NAGPAALAM si Katrina kay Sir Rumple na dadalawin ang pamilya niya. Dahil mukhang “naawa” naman sa kanya ang lalaki kaya pumayag ito. Pakonsuwelo siguro sa insultong inabot niya sa pamilya nito kagabi.
Ingrata si Katrina nang sabihin niya kay Sir Rumple na okay lang ang nangyari. Siyempre ay nasasaktan siya. Kaya nga lang, inihanda na niya ang sarili niya roon. Tanggap naman niya na puwede siyang i-judge ng pamilya nito. Kaya nga siya natete-tense.
Ganoon pa man, nalungkot pa rin talaga siya. Parang ipinamukha lang sa kanya na wala naman talaga siyang pag-asa kay Sir Rumple. Deal lang ang dahilan ng relasyon nila. At ngayon ay hindi siya matatanggap ng pamilya nito dahil mababang klase ng babae lang siya.
Nangangarap lang si Katrina na mahulog ang loob sa kanya ni Sir Rumple. Masakit dahil malabong matupad. Pero sa halip na magmukmok, pinili na lang niya na dalawin ang pamilya para kahit papaano ay ma-divert ang isip niya. Na-miss na rin niya ang mga ito.
Wala ang mga kapatid niya sa bahay nang dumating siya. Final exams daw ng mga ito sa school. Ang stepmother at ang Tatay niya lang ang naroroon. Nagpresinta siya na alagaan ang ama niya para makapagpahinga naman ang stepmother.
“Okay na ako…” wika niya nang alalayan niya ito. Nagka-damage rin ang isang paa nito kaya mahirap na maglakad. Pero under theraphy naman ito. “Sabi naman ng therapist ko ay gagaling na ako. Nararamdaman ko rin. Mga isang buwan siguro, kaya ko ng maglakad nang walang tungkod.”
“Mabuti naman po kung ganoon…” Ngumiti si Katrina. Gumaan ang pakiramdam niya dahil maayos ang ama. Sulit ang mga paghihirap niya.
Tinitigan siya ng ama. “Ikaw, kumusta ka na? Bakit ngayon ka lang dumalaw?”
“Sorry po. Naging busy lang…”
Tumango ito. “Naiintindihan ko. Napakalaki ng perang nahiram mo para sa akin. Napakalaki ng itinulong mo…”
“`Wag niyo ng isipin iyon.”
“Hindi ko maiwasan.” Matamang tinignan siya ulit ng ama. “Ikuwento mo sa akin kung paano mo nakuha ang pera…”
“Nanghiram po ako sa amo ko…” Naikuwento na naman niya iyon sa pamilya.
“Pero nakakapagduda. Napakalaking pera ng kailangan. Ano ang gusto niyang kapalit?”
Napalunok si Katrina. Ayaw niyang aminin ang totoong dahilan. Pero masama rin na magsinungaling. Kaya lang, kung aaminin niya lahat, baka mag-alala ang ama niya. Ayaw niyang mangyari iyon. “M-mabait naman po si Sir Rumple. Payag siyang hulog-hulugan---“
“Sir Rumple?” Kunot na kunot ang noo ng ama. “Siya ang pinakamasungit na lalaking nakilala mo. Naalala kong kinuwento mo siya noon…”
“Opo. Pero g-galante naman po siya…”
Mukhang hindi naniniwala ang ama. Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa.
“Parang may nagbago sa `yo…”
Napalunok lang si Katrina.
“Iba ang kulay mo. Para kang may sakit. Anong nangyari sa `yo?”
“Papa…”
“Sagutin mo ako.”
Napabuntong-hininga si Katrina. “B-buntis po ako…”
Namutla ang ama. “Buntis! Paano?”
Kinagat muna ni Katrina ang ibabang labi. Sooner or later, malalaman na rin naman ng pamilya niya ang kondisyon niya. Isa pa, masama rin ang magsinungaling. Kinuwento na niya sa ama ang lahat.
“Anak, anong ginawa mo?” Halos maiyak ang ama.
Napaiyak si Katrina. “Mahal na mahal ko kayo, Papa. Ayokong mawala kayo…”
“Pero may mawawala rin sa `yo dahil sa akin…”
“Hinahanda ko na ang sarili ko para roon. Tatanggapin ko. Mukhang magiging mahirap. Pero malaki na ako. Makaka-move on rin ako. Isa pa, hindi ko rin naman siya makakasama ng matagal. Hindi niyo siya kagaya na kinasanayan ko na. Hindi siguro magiging ganoon kahirap kaysa kapag nawala kayo. Magiging maayos rin kayo…”
“Oh, Katrina. Salamat. Salamat sa lahat. Pero ipinapangako ko, kapag nakakuha ako ng paraan ay babayaran natin siya. Gagawin natin ang lahat para hindi maihawalay sa `yo ang anak mo…”
Niyakap niya ang ama. Gusto niyang umasa kahit na ba kagaya lang rin iyon ng nararamdaman niya kay Sir Rumple: imposible.
NANGINGINIG si Rumple. Kahit sabihin ng Doctor na magiging maayos rin naman ang mag-ina niya ay natatakot pa rin siya. Hindi pa humuhupa ang kaba niya simula nang tawagan siya ni Katrina kanina. Nagkaka-bleeding ito. Mabilis na umuwi siya at dinala ito sa ospital. Mahigit isang oras rin itong inobserbahan at ch-in-eck roon ng Doctor.
“Puwede na naman kayong umuwi. Basta alalahanin mo lang palagi ang mga bilin ko: iwasan ang stress. `Wag rin kakalimutan na uminom ng gamot…” Tumingin ito sa kanya. “You also have to take care of her…”
Tumango si Rumple kahit medyo alinlangan siya. May business trip siya sa darating na Biyernes. Hindi niya puwedeng ipagpaliban iyon. Hindi siya puwedeng um-absent. Hindi niya maalagaan si Katrina.
Tumango lang rin naman si Katrina. Inalalayan niya ito palabas ng ospital. Hindi ito nagsasalita. Parang kagaya rin niya ito: tensyonado.
Nang nasa kotse na sila ay saka lang niya ito narinig na umiyak. Hindi muna niya pinaandar iyon. Inalo niya ito. “Hey, kung hindi ka pa rin okay, bumalik na tayo sa ospital. It’s better to have you confined and---“
“Okay na ako. Natatakot lang ako…”
“Hey, it’s okay. Okay pa rin naman si Baby. Mas makakasama sa `yo ang pag-iyak…” Mas makakasama rin sa akin `yan. Parang binibiyak ang puso ko…
Humikbi lang si Katrina. Bumuntong-hininga siya.
“You are getting so attached to the baby…”
Tumingin ito sa kanya. Mas lalong nalungkot ang mata nito. Maya-maya ay bumuntong-hininga rin ito. “I-I’m sorry…”
“Para saan?”
“Sa lahat,” Bumuntong-hininga ulit ito. “Hindi ako sapat para sa `yo. Ayaw sa akin ng pamilya mo. At ngayon, mukhang ayaw rin sa akin ng anak mo. Maselan pa ang lagay ko. Iyong perang binigay mo sa akin ay hindi sapat sa kaya kong ibigay sa `yo…”
“`Wag mong sabihin `yan…”
“Pero iyon ang totoo `di ba?”
May point si Katrina. Pakiramdam niya, hindi magandang klase nga ang nakuha niya. Nabigla rin kasi siya. Pero responsableng tao siya. Decision niya ang lahat at pananagutan niya si Katrina.
Ganoon pa man, hindi lang iyon dahil sa pagiging responsible. Siguro nga ay pagkakamali si Katrina. But she seems like the best mistake he had ever done to his life.
Umiling si Rumple. “I’m good with you. Don’t feel bad about yourself…”
Lumabi si Katrina. “Sinasabi mo lang `yan kasi nasa maselan ang lagay ko ngayon. Gusto mo lang na bumuti ang pakiramdam ko…”
“Hmmm… you are tempting me to show you…”
“Ha?”
Hindi na pinahirapan pa ni Rumple na mag-isip si Katrina. Hinalikan niya ito. He even nipped her lips. Pinaramdam niya rito na totoo at intense ang nararamdaman niya para rito. “Kung hindi ko gusto na nakakasama ka, bakit gustong-gusto ko na halikan ka?”
Kumurap si Katrina. “Sir Rumple…”
Umiling si Rumple. Pinindot niya ang ilong nito. “From now on, call me Rumple only…”
“S-sigurado ka ba?”
“Why not? Nakaka-ilang ang tawagin mong “Sir” samantalang we shared more than work..”. Tumingin siya sa tiyan nito. May mainit na kamay na humaplos sa puso niya.
Noong una ay natatakot si Rumple sa pagkakaroon ng anak. Ginawa lang niya iyon para sa Lolo niya at sa kompanya. Pero ngayon ay iba ang nararamdaman niya. Gusto na niya. Ilang beses rin niyang naiisip kung ano ang magiging itsura nito kapag nakalabas na. Magiging kamukha ba niya ito? O magiging kamukha ni Katrina? Parang mas gusto niya yata kung kamukha ito ni Katrina. Para lagi niya itong maalala…
Napangiti si Rumple.
Kumurap-kurap ulit si Katrina. “Ngumiti ka…”
“Dahil nga masaya ako. Masaya ako na dinadala mo ang anak ko. Pero higit sa lahat, masaya ako na nakikita ka…”
May tumulong luha ulit sa mata ni Katrina. Pero hindi na kasing sama ng mukha nito kanina ang ngayon. There were glow in her face and in her tears. Ngumiti rin ito. Parang sandaling tumigil ang paghinga at mundo niya, lalo na nang yakapin siya nito.
Rumple feels nice. Pero may kasama rin iyon na takot. Dahil minsan na narinig niya na lahat ng magagandang bagay ay mabilis rin na nawawala. At maganda si Katrina. Maganda ang pakiramdam niya rito. Ayaw niyang mawala ito.
“SIGURADO ka bang okay ka lang?”
Natawa na si Katrina sa pangatlong beses na tanong ni Rumple. Nasa Singapore ito para sa business trip. Halos isang linggo ito roon. Pero kahit malayo, hindi iyon pinaparamdam sa kanya ng lalaki. Kapag break time nito ay palagi siya nitong kinakausap at kinukumusta. Sa mga nakalipas na araw ay ganoon ang lalaki.
“Okay lang ako. Sabi ko sa `yo, `wag ka nang mag-alala…”
Umungol si Rumple sa kabilang linya. Pumikit pa ito. Nakikita niya ito dahil magka-video chat sila. “Gusto ko ng umuwi…”
“Bakit naman?”
Nagmulat ng mata si Rumple. Inikot nito iyon. “My job sucks…”
Lalong natawa si Katrina. “Talaga? Pero workaholic ka. Hindi mo kagagalitan ang trabaho…”
“Yeah, but because of it, I can’t see you.” Pumikit ulit si Rumple. Umungol na naman ito. “I want to see you…”
“Missed mo na ako…” Napangiti si Katrina.
Nagmulat ng mata si Rumple. Mukhang seryosong-seryoso ang mata nito. “Sobra…”
Lumakas ang tibok ng puso ni Katrina. Sa totoo lang, niloloko lang niya ito. Pero iyon pala ay totoo.
Ang sarap sa pakiramdam…
Napaungol rin si Katrina. “Miss na miss na rin kita…”
Ngumiti si Rumple. Lalong lumikot pa ang puso ni Katrina. Namula rin siya. Nang una niyang makita na ngumiti ito ay ganoon rin ang reaksyon niya. Nagulat siya. Hindi ngumingiti si Rumple. Pero binago niya ito. Natutuwa siya roon.
“Kapag talaga natapos na ang lahat, uuwi na ako. I want to see and take care of you…”
“Gusto ko rin iyon. Pero okay lang naman ako. `Wag kang mag-alala. Inaalagaan naman akong mabuti ni Kiel…”
Bakasyon na si Kiel sa school. Dahil alam na naman ng pamilya niya ang sitwasyon niya, inusap niya ito na samahan na lang siya sa apartment. Sa halip na mag-part time job sa ibang kompanya, si Rumple na lang ang magpapasuweldo rito bilang tagapag-alaga niya. Noong una ay parang ayaw pa ni Rumple. Pero kinumbinsi niya ito na mas maganda naman kasi nga kung pamilya ang mag-aalaga sa kanya. Pumayag naman ito sa huli, kahit na ba pakiramdam niya ay may duda ito.
Umingos si Rumple. “Mas gusto kong alagaan ka. Isa pa, parang duda rin ako kung maalagaan ka talaga ng kapatid mo. Lalaki siya. Anong alam niya sa pag-aalaga?”
Tinaasan niya ito ng isang kilay. “Lalaki ka rin. Anong alam mo sa pag-aalaga?”
“Ah, basta. Gusto ko na ako ang mag-aalaga sa `yo. Ayaw ko ng ibang tao. Lalo na ang isang lalaki…”
Ngumisi si Katrina. “Nagseselos ka ba kay Kiel?”
Hindi nagsalita si Rumple.
“Kapatid ko siya…”
“Whatever.” Bumuntong-hininga si Rumple. “I shouldn’t even feel jealous. I shouldn’t feel this way…”
Si Katrina naman ang napabuntong-hininga, lalo na at maya-maya ay nagpaalam na ito.
Mula sa pagiging sweet, naging malamig si Rumple. Nagulo tuloy ang nararamdaman niya.
Masaya siya. Pero paano magiging kompleto iyon kung pabago-bago ang mood ng lalaki? Nahihirapan siyang intindihin ito. Gusto niyang maniwala na gusto rin siya nito. Gumagaan ang pakiramdam niya sa tuwing naiisip niya iyon.
Gusto niyang isipin na may pag-asa siya sa puso ni Rumple. Gusto niyang isipin na nahuhulog na ang loob nito sa kanya. May isang bahagi rin naman ni Katrina ang nagsasabing baka pinipigilan lang ni Rumple ang nararamdaman nito.
Pero naiisip rin naman niya na paano kung kaya lang nagiging sweet sa kanya si Rumple ay dahil sa anak nila? Gusto nito ng anak. Iniingatan siya nito kaya nagiging mabait ito sa kanya. Sinasabihan siya nito ng mga magagandang bagay para maging maayos siya. Alam nito na maselan ang pagbubuntis niya.
“Hindi ka na okay,” Nang matapos ang tawag ay iiling-iling si Kiel.
Nagkibit-balikat lang siya. Hinaplos niya ang pipis pa niyang tiyan. Sa totoo lang, hindi talaga ganoon kaganda ang pakiramdam niya simula kaninang umaga. Nai-stress siya dahil pakiramdam niya ay kumikirot ang tiyan niya. Pero hindi niya ginagawang big deal dahil hindi naman iyon ganoon kasakit at nawawala rin naman. Lalo na kapag nakakausap niya si Rumple.
“Okay lang ako. Kapag binitawan na niya ako, doon ako hindi magiging okay…”
“Ate, `wag kang masyadong umasa…” may lungkot sa mga mata na wika ni Kiel.
Parang lalo lang rin tuloy na nalungkot si Katrina. Iba ba ang nakikita nito sa kanya? Siguro nga. Nahuhulog na siya kay Rumple kaya parang nabubulag na siya. Iniisip niya na gusto rin siya nito dahil ganoon ang nararamdaman niya.
Ganoon pa man, ayaw niyang malungkot. Hindi rin iyon makakabuti sa lagay niya. Iniba na lang niya ang usapan.
Tumayo si Katrina. “Ano na bang hapunan? Parang nagugutom na yata ako…”
Humawak ulit si Katrina sa tiyan niya. Pero sa pagkakataong iyon ay napangiwi siya. May naramdaman na naman siyang kirot mula roon. At sa pagkakataong iyon ay kakaiba na ang sakit noon.
Kinabahan at namutla si Katrina. Lalo na nang nanlalaki ang mga matang tinignan at nagsalita sa kanya si Kiel.
“Ate, may dugo sa binti mo…” Walang-wala ang takot sa boses ng kapatid sa takot na naramdaman ni Katrina.
HINDI akalain ni Rumple na ang pinakaabangan niyang araw ay siya rin na magiging pinakamalungkot niyang araw. Ilang araw siyang naliligalig sa Singapore dahil gusto niyang umuwi. Alam niyang nasa maselan na kalagayan si Katrina. Gusto niyang alagaan ito. Pero higit sa lahat, gusto niyang makita ito.
But not on this state…
Nakatulala si Katrina. Malungkot ang mukha nito. Nasasaktan siya sa nangyari rito pero mas lumala pa iyon sa nakitang kalagayan nito. It broke his heart knowing that she was broken…
Pero hindi niya masisisi si Katrina. Pakiramdam rin niya ay ganoon siya dahil sa sitwasyon nila.
Katrina lost the baby.
“You can always talk to me, Katrina…” Pag-aalo niya rito. Nang makabalik siya sa Pilipinas ay nakabalik na ito condo unit. Hindi rin naman kasi ito nagtagal sa ospital sa kabila ng nangyari rito.
Ngayon ay ilang araw na rin simula nang matanggap nila ang masamang balita. Ilang araw na rin siya sa Pilipinas. Hindi siya pumasok sa trabaho para alagaan ito.
Pero sa nakalipas na araw, parang wala ang effort niya. Gaano man niya ipakita rito na okay lang ang lahat, hindi pa rin nito iyon matanggap. Nasasaktan pa rin ito.
Hindi nagsalita si Katrina. Nakatulala lang ito.
“Hindi makakabuti sa `yo ang magmukmok…”
Ang pag-iyak ang naging sagot ngayon ni Katrina.
Tumiim ang bagang ni Rumple. “Lalong hindi makakatulong sa `yo ang pag-iyak…”
“I’m sorry. I’m so sorry…”
Niyakap niya ito. “Ilang beses ko ba sasabihin na okay lang? Tumahan ka na…”
“Palpak ako. Walang silbi---“
“Tumigil ka na sa pag-self pity. Please.” Napapikit si Rumple. Pinigilan niya ang inis niya.
Tumingin sa kanya si Katrina. “Bakit ka pa ba nandito?”
Kumunot ang noo ni Rumple. “What are you talking about?”
“Dapat ay hinihiwalayan mo na ako. Sa nangyari sa akin, puwedeng mahirap na para sa akin para magkaanak. Puwedeng tumagal rin. Puwedeng hindi na rin…” Basag ang boses ni Katrina. “Hindi ko maibibigay sa `yo ang gusto at kailangan mo.”
“Iyon ba ang gusto mo? Gusto mo bang bumitiw na ako?”
“Iyon naman ang tama `di ba? Para sa `yo ay trabaho lang ako. Hindi natin mahal ang isa’t isa. Hindi mo ako gusto---“
“Hindi mo alam ang sinasabi mo.”
Naglihis ng tingin si Katrina. “Alam ko ang sinasabi ko. Totoo ang mga iyon. Alam natin iyon pareho. Kaya mabuti pang hiwalayan mo na ako. Maghanap ka ng ibang babae na maibibigay sa `yo ang kailangan mo.”
“Iyon ang gusto mo…”
Hindi nagsalita si Katrina. Lalong sumama ang pakiramdam ni Rumple.
Silence means yes.
Tumayo si Rumple. Hindi na niya makakaya pa ang pagtitiis na ito. “Fine. Kung iyon ang gusto mo. Mabuti pa nga siguro na palitan kita sa buhay ko.”
Sinalubong ni Katrina ang mata niya. Maya-maya ay tumango ito. “Maraming salamat sa lahat. Alam kong kulang ang salitang `yan para sa lahat ng naggawa mo para sa akin. Pero sa ngayon, iyon na lang muna ang kaya kong masabi. Pero `wag ka rin na mag-alala. Magiging mahirap man sa akin pero sisikapin ko na ibalik sa `yo ang perang hiniram ko.”
“`Wag mo ng alalahanin ang pera.”
“Kailangan ko. Gusto ko.” Bumuntong-hininga si Katrina. “Napakalaking pera noon. Hindi mo iyon puwedeng ibigay na lang sa akin basta-basta. Pagkatapos ng lahat, hindi mo naman talaga ako pinakinabangan.”
“Bahala ka sa gusto mong gawin. Buhay mo na `yan. Wala akong magagawa sa gusto mo…”
Kahit gusto ko, kung ayaw mo naman pala ay wala rin iyon…
Nasaktan si Rumple. Inamin na ni Katrina sa kanya ang lahat. Hindi naman daw nila mahal at gusto ang isa’t isa. Iisa lang ang ibig sabihin noon: sa kabila ng mga ginawa niya rito, hindi pa rin siya nito kayang mahalin.
Pero ano pa ba ang aasahan ni Rumple? Sariling mga magulang nga niya ay hindi siya natutunan na mahalin. Ano pa ang isang estranghera na kagaya ni Katrina?
Walang babae ang magkakagusto at mamahalin siya. Kaya lang siya nilapitan ni Katrina dahil kailangan nito ng pera. Kailangan siya nito. Pero iba pa rin ang kailangan sa gusto. Lalo na sa mahal…
Masakit man pero kailangang tanggapin ni Rumple na tapos na ang lahat sa kanilang dalawa nang unang babaeng inisip niyang puwede niyang mahalin…
HANGGA’T puwede, ayaw na sanang bumalik pa ni Katrina sa ospital. Masyado pang sariwa sa kanyang alaala ang huling beses na pumunta siya roon. Napakasakit.
Sa pagkamatay ng anak ni Katrina, pakiramdam niya ay namatay rin ang puso niya. Hindi lang rin kasi ang anak ang nawala: ganoon rin si Rumple.
Inaasahan na dapat niya iyon. Bibitawan rin siya ni Rumple ngayong wala na ang anak na kailangan nito. Iyon ang dahilan kung bakit mas masakit ang lahat.
Pero siguro nga, hindi talaga puwedeng takasan ang lahat ng problema, kahit ang mga sakit. Pakiramdam ni Katrina ay may mali sa kanya. Ilang araw ng masama ang pakiramdam niya. Palagi siyang nahihilo at nagsusuka---kagaya ng nararamdaman niya noong buntis pa siya.
Bumalik si Katrina sa obstetrician na siyang tumingin sa kanya noong sinugod siya ni Kiel roon at nawala ang baby niya.
“Buti naman at bumalik ka kahit late na. Noong isang linggo pa kitang hinihintay…”
Inamin ni Katrina na ayaw niyang bumalik dahil ayaw na niyang maalala pa ang trahedya.
Kumunot ang noo ng Doctora. “But you survived that tragedy. At least for the other baby…”
“Other baby? Ano pong ibig niyong sabihin?”
“I think you get me wrong, Miss Santos. Oo, nagka-miscarriage ka. But it’s just the other baby. You had twins. The other baby is still into you and surviving…”
Ang sabihin na nagulat ay kulang pa para mailarawan ang nararamdaman ni Katrina ngayon. “B-buntis pa ako…”
“Yes, kaya ka pa rin nakakaranas ng sintomas. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit gusto kong bumalik ka after a week then. Kailangan nating malaman kung ano ang lagay ng isa pang baby. You’re good for some test today?”
Pumayag si Katrina. In-ultrasound siya ng Doctor. Maganda ang ngiti nito. “Hear the heartbeat? It was good. Malaki ang chance na maka-survive ang bata. Mukhang healthy siya…”
Naiyak si Katrina. May nawala sa kanya, oo. Pero hindi naman pala iyon lubos. May natira pa rin.
Buhay pa ang isang anak niya. Magiging ina pa rin siya.
At puwede pa rin niyang balikan si Rumple. May dahilan pa para makasama niya ito.
Nang matapos ang ultrasound at binigay sa kanya ng Doctor ang listahan ng mga kailangan niyang inumin para maging maayos ang pagbubuntis ay kinuha niya ang cell phone niya. Gusto niyang tawagan si Rumple. Kailangan niyang ipaalam rito ang sitwasyon niya.
Pero bago pa man mapindot ni Katrina ang call button ay napigilan siya nang naisip. Kung ipapaalam niya kay Rumple ang lahat, hindi ba at parang lalo lang niyang sasaktan ang sarili?
Hindi malinaw ang usapan nila ni Rumple. Gusto nito na magkaroon ng anak. Pero bibigyan ba siya nito ng karapatan? Wala itong sinabi. Ganoon pa man, sa mga nangyari sa kanila, sa tingin niya ay may sagot na siya.
Mabilis siyang nabitawan nito. Kapag nakuha na rin ito ang anak niya, bibitawan rin siya nito.
Mawawala rin kay Katrina ang anak niya kapag pinaalam niya kay Rumple ang lahat. At ayaw niya noon. Gusto niyang maging ina. Gusto niyang makasama at maalagaan ang anak niya. May nawala na sa kanya at napakasakit noon. Hindi na niya gustong pagdaanan ulit iyon.
Pumikit si Katrina. Kinalma niya ang sarili at nag-isip. Iisa lang ang nakikita niyang tama sa isip: ang alagaan na lang ang anak niya ng siya lang. Hindi niya kailangan si Rumple.
Tama nga ba iyon samantalang magiging unfair iyon kay Rumple? Pero bahala na. Gusto niya ang anak niya at gagawin niya ang lahat para maingatan ito.