Chapter 25

HINDI pa man nagmumulat ay nakangiti na si Ariel kinabukasan. Masaya siya. Naalala niya ang lahat ng nangyayari kahapon. Naalala niya si Eric. The simple thought of him made her heart smiles.

Excited na bumangon si Ariel. Kumusta kaya si Eric? Kumain na kaya ito? Sana hindi pa. Gusto niyang makasabay mag-almusal ang boyfriend.

Boyfriend. Mas lalong napangiti si Ariel. May boyfriend na siya! Nakakapanibago sa isipan ang thought na iyon pero masaya. Lalo na at si Eric iyon. Karelasyon na niya ngayon ang taong mahal niya...

Nakita naman kaagad ni Ariel si Eric. Hawak-hawak nito ang satellite phone at may kausap. Profile view lang ang nakikita niya rito pero pansin na magulo ang mukha nito. Medyo malayo ito kaya hindi niya narinig ang pinag-uusapan. Nang matapos ang tawag ay nakita naman siya kaagad ni Eric. Maganda ang ngiti nito pero tila may lungkot.

Bakit kaya? Naitanong kaagad ni Ariel sa sarili. May masama kaya na nangyari? Ayaw niyang isipin.

Kaya hindi ko rin itatanong.

Siguro ay maituturing na problema ang isipan ni Ariel. Ngayon ay alam na niyang nakakaalala si Eric. Sa totoo lang, marami siyang tanong sa nakaraan nila. Bakit siya nito iniwan? Kung minahal siya nito sa loob ng tatlong taon na iyon, bakit hindi siya nito binalikan?

Pero lahat ng iyon ay hindi pinahalagahan ni Ariel. Kahit sinubukan na magpaliwanag ni Eric sa kanya kagabi, pinatigil niya ito.

“Nasorpresa ka ba?” tanong ni Eric. Pagkatapos ng nakakalokang panliligaw nito at pagsagot niya rito ay niyaya siya nitong maglakad-lakad sila sa dalampasigan ng Alonia. Hawak-hawak ni Eric ang kamay niya. Maliwanag ang buwan kaya naman kahit maglakad sila sa dalampasigan ay kita nila ang dinaraanan.

“Sa ginawa mo ngayong gabi?”

Umiling ito. “Sa pagsabi ko ng tungkol sa nakaraan. Na nakakaalala na ako.”

“Ah...” hindi tumingin si Ariel kay Eric. “K-kailan ka pa nga pala nakakaalala?”

“Mga two days after ko umuwi ng Maynila.”

Tumitingin si Eric kay Ariel pero hindi niya maggawang salubungin iyon.

“Ariel? May problema ba?”

Huminga nang malalim si Ariel. “A-ayaw ko sanang pag-usapan ang tungkol sa nakaraan.”

Napatitig si Eric kay Ariel. “Nasaktan kita.”

Naglihis ng tingin si Ariel. “Tapos na iyon pero...”

Tumango-tango si Eric. “Naiintindihan ko. Iyon rin ang dahilan kung bakit hindi ko ipinagtapat muna sa `yo. I want you to fall in love with the new me. Natatakot kasi ako na makaapekto sa magiging desisyon mo ang ginawa ko na iyon dati.”

“Okay na naman ang lahat. Tanggap ko na iyon. Mahal pa rin kita sa kabila noon.”

“Sigurado ka? Because I really have a reason why I did that, Ariel.”

“I’m good. Hindi na mahalaga sa akin ang nakaraan kaya huwag na natin pag-usapan, okay?”

May pag-aalinlangan pa rin sa mukha ni Eric pero tumango na rin ito.

Curious naman si Ariel kung ano ang rason ni Eric. Pero minabuti na lamang niya na huwag marinig. Ayaw na niyang balikan pa ang nakaraan nila dahil iyon ang nagbigay sa kanya ng mga dahilan kung bakit tinatanggihan niya si Eric. Ayaw niya munang ipamukha sa kanya na magkaiba sila ng mundo. Ayaw niyang mabuhay muli ang sakit.

Hindi pa siguro ngayon o sa mga susunod na araw. Gusto muna niyang maging maligaya at magiging ganoon lang siya kapag hindi inisip ang sakit ng nakaraan. Ayaw na niyang mabahiran pa ng sakit ang nararamdaman niya kay Eric. Ika nga, start a new.

“Good morning!” bati ni Ariel kay Eric. Niyakap niya ito.

“Good morning, beauty.” Sagot naman ng boyfriend. Niyakap rin siya nito.

“Kumain ka na ba? May luto na kaya si Nanay? Ah, alam ko na. Kung wala pa, magluto na lang tayo na dalawa.” Alas siyete pa lamang. Kung hindi kakaluto ay magluluto pa lamang si Nanay Alicia. Wala siyang naamoy na kakaiba kaya baka wala pang luto.

“That would be great but---“

Nakaramdam na kaagad ng masama si Ariel sa “but” na iyon. Pinutol na niya ang sasabihin nito. Hinawakan niya ang kamay nito at hinila. “Tara sa kusina. Magluto tayo ng almusal!”

Sumunod si Eric. Pinagbigyan siya nito sa gusto niya. Tinulungan siya nito na magluto ng maling at itlog. Naghanda rin siya ng fried rice. Pinilit ni Ariel na ganahan ang pagkain. Mukhang may masama itong sasabihin pero ayaw niyang indahin iyon. Gusto niyang maging masaya. Ayaw na niyang mag-isip ng masama.

Pero hindi rin matatakasan ni Ariel ang realidad. Nang makakain sila, nagkaroon ng tiyempo si Eric para sabihin ang masamang balita.

“I have to leave today.”

Tinitigan niya ito. “Kahapon lang nang sinagot kita.”

Napapikit si Eric. Mukhang inis rin ito. “I know. Kaya mahirap para sa akin na gawin ito. But its a business emergency. Para kayna Daddy, naging napakatagal na ng isang linggo para mawala ako. Naiintindihan naman nila ang sitwasyon ko. Pero naging matagal rin ang pagkawala ko. Kailangan ako ni Kit at Cindy. Ngayon kasing maayos na ako, umaasa sila na ako ang magpapatuloy ng kompanya.”

“Isang linggo pa lamang iyon nagrereklamo na sila. Paano pa kung papasok ka sa mundo ko?” mahina lang ang boses ni Ariel.

“Ariel...”

“Pakiramdam ko ay niloloko mo ako...”

“What? How?”

“Sinabi mo sa akin na kung ang pananatili mo sa Alonia ang magiging paraan para makuha ako, gagawin mo.”

Natigilan si Eric. Matagal-tagal rin ito na nakapagsalita. “I would want to do that. Pero may mga responsibilidad rin ako sa pamilya ko. At ang pamahalaan ang kompanya, it was my dream. My greatest dream.”

Hindi nagsalita si Ariel. Nasasaktan siya. Nararamdaman rin naman niya na aalis rin si Eric. Sabihan man nito na gusto nitong manatili sa Alonia para sa kanya ay parang imposible nga iyon. Pero hindi pa ngayon. Nagsisimula pa lamang sila.

Paano kung indikasyon na nga iyon hindi talaga magkakasundo ang mga mundo nila? Umpisa pa lamang at iyon, binigyan na sila ng pagsubok.

Ginagap ni Eric ang kamay ni Ariel. “Panandalian lang naman ito. Three days. Babalik ako after three days. We can still celebrate. O kung gusto mo, sumama ka sa akin pabalik sa Maynila.”

Hindi nagsalita si Ariel. Makakaya ba niya ang buhay sa Maynila? Oo, gusto niyang makasama si Eric. Ilang beses na rin niyang iniisip na kakayanin niya ang lahat manatili lamang sa piling nito. Pero ngayon pa lang naiisip niyang iiwan niya ang buhay niya talaga para sa lalaki ay natatakot na siya.

Ano ang magiging buhay niya sa Maynila? Napakalayo ng buhay niya sa Alonia roon. Oo, naroroon si Eric. Pero magiging maayos ba ang turing sa kanya ng mga tao roon? Ng pamilya nito? Wala siyang maipagmamalaki.

Kung tutuusin, napakarami pa rin na mali sa kanilang dalawa ni Eric. Hindi lamang niya gusto na makita sa ngayon. Overwhelm pa siya sa saya. Gusto niyang panatilihin muna ang saya na iyon bago i-entertain ang mga sakit. Pero hindi ganoon ang gusto ng tadhana...

Bumitaw si Ariel sa hawak ni Eric. “Ayaw ko. Ayaw ko sa Maynila...”

“Ariel...” may lungkot ang boses ni Eric.

Mas malaki ang buhay ni Eric. Mas marami itong responsibilidad. Natural, siya dapat ang mag-adjust sa kanilang dalawa. May pakiramdam si Ariel na ang unfair naman noon.

Huminga nang malalim si Eric. “Okay, I get it. Masyado pang mabilis ang lahat. Ito nga, kakaayos lang natin at bigla naman itong problemang kailangan na ayusin. Magkakahiwalay kaagad tayo. At ang tungkol sa pag-iimbita ko sa `yo sa Maynila, hindi rin kita masisisi. Baka nabigla ka pa lamang.”

Hindi pa rin nagsalita si Ariel.

“Mahal kita, Ariel. Gusto ko na makasama ka. Pero sana ay maintindihan mo rin ako. May mga responsibilidad ako na hindi ko puwedeng bitawan dahil bukod sa iyon ang gusto ng pamilya ko, gusto ko rin iyon. Pangarap ko iyon. But then, hindi naman kita kakalimutan. You’re going to be still there. You will also be my priority. Gagawin ko ang lahat para maisama ka sa mundo ko.

“Alam ko na minsan na ipinakita ko na sa `yo ang mundo ko. Palagi mong sinasabi sa akin noon na hindi ka bagay. Palagi mo na pinaparamdam. Pero sana ngayong nagdaan na ang mga taon, nadagdagan na ang edad mo at naging mas malawak ang isip mo ay hayaan mo ang sarili mo na makapag-adjust. Hayaan mo ang sarili mo na makibagay sa mundo ko. I know it seems unfair but please understand. Ipinapangako ko rin naman sa `yo na sa magiging maayos ang buhay mo sa Maynila. Just trust me on that.”

Mahal ni Ariel si Eric kaya dapat ay nagtitiwala siya sa lalaki. Ipinagkatiwala niya ang puso niya rito kahapon. Sa susunod ba, makakaya niyang ipagkatiwala rito ang buong buhay niya?

Sapat ba ang pagmamahal bilang dahilan upang iwanan mo ang buhay na tanging alam niya?

NAPAHALUMBABA si Ariel. Sa loob ng tatlong araw na wala si Eric ay madalas na ginagawa niya iyon, lalo na kapag kakatapos lamang nitong tumawag sa kanya. Tatlong beses tumatawag sa isang araw ang boyfriend. Iniwan nito ang satellite phone nito para makapag-usap sila. Ngayon ay kakatapos lang ng huling tawag ni Eric para sa araw na iyon. Iyon rin ang huling araw na tatawagan siya nito dahil bukas ay babalik na muli ito sa Alonia.

Naging mabagal ang tatlong araw na pagkawala ni Eric kay Ariel. Nasanay na yata siya masyado rito. Na-miss niya nang husto ito. Isa pa, masyado rin na nabagabag ang isip ni Ariel. Ano ba ang kahahantungan ng relasyon nila ni Eric?

Sa tatlong araw na iyon ay kailangang mag-isip ni Ariel. Kahit babago pa lamang ang relasyon ni Eric ay gusto nitong makasigurado. Gusto siya nitong dalhin sa Maynila at ipakilala sa mga magulang nito. At kung maaari raw, gusto nito na magbakasyon siya roon. Ito na raw ang bahala sa lahat-lahat.

Gusto ni Eric na palagi siyang nasa tabi nito. Na nasa malapit lang siya. Napakalayo ng Alonia para maging maayos ang relasyon nila ni Eric. Isama pa na napakahirap ng komunikasyon roon. Masyado rin na abala ito para maging problema pa ang pagkakalayo nila sa isa’t isa.

Naiisip rin naman ni Ariel na problema nga ang distansya nilang dalawa. Ang tanging naiisip niyang paraan ay may kailangan talaga sa kanila na mag-adjust. Siya iyon. Iyon rin ang gusto ni Eric kaya niyaya na siya nitong manirahan sa Maynila.

Seryoso ito sa kanya ibig sabihin noon. Ipinagpaalam rin siya nito sa kanyang mga magulang. Nagtitiwala rito si Nanay Alicia samantalang si Tatay Ruben ay wala pa rin na masyadong nasasabi tungkol roon. Pero sa lagay, talagang si Ariel lang ang kailangan na magdesisyon. Siya ang makikisama. Malaki na rin siya para pangunahan pa ng mga magulang. Pero hindi niya maggawang makapagdesisyon...

Sigurado ba na magiging maayos ang lahat sa Maynila? Nagtitiwala siya na hindi siya pababayaan ni Eric. Pero paano nito mapapatunayan iyon? Makakaharap niya ang pamilya nito. Hindi ba at noon ay narinig niya ang masamang sinabi ng Lolo nito noong sila pa? Oo nga at siguro ay nasabi nito iyon dahil sa may kapansanan siya noon. Ngayon ay wala na iyon kaya maaari ng magbago. Pero ang kapansanan lang ba niya ang dahilan kung bakit nasabihan siya na hindi kasama sa mundo ni Eric? Maaaring maraming factor. Ang uri ng pamumuhay na mayroon siya sa mga kagaya ni Eric. Ang pinagmulan niya. Ang estado niya sa buhay.

Napakalaking tao ni Eric para bumagay siya rito. High school graduate lamang siya. Wala pang ganoong kaganda na trabaho. Kakainin siya ng komunidad nito.

Nasa ganoong lagay si Ariel nang lapitan siya ni Tatay Ruben.

“Nakapagdesisyon ka na ba, Anak?”

Hindi masyadong nakikipag-usap si Tatay Ruben kay Ariel nitong mga nakaraang araw. Abala kasi ang matanda sa panunulungan sa kamag-anak nitong ikakasal sa kabilang isla. Pabalik-balik ito roon at may isang araw pa nga na doon ito natulog. Ngayon lamang ito nagkaroon ng oras sa kanya.

Tinitigan niya ang ama-amahan. Madalas na kapag nakakausap niya ito ay napapayapa siya. Sa tingin niya ay makakatulong ito sa kanya. Isama pa na isa sa mga pag-aalinlangan niya ay ang pamilya. Napamahal na siya nang husto sa mga ito. Malaki ang utang na loob niya sa mga ito. Kung maninirahan siya sa Maynila at sasama kay Eric, maiiwan ang mga ito. Ayon kay Nanay Alicia, hindi na raw nito gustong umalis sa Alonia. Malamang ay ganoon rin ang kanyang ama.

“Okay lang ba sa inyo, Tatay?”

“Bakit ka sa akin magtatanong? Magiging buhay mo iyon.”

“Mawawalay ako sa inyo...”

Niyakap siya nito. “Magiging masakit para sa amin ng Nanay mo. Anak ka na namin. Pero hinanda ko na rin naman ang sarili para rito. Hindi naman habang buhay ay kasama mo kami.”

“Pero ramdam ko na alinlangan kayo kay Eric. Hindi niyo ako binubuyo sa kanya kagaya ng pagbubuyo niyo sa akin sa ibang lalaki...”

“Hindi ko kasi sigurado ang mararamdaman ko. Kakaiba si Eric kaysa sa mga lalaki na niloloko ko sa `yo. Pero napagtanto ko na kung siya ang mahal mo, wala naman akong magagawa roon. Ikaw ang magdedesisyon noon para sa sarili mo. Mahal mo siya. Sinabi mo pa na noon pa iyon. Nakakaloko lamang na hindi namin alam ang tungkol roon.”

Nakagat ni Ariel ang ibabang labi. “Hindi ko ikinuwento sa inyo ang tungkol sa kanya noong nasa Maynila ako. Nasaktan po kasi ako. Hindi ko na gustong pag-usapan iyon.”

“At ngayong may pagkakataon ka, gugustuhin mo ba na masaktan muli?”

Natigilan si Ariel. Ang lahat ng pinapangarap niya noon ay magkakaroon na ng katuparan. She would have Eric, the happiness she thought once. The happiness she also has today. But that happiness would be at her own expense. Kailangan niya na magsakripisyo para lang makuha niya ang kasiyahan na iyon.

“Hindi maganda ang pakiramdam na iyon. Ang hirap, Tatay. Parang ang daming “what-if’s sa utak ko.”

“Kagaya ng?”

“Nagugulo ako sa mga pangyayari. Gusto ko ang nararamdaman ko kay Eric. Naroroon pa rin ang saya noong una ko siyang makita. Nanatili siya sa puso at isip ko sa mga nakaraang taon kaya naging madali sa akin para masabi ang nararamdaman ko sa kanya. Mahal ko siya, Tatay. Pero tama ba talaga ang nararamdaman ko?

“Kung para kami sa isa’t isa, bakit may mga humahadlang? Iniwan niya na lang ako basta-basta noon. Nang hindi inaasahan na bumalik siya, hinarang naman ni Ursula ang paglalapit namin. At ngayon, ang pinakanakakakaba sa lahat: ang magkaiba namin na mundo.”

Tinapik ng ama ang balikat ni Ariel. “Naiintindihan ko, Ariel. Pero malaki ka na. May sarili ka ng isip para makapagdesisyon. Alam mo na ang tama at mali. Malaki rin ang tiwala namin sa `yo. Kaya ang magagawa ko na lamang sa `yo ay ang ipaintindi kung ano nga ba talaga ang pag-ibig.

“Hindi maiiwasan ang sakit kapag umiibig. Kagaya rin ng buhay, may saya, may sakit. Parang relasyon rin sa kaibigan mo. May mga panahon na hindi kayo nagkakasundo. Pero dahil mahalaga siya sa `yo at hindi mo siya kayang mawala, hindi mo siya susukuan. Mananatili ka sa tabi niya dahil pinapahalagahan mo siya at ang pagsasama niyo. Kung kinakailangan na mag-adjust, gagawin mo. Ang bawat relasyon ay nangangailangan ng sakripisyo. At kung totoong mahal at pinahahalagahan mo ang isang tao, bukal sa loob mo ang gumawa noon.”

Naiwan kay Ariel ang mga salita ng ama. Sa loob ng ilang minuto ay naiwan siyang tulala at pinag-isipan ang gagawin. Pero sa huli ay may isang naalala siyang nabasang kataga sa mga sinabi ng kanyang ama.

Love is not just a feeling of happiness. Love is a willingness to sacrifice.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.