GUSTO nang lumubog sa kahihiyan ni Bee nang isa-isahin na ni Radcliffe ang mga bagay na napansin nito sa kanya sa lumipas na isang linggo. Ang karamihan kasi sa mga iyon ay mga habit at ugali niya na siya mismo ay ikinakahiya.
Katulad ng pagiging suplada at mataray niya kapag hindi niya “vibes” ang isang tao.
“Just like how you were to me before. Nakakatakot ka,” natatawang dagdag pa ni Radcliffe.
“Defense mechanism ko `yon, `no,” umiirap na katwiran ni Bee. “Maraming masasamang loob sa mundo ngayon. Dapat hindi ka mukhang weak para hindi ka maapi.”
Ngumiti lang si Radcliffe. Sunod nitong pinansin ang pagpo-procrastinate niya madalas sa trabaho, at pagka-cram kapag malapit na ang deadline ng mga article niya dahil madalas, kay Radcliffe siya nagra-rant kapag napapagalitan siya ng editor.
At madalas din, tinatawanan lang ni Radcliffe si Bee, at sasabihing tapusin muna ang trabaho niya, bago sila mag-usap. Maiinis siya siyempre. Pagkatapos, susulpot na lang sa opisina niya si Radcliffe na may dalang bouquet of fries. Siyempre, magbabati na sila. Pero uulit lang `yon.
“It is my job to surf the internet and to look for hot new faces! Ano pa ba ang mas mabilis na paraan kaysa sa social media?” katwiran ni Bee nang sitahin siya ni Radcliffe kung bakit naka-on line siya sa Facebook kahit oras ng trabaho. “Hindi ko kasalanan kung maaliw man ako sa kakapanood sa YouTube ng mga internet sensation. O kung matagalan man ako sa pakikipag-chat sa mga potential cover boys ng Baby Pink para i-convince sila na magmodelo para sa’min.”
“Baby, time management exists for a reason, you know,” nakangiting sabi ni Radcliffe.
At naiinis na nag-concede sa argumento na iyon si Bee. “Fine. Hindi na ko magpo-procrastinate. Hindi na rin kita tatawagan para hindi na kita naiistorbo.”
Nawala ang ngiti ni Radcliffe, at naging seryoso ito habang nakatingin ng deretso sa mga mata niya. “Hey, I didn’t mean it that way. Please call me whenever you want.”
Nagpakipot pa rin si Bee ng konti. “Kahit umaga? Kahit hindi ka pa nagkakape? Hindi mo na ko sasabihang i-hang up ang tawag or else, you’ll kill me?”
Napasimangot si Radcliffe na halatang ayaw na iyong maalala. He kissed the tip of her nose. “Your voice is my new caffeine now, baby. It won’t happen again.”
Tinago ni Bee ang pagngiti sa pamamagitan ng pagsubo ng spoonful ng chocolate ice cream na kanina pa niya nilalantakan. Halos maubos na nga niya ang isang galon.
Bago nagpunta si Radcliffe kanina sa bahay ni Jolly ay inutusan niya itong bumili ng ice cream para sana pagsaluhan nila. Pero siya na ang halos umubos niyon dahil isang baso lang ang kinakain ng binata.
Napansin ni Bee na nakangiti lang si Radcliffe habang nakatingin sa kanya. “Bakit ganyan ka makatingin?”
“Mukha kasing tama ang sinulat ko sa listahan ko.”
“Ano naman `yon?”
Naging pilyo ang ngiti ni Radcliffe, saka dumukwang sa kanya at bumulong pa na akala mo naman may ibang tao sa sala. “Nagke-crave ka sa matatamis na food kapag may period ka.”
Nag-init ang mga pisngi ni Bee dahil na-bull’s eye ni Radcliffe ang dalawang bagay tungkol sa kanya. “P-pa’no mo nalamang may period ako ngayon?”
“Sinamahan kita sa convenience store no’ng isang araw, `di ba? Napansin ko lang na bumili ka ng... you-know-what,” tila nahihiyang sagot ni Radcliffe. Naging pink pa ang mga pisngi nito. And ah, he looked so adorable blushing like a shy boy which he wasn’t.
Lalong nag-init ang mga pisngi ni Bee. “Paano mo naman nalaman na nagke-crave ako sa matamis, bukod sa pinabili kita ng ice cream ngayong gabi?”
“Kapag kumakain kasi tayo sa Jollibee nitong mga huling araw, panay sundae at creamy shake lang ang in-o-order mo. Pagkatapos kapag sinusundo naman kita sa opisina, napapansin kong parati kang may Toblerone sa table mo,” paliwanag ni Radcliffe.
Hindi alam ni Bee kung bakit nakaramdam siya ng kung anong mainit na bagay sa dibdib niya. Kahit nga sa sarili niya, hindi niya napapansin na nagke-crave siya ng matamis kapag period niya. Pero napansin iyon ni Radcliffe.
Natutuwa si Bee na malaman na kahit hindi niya sabihin, napapansin ni Radcliffe ang maliliit na bagay tungkol sa kanya at pinapahalagahan ang mga `yon.
“Tatlo lang `yan, Radcliffe,” sabi ni Bee, nagpipigil mangiti. “Una, may pagka-stalker ka. Pangalawa, desperado kang manalo sa laro natin. At ikatlo, obsessed ka na sa’kin. Alin sa tatlo?”
Lumuwang ang ngiti ni Radcliffe. “Fourth. I just like you so much that I can’t help but notice every little thing about you.”
“Gusto mo pa rin ba ko sa kabila ng mga nalaman mo sa’kin ngayon?” nag-aalalang tanong ni Bee. “Marami ka pang malalaman tungkol sa’kin na baka hindi mo magustuhan...”
“I still want to be with you,” nakangiting sabi ni Radcliffe, saka ito humugot ng malalim na hininga. “Bee...”
Nanikip ang dibdib ni Bee dahil sa intensidad na nakikita niya sa mga mata ni Radcliffe habang nakatingin sa kanya na tila ba may gustong sabihin. Sinubuan niya ito ng ice cream sa kutsara para maalis ang tensiyon niya.
Because for a moment there, Bee knew Radcliffe was about to say something she wasn’t prepared to hear yet.
“Mag-compare na tayo ng notes,” suhestiyon ni Bee.
Halatang napipilitan lang na tumango si Radcliffe habang nginunguya ang sinubo niya rito.
Iniligpit muna ni Bee ang mga baso at galon ng ice cream, saka niya pinunasan ang mesa bago niya pinagtabi ang mga notebook nila ni Radcliffe. Lahat ng sinulat nila sa kanya-kanyang notes ay kinumpirmang tama ng isa’t isa kaya tabla ang laban nila.
“It’s a tie!” nakangiting sabi ni Bee.
Ngumisi si Radcliffe. “Not so fast, baby. Turn to the next page. May isa pa kong sinulat.”
Kumunot ang noo ni Bee, pero tumalima naman siya. Totoo ngang may isa pang linya na nakasulat doon. Binasa niya iyon.
“Bee loves my kisses so damn much.”
Nag-init ang mga pisngi ni Bee, lalo na nang makita ang proud na ngiti sa mga labi ni Radcliffe. Naiinis na hinampas niya ito sa braso. “`Not true! Ang yabang nito!”
Tumaas ang isang kilay ni Radcliffe, halatang hindi naniniwala sa sinabi niya. “Ow?”
Humalikipkip si Bee at sumandal sa kinauupuan. “You’re wrong about that one so the score doesn’t change. Tie pa rin tayo.”
Siyempre, hindi totoo na hindi gusto ni Bee ang mga halik ni Radcliffe. Pero bakit naman niya `yon aaminin? Baka magmukha siyang desperado sa mga halik nito!
“I’m not convinced,” mayamaya ay nakangising sabi ni Radcliffe. “Bakit hindi natin patunayan kung sino ang tama sa ating dalawa?”
Bee turned to Radcliffe to say something, but he leaned forward and kissed her then. He did it slow and sexy this time, not to make a point but simply because he was enjoying the moment. And then Bee just found herself moaning in his mouth, as she melted in his arms.
“Fine, inaamin ko na,” hinihingal na sabi ni Bee nang maghiwalay ang mga labi nila ni Radcliffe. “I love your kisses so damn much.”
Ngumiti si Radcliffe at pinagdikit ang mga noo nila. “Aaminin ko rin. I love kissing you so damn much.”
Umungol si Bee. “Bakit hindi ko naisip na isama `yon sa listahan?”
Natawa ng mahina si Radcliffe. “Better luck next time, baby. I win tonight.”
“So, what’s your wish?”
Nagningning ang mga mata ni Radcliffe. “I wanna use your lap as a pillow.” Sinulyapan nito ang relong-pambisig. “`Till midnight.”
Alas-diyes na ng gabi niyon, kaya dalawang oras matutulog si Radcliffe sa kandungan ni Bee. Tiningnan niya ang binata. Pagkatapos ng guesting nito at ng Rai’s sa isang radio program, nag-mall tour pa ang banda. Pero dinalaw pa rin siya nito sa bahay. He must have been tired.
“Okay,” nakangiting pagpayag ni Bee.
Mayamaya lang ay nakaupo na si Bee sa sofa, habang nakahiga naman si Radcliffe sa kanyang kandungan. He was already asleep, and he had a peaceful and contented look on his handsome face. Napangiti siya at marahang sinuklay ang mga daliri niya sa buhok ng binata.
He smiled in his sleep.
Sa totoo lang, kinabahan si Bee kanina nang inisa-isa ni Radcliffe ang mga napansin nitong katangian at pag-uugali niya. Akala niya ay mate-turn off na ito sa kanya, pero sa halip ay tila ba naaliw pa ang binata sa kanya. Wala siyang nakitang panghuhusga rito, at natuwa siya ro’n.
Pero kasabay no’n ay nalungkot din si Bee. Na-realize niyang hindi totoo na ayaw niyang mapalapit sa lalaking gusto niya dahil natatakot siyang matuklasan ang mga kapintasan at pagkukulang nito na maaari niyang ayawan.
Ang totoo pala, takot si Bee na mapalapit sa lalaking gusto niya dahil natatakot siya na makita nito ang mga kapintasan at kakulangan niya. Dahil gusto niyang maging perpekto ang imahe niya. But she wasn’t perfect.
“I still want to be with you.”
Napangiti si Bee nang maalala ang mga sinabing iyon ni Radcliffe kanina. And those comforting words were the best assurance that no matter how ugly she was inside, he was still willing to be with her.
Nakaidlip na si Bee nang may marinig siyang ingay. Nang imulat niya ang mga mata niya, nakita niya ang cell phone ni Radcliffe sa arm rest sa tabi niya na umiilaw at nagva-vibrate. Sinubukan niyang gisingin ang binata, pero humilik lang ito.
Naawa naman si Bee kay Radcliffe kaya hindi na niya ito ginising. Nang makita niyang si Rykard ang nasa caller ID, sinagot na niya ang tawag. Sasabihin na lang niyang nakatulog si Radcliffe, kahit alam niyang maaari `yong bigyan ng malisya ni Rykard. Mas gusto na niya `yon kaysa istorbohin ang mahimbing na tulog ni Radcliffe.
Pero bago pa makapagsalita si Bee ay naunahan na siya ni Rykard sa kabilang linya.
“Where the hell are you, Rad?” galit na tanong ni Rykard. “I’ve lost Ryford! Hindi ko na alam kung saan pa siya puwedeng pumunta. But we need to find him ASAP. Hindi puwedeng malaman ng mga reporter na nasa Pilipinas lang siya!”
Pakiramdam ni Bee ay lumukso ang puso niya sa narinig. “Nandito lang si Ryford?”
NANG magising si Radcliffe, kinompronta agad ito ni Bee tungkol sa tawag ni Rykard. Pinutol kasi agad ni Rykard ang tawag nang marinig ang boses niya.
Halatang nawala ang antok ni Radcliffe, pagkatapos ay napaderetso ito ng upo. Mukhang hindi na nito kailangan ang itinimpla niyang kape para magising. “Bee...”
“Nasa Pilipinas lang si Ryford,” kunot-noong sabi ni Bee. “Pero bakit pinalabas niyong nagpunta siyang Florida?”
Naalala ni Bee ang sinabi ni Puma no’ng nakaraan na parang nakita raw nito si Ryford. Tinawanan lang niya si Puma at sinabing baka nagkamali lang ito ng tingin dahil nasa Florida si Ryford. Pero ngayon, hindi na niya maisip na katawa-tawa ang ideyang iyon.
Bumuga ng hangin si Radcliffe, yumuko para ipatong ang mga braso sa mga binti, saka nag-angat ng tingin sa kanya. “I can’t tell you, Bee.”
Bumuntong-hininga si Bee, saka umupo sa tabi ni Radcliffe. Hinawakan niya ito sa braso. “Radcliffe, please. Sabihin mo na sa’kin kung anong nangyari kay Ryford. Nag-aalala na ko.”
Matagal siyang tinitigan ni Radcliffe na tila ba nahihirapan ito sa sitwasyon. “Bee...”
“Please,” pagmamakaawa ni Bee. Hindi siya mapakali, at talagang nag-aalala na siya kay Ryford dahil pakiramdam niya, malala ang sitwasyon.
Yumuko si Radcliffe. Akala niya ay hindi na ito magsasalita, kaya nagulat siya sa sunod nitong mga sinabi. “Nalulong sa droga si Ryford, Bee. That was the reason why he was kicked out of the band.”
Kulang ang sabihing nagulat si Bee sa mga ipinagtapat ni Radcliffe. At kahit may sinasabi pa ang binata, wala na siyang naintindihan dahil naglakbay na ang isip niya sa nakaraan, sa unang araw na nag-usap sila ni Ryford.
“You, too?”
Nilingon ni Bee si Ryford McDonough na katabi niyang nakaupo sa waiting chair sa guidance office. Nagulat siya dahil iyon ang unang pagkakataon na kinausap siya nito sa isang buong taon na magkaklase sila.
Idagdag pa na campus heartthrob si Ryford. Lumipat ito sa eskuwelahan nila ngayong taon lang. Because of his American features, he stood out. Guwapo ito, matangkad, mestizo. Parang eksena sa romance novel na kinausap ng hottest boy on campus ang average girl na gaya niya.
Pinitik ni Ryford ang mga daliri sa harap niya. “Hey, are you listening?”
Napakurap-kurap si Bee. “I’m sorry. Ang guwapo mo kasi...”
Natutop ni Bee ang bibig, pero huli na para bawiin pa ang nasabi niya dahil pinagtawanan na siya ni Ryford.
“You’re way too honest, Bee,” aliw na aliw na sabi ni Ryford.
Napakurap uli si Bee. “You know my name?”
Binigyan siya ng kakaibang tingin ni Ryford. “Of course. You’re the class president.”
Napatango si Bee. “Ah, oo nga naman...”
Natawa lang uli si Ryford. “So, pinatawag ka rin ba dito sa guidance office dahil hindi mo pa napapasa `yong college application form mo?”
Tumango si Bee. “Ikaw din?”
“Yep. Undecided pa ko. Pero alam ko naman kung ano ang gusto kong kurso. Ayaw lang akong payagan ng parents ko.”
Napabuntong-hininga si Bee. “Pareho lang pala tayo.”
Pumalataktak si Ryford. “I’m pretty sure na ang sasabihin lang naman sa’tin ng guidance counselor ay sundin natin kung ano ang gusto natin. As if it’s that easy to do. Paano kung nagbanta ang parents mo na itakwil ka?”
Gulat na nilingon niya si Ryford. “Bakit? Ano ba `yong gusto mong kurso para pagbantaan ka ng parents mo ng gano’n?”
Ngumisi si Ryford, may kapilyuhang naglalaro sa mga mata. Pagkatapos ay nilahad nito ang kamay sa kanya. “Run away with me. I will show you something good.”
Nagulat si Bee sa paanyaya ni Ryford. Pero dahil sa nakikita niyang kislap sa mga mata ng binata, hindi siya nagduda na maaari siyang mapahamak dito. Lumingon siya sa pinto ng opisina ng guidance counselor, pagkatapos ay sa guwapong mukha ni Ryford.
She took his hand.
Nang araw na `yon, natagpuan na lang ni Bee ang sarili sa maliit na recording studio malapit sa school nila. Nirentahan ni Radcliffe ang kuwarto na iyon, pagkatapos ay kinalabit nito ang gitara nito sa mabilis na paraan na lumikha ng malakas na musika.
Napangiwi si Bee. Pakiramdam niya ay mababasag ang eardrums niya sa ingay.
“What? You don’t like rock songs?” gulat na tanong ni Ryford.
Nagkibit-balikat si Bee. “Puro classic music ang pinapatugtog nina Mommy at Daddy sa bahay.”
Tumango-tango si Ryford. “Classics are good, but rock songs rock.”
Napangiti si Bee dahil sa sinabi ni Ryford. “Kaya mo bang tumugtog at kumanta ng isang buong rock song?”
Ngumisi si Ryford, saka yumukod kunwari. “This song is for you, Lady Bee.”
Ginugol ni Bee ang isang buong oras sa maliit na recording studio na iyon na nakikinig sa paggigitara at pagkanta ni Ryford sa malakas na musika na hindi pamilyar sa kanya. Aaminin niyang hindi niya iyon nagustuhan no’ng una, pero may kung ano sa boses ng binata na umeenganyo sa kanya. Natagpuan na lang niya ang sarili niya na tumatango-tango at pumapadyak-padyak kasabay ng beat ng kanta.
“I converted you from a classic fanatic to a rock song lover,” proud na sabi ni Ryford nang naglalakad na sila pabalik ng school kung saan naghihintay ang sundo ni Bee. Paatras ang lakad ng binata habang nakaharap sa kanya para marahil mapagmasdan ang mukha niya.
Napangiti si Bee. “Hindi ko rin in-expect na magugustuhan ko ang rock. Akala ko, maingay at walang sense ang rock songs. Pero nagustuhan ko `yong kinanta mo.”
Tumawa si Ryford. “Well, thank you. That was my original song, by the way.”
Nanlaki ang mga mata ni Bee. “Really? Ikaw ang nag-compose no’n?”
Nakangiting tumango si Ryford. “Yep.” Tumuntong ito sa stone bench na nadaanan nila, walang pakialam sa mga taong nakatingin dito. “My dream is to become a rock star someday.”
Pumalakpak si Bee. “Wow.”
Bumuntong-hininga si Ryford. “Sana ganyan din ang reaksyon ng parents ko, pero hindi, eh. Wala daw akong mapapala sa pagiging singer. Gusto nilang gayahin ko ang mga kuya ko. Si Kuya Rykard, nag-aaral ng Culinary. Si Kuya Rydell naman, nag-me-major ng History. Hindi sila masaya na ang bunsong anak nila, ayaw mag-college.”
“Bakit naman ayaw mong mag-college?”’ gulat na tanong ni Bee. “Puwede ka namang kumuha ng Music bilang major mo, `di ba?”
Tumawa si Ryford. “My parents are classical musicians, Bee. Papayag lang sila na mag-major ako ng Music kung classical piano ang tutugtugin ko. Pero kung rock songs lang din naman daw, huwag na lang daw ako mag-aral dahil para sa kanila, walang kuwenta ang rock.”
Nalungkot si Bee para kay Ryford. Nakikita niya ang sarili niya rito.
“Binigyan ako ng parents ko ng second option. Magtapos daw muna ako ng matinong four-year course, saka ko daw gawin kung anuman ang gusto kong gawin.” Nag-inat si Ryford. “Pero hindi na ko makapaghintay ng apat na taon para matupad ang pangarap ko. Naniniwala ako na habang bata pa tayo, dapat na nating abutin ang mga pangarap natin. I don’t want any delay, any detour, especially when my goal is just right in front of me. I have to grab it. Now.”
Humanga si Bee dahil sa speech ni Ryford. Napahiya rin siya sa kanyang sarili dahil imbis na tanggaping iba ang gusto niyang daan sa daan na pinili ng mga magulang at kuya niya, nag-iisip siya na isantabi muna ang pangarap niya at pagbigyan ang mommy at daddy niya.
Balak sanang makipag-bargain si Bee sa parents niya. Isang taon niyang pag-aaralan ang Biology (pre-requisite sa kursong medicine) at kapag nagustuhan niya, itutuloy niya. Pero kung hindi, magshi-shift siya sa kursong gusto talaga niya – Journalism.
Pero dahil sa sinabi ni Ryford ngayon, na-realize niyang dine-delay niya ang pangarap niya dahil sa takot niya sa mga magulang niya.
“What’s your dream, Bee?” tanong ni Ryford mayamaya.
Nag-init ang mga pisngi ni Bee. Alam niyang puwede siyang pagtawanan ni Ryford, pero sumagot pa rin siya. “I want to be a reporter someday.”
Tumango-tango si Ryford, saka nakangiting nag-thumbs up sa kanya. “Magandang pangarap `yan, Bee. Not all people are smart enough to even write a decent article.”
Nabuhayan ng loob si Bee dahil sa sinabi ni Ryford. “Talaga?”
Tinapik-tapik ni Ryford ang ulo niya. “You have to promise me that when you become a successful reporter someday, you will write about me and my music.”
Mabilis na tumango si Bee. “Promise!”
Dahil na-inspire si Bee kay Ryford, nagmakaawa siya sa parents niya na ipakuha sa kanya ang kursong gusto niya. Sa kabila ng pagtatampo ng kanyang daddy, mas pinili niyang sundin ang gusto niya dahil iyon din ang ginawa ni Ryford.
Hindi nagkolehiyo si Ryford kaya bihira na silang magkita. Pero kapag may gig ito kasama ang bandang binuo nito, tinatawagan siya nito. Pumupunta naman siya para panuorin ang binata. Kahit hindi nag-aaral, mukhang masaya naman si Ryford sa paggawa ng sarli nitong mga kanta, kaya naging masaya na rin siya para rito.
Dalawang taon ang lumipas, nalungkot si Bee nang ibalita sa kanya ni Ryford na nabuwag na ang bandang itinayo nito. At ginugol nito ang sumunod na isang taon sa pag-so-solo gig sa iba’t ibang bar.
Pero ng taon ding iyon ay naging internet sensation si Ryford. May customer kasi na nag-video kay Ryford habang kinakanta ni Ryford ang original song nito. In-upload ang video sa YouTube at naging hit iyon. Tinawag pa nga na “Justin Bieber” ng Pilipinas si Ryford dahil sa biglaang pagsikat nito. Madalas na ring mag-guest sa iba’t ibang TV shows ang binata.
The following year, Rai’s Band was formed. Pareho nang graduate ng kolehiyo sina Rykard at Rydell no’n na pareho din palang pangarap ang maging rock star, pero sinunod muna ng magkapatid ang second option ng mga magulang – ang magtapos muna ng four-year course bago gawin ang gustong gawin.
Dahil may pangalan na si Ryford sa music industry, mabilis ang naging pagsikat ng Rai’s. Kinuha agad ng isang malaking record label ang banda, at sa taon ding iyon ay nakapag-produce agad ng self-titled album ang Rai’s.
The summer Bee got a job at Baby Pink as an editorial assistant, naging successful naman ang first major concert ng Rai’s. At dahil do’n, gustong gawing cover boys ng Baby Pink ang McDonough Brothers, pero tumanggi ang magkakapatid na hindi umano pinangarap maging modelo.
And then one afternoon, the whole Baby Pink editorial team was shocked when Ryford showed up in the office. Sinundo ni Ryford si Bee para ipasyal.
Nang malaman ng EIC ng Baby Pink na kaibigan ni Bee si Ryford, inutusan siya nito na kumbinsihin ang McDonough Brothers na maging cover boys ng magazine nila, at magkaroon ng exclusive interview sa mga ito. At ang kapalit? Magiging regular writer na siya.
Sasabihin na sana iyon ni Bee sa McDonough Brothers matapos ng gig ng tatlo sa isang bar. Pero habang hinihintay ang tatlo, narinig niyang nilalait ng ibang banda ang Rai’s, at napaaway na siya.
“Sorry, sorry,” nahihiyang paumanhin ni Bee habang nilalagyan ng betadine ang pumutok na kilay ni Ryford. Nasapak kasi ang binata ng nakaaway niyang bokalista ng ibang banda.
Natawa si Ryford. “Don’t be. Ginawa mo naman `yon para ipagtanggol kami. Ang cool mo, Bee!”
Nakangising tumango naman si Rykard. “Akala ko noon, weakling ka dahil lagi ka lang nakabuntot dito kay Ryford. I’m glad you have a backbone, little girl.”
“You must be our number one fan,” nakangiting sabi naman ni Rydell. “We should give you a reward. May gusto ka bang hilingin sa’min?”
Mabilis na tumango si Bee, nakangiti. “Interview! I want an exclusive interview with you!”
Naging mas matibay ang pagkakaibigan ni Bee at Rai’s simula no’n. Mas lalong sumikat ang banda, naging stable naman ang trabaho niya bilang regular reporter ng Baby Pink.
Ang hindi maintindihan ni Bee ay nang unti-unting pagbabago ni Rai’s matapos ang dalawang taon. Naging unprofessional na ito, at tila ba parating wala sa sarili. Pero nang kinompronta niya ito, nakatanggap lang siya ng malamig na tugon.
“What do you care, Bee? You’re not even our manager,” malamig na sabi ni Ryford habang binibigyan siya ng nayayamot na tingin.
Nasaktan si Bee sa sinabi ni Ryford, pero tinatagan niya ang kanyang loob. Hinawakan niya ito sa braso – ang payat nitong braso. Napansin niyang nahulog ang katawan nito ng mga nakaraang buwan, at naging malalim din ang itim na bilog sa namumulang mga mata. Puyat na naman siguro ito.
“Nag-aalala lang ako, Ryford,” mahinahong sabi ni Bee. “May problema ka ba?”
Marahas na binawi ni Ryford ang braso mula sa kanya, saka siya tinapunan ng nagbabantang tingin kaya napaatras siya. “Leave me alone, Bee. I don’t need you.”
Sa sobrang sakit ay pinanood na lang ni Bee ang pag-alis ni Ryford.
And that was the last time she had seen him.
NAMALAYAN na lang ni Bee na umiiyak na pala siya nang punasan ni Radcliffe ang mga luha niya gamit ang mga daliri nito.
Bumuga ng hangin si Radcliffe. “This is why we didn’t want to tell you what happened to Ryford. Iiyak ka lang.”
“Paano nangyari `yon? Bakit siya nalulong sa drugs?” humihikbing tanong ni Bee, hindi pa rin makapaniwala sa natuklasan tungkol kay Ryford.
Malungkot na umiling si Radcliffe. “Hindi rin namin alam, Bee. Maraming beses sinubukang kausapin nina Rykard at Rydell si Ryford. But he pushed them away. Lumala ng lumala ang adiksyon ni Ryford sa marijuana, kaya napilitan nang umaksyon ang mga magulang nila. Kinausap nila ang management ng Rai’s at sinabi ang sitwasyon. Pinalabas nila sa publiko at media na magbabakasyon sa Florida si Ryford, pero ang totoo, naka-confine sa rehabillitation center ang pinsan ko.”
Nanghina si Bee sa mga nalaman niya. Ang totoo, hindi na siya gaanong nagulat.
Napabalita naman noon na gumagamit nga ng ipinagbabawal na gamot si Ryford, pero hindi niya iyon pinaniwalaan, katulad ng ibang fans. Kahit pa napapansin na niya ang pisikal na pagbabago sa binata, at ang pagiging “bangag” nito kapag nagpe-perform.
Nabulag-bulagan si Bee dahil ayaw niyang mabago ang imahe ng kanyang idolo na minahal niya sa isipan niya.
“Oh, God,” nabulalas ni Bee. “I’m such a terrible friend...”
“Shh, don’t say that, Bee,” saway ni Radcliffe sa kanya, saka siya hinawakan sa braso. Marahan nito iyong pinisil. “Ginawa natin ang lahat para matulungan siya.”
Sumakit ang lalamunan ni Bee sa pagpipigil umiyak. “Kung gano’n, sa lumipas na anim na buwan, nasa rehab lang si Ryford?”
Tumango si Radcliffe. “Nagbayad ng malaki sina Tito at Tita para lang masigurong mahigpit ang security sa rehab center, at para na rin walang makuhang impormasyon ang mga reporter. Iba ang ginamit na pangalan ni Ryford sa pagpasok niya sa center, para kung sakaling may manghingi ng listahan ng mga pasiyente, hindi malalaman na doon naka-confine si Ryford.”
“T-tumakas ba siya sa rehab center kaya niyo siya hinahanap?”
Umiling si Radcliffe. “Na-clear na siya ng doktor niya, kaya siya nakalabas no’ng isang linggo lang. Pero siniguro nina Tito na hindi muna siya lalabas ng mansiyon, dahil baka maimpluwensiyahan na naman siyang gumamit ng droga. Ang balak sana, dadalhin nina Tito si Ryford sa Amerika, pero nang araw ng flight nila, tumakas si Ryford. Hindi pa siya nahahanap hanggang ngayon. Lagi niya kasing natatakasan ang mga kapatid niya.”
Napaiyak na si Bee. Nakokonsensiya siya na mabilis niyang sinukuan si Ryford. Sana pala, kahit ipinagtulakan niya ito ay pinilit pa rin niyang iabot ang kamay niya rito. Baka sakaling natulungan pa niya ang kaibigan niya.
Ryford must have felt alone, sad and lost...
Marahang pinunasan ni Radcliffe ang mga luha ni Bee gamit ang mga kamay nito. Malungkot ang mukha nito. “Dapat na ba kong magselos dahil iniiyakan mo ng ganito si Ryford?”
Bumuntong-hininga si Bee. “Radcliffe, natural lang siguro na maging ganito ang reaksyon ko. Wala akong kaide-ideya ng nangyari kay Ryford, pagkatapos malalaman ko na lang na naging addict na pala ang kaibigan ko.”
“I know, it’s just that...” Mukhang may gusto pang sabihin si Radcliffe, pero sa huli ay bumuntong-hininga na lang ito. Then he smiled weakly at her. “I’m just probably tired. Uuwi na ko para makapagpahinga ka na rin.”
Tumango si Bee. Hindi na rin naman niya kayang i-entertain si Radcliffe sa estado ng damdamin at isipan niya. “Babawi ako sa’yo sa susunod.”
Ngumiti lang si Radcliffe, saka pinalupot ang braso sa kanyang mga balikat. Bee encircled her arm around his waist as she ushered him outside the house. Nang nasa tapat na sila ng kotse ng binata ay yumakap na siya ng tuluyan sa baywang nito.
“Good night,” malambing na sabi ni Bee kay Radcliffe.
Radcliffe hugged her back tight, and kissed the top of her head. “Good night, baby.”
Ilang minuto pang nanatiling magkayakap sina Bee at Radcliffe. His hug always made her feel happy and secured. Kung hindi pa muling nag-ring ang cell phone ni Radcliffe ay hindi pa siguro sila maghihiwalay.
Radcliffe gave her a light kiss on the lips before he drove away. Hinatid ng tingin ni Bee ang binata at kumaway siya rito dahil alam niyang tinitingnan pa siya ni Radcliffe mula sa side mirror ng kotse nito.
Nang tuluyan nang mawala sa paningin ni Bee ang kotse, saka lang siya pumihit pabalik ng bahay, pero natigilan siya nang may tumawag sa kanya. When she turned around and saw that familiar face, her body froze.
“Ryford...”