Chapter 29

Six Years Later…

“IS HE my Daddy, Mommy?”

Natigilan si Katrina sa tanong na iyon ng limang taong gulang na anak na si Rumina. Nang maka-recover ay namula siya at pagkatapos ay napakagat labi. Pinigil niya ang pagkapula ng mukha. Nakakahiya kay Arman ang curious na tanong na iyon ng anak.

“Do you want me to be?” wika naman ni Arman. Mukhang okay na okay pa yata rito ang tanong na iyon ng anak. Ang ganda ng ngiti nito.

Hindi sumagot si Rumina. Tumingin ito sa kanya. Mukhang mas gusto nitong sagutin niya ang tanong nito kaysa ang sagutin nito ang tanong ng lalaki.

Lumunok muna si Katrina bago sumagot. “He’s not…”

“Oh, okay. Pero bakit palagi niyo siyang kasama kung hindi naman po siya ang Daddy ko?”

“Because I like your mom, Rumina. We are dating.” Sabat ni Arman na naman sa usapan.

“Hindi ko maintindihan.” Humalukipkip si Rumina.

“Because you are still a kid, Baby…” Ngumiti siya sa anak. Hinaplos niya ang pisngi nito.

Lumabi si Rumina. “I’m not a kid anymore.”

“You are. You’re still five years old…” Pero nang lalo lang humaba ang nguso ng anak ay napangiwi si Katrina.

Oo, bata pa nga ang edad ni Rumina. Pero para itong matanda ito na mag-isip. Advanced ang utak nito. Sa katunayan ay accelerated na bata ito. Five years old pa lang pero Grade One na ito. Ito rin ang nangunguna sa klase kahit pinakabata.

“Sabi ni Teacher, ang palagi daw dapat na kasama ng Mommy ay ang Daddy. Kasama mo ngayon ang lalaki na `yan. So why is he not my father? Where is my father?”

“Rumina…” Gulong-gulo ang loob ni Katrina. Hindi naman iyon miminsan na tinanong sa kanya ng anak. Pero nahihirapan pa rin siya na sagutin.

Tumikhim si Arman. “Hindi ako ang ama mo, Rumina. Pero kung gusto mo, puwede mo naman akong ituring na parang Daddy mo---“

“Ayoko! Ang gusto ko na makilala ay ang totoong Daddy ko! Ayoko ng substitute lang,” Inikutan pa ng mata ni Rumina si Arman. Tumingin ito sa kanya. “Bakit mo ba ako isinama sa dinner mo kasama ang guy na ito, Mommy? I don’t want to be here…”

“Rumina, gusto kong makilala mo si Tito Arman mo---“

“Puwes, hindi ko siya gustong makilala!” Tumayo na si Rumina ng table. Naglakad ito palayo sa kanila. Sinundan niya ito kahit naiinis na siya.

Akmang susunod rin sana si Arman nang pigilan niya ito. “Kakausapin ko na lang muna siya. Nabigla lang siguro siya sa lahat…”

Tumango si Arman. Nang maabutan niya si Rumina ay niyuko niya ito. Hinawakan niya ang balikat nito. “Rumina, `wag mong ilabas ang pagiging brat mo rito.”

Inirapan siya ng anak. “I don’t like him, Mommy!”

Bumuntong-hininga si Katrina. “But I like him, Baby…”

“No you don’t!” Nanlalaki ang mata ni Rumina. “Ayoko siya para sa `yo, Mommy. You should just like my real Daddy…”

“But we’re not together…”

“Find a way then!” Humalukipkip si Rumina. “I don’t like him. I don’t like you with another guy, too. It’s not right…”

“Maiintindihan mo rin ito paglaki mo, Rumina…”

Inungusan lang siya ng anak. Napabuntong-hininga naman si Katrina. Hirap na hirap ang damdamin niya.

Naiintindihan naman ni Katrina na nahihirapan rin si Rumina. Sa mga nakalipas na buwan ay nakikita na niya ang sign: nagtatanong na ito kung sino ang totoong ama nito. Paano kasi, nakikita sa mga kaklase. Pero dahil komplikado ay wala siyang maisagot.

Ganoon pa man, handa naman siyang ipakita sa anak na kahit wala ang totoong ama nito ay kaya niya pa ring humanap ng papalit roon. At iyon nga ay si Arman.

Halos isang taon na nang makilala ni Katrina si Arman sa isang event. Sa unang pagkikita pa lang nila ay nagpakita na ito ng interes sa kanya. Ilang beses siya nitong niyaya na mag-date. Pumayag siya dahil okay naman si Arman. Guwapo ito, mabait, masarap kausap at maayos rin naman ang trabaho. He was a professional photographer.

Nakasundo niya si Arman. Hindi rin naman mahirap na mahulog ang loob niya rito. Pero palagi siyang may problema: iyon nga ay si Rumina. Handa na ba ito na magkaroon ng panibagong tao sa buhay nito?

Ngayon ay nagbaka-sakali si Katrina. Pero iyon nga at mukhang masama ang resulta. Unang beses na magkakasama-sama sila sa isang dinner ay nag-inarte na kaagad ang anak niya.

“I want to go home…” maya-maya ay wika ni Rumina.

“All right. Pero magpaalam muna tayo sa Tito Arman mo, ha? And please, be respectful to him. He deserved it. Mabait siya.”

Hinawakan niya si Rumina. Binalikan nila si Arman. Nag-sorry siya rito. Pero hindi si Rumina. Ininintindi na lang niya ito. Mukhang ganoon rin naman si Arman.

“Ihahatid ko na kayo…”

“No. I can manage.” Nahihiya na siya sa lalaki. Nasira ang gabi at napakabait pa rin nito. “Mag-taxi na lang kami pabalik…”

Kumunot ang noo ni Arman. “Delikado `yun…”

Umiling si Katrina. “Ikaw naman. Parang hindi kami galing sa hirap, ah. We’ll be fine…”

Alinlangan pa rin pero naggawang kumbinsihin rin naman ni Katrina si Arman. Inihatid na lang sila nito sa taxi bay. “Mag-iingat kayo…”

Humalik si Katrina sa pisngi ng lalaki bago sila sumakay ng taxi ni Rumina. Nakatulog naman ang anak habang nasa biyahe sila. Hinayaan na niya ito dahil mukhang pagod ang anak. Sabi ng Yaya nito kanina ay nakipaglaro daw ito sa kapitbahay nila. Marami rin naman daw itong kinain na merienda kanina kaya naisip niyang `wag na lang itong gisingin para kumain ng hapunan.

Binuhat ni Katrina ang anak papunta sa bahay. She tucked her in bed and kissed her good night. Sandaling pinanood niya pa ang anak bago siya umalis ng kuwarto.

Masasabi ni Katrina na hindi siya perpektong ina. Marami siyang pagkukulang sa anak at makikita naman iyon sa ugali ni Rumina. Hindi maganda ang attitude nito. Lumalaki itong brat. At sinisisi niya ang sarili niya roon.

Naging malaki ang pagbabago ng buhay ni Katrina nang mabuntis siya. Dahil nag-aalala siya sa kalusugan niya, sinubukan niyang maghanap ng trabaho na magaan lang. Nag-apply siya bilang mananahi sa isang sewing store sa palengke. Naging close sila ng amo na isang fashion designer. Hindi ito ganoon kasikat pero ito ang masasabi niyang naging daan kung bakit maayos na ang buhay niya ngayon.

Na-inspire si Katrina sa amo. Tinulungan siya nito na matuto ng isang bagay na gusto niya: ang fashion design. Nakita nito ang potensyal niya at kahit hindi naman siya nakapag-aral ng pormal, sumubok ito na ilabas ang mga iyon. Her first design became a hit. Ganoon rin ang mga sumunod.

Nagkaroon ng magandang buhay si Katrina dahil sa pagde-design. Naging malaki ang kita niya. May malaking kompanya ang kumuha sa kanya. Nakatira sila na maayos ng bahay ng anak at naikuha rin niya ito ng Yaya. Napapag-aral niya ito nang maayos at ganoon rin naman siya kahit papaano. Noong nakaraang taon ay nakatapos siya ng kursong Fashion Design sa isang open university.

Maayos na rin ang pamilya ni Katrina. Nakakapagtrabaho na ang Tatay niya at nagtatrabaho na rin ang ilang mga kapatid niya. Natutulungan na ng mga kapatid niya ang pamilya.

Pero siguro nga ay hindi pa rin talaga maayos ang buhay ni Katrina. Hindi iyon magiging maayos kung hindi ang anak niya. Lumalaki itong brat. Pero ano ba ang magagawa niya? Kailangan niyang magtrabaho para rito. Pero hindi lang siguro iyon. May kailangan rin ang anak niya na hindi niya kayang ibigay rito.

Hindi niya kayang ibigay ito kay Rumple.

Hanggang ngayon ay walang ideya si Rumple na may nabuhay na anak sila. Paano, hindi na rin naman kasi ito nakipag-communicate sa kanya. At hindi rin niya gusto. Natatakot siya. Anong gagawin nito kapag nalaman nito na nag-exist si Rumina? Baka kuhanin nito sa kanya ang anak…

Mahal na mahal ni Katrina si Rumina. Ipagpapalit niya ang buhay niya para rito. Hindi niya makakaya kung mawawala sa kanya ang anak niya.

Nasira man ang araw, may magandang bagay pa rin na nakikita si Rumina ngayong araw. Araw ng suweldo niya. Ngayon ay makokompleto na niya ang mga pera na pinahiram sa kanya ni Rumple. Ibabawas niya sa suweldo niya ngayon ang huling bahagi ng pera para makompleto ang perang pinahiram sa kanya ni Rumple. Maibabalik na niya rito ang perang napahiram noon.

Wala na siyang dapat pang ika-guilty. Itinago man niya ang anak nila, pero mababayaran na naman niya iyon rito. Patas na sila. Pero bakit may isang bahagi niya ang nagsasabi na unfair pa rin ang lahat?

Sa loob ng anim na taon ay nakonsensya si Katrina sa ginawa kay Rumple. Pero ngayon ay babawasan na niya ang konsensiya sa pagbabalik ng pera nito. Naka-ipon na siya. Sana nga lang, tama na ang lahat ng iyon para tuluyang maging maayos ang lahat.

ILANG beses na napakurap si Rumple nang makatanggap nang malaki at malaman na envelope. Mas lalo siyang nagulat nang makita ang laman noon. It consists of cash. Five hundred thousand pesos cash.

Inisip ni Rumple na baka naman naghaha-hallucinate na siya. Sa loob ng ilang buwan ay pagod siya. Isinubsob niya ang sarili niya sa trabaho. Halos sabay-sabay kasi na nag-leave ang mga partners niya sa Charm Tech na sina Wulfric, Warren, Peter at Andy. Umuwi ang mga ito sa Pilipinas. Siya lang ang natira sa New York---ang lugar kung saan naka-base ang Charm Tech.

Ang Charm Tech ay isang software company na itinayo niya at ng mga naging kaibigan na rin naman na niyang sina Wulfric, Warren, Peter at Andy. Ilang taon pa lang iyon pero masasabi ng matagumpay. Thanks to me, palaging nasasabi ni Rumple. Ganoon rin naman ang mga kaibigan niya. Siya ang pinaka-utak ng kompanya.

Simula nang mamatay ang Lolo ni Rumple ilang taon na ang nakakaraan ay pinili niyang pumunta sa America. Nag-aral siya ng masterals roon at doon nga niya nakilala si Andy at ang mga kaibigan nito. Dahil pakiramdam naman niya ay wala na siyang babalikan sa Pilipinas, pinili na lang nga niya na magbagong buhay sa America. Kaya masaya siya sa nangyayari sa kompanya.

Sa halip na ipaglaban ay gumawa na lang si Rumple ng sarili niyang kompanya. Paano kasi, tinotoo talaga ng Lolo niya ang banta nito. Kapag hindi siya nagkaroon ng anak ay hindi malilipat sa kanya ang kompanya.

Wala namang expiration ang stipulation sa Will. Kaya kung gugustuhin ni Rumple na magkaroon pa ng anak balang araw, makukuha pa rin niya ang kompanyang ngayon ay pinamumunuan ni Daimen. But he doubt if he really would.

Hindi na ulit niya gustong masaktan ng ganoon. Tama na ang minsan na sumubok si Rumple. Pagkatapos ng lahat, naka-move on na rin naman siya. Hindi man niya nakuha ang kompanya ng Lolo niya ay nakapagpatayo naman siya ng isa. Mas maganda iyon. Nagtagumpay siya sa sariling sikap rin niya. Hindi lang siya basta nagpalago. Isa pa siya sa mismong nagtatag. It made him more satisfied to himself.

Maayos ang kompanya. Kumikita rin iyon nang malaki. Hindi niya kailangan ng pera. Kaya bakit naman may magpapadala sa kanya `di ba?

Napakalaking halaga ng pera. Wala rin naman nakalagay na sender ng envelope. Hindi siya nangangailangan kaya aanhin naman niya iyon.

Pero sa naisip, biglang may naalala si Rumple.

Nangangailangan. Five hundred thousand…

Katrina…

Naka-ilang kurap pa rin si Rumple nang maalala ang babae. It’s been six years since they last met. Simula nang maghiwalay sila ay hindi na sila nagkita. Hindi na niya tinangka, hindi na rin naman ito. Hindi na ito nagparamdam. Ni hindi na rin ito pumasok sa kanya bilang kasambahay niya.

Naintindihan naman niya iyon. Pero dahil sa insidente, hindi na niya naisip na ibabalik pa nito ang perang hiniram nito. Hindi na siya umaasa.

Pero bakit may ibang pakiramdam ang puso niya ngayon? Nagparamdam si Katrina. Umaasa siya na naalala pa siya nito. Na may mahalaga pa rin siya rito.

Kahit na ba matagal ng sinampal sa kanya na wala na.

Napabuntong-hininga si Rumple. Tinignan niya ulit ang envelope. Wala sa kanya ang pera na nahiram ni Katrina. Matagal na niyang kinalimutan iyon. Pero hindi pa rin pala si Katrina. Naalala pa siya nito. And it gave a good feeling in his heart knowing that she is.

Kung si Katrina nga talaga ang nagpadala ng pera.

Iisa lang ang way niya para malaman: ang hanapin at contact-in ito.

Nag-google si Rumple tungkol kay Katrina. Maraming lumabas na article tungkol rito. Binasa niya ang lahat ng iyon. Lahat ay magaganda.

She was a successful woman now. Natupad nito ang pangarap nito na maging fashion designer kagaya ng sinabi nito sa kanya dati.

Good for her, nasa isip-isip ni Rumple.

Career wise ay okay naman si Katrina. But she wanted to know something personal to her, too. Hinanap niya ang Facebook nito. Pati pagmumukha nito ay nagbago. Payat pa rin ito pero natuto nang mag-ayos. Mas gumanda pa ito kaysa sa dati.

Malakas ang tibok ng puso niya habang tinitignan ang mga pictures nito. Pero may isang larawan mula sa Facebook ang nagpatigil sa puso at pati na rin sa mundo niya.

Nakita ni Rumple ang larawan ni Katrina na may kasa-kasamang bata.

Me and my daughter… nakalagay sa caption ng larawan.

May anak na si Katrina.

Namutla si Rumple. Sa tantiya niya, mukhang nasa limang taon ang bata. If he do the math, na-conceive ang bata sa mga panahong nagkasama sila.

Puwedeng sa iba ang bata. Pero kung anak ito ni Katrina sa iba, bakit kamukang-kamukha niya iyon? Mahaba lang ang buhok ng bata na naka-pig tails pa sa picture. Pero ang mukha ng bata ay siyang-siya noong maliit pa lang siya.

Mali siya. Hindi pa siya nakaka-move on. At sa tingin niya ay hindi na rin kailanman dahil sa nalaman…

Kailangang bumalik ni Rumple ng Pilipinas.

MALAKAS na pumalakpak si Katrina nang matapos ang kauna-unahang pagbibida ni Rumina sa isang stage play. Busy siya pero isiningit niya sa schedule ang panonood ng stage play nito. It was the least she could do to be a good mother.

Nilapitan niya ang anak. Niyakap niya ito. “I’m so proud of you. Ang galing-galing mo…”

Tumango lang si Rumina. Tumingin ito sa katabi nila na kaklase at kasama rin nito sa play. Naroon ang magulang ng bata. Kompleto ang mga ito.

Parang may kumurot sa puso ni Katrina nang makita ang lungkot sa mata ng anak niya. Naiinggit ito.

“H-hindi naman siya magaling, Mommy. Pero bakit parehong parents niya ay tuwang-tuwa sa kanya?”

Niyuko niya ang anak. Pinugpog niya ng halik ang mukha nito. Hindi niya pinahalata na naapektuhan rin siya sa nakita at sinabi ng anak. “Nandito naman ako. And I told you, I am very proud of you…”

Sinalubong ng anak ang tingin niya. “You are not enough.”

“Rumina…”

Nagyuko ito ng ulo. “Just take me home…”

Kinagat ni Katrina ang ibabang labi. Pinigilan niya ang luha na lumabas sa mga mata niya. Gusto niyang isipin na bata pa si Rumina. Hindi pa nito alam ang sinasabi nito. Pero alam niya na totoo naman iyon.

Lumaki si Katrina na hindi normal ang pamilya. Alam niya ang feeling ni Rumina. Mabait man sa kanya ang ina at alam niyang mahal na mahal siya nito. Pero madalas na kulang pa rin iyon. Nakikita man niya ang ama niya noon ay gusto naman niyang kasama pa rin ito. Gusto niya na magkaroon rin ng isang buong pamilya.

Pero ano ba ang dapat niyang gawin? Kapag pinakilala niya si Rumina kay Rumple ay puwede itong kunin sa kanya. Selfish na siya, oo. Pero mahal niya ang anak niya. Mamamatay siguro siya kapag kinuha ito sa kanya.

Kinalma ni Katrina ang sarili. Lilipas rin ang lahat ng ito.

Sinunod ni Katrina ang anak. Nagpaalam sila sa teacher nito. Puring-puri ito ng teacher pero hindi man lang nagsalita ang anak. Iritado ang mukha nito.

“Nagka-sumpong,” Nakangiwing sagot na lang niya sa Teacher.

Bago rin sila umalis ng school theatre ay niyaya niyang kumain sa labas si Rumina. Gusto niyang i-treat ito.

“Wala ako sa mood. Saka `di ba sabi mo, may work ka? Go there…” Tampong-tampo pa rin ang anak.

Hinalikan niya ang noo nito. “Rumina, ayaw ko ng ganito tayo. Kung gusto mo, hindi na ako papasok sa work para sa `yo. Pumunta tayo sa Star City. Yeah, tama! Matagal mo ng gustong pumunta doon `di ba? Kung gusto mo, tatawagan ko rin si Tito Arman mo. Mas madami mas masaya `di ba?”

“Ayoko nga sa kanya! Bakit mo ba siya pinagpipilitan? Boyfriend mo na ba siya?”

Umiling si Katrina. Gusto niya si Arman. Pero hindi naman niya masasabing mahal niya ito. Sa tingin niya, mas gusto niya ang isipin na puwede nitong gampanan ang kailangan ni Rumina---isang mabuting ama. Gusto ng lalaki ang anak niya sa kabila ng ugali nito. Tanggap nito si Rumina.

Pero kung ayaw talaga rito ng anak niya, sa tingin niya ay mabuti pang putulin na niya ang ugnayan nila sa isa’t isa. Hindi rin niya matatanggap ang lalaking hindi magugustuhan ng anak niya. Importante sa kanya ang nararamdaman ng anak.

“Then don’t forced me to like him because I won’t…”

Tumango na lang si Katrina. Sa tingin niya ay susundin na lang talaga niya ang dapat: ang magtrabaho. Mukhang mas mahihirapan siyang amuin ang anak. Lilipas rin naman siguro iyon.

Tumawag si Katrina ng taxi. Kaya nga lang, marami rin ang nag-aabang kagaya nila. Naka-ilang para siya pero palagi na lang silang nauunahan. Ilang beses tuloy siyang napatingin sa relo. Kung wala pa rin na titigil sa kanila ngayon para isakay sila ay male-late siya sa appointment niya.

Nakahinga nang maluwag si Katrina nang may tumigil na rin sa wakas na sasakyan sa harap nila. Puti iyon kaya noong una ay inakala niya na taxi. Pero mali siya. Private vehicle pala iyon at may lumabas rin.

Pero mas may lumala pa sa disappointment ni Katrina nang makita ang lumabas. Namutla siya. Oo at problema niya ang anak. Pero ngayong nasa harap na niya ang solusyon ay hindi niya gustong tanggapin iyon.

Si Rumple ang bumaba. Nasa Pilipinas ito. Bumalik na ito.

At kukuhanin niya si Rumina… Nanlamig si Katrina sa isipin. Nanigas siya.

“Hello, little girl…” Niyuko ni Rumple si Rumina.

Kumunot ang noo ni Rumina. “Sino ka?”

“I am your Dad…”

Nanlaki ang mata ni Rumina. Sandaling kinilatis nito ang mukha ng lalaki. Nang ma-realize na magkamukha ang dalawa ay niyakap nito ang lalaki.

Kinuha ni Rumple ang pagkakataon na iyon. Habang yakap-yakap ang anak ay binuhat nito si Rumina.

Ipinasok ni Rumple ang bata sa loob ng sasakyan. Pagkatapos ay humarurot na paalis ang sasakyan.

Naging napakabilis ng ginawa ni Rumple. Ang tanging nagawa lang ni Katrina ay ang matulala. Paanong sa isang saglit ay nawala na sa kanya ang anak niya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.