Chapter 60

HINDI KOMPORTABLE SI Sasha sa buong duration ng charity event. Nasa isang row sila nina James, Hosea, ang parents nito at si Joy nang magsimula ang art auction. Kanina nang ipakilala niya sa isa’t isa sina James at Joy inamin ng dalawa na magkakilala ang mga ito pero hindi inaasahang magkikita pa uli. Pagkatapos nang nagsalita uli ang host para sabihing umupo na ang mga bisita nakita niya nang magbulungan sina Joy at Hosea. Nakita niya sa mukha ng bestfriend niya ang realization at nang muli nitong tingnan si James matalim na ang tingin ng lalaki.

Hanggang ngayon na patapos na ang art auction at nakabili sila ng tig-iisang art piece, ramdam pa rin ni Sasha ang tensiyon ni Hosea. Sa tuwing sinusulyapan nito si James parang gustong manuntok ng bestfriend niya. Ibig sabihin hindi lang basta magkakilala sina James at Joy at na malamang nakuwento ng babae kay Hosea ang lahat. Parang may humahalukay sa sikmura ni Sasha nang marealize na malamang isa si Joy sa mga babaeng naging biktima ng pagiging woman hater ni James noon.

Pagkatapos ng auction tumayo na ang lahat at isa-isa nang nagpaalam sa mga kakilala. Ayaw sana ni Sasha iwan si James pero kinailangan niya mag restroom kaya napilitan siyang magpaalam.

“It’s fine. Go,” sabi ng binata sa malumanay na tono. Napatitig siya sa mukha nito at napansin na kalmado talaga ito. Alanganing tumango si Sasha bago lumayo sa tatlo. Binilisan lang niya sa loob ng restroom kasi hindi siya mapakali at lutang pa rin ang isip nang lumabas. Nagulat pa tuloy siya nang makitang nag aabang ilang hakbang mula sa restroom si Hosea.

“O? Anong ginagawa mo diyan?”

Kumunot ang noo ng bestfriend niya at mabilis na lumapit sa kaniya. “What are you thinking Sasha? James Salgado? Really?”

Kumunot na rin ang noo ni Sasha. Hindi niya ineexpect na darating ang araw na ito pero nainis siya sa tono ni Hosea. “Anong gusto mong sabihin?”

Tumiim ang bagang ng lalaki at kumuyom ang mga kamao. “Sinabi ko na sa iyo two years ago na hindi siya mabuting tao. Hindi lang tsismis ang reputasyon niya, Sasha. It was real. Nakompirma ko iyon nang makilala ko si Joy. She knew him, Sasha. She was his victim. You don’t know what she has been through because of him. You don’t know how hard it was for her to pick up the pieces of herself because that guy broke her.”

Nanlamig si Sasha kasi nakumpirma niya ang hinala niya. Isa nga si Joy sa mga babaeng dumaan sa buhay ni James noong panahong puno pa ng galit at kalupitan ang puso nito. Hindi siya nakapagsalita na sinamantala naman ni Hosea kasi nagpatuloy ito sa galit na litanya.

“Sana man lang tinawagan mo ako na isasama mo siya o na dine-date mo pala siya. My God, Sasha. I thought you were too busy in your electoral campaign to even date someone. Akala ko iyong lalaking sumagot sa tawag ko sa iyo isang umaga, temporary fling mo lang na katulad ng ibang dumaan sa buhay mo. Hindi ko alam na talagang pinili mong i-date ang lalaking iyon. Alam ko kahit na paulit-ulit ibulong sa akin ni Joy na okay lang siya at na okay na sila ni James ngayon, hindi pa rin ako naniniwala. I’m so worried for her. Why didn’t you tell me?!”

Umawang ang bibig ni Sasha at parang nilamutak ang sikmura sa sakit na bigla niya naramdaman nang marealize kung ano talaga ang ikinagagalit ni Hosea. “So nagkakaganiyan ka hindi dahil concern ka sa akin kung hindi dahil takot kang masaktan ang fiancee mo. Pero kailangan mo ba talagang i-bring up ang mga fling ko dati? Do you really have to make me feel like I’m an easy woman unlike your beloved Joy?” mapait na sabi niya.

Napakurap si Hosea at napaatras na para bang noon lang narealize kung ano ang sinabi. Dumaan ang guilt sa mga mata nito, namutla at bumuka ang bibig pero itinaas niya ang isang kamay para pigilan ito magsalita. “Stop. Don’t apologize. It will not make me feel better. Kasi kapag nag sorry ka sa akin patatawarin kita at itatago ko na naman sa loob ko ang sakit. Because your attitude right now really fucking hurts me, Hosea.”

Namilog ang mga mata nito. Hindi niya alam kung dahil first time niya magpakita ng ganitong emosyon sa harap nito o dahil nagmura siya. Forget it. Wala naman palang rason para magpaka good girl pa siya sa harapan nito. Matatawag ba talaga silang magkaibigan kung buong buhay nila may personalidad siyang itinatago rito?

“Sasha –”

Umiling siya. “Hindi ko sinasabi na ako ang gawin mong priority kasi alam kong hindi iyon puwede at ayoko ring gawin mo iyon. Pero magkaibigan tayo Hosea. Magagalit ka ba sa akin sa tuwing feeling mo masasaktan ang fiancee mo? Because let me get this straight. James is not a fling. So unless iwasan mo ako, palagi niyo siya makikita ni Joy. If you want to protect her too much why don’t you buy a bubble wrap and put it around her? Para hindi siya mabasag.”

Tumalikod na si Sasha at inis na naglakad palayo. Naramdaman niyang sumunod si Hosea at tinawag pa ang pangalan niya pero hindi siya lumingon. Huminto lang siya sa paglalakad nang pagbalik nila sa open space ng venue ay makita niyang nakatayo sa isang side sina James at Joy. Nag-uusap ang mga ito at parehong may ngiti sa mga labi na para bang matagal na magkaibigang nagkita uli. Wala ni katiting na tensiyon sa pagitan ng mga ito.

Napatitig siya sa mukha ni James. He was so awkward and tensed around women but he looks fine with Joy. In fact he looks humble and soft as he smiles at her.

“What’s going on?” manghang usal ni Hosea na nakatayo na pala sa tabi niya.

Hindi niya ito nilingon kasi napunta naman sa babae ang tingin ni Sasha. Peaceful at masaya ang facial expression ni Joy. Halata rin na komportable ito habang nakikipag-usap kay James. Sa paningin siguro ng mga taong hindi alam ang naging history ng dalawa, normal lang ang relasyon ng mga ito.

“Looks like your fiancee is stronger than you think,” sabi ni Sasha sabay lingon kay Hosea na halatang caught off guard pa rin. “She must have suffered in the past but she’s not fragile now. Don’t act like she is. Insulto iyon para sa kaniya.”

Hindi nakapagsalita ang lalaki. Tinitigan niya ito ng ilang segundo pa bago tinalikuran at mabilis na lumapit kina James at Joy. Ngumiti siya at nagpaalam na kailangan na niya bumalik sa opisina nila dahil may meeting sila in one hour.

“Kailangan ko na rin umalis,” sagot ni James na nakatitig sa mukha ni Sasha. Alam niya na napapansin nito ang mood niya. Bukod sa alam din nitong mamayang gabi pa talaga ang meeting na sinasabi niya.

Pagkatapos tumango ni Joy at makalapit na rin si Hosea ay medyo nagulat siya nang gagapin ni James ang isang kamay niya at paglingkisin ang mga daliri nila. Bagay na alam niyang hindi nakaligtas sa magkasintahan na parehong napasulyap sa magkahugpong nilang mga kamay. Ngumiti si Joy habang hindi na naman maipinta ang mukha ni Hosea. Lalo lang tuloy sumama ang loob niya rito. Hindi na sila nag-usap hanggang makalabas sila ni James sa venue.

Hindi binitawan ni James ang kamay ni Sasha hanggang maihatid siya nito sa kotse niya. “Nag-away kayo ng kaibigan mo dahil sa akin, tama ba?” basag nito sa katahimikan.

Pinisil niya ang kamay nito at humugot ng malalim na paghinga. “It’s not your fault. Nag-away kami dahil sa kaniya. Makitid ang isip niya.” Nainis na naman si Sasha nang maalala ang mga sinabi ni Hosea. “Anyway, sinabi ko na sa kaniya ang opinyon ko. Ayoko na sa susunod na magkita tayong apat ang pangit pa rin ng pakitungo niya sa iyo. Kung hindi magbabago ang attitude niya bahala siya sa buhay niya. Maybe it’s time for me to give up on our friendship.”

Bubuksan na ni Sasha ang pinto ng driver’s seat nang biglang hawakan ni James ang balikat niya at marahan siyang pinihit paharap dito. Natigilan siya nang makitang seryosong seryoso ang kislap sa mga mata nito. “Can you promise me something?” Tumango siya. Pinagtama nito ang kanilang mga paningin bago nagsalita. “Don’t ever give up something or someone because of me. Kahit na ano pa ang rason basta may kinalaman sa akin. Maliwanag ba?”

Ilang segundong tinitigan lang ni Sasha ang guwapong mukha ni James bago itinaas ang noo. “Ako ang magdedesisyon kung ano ang mas importante sa akin, James. Whether I want to give up something because I want to be with you more or not is my call.”

Mariing tumiim ang mga labi ni James at mukhang na-frustrate. May pakiramdam siyang i-pu-push nito ang issue na iyon kaya matamis niya itong nginitian at iniba ang usapan. “May oras pa tayo. Gusto mo mag kape?”

Tumaas ang mga kilay nito at halata sa mukha na alam nitong iniiwasan niya ang topic na gusto nito pag-usapan. “Sasha. Seryoso ako.”

“Seryoso rin ako, James.”

Ilang segundong nagtagis lang ang mga paningin nila bago ito frustrated na napabuga ng hangin at kusa nang binuksan ang pinto ng driver’s seat. “Saan tayo magkakape?” tanong pa nito sa resigned na tono.

Tipid na ngumiti si Sasha at marahang isinara uli ang pinto ng kotse. Itinuro niya ang katabing sports club ng venue kung saan ginanap ang charity event. “Nasa loob ang favorite café ko mula pa noong teenager ako. Matagal na akong hindi nakakabisita. Na mi-miss ko na ang kape at pastries nila.” Hinawakan niya ang kamay nito at hinila para maglakad. Hindi ito kumibo pero at least umagapay ito sa paglalakad niya at hinigpitan ang pagkakahugpong ng mga kamay nila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.