Chapter 34 "JANNA"

SA mansyon sa Quezon City siya iniuwi ni James makalipas ang ilang araw niyang pananatili sa ospital. Babalik parin naman daw sila ng San Benjamin. Sa ngayon kasi ay medyo nagiging maselan na ang kondisyon ng palilihi niya.

Pero sa kabilang banda, may bahagi ng isipan niya ang parang ayaw maniwalang iyon lang ang dahilan ni James kaya mas pinili nitong doon sila mag-stay. Kung makakasama lang naman sa bahay ang iniisip nito, naroon naman si Aling Erlie na mabait at likas na maasikaso sa kanya.

"Feeling ko nag-aalala siya sa'yo" si Jocel iyon araw ng linggo at dinalaw siya sa malaking bahay.

Tumango siya saka sinulyapan ang anak nitong si Janna na masayang naglalaro sa gilid swing na nasa garden na iyon. "Ang laki na ng inaanak ko, parang kailan lang nung pabinyagan ninyo siya ni Allan" ang sa halip ay naisagot niya saka kinawayan ang bata na patakbong lumapit sa kanya.

"Oo, malapit na nga pala ang seventh birthday niya. Huwag kayong mawawala ni sir James" si Jocel na nakangiti silang pinanood.

"Tita Aria paglabas ni baby anong ipapangalan mo sa kanya?" tanong nito hinaplos ang tiyan niya.

Mainit ang damdaming humaplos sa puso ni Aria sa ginawing iyon ng batang mula nang isilang ay hindi lang simpleng inaanak ang naging turing niya. "Kapag boy, James Sebastian III" sagot niyang hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumakip sa maganda nitong mukha.

"Pag girl?" tanong-sagot nito.

Nagkibit ng mga balikat niya si Aria. "Hindi ko pa alam, pag-iisipan ko pa. Ikaw may alam ka bang magandang name just in case?"

Tumango ng magkakasunod si Janna. "Yeah, Louise Ysabelle" anitong nginitian siya pagkatapos.

Nakangiting tinapunan ng tingin ni Aria ang ina ng bata. "Yeah, sa tingin ko nga maganda iyon. Sige, hayaan mo, iyan ang ipapangalan ko sa first baby girl namin ni Tito James mo" totoo iyon sa loob niya.

"Yey! I love you Tita, sana girl siya, para may kalaro na ako" ang batang yumakap ng mahigpit sa kanya.

"Anak, it doesn't matter if it is a boy or a girl. Ang ipagdasal natin sana maging malusog ang baby ni Tita Aria" paliwanag ni Jocel sa anak.

Tumango lang ang bata ng magkakasunod pagkatapos ay bumalik na sa iniwan nitong swing. After lunch ay nagpaalam na sa kanila ni James ang dalawa. Magsisimba pa raw kasi ang mga ito at mamamasyal sa mall.

LUNES ng hapon ng makatanggap si Aria ng tawag mula sa kaibigang si Jocel. "A-Aria!" ang kaibigan niyang nasa kabilang linya na malakas ang pag-iyak.

Nagsalubong ang kilay ng dalaga. "Hey, anong nangyari?" ang worried niyang tanong.

Malakas na hagulhol ang narinig niya mula sa kabilang linya. "S-Si Janna!" anitong humagulhol ulit.

Noon napatayo si Aria saka kasabay ng matinding kabang lumukob sa dibdib niya. "A-Anong nangyari kay Janna?" ang kinakabahan niyang tanong.

"Nawawala si Janna! Tinawagan ako nung driver ng school service niya ang sabi wala raw siya sa eskwelahan! Nasaan na kaya ang anak ko?" ang muli ay hagulhol ng matalik na kaibigan niya sa kabilang linya.

Agad na nilukod ng pagpa-panic ang dibdib ni Aria pero nagpigil siya. Alam niyang hindi siya makakapag-isip ng tuwid at maayos kung magpapadala siya doon. "Nai-report mo na ba sa pulis, sa baranggay o kahit sa school?" ang magkakasunod niyang tanong.

"Oo, nagawa ko na ang lahat ng dapat gawin. Natatakot ako, anong gagawin ko? Ang anak ko nasaan na kaya siya?" si Jocel na panay parin ang iyak.

"Nasaan ka ngayon?" tanong niya rito.

"Papunta ako sa school ni Janna. Kakausapin ko iyong school principal at guard" si Jocel na suminghot.

"Sige, magkita tayo doon" aniyang pumasok ng banyo.

KALALABAS lang ng banyo ni Aria nang marinig niya ang magkakasunod na ring ng kanyang cellphone. Dinampot niya iyon saka napakunot noo nang makitang numero lang ang nakarehistro sa screen.

Hindi niya maintindihan kung bakit biglang nagtumindi ang kaba sa dibdib niya habang pinagmamasdan ang nasabing numero. Ilang sandali pagkatapos ay tinanggap niya ang tawag.

"H-Hello?" aniyang hindi naitago ang matinding kaba sa tinig.

"Mabuti naman at hindi ka nagpalit ng cellphone number. Sa lahat ng desisyon na ginawa mo iyan ang pinakatama, atleast may pagkakataon ka pang marinig ang boses nitong maganda mong inaanak!"

Mabilis na kinilabutan si Aria nang makilala ang kausap sa kabilang linya. "N-Norman?"

Malakas ang tawang isinagot sa kaniya ng lalaki. "Mabuti naman at kilala mo pa pala ang boses ko. Sa totoo lang miss na miss ko narin ang boses mo, at masaya ako ngayong nakausap kita!" nitong sinundan muli ang sinabi ng isang mala-demonyong tawa.

"Walanghiya ka! Nasaan si Janna? Nasaan ang inaanak ko?" ang galit na galit niyang tanong.

"Relax" chill na chill at halatang nang-iinis ang tono ni Norman. "kagaya ka parin ng dati, love" anitong tumawa ulit. "galit na galit na pero hindi parin sumisigaw. Kahit minsan yata hindi pa kita narinig na nagtaas ng boses. Kaya nga inggit na inggit ako sa James Sebastian na iyon, sigurado ako hindi lang isang beses ka niyang pinasigaw sa kama bago inalok ng kasal hindi ba?" sa huling pangungusap na sinabi ay mabilis na nagbago ang tono ng boses ni Norman. Naramdaman doon ni Aria ang magkakahalong poot, selos at inggit. Kaya naman lalo siyang natakot para kay Janna.

"Tumigil ka! Ibalik mo ang bata sa amin! Hindi mo ba alam kung gaano katinding pag-aalala ang dala nito kay Jocel at sa asawa niya?" ang mariin niyang sagot.

"Iyong kaibigan mong iyon? Alam kong ayaw sa akin nun! Alam kong hindi niya ako gusto para sa'yo! Bakit? Kasi mahirap lang ako? Dapat sana kinausap ka niya hindi ba? Kung matino siyang tao, dapat kinausap ka niya na patawarin ako! Kaya lang pareho lang sila ng pamilya ninyo! Maliit ang tingin sa akin! At sinong magaling? Iyong lalaking iyon na porke mayaman parang Diyos kung tingalain nila?" galit na galit na litanya ni Norman.

Noon na tuluyang napaiyak ang dalaga. "Please naman, walang alam ang bata. Parang awa mo na" pakiusap niya rito.

"Putangina!" ang malutong nitong mura. "nakiusap rin ako sa'yo noon! Pinakiusapan kita, kahit sandali lang ng oras mo! Pinagbigyan mo ba ako? Hindi di ba? Hindi! Gusto ko lang magpaliwanag! Gusto ko lang ayusin ang sa atin! Pero sarado ang utak mo! Tapos ngayon makikiusap ka? Anong karapatan mong hingin ang bagay na pinagdamot mo sa'kin noon?" sigaw nito sa kanya.

Impit na napahagulhol si Aria dahil doon. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili dahil sa nangyari kay Janna. Dahil sa kanya nasa panganib ngayon ang buhay ng bata. "P-Parang awa mo na, sa akin ka lang naman galit hindi ba? Huwag mo ng idamay ang mga taong mahal ko. Please? Kung gusto mo ako nalang ang kunin mo, kapalit ng bata" kung iyon ang tanging paraan para hindi mapahamak si Janna, gagawin niya.

Dry na tawa ang pinakawalan ni Norman dahil doon. "Sa tingin mo maniniwala ako? Hindi ako tanga Aria, baliw lang ako sa'yo pero hindi ako tanga. Alam kong mayaman ang lalaki mo, alam ko kung anong kaya niyang gawin. Alam ko na kapag pinuntahan mo ako dito may kasama na kayong mga pulis. Kabisado ko na ang ganyang mga eksena Aria, kaya hindi na ako naniniwala" anitong tumawa pa muli pagkatapos.

Parang gusto ng mawalan ng pag-asa ni Aria sa isinagot na iyon ni Norman. Patuloy ang pag-agos ng kanyang mga luha. Alam niyang bawal sa kanya ang ma-stress pero paano niya iiwasan kung ganito ang nangyayari? Paano niya ilalabas sa mahirap na sitwasyong ito ang mga taong nadamay nang dahil lang sa kanya?

"S-Sabihin mo sa akin, ano ang dapat kong gawin?" sa huli ay nagpahid siya ng mga luha saka pinagsikapang ikalma ang sarili.

Pinakinggan niyang mabuti ang lahat ng instructions na ibinigay sa kanya ng dating nobyo. Pagkatapos ay kumuha siya ng malinis na papel saka iyon sinulatan. Isa para kay Jocel, at ang isa para kay James. 

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.