Chapter 30

“YOU’RE doing this wrong…” Iiling-iling na wika ni Warren kay Rumple. Hindi pa rin maalis-alis ang pagtiim bagang niya. Mas pinalala pa ng pag-point out na iyon ng kaibigan ang inis niya.

“Ito lang ang paraan na alam ko. Ayaw ko siyang ibalik kay Katrina. She had to know and feel the pain of what she did to me…”

“Pero sana ay nakikita mo na sa ginagawa mo, sinasaktan mo rin si Rumina.” Tumingin si Warren sa anak niya. Dinala niya ito sa bahay ng kaibigan. Naguguluhan kasi siya sa dapat na gawin.

Kinuha niya na lang basta-basta kay Katrina si Rumina. Parang ang lagay, k-in-idnap niya ito. Nagulat ang bata. Kung noong una ay naniniwala ito na siya ang ama nito, ngayon ay nag-aalinlangan na ito.

Kung siya raw ang Daddy nito, ibibigay niya ang gusto nito. Gusto raw nitong bumalik sa Mommy nito. Silang dalawa. Gusto raw nito ng isang happy family.

That sounds nice. Pero kung isang kagaya ni Katrina ang makakasama niya sa happy family, `wag na lang siguro.

Gusto niya ang babae…noon. Magugustuhan pa rin sana niya ito ngayon kung hindi nga lang niya nalaman na nagtago ito sa kanya ng sikreto. Niloko siya nito. Mahirap patawarin ang ginawa nito sa kanya.

Hindi niya gustong ibalik si Rumina sa ina nito. After all, dapat naman talaga ay sa kanya lang ang anak. Binayaran niya si Katrina para sa anak niya. Oo, binalik na nito ang pera niya ngayon. Pero ang usapan ay usapan. Sa kanya si Rumina. Hindi niya kailangan ng pera nito.

Pero kung nasa ganitong lagay ang anak, malapit na siyang gawin ang sinasabi ng lahat na tama.

Maraming pamangkin si Warren. Isa sa mga pamangkin rin nitong si Dianne ay halos kaedad ni Rumina. Bibo ito at kanina pa niyaya ang anak na maglaro. Pero anak nga talaga niya si Rumina. Matigas ang ulo nito. Hindi ito napilit ng mga pamangkin ni Warren na makipaglaro.

Sa tingin niya ay naggawa na niya ang lahat para kay Rumina. Paano kasi, ayaw nitong kumalma sa kanya. Tirik na tirik ang mga mata nito. Hindi siya kinakausap. Naisip niya na dalhin nga ito sa bahay ng kaibigan pero wala rin pala iyon na kuwenta.

Tumayo si Rumple. Pinuntahan niya si Rumina na in-isolate ang sarili nito sa lahat. Nakatalikod ito sa mga bata at nakahalukipkip.

Kinuha niya ang kamay nito. “Stop that. Aalis na tayo,”

Inikutan siya ng mata nito. “Dapat lang!”

Iiling-iling si Rumple. Bumuntong-hininga siya at inalalayan ang anak. Nagpaalam na siya sa pamilya.

“Kumain muna kayo bago umalis…” alok ni Snow, ang girlfriend at ang nag-aalaga sa mga pamangkin ni Warren. Alas sais na ng hapon.

Umiling si Rumina. “Hindi ako kakain habang wala si Mommy! Ibalik niyo ako sa Mommy ko…”

“Rumina…”

May tumulong luha sa mga mata ni Rumina. “Ayoko rito.”

Doon natunaw ang puso ni Rumple. Para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa ngayong nakita na umiiyak ang anak. Alam niyang kanina pa naiinis sa sitwasyon ang bata. Pero ngayon lang ito umiyak. Siguro ay punong-puno na talaga ito.

“Tumahan ka na. Ibabalik na kita…”

Nagkaroon ng kaunting liwanag ang mukha ng anak. Nang makita rin nito na tinototoo niya ang sinabi ay saka tuluyang naging maganda ang mukha nito. Patakbong lumabas ito sa kotse at kumatok sa bahay. Mabilis naman na bumukas ang pinto. Iniluwa noon ang pugtong-pugto ang mga matang si Katrina. Niyakap at pinugpog nito nang maraming halik ang bata.

It feels like a sweet reunion. Pero hindi para kay Rumple. Natalo siya sa sitwasyon. Pero ang pinakanakakainis sa lahat ay ang reaksyon ng puso niya sa nakitang tagpo. Sinaktan niya si Katrina dahil sa basta-basta na lang na pagkuha niya sa anak nila.

Kahit lumipas na ang mga taon ay mukhang nanatili pa rin ang nararamdaman ni Rumple kay Katrina: ayaw pa rin niyang masaktan ito…

“NALAMAN mo ang lahat ng ito dahil sa pera…” conclude ni Katrina nang sa wakas ay makapag-solo sila ni Rumple. Tulog na ngayon si Rumina. Sabay nila itong pinatulog ni Rumple.

Pagkalabas pa lang nilang dalawa sa kuwarto ay binigay na sa kanya ni Rumple ang envelope na pinadala niya rito. Hindi naman kasi niya alam kung ano ang bank account nito. Hinanap lang niya sa Google ang ilang impormasyon rito para maipadala ang pera. Nakuha niya ang company address nito at pinadala ang pera sa ganoong paraan.

Pagak na tumawa si Rumple. “Alam mo na matalino ako. Madali lang para sa akin ang malaman na sa `yo nga iyon puwedeng manggaling.”

Lumunok si Katrina. “Pina-imbestigahan mo ako.

“I have to make sure if it’s you. Isa pa, wala sa akin ang pera na iyon. Gusto kong ibalik iyon sa `yo. But I am really glad that was my thinking. Mas ikaw ang may kailangan na ibalik sa akin…” Naniningkit ang mga mata ni Rumple. “You cheated on me. You stole something precious from me…”

“I-I’m sorry…” Nanghina si Katrina. Naiyak ulit siya. Dapat ay inihanda na niya ang sarili niya. Pero simula nang basta na lang kuhanin sa kanya si Rumina ay halos mawala siya sa kanyang isip. Hindi siya nakapag-isip.

“Sinadya mo ang lahat. Paano mo naggawa iyon? Bakit mo ako niloko? Nagtiwala ako na totoong nalaglag ang anak natin…”

“There was a misunderstanding…” kinuwento ni Katrina ang napag-usapan nila ng Doctor.

“Then? Bakit hindi mo sinabi iyon sa akin? Napakadaling i-reach out ako!”

“Dahil natakot ako. Kapag bumalik ako sa `yo, anong mangyayari sa akin kapag naipanganak ko ang bata? Na-realize ko na nang nawala ang isa, hindi ko rin makakayang mawala ang natira.” Bumuntong-hininga si Katrina. “I’m selfish and I’m sorry about it. Pero sana ay maintindihan mo ako sa naggawa ko…”

Tumiim ang bagang ni Rumple. “I don’t know what to say anymore…”

“Then don’t. Puwede nating mas pag-usapan ang sitwasyon sa mga susunod na araw. It’s getting late and---“

“No. Kailangan pa rin nating mag-usap.” Putol ni Rumple. “Kapag nagising si Rumina ay magtatanong siya. We have to answer her. She seems to be a smart kid. We have to talk now.”

“Hindi ko pa naihahanda ang sarili ko. Well, kahit kailan siguro ay hindi ako magiging handa. Kanina nga ay mamatay-matay na ako nang bigla mo na lang siyang kunin sa akin.” Kinagat ni Katrina ang ibabang labi niya. Sa pag-iisip na mawawala sa kanya ulit ang anak ay naiiyak na siya. “Hindi ko hahayaan na kunin mo ulit siya sa akin.”

Pagak na tumawa si Rumple. “Sa ipinakitang ugali sa akin ni Rumina, malabong mangyari ang kinatatakutan mo…”

Natigilan sandali si Katrina. Ilang beses na napakurap siya. “Wala kang balak na kuhanin sa akin si Rumina?”

“That’s what you deserved for keeping her a secret. Pero sa tingin ko ay hindi iyon deserved ng anak ko. Nakuha ko nga siya sa `yo physically. Pero hinding-hindi ko makukuha ang loob niya kapag hinayaan kong alisin ka sa tabi niya.

“Oh, God. Thank you so much!” Sa tuwa ay nayakap ni Rumina si Rumple. Naiiyak rin siya sa tuwa. Pero nang ma-realize ang ginawa niya ay lumayo rin siya. Nakagat ulit niya ang ibabang labi pero sinubukan niyang salubungin ang mga mata nito.

May dilim pa rin sa mga mata ng lalaki pero hindi na iyon ganoon kasama. Ewan rin ba niya kung umaasa lang siya o ano pero nakita niyang sandaling lumambot iyon.

Bakit? Dahil ba iyon ay ang gusto niyang isipin? O dahil iyon rin ang naramdaman niya?

Anim na taon na ang nakalipas pero buhay pa rin ang nararamdaman ni Katrina kay Rumple. Noong una, gusto niyang isipin na natakot lang siya kaya lumakas ang tibok ng puso niya. Pero hindi na ito nakakatakot na sandali. Kaya bakit parang sasabog pa rin ang puso niya? Bakit nanginginig pa rin ang tuhod niya?

“Don’t thank me. Puwede pang magbago ang isip ko. It’s just that for now, hindi pa ako pinagkakatiwalaan ni Rumina. At kailangan mo akong tulungan roon…”

Tumango si Katrina. Kailangan pa rin niyang matakot pala. Ganoon pa man, at least may pagkakataon pa rin siya sa anak. May pagkakataon rin siya na buuin ang isip ni Rumple: na kailangan siya ni Rumina sa buhay nito. Hindi siya nito tatanggalan ng karapatan para sa anak.

“And from now on, you both have to live with me.”

“Ha?”

Tinaasan siya nito ng isang kilay. “I’ve said it clearly…”

“Yeah. Pero may bahay naman ako---“

“Ako ang ama. Ako ang dapat may sariling bahay at sumuporta sa pamilya ko.”

Lumabi si Katrina.“Mas sanay kami ni Rumina dito.”

Tumiim ang bagang ni Rumple. “Alam mo, sa ating dalawa ay ikaw ang maling-mali. Wala ka dapat lakas ng loob na sagutin ako o makipag-argumento sa mga desisyon ko.”

“Sabi ko nga. Pero okay na tayo? Sa bahay mo kami dito sa Pilipinas titira at susuportahan mo kami? Kailangan na ba nating umalis ngayon?”

“Bukas na. Tulog na si Rumina. Ipapaliwanag rin natin ang lahat sa kanya bukas kapag nagising siya.”

“A-all right. That’s all?”

Tinaasan ulit siya nito ng isang kilay. Maya-maya ay hindi lang mukha nito ang tinignan niya. Bumaba ang tingin nito sa leeg niya----sa buong kabuuan niya.

Napalunok si Katrina. Lalong lumakas ang tibok ng puso niya. Teka, iniisip ba nito na hindi lang si Rumina ang kailangan nilang pag-usapan? Paano siya? Paano sila?

Kailangang magkasundo sila ni Rumple para hindi magtaka si Rumina. Bata pa ito. Hindi pa dapat ito mamulat sa sakit ng buhay. She has to believe on fairy tales.

Pero ang tanong: isang fairy tale nga ba ang mayroon sila ni Rumple? Magkaka-happily ever after ba sila samantalang hindi nga ganoon ang nangyari sa kuwento ni Rumpletiltskin? Well, not on the man’s side…

“For now…” sagot ni Rumple at nagpaalam na. Babalik na lang daw ito bukas.

Umalis man si Rumple pero hindi naman ang kakaibang dala pa rin nito sa kanya. Nakakatakot. Tama ba na makaramdam pa rin siya ng pagkagusto rito samantalang lalo lang niyang pinalala ang kawalan niya ng pag-asa rito?

TALIWAS sa reaksyon ng mga anak ni Daimen ang reaksyon nito at ng asawa nang ipakilala niya si Rumina. Ang mga ito na lang ang pamilya niya. Parehong namatay sa isang cruise accident ang mga magulang ni Daimen three years ago. Wala na rin ang Lolo niya. Gusto naman niyang makilala ng anak niya ang natitirang pamilya niya. After all, matagal na rin niyang hindi nabisita ang mga ito.

Tatlong araw na ang nakalilipas nang makilala niya si Rumina. Naging madali naman sa kanya na makuha talaga ang loob nito. Siguro ay dahil na rin sa sinasabi nilang lukso ng dugo. Mabilis rin itong nakumbinsi ni Katrina. Sabi rin kasi ni Katrina, sabik sa ama si Rumina. Matagal na raw nitong hinahanap ang totoong ama nito.

Mukhang pati si Rumina ay naramdaman rin ang lukso ng dugo sa mga pinsan. Ilang sandali pa lang na magkakilala ang magpipinsan ay naglalaro na ang mga ito. Hindi nalalayo ang edad nito sa bunsong anak ni Daimen kaya madali rin na nagkasundo. Naglalaro ang mga magpipinsan sa garden habang sila naman ni Daimen ay nasa garden table at nagkakape. Umalis na ngayon ang asawa nito dahil may kailangan raw na puntahan.

“Sino ang ina ng batang `yan?” Tanong ni Daimen. Mukhang hindi pa rin makapaniwala ito kahit halos kalahating oras na sila sa bahay nito at inamin na may anak siya.

“Si Katrina…”

Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Pero sabi mo ay nalaglag ang anak niyo `di ba?”

Tumango si Rumple. Ikinuwento niya rito ang naging misunderstanding nila ni Katrina.

Parang naligalig lalo si Daimen. “P-pero ano ang lagay niyo ngayon ni Katrina?”

“Ayaw ko pang isipin `yan sa ngayon…” Kahit kailangan.

Napabuntong-hininga si Rumple. Naiinis man siya kay Katrina, alam niyang malaking bahagi ng buhay ito ni Rumina. Hindi niya ito puwedeng ihiwalay sa anak niya.

Kaya lang, wala pa talaga siyang plano. Nahihirapan pa siyang mag-isip. Dahil sa anak, alam niyang kailangan rin niyang ilapit ang sarili niya kay Katrina. Pero paano? Natatakot siya.

Natatakot siya sa nararamdaman niya rito.

Dapat ay galit siya kay Katrina. Pero hindi niya maggawa. Sinusubukan niyang iparamdam rito. Pero sa tuwing lumalapit ito ito sa kanya ay nanghihina siya.

Sa halip na ito ang takutin niya, siya ang natatakot rito. Binibigyan siya nito ng damdamin na ayaw niyang maramdaman rito: masaya. Everytime he looks at those little eyes, his heart was melting. It feels nice. Kahit hindi dapat.

“M-may pag-asa ba na pakasalan mo siya?”

Hindi nagsalita si Rumple. Sa halip, napatingin siya kay Rumina. Sa tuwing tinatanong niya kung ano ang gusto nito, iisa lang ang sagot nito: a happy family.

Para magkaroon ng isang masayang pamilya, kailangang maging maayos ang relasyon ng ama at ina.

Sandali pa lang na nakilala si Rumina ay mahalaga na ito sa kanya. Mahal na niya kaagad ito. Ayaw niyang mawala ito. Ayaw niyang masaktan ito. He wanted to give the world for her. She was precious.

Kailangan niyang ibigay rito ang gusto nito at kailangan rin naman nito. Pero kaya ba niya saktan ang sarili niya para sa anak?

O masasaktan nga ba talaga? Susot ng isang bahagi ng isip niya.

Gusto niya pa rin si Katrina sa kabila ng mga kasalanan nito. Kung ang isipin na maikasal siya rito ay pinapagaan ang pakiramdam niya, masasaktan nga ba talaga siya?

No. Masaya iyon. Pero nakakatakot. Mali kasi iyon. Isa pa, ano ba ang alam niya sa buhay ni Katrina sa mga nakalipas na taon? Paano rin niya masisigurado na magiging tapat ito sa kanya? Samantalang itinago nito ang anak nila sa loob ng anim na taon…

Mahirap magtiwala sa isang kagaya ni Katrina. Doon nga siya puwedeng masaktan. Sasaktan siya nito. Gusto lang niyang protektahan ang sarili kaya nireresist niya ang isipin.

“Don’t do it. Don’t even think of marrying her…”

Tumaas ang isang kilay ni Rumple. “At bakit?”

Tumiim ang bagang ni Daimen. “Mawawala sa akin ang kompanya…”

Sandaling natigilan si Rumple. Ang kompanya ang dahilan kung bakit nakipagkasundo siya kay Katrina. Ito rin ang dahilan kung bakit nabuo si Rumina. Pero nawala iyon sa isip niya.

Ngayong may anak siya, mapupunta na sa kanya ang kompanya…

“Natatakot ka…”

“Hindi. Hindi pa sa ngayon. May isang stipulation pa si Lolo sa will niya na hindi mo na inalam…”

Tinaasan niya ito ng isang kilay. Totoong hindi na nga niya inalam ang lahat ng stipulation para sa kompanya. Basta nang marinig niya na kailangan niya pa rin ng anak para sa kompanya ay umalis na siya. Nasaktan siya na hindi talaga ipinagkatiwala sa kanya ng Lolo ang kompanya.

“Kailangan mo rin na pakasalan ang ina ng anak mo para makuha mo ang kompanya. Pero hindi mo gagawin `di ba? Matalino ka. Marriage is a big word. Hindi ka puwedeng magpakasal sa mahirap na at sinungaling pa na kagaya niya…”

Totoo ang sinabi ni Daimen. Pero ewan ba niya at parang may kumurot sa puso niya ngayong nakarinig sa iba ng masasamang salita para kay Katrina. Iniba na lang niya ang usapan. “Kumusta na ang kompanya?”

“Hindi ko bibitawan ang kompanya.”

“Hindi iyon ang tanong ko, Daimen…”

Hindi nagsalita si Daimen. Sa halip, parang nagulo ang mukha nito. Napakunot-noo naman siya. Bakit ganoon ang reaksyon nito? Was it because just like his reaction, the company is a mess, too?

Walang balita si Rumple sa kompanya ng pamilya. Aminado naman kasi siya na bitter siya. Nag-focus na lang siya sa Charm Tech. Ganoon pa man, parang nakonsensya siya sa ginawa niya. Sa pamilya niya pa rin ang kompanya. Kung masama ang lagay noon, kailangan niyang tumulong.

Pero tutulong lang si Rumple kung makakabalik at mapapasakanya ang kompanya. Ayaw niyang mag-invest at pagkatapos ay malulugi lang sa huli.

Sa lagay ngayon ng kompanya, parang nagkaroon lalo si Rumple ng dahilan para ibigay kay Rumina ang happy family na gusto nito…

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.