Chapter MLB 40

“MASARAP ba?” tanong ni Walter habang kumakain siya ng hapunan. “Ako ang nagluto niyan. Gusto ko kasi na pagsilbihan ka. Sabi nila Mama kalimutan na kita. Pero hindi ko kaya dahil ang ganda-ganda mo.”

Tiniis ni Callea ang mga papuri nito at iba pang kabaliwan. Tahimik lang siya habang kumakain. Tutal ay may sarili naman itong mundo na umiikot lang sa kabaliwan nito sa kagandahan niya.

Pinakiramdaman niya ang rice god sculpture sa likuran ng unan niya. Kasama iyon sa mga naka-display sa silid. Kailangan niya ng kahit anong sandata para magamit sa tamang pagkakataon. At humahanap lang siya ng tamang pagkakataon.

“Aalis na tayo bukas. Pupunta tayo sa hacienda namin sa Masbate. Magugustuhan mo doon. Ipapakilala kita sa parents ko.”

“Gusto ko rin silang makilala.” At nanginginig ang labi na ngumiti.

Kumislap ang mga mata nito. “Sige. Pagkatapos ipapahanda ko na ang kasal natin.” At pumunta ito sa bintana habang iniisa-isa nito ang gagawing paghahanda sa kasal nila. Hinayaan lang niya ito sa pangarap nito.

Kung nakababa ang depensa nito, makakahanap siya ng pagkakataon para makatakas dito. Sana ay di nito naiisip ang iniisip niya.

“Parang may tao sa labas,” wika nito at tinanaw sa bintana.

“Wala ka bang dadating na bisita?” tanong niya at kinuha ang sculpture sa likod ng unan habang nakatalikod pa ito. Kung may ibang tao doon, may pag-asa siyang makahingi ng tulong.

“Wala.” Bumalasik ang anyo nito nang tumingin sa kanya. “Ngayong gabi na tayo aalis. Ihahanda ko lang ang gamit natin.”

Sumunod siya dito at ihinatid hanggang sa pinto. Maingat siya para di nito mahalata ang sculpture sa likuran niya. “Walter,” aniya sa mapang-akit na boses.

“Bakit?”

Pagharap nito ay saka niya ihinampas sa ulo nito ang sculpture. Napaigik ito sa sakit at dahan-dahan itong bumagsak. Hinablot niya ang steak knife na nasa tray ng pagkain at nagmamadaling lumabas ng kuwarto. Ayaw na niyang balikan pa ito para tiyakin kung nawalan nga ito ng malay o nasaktan lang. Wala siya oras na dapat aksayahin.

Kailangan na niyang makaalis.

Wala na siyang iba pang pananggalang maliban sa kutsilyo kaya alerto ang kilos niya. Tahimik ng bahayan at parang walang ibang tao. Di niya alam kung nasaan ang susi sa kotse ni Walter. Bahala na.

Sinubukan niyang buksan ang front door. Nakakandado iyon. Tumakbo siya sa kusina. Narinig niya ang pagpipilit na mabuksan ang backdoor. Kung may iba mang tao doon, di niya alam kung kakampi ito o kalaban. She had to take a chance. Hindi siya pwedeng mabulok kasama si Walter.

Nagtago siya sa gilid at inabangan ang pagbukas ng pinto. Isang lalaki ang maingat na pumasok. Nagulat siya nang makilala kung sino ito. “Deive?”

Bigla nitong itinutok ang hawak na baril sa kanya at ibinaba rin nang makilala siya. “Callea!” Niyakap siya nito nang mahigpit. Hindi niya inaasahan na ito pa ang dadating para iligtas siya. Akala niya ay kinalimutan na siya nito. Na wala na itong pakialam sa kanya. Hinila siya nito palabas ng pinto. “Nasaan si Walter?”

Inangat niya ang palda upang umagapay sa pagtakbo nito. “Nasa kuwarto. Hinampas ko siya ng sculpture pero hindi ako sigurado kung gaano ko siya nasaktan.” Sapat lang siguro para makalayo siya pansamantala. Ayaw na niyang maabutan pa siya nito. “Alam ni Walter na may ibang taong nakapasok.”

“Sa pader ako dumaan kanina. Naka-park lang ang kotse di kalayuan dito. Di ko na mahintay pa na dumating ang mga pulis. Mas mataas ang pader dito sa loob kaysa sa labas. At ang palda mo…”

Pikit-mata niyang winarat ang gilid niyon para malayang makagalaw ang paa niya. “Sa tingin ko kaya kong akyatin iyon,” aniya at itinuro ang grotto.

Biglang bumukas ang ilaw at nagliwanag ang hardin. Bumukas ang front door ng villa at lumabas si Walter nang nakaumang ang baril. “HIndi mo makukuha pa sa akin si Callea!” sigaw nito at umalingawngaw ang putok.

Awtomatiko niyang niyakap si Deive. Wala ibang mahalaga sa kanya kundi ang protektahan ito. Naramdaman niya ang pagtagos mainit na bagay sa likuran niya. Napaigik siya nang maramdaman ang sakit at naramdaman ang pag-agos ng dugo sa likuran at sa dibdib niya.

“Callea!” tawag ni Deive sa kanya at sinalo ang katawan niya. Unti-unti nang ninanakaw sa kanya ang kamalayan niya. Hinaplos nito ang mukha niya. “Hang in there! Huwag kang susuko. You will be fine.”

“Deive!” usal niya sa pangalan nito.

“C-Callea?” narinig niyang usal ni Walter na palapit nang palapit hanggang maging sigaw. Nakita niyang nakatayo ito sa harapan niya. Malungkot at tigmak ng luha ang mga mata. “Sinaktan kita.”

Mahigpit siyang humawak sa kamay ni Deive. Sa nanlalabong mata ay pinagmasdan niya si Walter. “Tama na, Walter. Tama na.”

Gusto na lang niyang matapos ang lahat ng gulong iyon. Kung mawala man ang kagandahan niya, sana ay matahimik na rin ito.

Nang pumikit siya ya isang putok pa ang umalingawngaw.

HINDI magkandatuto ang dalawang nurse sa pagpigil kay Callea na bumangon na kama. “Miss, huwag ka nang magpilit gumalaw. Makakasama sa sugat mo.”

Isang tama sa likuran ang iniinda niya. Maswerte daw siya dahil wala siyang major vein na tinamaan at walang vital organ. Nakabenda ang kamay niya at arm sling para hindi niya maigalaw. But it was the least of her concern.

“Kailangan kong makita si Deive.”

Nang idilat niya ang mata ay si Deive agad ang pumasok sa isip niya. Natatandaan niya ang pag-alingawngaw ng putok bago siya mawalan ng malay. Malapit lang si Walter sa kanila. Baka pinatay nito si Deive.

“Saka na, Miss. Magpahinga ka muna.”

“Hindi pahinga ang kailangan ko. I need to see Deive.” Hindi siya makakatagal nang di nakikita si Deive. Minsan na siyang nawalan ng taong malapit sa kanya dahil sa pagprotekta sa kanya. She couldn’t live with that anymore. Paano kapag buhay nga siya pero patay naman si Deive? Parang namatay na rin siya noon.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang lalaki na may dalang mga bulaklak. “Bakit nagkakagulo dito?”

“Deive?” Tumulo ang luha niya nang makita itong nakatayo sa pinto. Ito nga ba ang nakikita niya? Hindi ba iyon imahinasyon lang. “Deive!”

“Nandito na ako. Huwag ka nang umiyak.”

Hinaplos niya ang mukha ni Deive nang umupo ito sa tabi ng kama. Baka kasi maglaho na lang ito kapag hinawakan niya. But the feel of his warm skin on her fingers was nice. “Buhay ka nga! Hindi ka namatay. May masakit ba sa iyo?” Hinawakan niya ang balikat nito. “Saan ka tinamaan?”

“Sinalo mo na ang bala na para sa akin, di ba?”

Umiling siya. “May isa pang putok na hindi ko nasalo.”

Idinikit nito ang noo sa noo niya. “It was for Walter. He shot himself.”

Mariin siyang pumikit at ginapangan ng kilabot ang buo niyang katawan. HIndi nga namatay si Deive pero may iba na namang namatay para sa kanya. Kahit pa isang baliw si Walter, karapatan pa rin nitong mabuhay nang maayos.

“Hindi niya ako kayang makitang nasasaktan, Deive. Tuwing sinasaktan niya ako, sinasaktan din niya ang sarili niya. That was horrible!”

“Itinawag sa akin ng Kuya Torque mo mula sa Cambodia na hindi na naka-confine sa ospital si Walter. Wala rin siya sa kulungan. Kaya naalarma kami.”

“Kinidnap niya ako sa simbahan. Kapareho ng kotse ni Kuya Torque ang ginamit niya. Tinted ang salamin kaya hindi ko siya nakita sa loob.”

“Sinaktan ka ba niya?”

“Pinatulog lang niya ako. Gusto lang daw niya akong kunan ng pictures. He is obsessed. Kaya ko itinago ang mukha ko sa mga tao. Pakiramdam ko bawat makakita sa mukha ko, gusto lang akong saktan.”

“Sabi ni Marina, nakatanggap ka ng mga regalo. Akala niya galing sa akin. Pero nag-iiba daw ang mood mo. Alam mo nang nakalaya siya. Bakit hindi mo sinabi sa akin?”

“Natatakot ako na saktan ka niya. So I was forced to take things into my own hands. Kailangan kong protektahan ka.”

“Akala mo ba hindi ako nag-aalala sa iyo? Di ka basta-basta magbabago kung walang nangyaring di maganda. Kaya pinasundan kita sa isang investigator. Itinawag niya sa akin na sinundo ka ng sasakyan ni Torque. Ginaya pala ni Walter ang plate number niya. Looks like he is planning this for a long time. Ini-report niya sa akin at nalaman ko na wala pa ang pinsan mo sa Pilipinas. Pina-report ko sa pulis at pinasundan kita. Nagpaplano pa sila na lusubin ang villa ni Walter. Di ako nakatiis kaya inunahan ko na sila.”

“Akala ko hindi na niya ako hahabulin kapag naitago ko ang ganda ko.”

Hinaplos nito ang gilid ng labi niya na may sugat. “Alam niya ang totoong ganda mo. You can’t hide it by wearing dark make up, a wig o even fake blood. Pero wala ka nang dapat itago ngayon. Ligtas ka na.”

Sa loob ng ilang taon ay ngayon lang tunay na naglaho ang takot niya. Mapapanatag na rin ang loob niya. Malaya na rin siyang magmahal.

“I am sorry for hurting you, Deive. Gusto lang kitang protektahan.”

Kinintalan nito ng halik ang labi niya. “You are forgiven.”

“Paano ang engagement party natin?”

“Hindi matutuloy siyempre.”

Nakadama siya ng lungkot. Pinatawad na nga siya nito pero ayaw na nito sa kanya. “Hindi mo na ako mahal?”

“Mahal! Paano natin itutuloy ang party kung may sugat ka naman?” tanong nito sa mataas na tono. “Saka ayoko na rin ang engagement party.”

“Ano na ang gusto mo?”

Inilabas nito ang maroon na kahita at tumambad sa kanya ang pyramid cut diamond ring. “Just marry me. I can’t wait to have you in my life.”

Mariin niyang hinalikan ang labi nito. “Yes!”

Di niya mapigilang umiyak nang isuot ang engagement ring sa kamay niya. Kumislap ang diamante sa ilaw. Pero higit sa diamante, si Deive ang nagpapasaya sa puso niya.

Di na rin niya mahintay na maging Mrs. Deive Hontiveros.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.