"PINAKULONG mo siya?" hindi maintindihan ni Aria pero sa kabila ng lahat nakaramdam parin siya ng awa para kay Paula.
"Iyon ang mas dapat. Pagkatapos ng ginawa niya sa'yo kahit alam niyang buntis ka? Kung tutuusin pwede kong isipin na gusto niyang patayin ang anak ko," ang galit na galit na sagot ni James sa mababang tao. "at pati narin ikaw," dugtong pa nito saka siya pinakatitigan.
Hindi nakapagsalita doon ang dalaga dahil tama naman ang sinabi ni James. "S-Sinubukan ko kasi siyang intindihin sa simula palang," sagot niyang tumitig sa perpektong mukha ng kanyang nobyo. "minsan naiisip ko, paano kaya kung nagkapalit kami ng sitwasyon? Paano kung siya ang minahal mo at ako naman ang ginawa mong flavor of the month? Ako ang binigyan mo ng black calling card na may expiration date at siya ang binigyan mo ng engagement ring? Paano kaya ako magre-react?"
Nang hindi magsalita si James ay nagpatuloy si Aria. "Aminado naman ako na wala akong ipinagkaiba sa maraming babaeng nahulog sa charm mo," pag-amin niya saka pinanatili ang pagkakatitig kay James. "kaya nga kahit walang assurance noon, hindi ba naibigay ko sa'yo ang virginity ko na ipinagdamot ko kay Norman?"
"No, hindi ganoon iyon sweetheart. Hindi ka ganoon, hindi ka katulad ng iniisip mo. Iba ka sa kanila, believe me," si James na ginagap ang kamay niya saka masuyong hinalikan.
"Bakit? Kasi virgin ako?" aniyang tumawa ng mahina. "sabihin mo nga sa akin James, kung sakali bang nangyaring hindi ikaw ang nakauna sa akin, magiging interesado ka parin ba sa'kin kahit one night stand lang iyon? Gugustuhin mo parin ba akong maging nanay ng anak mo? Ibibigay mo ba sa akin ito?" ang huling tinutukoy niya ay ang suot niyang singsing.
Tumango-tango ang binata. "Hindi ko alam kung para saan ang lahat ng ito, ang lahat ng tanong mo pero sa lahat ng iyon, oo ang sagot ko," anitong ngumiti saka hinaplos ang mukha niya. "at huwag na huwag mong ikukumpara ang sarili mo kay Paula o kahit sino sa mga babaeng nagdaan sa buhay ko. Kaya nga ako na-in love sa'yo kasi iba ka sa kanila."
"Alam kong wala na akong makikitang babaeng kagaya mo, kaya mas pinili kong gumawa ng bagong mundo, kasama ka," ang binatang niyuko siya saka hinalikan sa mga labi.
"J-James..." aniyang nangilid ang luha.
"Ang lahat ng mayroon tayo nakaplano na at kahit ang mundo hindi niya makakayang alisin kasi kapag ginusto ng tadhana, ginusto niya," ang madamdaming sagot ni James. "walang magagawa ang kahit ano at kahit sino para pigilan tayo, para paghiwalayin tayo."
Noon na tuluyang napaiyak ang dalaga. "N-Natatakot kasi ako, hindi ko alam kung bakit pero natatakot talaga ako," pag-amin niya.
Tumayo si James saka siya mahigpit na niyakap. "Huwag kang matakot, nandito ako. Hindi na ako papayag na masaktan ka pa ng kahit na sino. Ikaw ang at anak natin ang lahat-lahat sa akin ngayon, kapag nawala kayo, mawawalan na ng saysay ang buhay ko. Gusto ko ang pakiramdam na ganito, may inaalagaan, may pino-protektahan, at gusto ko ikaw iyon, kayo ng anak natin,"
"Thank you," ang tanging nasabi niya saka mahigpit na yumakap sa binata.
Tumango lang ito saka hinalikan ang kanyang noo. Pagkatapos ay gumanti ng mas mahigpit na yakap sa kanya. "Magpahinga ka na," ang tanging isinagot ni James saka siya inayos sa pagkakahiga.
"Alam ba nila nana yang tungkol dito?" naitanong niya kay James nang maupo ito sa gilid ng kanyang kama.
Umiling ang binata. "Alam kong hindi mo rin gustong mag-alala sila, lalo at sumasailalim sa theraphy ang Tito hindi ba?"
Napangiti doon ang dalaga. "Oo," sa isip niya, kilala na nga siya ng binata dahil alam na alam na nito kung paano siya mag-isip. At totoong humaplos ang damdaming iyon sa puso niya.
"Gusto mo bang kumain? Para makatawag na ako sa cafeteria?" ang binata.
Sa narinig ay magkakasunod na napatango si Aria. "Oo, dalawang kanin sa'kin saka kaldereta kung meron tapos isang saging," aniyang biglang nakaramdam ng matinding pananabik na matikman ang lahat ng nabanggit.
Maluwang ang ngiting pumunit sa mga labi ni James. "Okay, I understand," anito sa amused na tono. "anything else?"
Sandaling nag-isip si Aria. "Ah, manggang hilaw saka bagoong," sagot niyang napakagat labi.
Buong pagmamahal na niyuko siya ni James saka hinalikan sa noo. "Sige, walang problema" anito. "pero sa tingin ko kailangan kong tumawag sa bahay doon sa huling request mo, okay lang ba?"
"Sige, pero habang wala iyon, parang masarap din yung tustadong pandesal. Yung mainit saka peanut butter," aniyang biglang nakaramdam ng excitement habang naiisip ang mga pagkaing sinasabi niya.
"Copy that," ani James na kinindatan siya at tumayo.
Sinundan lang ng tingin ni Aria ang binata na ngayon ay abala na sa pakikipag-usap sa telepono. Kung anong ginawa niya para biyayaan siya ng Diyos ng ganitong tipo ng lalaki na kanya pang mapapangasawa? Hindi niya alam. Kasi simpleng tao lang ang pagkakakilala niya sa sarili niya.
"James!" nang makita niyang ibinaba ng binata ang telepono.
"Yeah?"
"Tell me, bakit ako?" hindi niya alam pero gusto lang niyang malaman.
Maganda ang ngiting pumunit sa mga labi nito. "Anong klaseng tanong ba iyan?" anitong naupo sa binakante nitong silya kanina.
"Tsk, bakit nga?" aniyang hindi naitago ang kilig. Alam niyang nagmumukha na siyang pabebe pero hindi niya mapigilang magtanong. At gusto talaga niyang marinig ang sasabihin nito. Dahil siguradong mapupuno ng kaligayahan ang puso niya.
"Nakita ko lang sa'yo iyong mga katangiang kailangan kong makita para mahalin kita ng sobra," anitong kinurot ang tungki ng ilong niya pagkatapos. "may tanong ka pa?"
Umiling siya. "I love you."
"I love you," sagot naman ni James saka hinawakan ang kamay niya at dinampian ng simpleng halik.
GIGIL na nagmura si Norman nang mula sa kinatatayuan niya ay makita ang dalawang unipormadong guard na nakatayo sa harapan ng bahay nina Aria.
"Mukhang ginamit na naman ng hambog na lalaki ang pera niya para makapagpasikat sa pamilya ni Aria,," aniyang nagpupuyos sa galit.
Alam naman niya kung sino ang kalaban niya. Aware siya kung gaano ito kayaman at alam rin niya na kaya nitong gawin ang mga ito gamit ang pero nito.
Nasaktan niya si Aria, aminado siya doon. Ang totoo kasi bored na bores siya sa relasyon nila na walang spice dahil hindi ito pumapayag na may mangyari sa kanila. Pero sa kabila ng lahat, totoong mahal na mahal niya ito.
Hindi siguro iyon paniniwalaan ng iba dahil sa kasabihang, kung mahal mo, bakit mo sasaktan?
Pero tao lang naman siya na marupok at nagkakamali. Lalaki siyang may pangangailangan. At hindi gustong ibigay ni Aria sa kanya ang pangangailangan niyang iyon kaya siya naghanap ng iba.
Sa lahat ng babaeng nakarelasyon niya, si Aria ang totoong minahal niya. Siya ang pinangarap niyang makasama habang buhay. At higit sa lahat, tuwing nakikipagtalik siya sa iba, si Aria lang ang nakikita niya.
Kaya hindi niya matanggap na hindi siya nito pinatawad. Na hindi siya nito binigyan ng pagkakataong ayusin ang lahat sa kanila. At masama rin ang loob niya dahil parang walang anuman ritong itapon ang lahat ng mayroon sila nang dahil lang sa nakita nitong ginagawa niya.
Mali na kung mali ang tumikim ng ibang putahe. Basta ang alam niya, gaano man karami ang babaeng ikinama niya habang magkarelasyon sila ni Aria, ito lang ang babaeng minahal niya. At iyon ang pinakaimportante sa lahat. Iyon ang dahilan kaya ginagawa niya ang lahat ng ito. At iyon ang dahilan kung kaya hindi niya kakayanin ang maging masaya si Aria sa piling ng iba, lalo na kung sa James na iyon mapupunta ang dalaga.