Chapter MFC 33

“KONTING tiis na lang, Quinn. Sa susunod kayo na ulit ni Chance ang magkasama. Wala na si Cindy sa eksena,” paulit-ulit na usal ni Quinn sa sarili habang nakaharap sa salamin. Mino-motivate niya ang sarili na lumabas ng restroom at muling harapin ang mundo. Kailangan lang niyang kalmahin ang sarili para di niya kalbuhin si Cindy kapag nakita itong nakalingkis kay Chance.

Natigil siya sa mantra niya nang biglang may kumatok sa pinto.

”Quinn! Bestie, nandiyan ka ba sa loob? Lumabas ka, dali!” anang boses ni Sosimo.

Binuksan niya ang pinto at sinilip ito. “Anong ginagawa mo dito?”

“Nagkakagulo kasi sa labas. Dumating bigla si Turvey at nakita niyang nagsasayaw sina Chance at ang pinsan mong hitad. Ayun! Kinaladkad si Cindy. Baka ano ang mangyari doon.”

Naggiyagis ang ngipin niya. Gulo ng iyon. Ang alam niya ay hindi naman imbitado si Turvey o ang mga kaibigan nito sa get together na iyon. Habit na kasi ni Turvey na gumawa ng eksena kapag may parties lalo na kapag may lalaking umaaligid kay Cindy.

Hangos silang lumabas ni Sosimo ng bar. Naabutan nila si Turvey na kinakaladkad ang pinsan niya at sinusubukan naman itong pigilan ni Chance. “Turvey, bitiwan mo na si Cindy. Nasasaktan na siya,” wika ni Chance sa malumanay na boses at pilit na hinahablot ang pinsan niya mula sa kay Turvey.

Pinalis ni Turvey ang kamay nito. “Huwag mo nga akong pakialaman. Hindi dahil payat ka na, kaya mo nang agawin ang girlfriend mo sa akin.”

“Hindi ko siya aagawin sa iyo. Ayoko lang na saktan mo siya,” paliwanag ni Chance.

Padarag na binitiwan ni Turvey si Cindy at hinarap si Chance. “Do you think you can take her away from me? Then fight me. Dito mismo ipakita mo ang kisig mo. If you beat me, she’s yours.”

“Fine. I know Turvey can beat you,” taas-noong sabi ni Cindy.

Nanlaki ang mata ni Quinn. Isinuong ng pinsan niya si Chance sa labanan. Parang masaya pa ito na pinag-aawayan ito ng dalawang lalaki. Ni hindi nga niya alam kung marunong lumaban ang binata. Tiyak na wala itong binatbat kay Turvey na mahilig sa basag-ulo. Nag-aalala din siya na baka may mga bayolente itong kaibigan at bodyguard sa paligid. Pagtutulung-tulungan lang ng mga ito si Chance. Kapag may nangyaring masama kay Chance ay pipilipitin niya ang leeg ng pinsan niya.

Bago pa makasagot si Chance sa hamon ni Turvey ay kumilos na si Quinn at pumagitna sa dalawang lalaki. “Chance, anong ginagawa ninyo dito sa labas? Tapos na ba ang party?”

“Well…” Nagpapalit-palit ang tingin ni Chance kina Turvey, Cindy at maging sa kanya. Di nito alam kung ano ang dapat sabihin sa kanya.

“I am sorry for deserting you. I will make it up with you.”

She clung to him and kissed him feverishly. Hindi niya alam kung ano ang tamang paghalik. Idinaan na lang niya sa lakas ng loob. Kailangan niyang protektahan si Chance. Kailangan din niyang ipakita sa lahat na sa kanya ito.

Nagulat si Chance sa ginawa niya. Maging siya ay nagulat. Di rin niya inaasahan na lakas-loob niya itong mahahalikan. It was such a bold move. Pero iyon lang ang naiisip niyang paraan para di na ito pagselosan pa ni Turvey.

At ginawa rin nito ang di niya inaasahan. He kissed her back with twice the ardor. Kung noong una ay siya ang nagdidikta, ito na ngayon ang nagtuturo sa kanya ng dapat gawin. Kung ano ang tama. Hindi na nga niya naisip kung gaano karaming tao ang nakatingin sa kanila. That exact moment was simply perfect that she wanted to suspend that moment forever.

“Kasama mo ba ang lalaking iyan?” iritadong tanong ni Turvey.

Bigla silang naghiwalay ni Chance at napalingon dito. Mahilo-hilo pa ba siya habang unti-unting nai-proseso ng isip niya kung bakit niya hinalikan si Chance.

Humilig siya kay Chance di para patuloy na magpanggap. Naubos yata ang lakas niya dahil sa halik na iyon. “Yes. I just went to the ladies room for a while.”

“Huwag mo na siyang iwan para di kung sinu-sinong girlfriend ang isinasayaw,” asik ni Turvey.

“Sabi ko naman sa iyo si Quinn ang may gusto na magsayaw kami ni Chance. Ayaw mo lang makinig. You are ruining our fun. Bakit ka pa kasi pumunta dito?” angil ni Cindy dito.

“Girlfriend kita at nalaman ko na nagpa-party ka sa isang lalaki na di man lang ako imbitado. Anong gusto mong isipin ko?” tanong ni Turvey sa pinsan niya.

“Sabi ko naman sa iyo na si Quinn ang nagplano ng party. Tinutulungan ko lang siya mag-invite ng friends at classmates natin. Di na kita isinama dahil sabi mo busy ka sa mga kaibigan mo,” anang si Cindy at napahikbi. “Si Quinn naman talaga iyon.”

Siya na naman ang isinangkalan ng bruhang pinsan niya. Lagi na ang leeg niya ang nakalagay sa alanganin para lang mailigtas ito. Magpasalamat ito dahil si Chance ang involved dito. Kung maiba-iba lang siguro ay bahala na si Cindy sa buhay nito.

Tumango si Quinn. “Oo. Nagpatulong ako kay Cindy.”

“Sigurado ka?” naniniyak na tanong ni Turvey.

Inakbayan ni Harry si Turvey. “Huwag nang mainit ang ulo mo, okay. Mabuti pa kumain ka na lang. Baka gutom ka.” At nagsipasok na ang mga ito sa loob. Naiwan sila ni Chance sa parking lot.

Hinaplos niya ang braso ni Chance at bumalik sila sa table nila. “Chance, may masakit ba sa iyo? Sinaktan ka ba niya?”

“No. I am safe. NI hindi niya ako napitik,” paniniyak nito.

Yumuko siya. Ramdam kasi niya ang init ng titig nito. They had just kissed. Ano ang iniisip nito sa kanya? Cheap? Basta-basta nanghahalik ng lalaki?

“I am sorry. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para hindi ka na pagselosan ni Turvey. Baka kasi ipagulpi ka pa niya.” Sa puntong iyon, di siya papayag na masaktan pa ito physically. Walang sinuman ang pwedeng manakit dito.

“Hindi ko lang matanggihan si Cindy. Wala namang masama kung magsasayaw kami. Napakaseloso lang ni Turvey. Pati ikaw nadamay pa sa gulo namin. It won’t happen again.”

“Iyong kanina…” Nakagat niya ang labi. “Well, hinalilkan kita dahil iyon lang ang naiisip kong paraan para hindi ka pagselosan pa ni Turvey.”

Makahulugan siya nitong tinitigan. “I am grateful for the help. Hanggang ngayon pinoproteksiyunan mo pa rin ako. And I understand. Kung ako ang nasa sitwasyon mo, iyon din ang gagawin ko.”

Namilog ang mata niya. “Hahalikan mo rin ako?” Natutop niya ang bibig. “I mean, ipagtatanggol mo rin ako?”

“Of course. I won’t let anybody hurt you.” Inilahad nito ang kamay. “Let’s dance. Ikaw naman talaga ang gusto kong isayaw kaso puro trabaho inasikaso mo.”

Tinanggap niya ang kamay nito at naglakad sila papasok sa bar. “Hindi na. Mag-e-enjoy ako ngayon.”

Nang kabigin nito ang ulo niya at ihilig sa dibdib nito, nahiling niya na sana ay manatili na lang silang ganoon habambuhay. Gusto niyang lagi sa tabi nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.