sa istorya nito nakabase ang isang character na isinulat niya. Inggit na inggit tuloy ang ibang readers niya dito.
“Thank you for coming, Callea,” wika ni Mattheu at hinalikan siya sa pisngi.
“Ako ang dapat na magpasalamat. This cosplay idea is brilliant. Hindi ako nailing dahil lahat kami naka-costume. At nag-effort din silang magpagawa ng costume para sa akin.”
Kaya naging komportable siya. Nagawa niyang humarap sa maraming mga tao at makipag-usap sa mga ito nang di pinangingilagan o iniisip na kakaiba. Puro mga papuri ang narinig niya mula sa mga ito. At natutuwa din siya dahil walang nagtanong sa kanya kung ano ang itsura niya. Parang nirerespeto rin ng mga ito ang privacy niya.
Inaabangan lang kasi ng mga ito kung ano daw ang susunod niyang isusulat o kaya ay susunod niyang magiging costume.
“This is not my idea. It’s Deive’s.”
“Kay Deive?” Nang lingunin niya ito ay kausap nito si Torque. Kumaway pa ito sa kanya bago muling kausapin ang pinsan niya.
“Malaking bagay daw para sa iyo kung matutuloy ang book signing na ito.”
Nilapitan niya si Deive nang iwan ito ng Kuya Torque niya. Nagulat ito nang bigla niyang halikan sa labi. “Thank you!”
“Para saan?” inosente nitong tanong.
“Ikaw daw ang umisip ng cosplay na ito. Sabi ni Boss Mattheu, ikaw din daw ang nag-organize. Kulang na lang nga daw hindi siya gumastos dahil gusto mo ikaw ang mag-asikaso ng lahat. Kaya pala madalas kang wala nitong nakakaraang araw.”
Niyakap siya nito. “Pinaghandaan talaga namin ito. Happy?”
Tumango siya. “Yes! Marami pa akong maging kaibigan. I miss meeting new people and having new friends.”
“Callea, you deserve to be a part of this world. Di mo kailangang laging ikulong ang sarili mo sa dilim. Dapat makilala mo ang mga taong nakaka-appreciate sa talent mo.
And you will always have a place in this world.”
Iniikot niya ang tingin sa mga bago niyang kaibigan. Lahat ay may ngiti sa labi ng mga ito. Kahit si Marina ay di nahihiyang ipakita ang sarili nito. Nakakainggit. “Looking at them makes me want to be a normal girl. Gusto ko ring maglakad sa liwanag nang walang kinatatakutan.”
“Do you really want to?”
Marahan siyang tumango. “Pero hindi madali para sa akin.”
He kissed the tip of her nose. “No one is rushing you. Do it on your own phase. Kahit ang uod, di minamadaling lumabas sa cocoon para maging paru-paro.”
“Then be patient with me, Deive.”