“MISS QUINN, dadating ba si King ngayon?” tanong ni Lila, ang nerd na mula sa College of Languages at isa sa tinutulungan nila sa grupo. “Dalawang linggo mo na kasing di kasama.”
“Busy lang siya sa libro niya... Saka malapit na ang release ng booklet natin, hindi ba? Baka busy din siya sa ibang kaibigan,” aniya at nagkibit-balikat.
“Hindi ba boyfriend ninyo siya?” tanong nito.
Magaan siyang tumawa. How I wish. “Magkaibigan lang kami.”
“Ay!” nanghihinayang na sabi nito. “Kasi kayo ang loveteam namin dito. King and Queen of Hearts namin kayo.”
“Kung anu-ano ang iniisip ninyo. Talaga naman. Mabuti pa maglinis na lang tayo nitong kuwarto bago dumating ang iba. Mukhang masyadong nag-enjoy ang mga bata sa art workshop nila. May mga pintura pa dito,” sabi niya at kinuskos ang sahig.
Akala ni Quinn ay magiging mas malapit na sila ni Chance matapos ang party. Pero dumalang na ang pagkikita nila. Mas madalas nitong kasama ang grupo ni Cindy at di naman ito nagkukwento sa kanya kapag magkasama sila.
She thought that was fine. May sarili itong kaibigan at may sarili din naman siyang buhay. She was busy with her studies. Malapit na ang finals nila at gusto rin naman niyang mag-focus sa pag-aaral. But she missed him. Nakakalungkot lang isipin na baka hindi naman siya nito nami-miss o naiisip man lang.
Makalipas ang tatlumpung minuto ay napuno na ang silid para sa session nila. Hindi pa lang sila makapagsimula dahil wala pa si Kelly, ang direktor ng center dahil ang sabi nito ay kasama ito sa activity nila.
Pinuntahan niya ito sa opisina. Saktong kakatok siya nang bumukas ang pinto at si Chance ang bumungad sa kanya. “Hey! Nandito ka rin pala. Di ka man lang nagsabi sa akin.”
“Sinamahan ko lang ang bagong sponsor ng center.”
“Sino?” tanong niya.
“Hello, cousin!”
“Anong ginagawa mo dito?”
“Itong center ang napili ni Miss Arboleda para sa Beauty for a Cause Pageant. She wants to uphold those who are bullied. Bukas daw ay dadating ang cameraman at crew para kuhanan tayo ng video dito at ma-interview ang mga participants.”
“That is a great exposure for the center. I really have the heart for the bullied ones.”
“Wow! I never heard that before,” aniyang di mapigilan ang sarkasmo. How ironic. Ito nga mismo ay isang bully. “Hindi ko alam na interesado ka pala sa mga biktima ng bullying.”
“You know that I have lots of interests, cuz. From climate change to elevating poverty and the orphans. Pero malapit talaga sa puso ko ang mga biktima ng bullying. Parte ito ng cancer ng society. We must educate everyone. Baka nga di nila alam nambu-bully pala sila,” puno ng emosyong sabi ng pinsan niya at sinapo ang dibdib. “I feel for them. Gusto kong malaman nilang di sila nag-iisa.”
Gusto niyang bigyan ng malutong na palakpak ang pinsan dahil napakagaling nitong mag-deliver ng linya. Akala mo ay totoo. Hula niya ay galing kay Chance ang mga sinasabi nito.
“Nakakatuwa naman kayong magpinsan. Pareho kayong may puso para sa mga nangangailangan. Do you want to meet the kids?” tanong ni Kelly.
“May pag-uusapan lang po kami ni Chance, Ma’am.”
“Sumunod ka na. Fifteen minutes at magsisimula na ang session natin. Kakausapin pa natin ang mga bata para sa special session bukas at kung gusto nilang makasama sa coverage,” sabi ni Kelly.
Tumango na lang siya. “What do you think you are doing, Chance? Bakit isinama mo dito ang pinsan ko?”
“Kailangan niya ng tulong. Wala pa daw siyang napipiling cause na ire-represent sa pageant. So, I suggested the center.”
“At wala siyang kaide-ideya kung ano ang meron dito.”
“She will learn.” Hinawakan nito ang balikat niya. “Kailangan ito ng pinsan mo. She broke up with Turvey. Itong pageant na lang ang nagpapasaya sa kanya.”
Naggiyagis ang mga ngipin niya. “Chance, lagi naman silang nagbe-break ni Turvey. Wala nang bago doon. At hindi lang naman pagkatuto ang pinag-uusapan dito. You must have a genuine heart when dealing with these people. Alam mo iyan.”
“Wala namang gagawing masama si Cindy. She just wants to help. Tulungan na lang natin siya.”
“Make sure that she won’t mess up, Chance. I will hold you responsible for it,” aniya at tinalikuran ito. At huwag nitong sasaktan ang puso niya She didn’t know if she could handle it anymore.
“THIS is so heartbreaking. No to Bullying. They need love. This world needs love. We must stop the hate lalo na kung wala namang ginagawang masama sa atin,” maluha-luhang sabi ni Cindy habang kausap ang sarili sa salamin ng restroom. Saka ito biglang humalakhak. “Ang galing ko talaga. Pati cameraman naiyak sa akin. I nailed that interview, isn’t it? I will be the first Beauty with a Purpose. Ngayon pa lang nararamdaman ko na sa ulo ko ang korona.”
And the interview was a disaster. Kung anu-ano ang iniimbento nitong kwento tungkol sa mga parte ng bullying recovery program nila para lang magmukhang kawawa. Habang kinukuhanan naman ito ng video ay napagbabali-baligtad nito ang pangalan ng mga participants. To think na ipinagmamalaki nito na isang taon na itong volunteer doon. Ginagawa nitong katatawanan ang sarili at nadadamay ang center. Sa sobrang self-centered ng pinsan niya ay di man lang nito pinakikialaman ang mga error nito na parang ang mundo ang kailangang mag-adjust dito.
Malamig ang mga matang pinagmasdan ni Quinn si Cindy habang naglalagay ng alkohol sa kamay. Nasa restaurant sila para sa dinner treat ng pinsan sa mga nasa center. Nangako pa nga ito sa mga staff ng pageant na ipagte-take out pa daw nito ang mga bata na naiwan sa center. Pero pagtalikod naman sa mga tao, kulang na lang ay maligo ito ng alkohol. Such a hypocrite. Di naman talaga ito concern sa mga batang ulila, batang kalye at sa mga biktima ng bullying. Gusto lang nito ng magagamit para sa pageant.
“May sponsor ba na alkohol ang pageant na iyan?” tanong niya. “Kasi baka maubos ang kayamanan mo sa kagagamit ng alkohol.”
Tumirik ang mga mata nito. “Pati ba naman paggamit ng alkohol pinakikialaman mo. Just let me be, okay? Hindi ba dapat nagpapasalamat ka sa akin dahil tumutulong ako sa center mo. Mabibigyan ko kayo ng exposure lalo na kung ako na ang Beauty with a Purpose Queen. Di na basta-basta mabu-bully ang mga friends mo.”
Tumaas ang kilay niya. “How ironic. The Bully Queen now represents the bullied ones. Sinabi mo rin ba sa mga staff ng pageant na nambu-bully ka dati pa? Talaga bang tumigil na iyon?”