Chapter BLOW ME A KISS, BABY CHAPTER 9

TATLONG araw. Tatlong araw nang hindi sinasagot ni Radcliffe ang mga tawag ni Bee. Gano’n katagal na ring hindi nagpapakita ang binata sa kanya. Alam niya, ramdam niya, may maling nangyayari.

“Damn,” inis na bulong ni Bee sa sarili nang out of coverage na ang phone ni Radcliffe.

Sigurado si Bee na may kinalaman si Barbie sa pag-iwas ni Radclife sa kanya. Sigurado siyang sinabi ng babaeng `yon kay Radcliffe ang maling pagkakaintindi nito sa nakitang eksena sa pagitan nila ni Ryford.

Hindi na nakatiis si Bee kaya kahit deadline ng article niya ay nag-half-day siya sa opisina, at sinabi na lang na masama ang pakiramdam niya. Hindi naman gano’n kahirap makumbinsi si Miss Tan lalo na’t alam niya sa sarili na mukha siyang zombie. Simula kasi nang hindi sagutin ni Radcliffe ang mga tawag, text at email niya, hindi na siya nakatulog at nakakain ng maayos.

Tinawagan ni Bee si Jolly at inalam mula sa kaibigan ang schedule ng Rai’s para sa araw na iyon. Sigurado siyang alam iyon ng best friend niya dahil dakilang stalker ito ni Rydell. At hindi naman siya nabigo.

Nag-taxi siya papunta sa university na ginagamit na location site para sa music video ng Rai’s. Ayon kay Jolly, do’n pa rin daw sa auditorium hall ang location para sa huling shoot,

Pagdating ni Bee sa auditorium hall ay naabutan niya ang Rai’s na kumakanta ng sabay-sabay sa stage. Pero nanatiling na kay Radcliffe lang ang atensiyon niya.

Hindi alam ni Bee kung matutuwa o malulungkot na makitang mukhang maayos at masaya naman si Radcliffe. Siyempre, gusto niyang parating nasa maayos na kalagayan ang binata. But it made her sad knowing that it was only her who felt miserable for the last three days of non-communication between them.

Lumundag ang puso ni Bee nang mahuli niya ang tingin ni Radcliffe. Napansin niyang nawala ang ngiti ng binata, pero hindi naman nito inalis ang tingin sa kanya.

Hindi nakahinga si Bee. Galit si Radcliffe. Ramdam niya iyon.

Blow me a kiss, baby. Please. Katulad ng madalas mong gawin pagkatapos mong kumanta.

Dahil iyon na lang ang natitirang pag-asa ni Bee para malaman kung may pag-asa pang magkaayos sila ni Radcliffe. Nakakatawa na noon ay binabale-wala lang niya ang flying kiss ni Radcliffe, pero ngayon ay nalaman niya kung gaano iyon ka-importante.

Him blowing her kisses was a sign of his love.

Pero natapos ang kanta nang hindi siya binibigyan ni Radcliffe ng flying kiss. Sa halip ay bumaba lang ito ng stage at dumeretso sa bleacher para kumuha ng face towel at bottled water.

Naglakas-loob na si Bee na lapitan si Radcliffe, kahit ramdam niyang hindi welcome sa binata ang kanyang presensiya at kahit pa ramdam niyang nadudurog na ang puso niya. “Radcliffe, puwede ba tayong mag-usap?”

Sinulyapan siya ni Radcliffe. “What’s up? Naging busy ka ba? Hindi mo na kasi na-a-update ang “Radcliffe’s Nightmare” blog mo.”

Nanlamig ang buong katawan ni Bee. Alam na ni Radcliffe ang tungkol sa walang kuwentang blog na ginawa niya noong panahong ang kitid-kitid ng utak niya? “Paano...”

Ngumiti ng mapait si Radcliffe. “I thought nagkita kayo ni Barbie sa hotel na tinutuluyan ni Ryford. Bakit nagulat ka pa na sinabi na rin niya sa’kin tungkol sa blog mo na `yon?”

Pakiramdam ni Bee ay may kung anong nabuhol sa kanyang sikmura. Kung gano’n pala, nagkatotoo ang kinatatakutan niya. Sinabi nga ni Barbie kay Radcliffe na nakita siya nito at si Ryford sa hotel.

Nakadagdag pa sa sama ng pakiramdam niya ang alaala noong bumisita si Barbie sa opisina ng Baby Pink para dalawin ang mommy nito. Nasa CR siya no’n at pagbalik niya, nakita niya si Barbie na nakatingin sa laptop niya. Nakabukas do’n ang tab ng Facebook at blog niya. Marahil ay nakita ni Barbie ang Radcliffe’s Nightmare website pero nanahimik na lang.

At ngayon pa naisipan ni Barbie na ilabas ang sekreto niyang aksidente nitong natuklasan.

“Ano bang sinabi sa’yo ni Barbie?” tanong ni Bee, nagpipigil na lang umiyak.

Humugot ng malalim na hininga si Radcliffe, tila ba hirap na hirap itong makaharap siya. “Kung anong nakita niya. Kayo ni Ryford... sa hotel.”

“Radcliffe, hindi totoo ang lahat ng sinabi ni Barbie. Wala kaming ginagawang masama ni Ryford –”

“But it’s you, right? Ikaw `yong nakita ni Barbie na kasama ni Ryford.”

Masakit man, napilitang tumango si Bee.

Dumaan ang sakit sa mga mata ni Radcliffe na itinago nito sa pagngisi. “That alone is enough to break my trust, Bee.”

“Radcliffe –”

“You lied to me, Bee,” paghihinanakit ni Radcliffe. “That night, you told me you were going home because you still have to work. Hindi ako kumbinsido, pero pinili kong paniwalaan ka dahil may tiwala ako sa’yo. But in the end, you cheated on me by meeting Ryford in secret. Kung wala kang masamang intensiyon sa pagpunta mo sa kanya, bakit kailangan mo pang magsinungaling sa’kin?”

Nasaktan si Bee dahil sa pait ng mga sumbat ni Radcliffe. Pero naiintindihan niya ang galit nito. Kasalanan din naman niya dahil ang tanga-tanga niya. Nagsinungaling siya sa binata para kay Ryford. Radcliffe was right. She cheated on him.

“Wait, I forgot something,” sabi ni Radcliffe, malamig ang boses at mga mata. Pagkatapos ay tumawa ito ng pagak. “How you can you even cheat on me when in the first place, we’re not even in a relationship?”

Doon na hindi nakatiis si Bee na manahimik at tanggapin na lang ang galit ni Radcliffe. “What do you mean, Radcliffe?”

“You only dated me because you wanted to know what happened to Ryford,” mapait na sagot ni Radcliffe. “At ngayong nagkita na uli kayo, tapos na rin ang kung ano mang inaakala kong meron tayo, `di ba?”

“Hindi totoo `yan,” mariing kaila ni Bee. “Hindi totoong nakipag-date ako sa’yo para lang malaman ko kung anong nangyari kay Ryford.”

“How convenient,” sarkastikong sabi ni Radcliffe. “Na kung kailan sinabi ko sa’yo kung ano’ng nangyari kay Ryford, saka ako sinabihan ni Barbie na nakita niya kayong magkasama.”

Aminado naman si Bee na may kasalanan siya, pero may karapatan pa rin naman siyang masaktan. “Mas pinaniniwalaan mo ba si Barbie kaysa sa’kin? Won’t you even give me a chance to explain, Radcliffe?”

Bumuntong-hininga si Radcliffe, saka umiling-iling. “This is pointless, Bee. Nakuha mo na ang gusto mo sa’kin. Now, do me a favor and leave. I don’t want to see you again.”

Nilagpasan ni Radcliffe si Bee at hindi na muling nilingon.

“BEST FRIEND... ga’no katagal pa ba tayong maghihintay dito?” naiinip na tanong ni Jolly kay Bee. “Sinabi ko naman na sa’yo na hindi ako sigurado kung may recording sila ngayon, dahil hindi rin sigurado si Rydell sa schedule nila ngayong araw.”

Hindi natinag si Bee kahit limang oras na silang naghihintay do’n. Nanatili siyang deretso ang pagkakaupo sa lounging chair sa lobby ng gusali ng Music and Stars – ang label company ng Rai’s – habang nakatutok ang mga mata sa entrance, hinahanap sa bawat pumapasok si Radcliffe.

Isang linggo na ang lumipas simula nang huling mag-usap sina Bee at Radcliffe at hindi iyon naging maayos. May mga ibinintang sa kanya ang binata na hindi niya nadepensahan ng maayos dahil ayaw niyang sabayan ang galit nito.

Pero siguro naman, sapat na ang panahong binigay ni Bee kay Radcliffe para magpalamig ng ulo. Kapag nagkaharap sila, sasabihin niya rito na totoong pinuntahan niya si Ryford pero bilang kaibigan lang. At hindi rin totoo na nakipag-date siya kay Radcliffe para lang makakuha ng impormasyon tungkol kay Ryford.

No’ng una ay hindi alam ni Bee kung saan napulot ni Ryford ang ideya na iyon, pero naalala niyang si Barbie nga pala ang nagsumbong sa kanya. And that crazy girl was well-capable of fabricating such ridiculous story. Ginawa na rin iyon ni Barbie noon kay Jolly. Sinira nito ang kaibigan niya sa paningin ni Rykard, kaya naging magulo ang sitwasyon ng dalawa.

Pero hindi naman isinisisi ni Bee ang lahat kay Barbie. Unang-una, kung hindi siya nagsinungaling kay Radcliffe, hindi mangyayari ang lahat ng iyon. Pero may dahilan naman siya, at kailangan `yong marinig ni Radcliffe.

Bumaba ang tingin ni Bee sa “basket of fries” sa tabi niya. Hindi niya alam kung paano gumawa ng bouquet of fries kaya bumili na lang siya ng sampung large fries at inilagay ang mga iyon sa maliit na basket. Kung kinakailangang siya naman ang manligaw kay Radcliffe, gagawin niya. Hindi siya dapat sumuko agad.

Nilingon ni Bee si Jolly na halatang naiinip na. “Patingin nga uli ng schedule nila na palihim mong hiningi kay Rydell.”

Bumuntong-hininga si Jolly at nilabas ang lukot na music sheet. Sa blangkong likod ng papel isinulat ni Rydell ang schedule ng Rai’s para sa araw na `yon. Alas-diyes ng umaga ang nakalagay do’n na oras ng Rai’s para sa recording ng banda, pero may note sa ilalim: (not sure, may change without further notice)

“Bee...”

Nag-iwas ng tingin si Bee kay Jolly dahil ayaw niyang makita ng kaibigan ang pangingilid ng mga luha niya. “It’s okay, Jolly. Kung naiinip ka na, puwede mo na kong iwan dito. Kaya ko namang maghintay mag-isa.”

“Hindi kita iiwan `no,” matigas na tanggi ni Jolly. “Nag-aalala lang ako sa’yo. Sigurado ka bang kaya mong harapin si Radcliffe eh, wala pa man din siya, umiiyak ka na?”

Naiinis na pinunasan ni Bee ang mga luha niya. Wala talaga siyang maitatago sa best friend niya. “Kakayanin ko. Ayoko nang patagalin `to. Miss na miss ko na si Radcliffe.”

Totoo iyon. Nalaman lang ni Bee kung gaano kahalaga si Radcliffe sa kanya no’ng naging tahimik at boring ang buhay niya sa lumipas na isang linggo. Na-realize na lang niya na nagbago na pala ang mundo niya sa pagdating ng binata, at nang nawala ito, nawalan na rin ng saysay ang lahat ng pagbabagong nakasanayan na niya.

Dahil wala sa huwisyo, napagkamalan ni Bee na tissue ang hawak niyang papel at muntik na niya `yong maipunas sa kanyang mukha. But her hand stopped mid-way when her eyes caught something familiar at the other side of the music sheet. Inunit niya ang papel at nabigla siya nang makita ang drawing ng hot-air ballon sa gilid na kinulayan pa ng dilaw. Pamilyar sa kanya iyon.

Binasa ni Bee ang nakasulat na kanta. The song was entitled “Yellow Hot-air Ballon”. Kumunot ang noo niya dahil may naaalala siya sa ilang linya ng kanta.

Let’s fly high, high in the sky.

Run away from this big, big lie.

The world can judge all they want.

But I will still believe that

Your pure heart doesn’t deserve their wrath.

So here I am, flying with you.

Our friends are smiling as they look up on us.

Because we’re moving far, far away in our yellow hot-air balloon made with love

Napasinghap si Bee, pagkatapos ay unti-unting gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang yellow hot-air balloon na tinutukoy sa kanta ay ang hot-air balloon na nasa pelikulang Miracle in Cell No. 7. At ng mga sandaling iyon, siguradong-sigurado siyang si Radcliffe ang nagsulat ng kantang iyon.

I think I know what you do, Radcliffe. Ikaw ba ang sumusulat ng kanta para sa Rai’s?

If that’s true, then Bee felt so proud of Radcliffe even more. Mas in-love din.

“Bee, hayan na sila!” bulalas ni Jolly na pumutol sa pagmumuni-muni ni Bee.

Mabilis na lumipad ang tingin ni Bee sa entrance ng building. Napatayo siya nang makita ang Rai’s. Naglalakad sa likuran nina Rykard at Rydell si Radcliffe. Nakasuot ng malalaking sunglasses ang tatlo kaya hindi siya sigurado kung nakikita sila ng mga ito.

Nagmartsa si Bee palapit sa Rai’s at humarang sa daan ni Radcliffe. Wala na siyang pakialam kung ipagtabuyan siya nito. Basta hindi siya aalis nang hindi nito naririnig ang paliwanag niya. “Radcliffe, pakinggan mo naman muna ako. Please.”

Bumuntong-hininga si Radcliffe, saka itinaas sa ulo ang shades. He looked tired. Wala ni anong kislap ang kulay-abo nitong mga mata. “We’re really busy today, Bee. Wala akong oras makipag-usap sa’yo.”

Tinangka ni Radcliffe na lagpasan si Bee pero hinarang niya uli ito. “Five minutes. Five minutes lang ang hihingin ko sa’yo. All you have to do is listen to me. Pagkatapos no’n, puwede ka nang mag-decide kung itataboy mo pa rin ako.”

Nagkaroon ng munting pag-asa sa puso ni Bee nang kumislap ang simpatya sa mga mata ni Radcliffe. Even his face softened somehow. Alam niyang bibigay na ang binata, kung hindi lang dumating ang malditang si Barbie, kasunod ang tatlo pang magagandang teenagers na mukha rin mga barbie. Iyon ang sikat na girl group na Barbie Dolls.

“Hi, Bee!” masiglang bati ni Barbie sa kanya, saka yumakap sa braso ni Radcliffe. “Kumusta na kayo ni Ryford?”

“Barbie,” saway ni Rydell kay Barbie.

Inirapan lang ni Barbie si Rydell, bago muling binalingan si Bee. “You’re lucky you’re here, Bee. Sa’yo ko unang sasabihin ang good news. Magko-collab ang Rai’s at ang Barbie Dolls sa isang malaking project ng record label namin. Do you know what our single will be?”

Gusto sanang mag-iwas ng tingin ni Bee para itago ang sakit sa mga mata niya, pero hindi niya nagawa nang lingunin ni Barbie si Radcliffe na para bang nanghihingi ng permiso kung itutuloy ang sasabihin o hindi. Nang hindi umimik si Radcliffe, hinarap uli siya ni Barbie.

“Radcliffe and I will sing My Own Cover Girl for this project,” nakangiti at tila proud na sabi ni Barbie. “He dedicates that song to me. Ang sweet `di ba?”

Tinapunan ni Bee nang nag-aakusang tingin si Radcliffe na mukhang walang balak itanggi ang sinabi ni Barbie. Napangiti siya ng mapait. Gano’n lang pala kadali para rito na ialay sa ibang babae ang kantang ginawa raw nito para sa kanya.

“May nakakatawa ba sa sinabi ko?” mataray na sita ni Barbie kay Bee.

Dumako ang malalamig na tingin ni Bee kay Barbie. “Oo, ikaw. Dahil kahit ilang lalaki pa ang landiin mo, hindi ka pa rin pinapansin ni Rydell. Because then and now, you’re still just an annoying brat.”

Namula ang mukha ni Barbie sa galit. Akmang sasampalin siya nito pero pinigilan ito ni Radcliffe.

“Enough!” galit na saway ni Radcliffe habang nagpapalipat-lipat ng tingin kina Barbie at Bee. Pagkatapos ay natutok ang mga mata nito kay Bee. “Umalis ka na, Bee.”

Nang mabunggo ni Radcliffe ang balikat ni Bee nang lagpasan siya ng binata habang hila-hila nito si Barbie na biglang nanahimik, pumatak na ang mga luha niya. Nakaalis na ang Rai’s at ang Barbie Dolls, nanatili pa rin siyang nakapako sa kinatatayuan.

“Bee...”

Tuluyan nang napaiyak ng malakas si Bee. “Ang tanga-tanga ko, Jolly. Dapat kasi nakinig ako sa’yo noon. Dapat noon pa lang, binura ko na ang buwisit na blog na `yon!”

Niyakap ni Jolly si Bee. Walang sinabi ang kaibigan niya pero kahit paano, gumaang ang pakiramdam niya. At ang limang minutong hiningi niya kay Radcliffe para makipag-usap, inubos niya sa pag-iyak.

HUMUGOT ng malalim na hininga si Bee bago hinarap sina Rykard at Rydell. Nasa likuran niya ang pinto ng hotel suite ni Ryford. “Nandito siya, pero hindi ko alam kung anong magiging reaksyon niya kapag nakita niya kayo.”

Tumango si Rykard. “Kami nang bahala sa galit niya.”

Hinawakan naman siya ni Rydell sa balikat. “Salamat sa tulong mo, Bee.”

Ngumiti lang si Bee, dahil hindi rin siya sigurado kung tama ang ginawa niya.

Kaninang umaga ay nakipagkita si Bee kay Rydell para humingi ng paumanhin sa ginawa niyang pandadamay dito sa naging sagutan nila ni Barbie. Dahil likas na mabait, napatawad naman agad siya ni Rydell. Pero nakiusap itong dalhin ito at si Rykard kung nasaan si Ryford.

Naawa si Bee kina Rydell at Rykard na alalang-alala talaga kay Ryford kaya pinagbigyan na niya ang magkapatid. Bahala na kung may magagalit na naman sa kanya.

Hinayaan niyang sina Rykard at Rydell ang bumungad sa pinto matapos niyang mag-doorbell. Nang bumukas iyon, ang nakangiting si Ryford ay biglang napasimangot nang makita ang mga kapatid. Tinangka ni Ryford na muling isara ang pinto pero hinarang ni Rykard ang katawan nito at tinulak ng malakas ang kapatid papasok. Sumunod naman agad si Rydell. Si Bee ang huling pumasok at nagsara ng pinto.

“What are you doing here?” galit na tanong ni Ryford kina Rykard at Rydell. Pagkatapos ay tinapunan nito ng nag-aakusang tingin si Bee. “Bee?”

Bumuga ng hangin si Bee. “I’m sorry, Ryford...”

Humarang si Rydell sa harap ni Bee na para bang pinoprotektahan siya mula sa pag-aakusa ng kapatid. “Huwag kang magalit kay Bee, Ryford. Nakiusap kami sa kanya na dalhin kami sa’yo.”

“What the hell are you doing with your life, Ryford?” galit na tanong ni Rykard kay Ryford.

Inihilamos ni Ryford ang mga kamay sa mukha. “What don’t you just all leave me alone?!”

Nalungkot si Bee habang pinapanood ang pagtatalo nina Rykard, Rydell at Ryford. The McDonough Brothers have already been reunited, but it turned out ugly. Pare-parehong galit ang tatlo, may kanya-kanyang hinanakit, at sabay-sabay pang nagsasalita.

Naalala niya ang lecture nila noong college siya. Ang komunikasyon ay binubuo ng sender, ng message at ng receiver. Pero sa nakikita niya sa magkakapatid, pare-parehong sender ang mga ito. Ibig sabihin, walang mensahe at walang nakakarinig niyon.

Katulad na lang ng nangyari kina Bee at Radcliffe. Nagkaroon sila ng miscommunication dahil bilang sender, hindi niya naparating ang message niya kay Radcliffe dahil bilang receiver, ayaw nitong makinig sa kanya.

Bee also remembered that her former professor said that miscommunication happens when the sender fails to deliver the message to the receiver. At iyon ang nangyayari sa kanilang lahat.

“Stop!” hindi napigilang sigaw ni Bee.

Biglang natahimik sina Rykard, Rydell at Ryford, saka sabay-sabay na napatingin sa kanya. Halatang nagulat ang tatlo.

Napahikbi si Bee. Nasasaktan siyang makitang nag-aaway-away ang magkakapatid dahil mga kaibigan niya ang mga ito. “You’re not talking! Sabay-sabay lang kayong nagsasalita, pero hindi niyo naman iniintindi ang isa’t isa!”

Nagkatinginan ang magkakapatid, bago muling binalingan si Bee.

Tinapunan ni Bee ng masamang tingin si Ryford. “And you, Ryford. Hanggang kailan mo ba tatakbuhan ang mga taong nagmamahal sa’yo? You say you feel alone, pero ikaw itong layo ng layo sa’min. Hindi mo ba nakikita na gusto ka naming tulungan? That I want to help you?” Napaiyak na siya nang maalala ang nangyari sa kanila ni Radcliffe. “Para sa’yo at sa pagkakaibigan natin, isinaalang-alang ko ang relasyon namin ni Radcliffe. Pero sa nakikita ko ngayon sa’yo, mukhang nasayang lang ang isinakripisyo ko. Ang selfish-selfish mo.”

Hindi na hinintay ni Bee ang reaksyon ng kahit sino sa magkakapatid. She walked out on them, crying and miserable.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.