Chapter ROYAL ENGAGEMENT CHAPTER 16

“CONGRATULATIONS on your engagement, Prince Roarke.”

Binigyan ni Roarke ng iritadong tingin si Creed na nasa driver’s seat at may hawak na broadsheet. Kahit nasa backseat siya, kitang-kita niya na nakabuklat `yon sa entertainment and lifestyle section dahil nakikikita rin niya ang center spread picture nila ni Nikita.

Na magkadikit ang mga labi.

Damn it!

“Do you find that joke funny?” malamig at iritadong tanong ni Roarke sa Knight niya na biglang nawala ang ngiti.

“No,” mabilis na sagot ni Creed, saka nito sinara ang diyaryo at yumuko sa kanya. “Please forgive my tactlessness, Your Highness.”

Bumuga lang siya ng hangin at sinandal ang ulo niya sa headrest. Ilang minuto na simula nang dumating sila ng Polaris Academy pero hindi pa rin siya makalabas ng kotse. Kinausap na niya ang Knight niya gamit ang French. “Nabasa na kaya ni Cassy ang mga news tungkol sa rumored engagement namin ni Nikita Lao? Worse, nakita na niya kaya ang buwisit na picture na `yon?”

“Puwede ba kong maging honest, Kamahalan?”

“Oo naman.”

“Imposibleng hindi nakita o nabasa ni Lady Hart ang mga picture at news article tungkol sa inyo ni Miss Nikita Lao. Naging trending topic kayo dito sa Pilipinas at sa Elestia. Ang sabi rin ng kapatid kong Knight na naiwan sa bansa natin, malaking balita rin daw ang tungkol sa pagkaka-reveal na nandito pala sa Pilipinas si Princess Cassiopeia.”

Hinilot niya ang sentido na biglang kumirot. “Nararamdaman ko na malapit na kong ipatawag ni Prince Ross o ni King Royale mismo dahil sa mga balita tungkol sa’min ng kakambal ko.”

“Hindi imposibleng mangyari `yan, Mahal na Prinsipe. Parang kapatid na ang turing sa inyo nina King Royale at Prince Ross kaya siguradong nag-aalala sila sa nangyayari sa inyo ngayon.”

Umiling-iling siya para alisin muna sa isipan ang tungkol kina King Royale at Prince Ross. Saka na niya poproblemahin ang mga pinsan niya. Sa ngayon, isa lang ang mahalaga sa kanya. “Pupuntahan ko na si Cassy. Kailangan namin ng privacy kaya `wag mo kong susundan. Huwag kang mag-alala kasi sasabihin ko naman sa’yo kung saan kami pupunta.”

Halata sa mukha ni Creed ang pag-aalinlangan pero tumango rin ito. “Masusunod, Kamahalan.”

Bumaba na si Roarke ng kotse. Alam niyang late na siya at nagsimula na ang mga klase. Sinadya niyang pumasok ng gano’ng oras para hindi na niya kailanganing bumati sa mga schoolmate niya.

Pero sa totoo lang, wala siyang balak mag-aral ngayong araw.

Dumeretso siya sa classroom ni Cassy. Sa hallway pa lang, naririnig na niya ang malakas na boses ni Miss Crisostomo na homeroom adviser ng klase nito. Bago pa magbago ang isipan niya, kumatok na siya sa pinto at pumasok sa loob na halatang ikinagulat ng lahat dahil natahimik ang mga ito at sabay-sabay na napatingin sa kanya.

“I’m sorry to disturb your class, ma’am,” magalang na sabi niya sa teacher na mukhang natauhan naman na.

“Prince Roarke,” bati ni Miss Crisostomo sa kanya. “What brings you here?”

“Cassy Hart,” sagot niya na dahilan siguro ng halos sabay-sabay at malalakas na singhap na narinig niya kaya mabilis siyang nagpaliwanag. “I’m sorry, ma’am, pero puwede ko po bang ma-excuse si Cassy Hart sa klase niyo? May urgent matter lang po kami na kailangang pag-usapan na hindi na makakapaghintay ng lunch break.”

“That sounds really urgent,” parang nag-aalangan na sagot ng teacher, pagkatapos ay may kung sinong tiningnan. “Okay. Pumapayag na ko.”

“Thank you, ma’am.”

Tumango lang ang teacher, pagkatapos ay may kung sino itong nilingon. “Miss Cassy Hart, you’re excused to the class today.”

Nilingon ni Roarke si Cassy na nasa last row, sa tabi ng bintana. Kitang-kita niya ang pagtataka sa mukha nito pero nang magkatinginan sila, gumuhit ang pang-unawa sa mga mata nito. Nabasa ba ng dalaga ang desperasyon niya na makausap ito?

“Thank you, Miss Crisostomo,” magalang na sagot ni Cassy, saka ito tumayo bitbit ang backpack nito at naglakad palapit sa kanya.

Sinalubong niya agad ang dalaga at kinuha mula rito ang backpack nito sa kabila ng pagtutol nito. Sinukbit niya sa balikat ang backpack para hindi na nito maagaw, saka niya hinawakan ang kamay ng dalaga at inakay ito palabas ng classroom.

“Roarke, bitawan mo nga ako,” reklamo ng dalaga no’ng nasa hallway na sila. “Kailangan bang hawakan mo pa ang kamay ko? Nakikita tayo sa mga nadadaanan nating classroom, o.”

“Hayaan mo sila,” sabi lang niya, saka niya ito inakay palabas ng main building.

“Saan ba kasi tayo pupunta?”

Hindi siya sumagot.

Hindi sinagot ni Roarke ang mga tanong ni Cassy hanggang sa makalabas sila ng Polaris Academy. Hanggang sa hindi na ito nagsalita kaya natahimik na lang sila pareho. Pero at least, hindi na rin nito tinangkang bawiin ang kamay mula nito mula sa kanya.

Dumeretso siya sa park kung saan sila unang nagkita ng dalaga dahil naalala niyang may hilera ng mga kainan (o carenderia, ayon sa dalaga) do’n na puwede nilang pag-almusalan. Sigurado naman siya na napagbantaan na nina Creed at Xia ang mga high school gangster na nanggugulo ro’n kaya kampante siyang wala nang manggugulo sa kanila. Isa pa, kaya naman niyang ipagtanggol ang babae kung sakali mang may mang-istorbo sa kanila. Mainit pa naman ang ulo niya.

“Anong gusto mong kainin?” tanong ni Roarke nang makarating na sila sa hilera ng mga carenderia. Medyo maraming tao sa bawat kainan at majority sa mga `yon, mga high school student mula sa ibang school. “Mukhang masarap ang mga food dito since maraming customer.”

“Mag-lugaw na lang tayo,” sagot ni Cassy. Sa pagkakataong `yon, ito naman ang humila sa kanya papunta sa isang carenderia na may pangalang ‘Goto Heaven.’ “Porridge `yon. Kumakain ka naman siguro no’n `no?”

“Sure. Kakainin ko lahat ng ipapakain mo sa’kin.”

“Baliw,” nangingiting sagot nito, saka siya nito binitawan no’ng nasa loob na sila ng carenderia para umupo sa monobloc chair.

Umupo siya sa katabing monobloc chair himbis na sa katapat dahilan para mapatingin sa kanya ang dalaga. “Gusto kitang makatabi ngayon,” paliwanag niya. “Order ka na.”

Tumango lang ang dalaga, pagkatapos ay nag-angat ito ng tingin sa matandang babae na lumapit sa kanila. “Manang, dalawa pong lugaw na may itlog saka isang toge at isang order po ng tokwa’t baboy. `Tapos pagdagdag na rin po ng dalawang canned softdrinks. Salamat po.”

Umalis na ang matandang babae pagkatapos um-order ng dalaga.

Napangiti naman siya dahil natutuwa siya kapag naririnig niyang nag-po-‘po’ si Cassy. Tinuro sa kanya ng dalaga na form of respect `yon sa mga Filipino. Na-adapt na nga rin niya `yon kaya masasabi niyang good influence talaga ito sa kanya.

Nangalumbaba ang dalaga, saka ito lumingon sa kanya. “Roarke.”

“Hmm?”

“Photogenic ka pala?”

Napaderetso si Roarke ng upo at humarap sa kanya. “Cassy, I’m really sorry about that photo. Hindi ko alam na gagawin `yon ni Nikita at mas lalong hindi ko gustong makuhanan pa `yon ng mga reporter at gawan ng false news.”

“False news?”

“Hindi kami ma-e-engage ni Nikita Lao. Baseless ang news na `yon.”

Hindi sumagot ang dalaga dahil dumating na ang order nila. Sa pagkakataong `yon, dalawang mas batang babae naman ang naghain ng mga pagkain at inumin. Dalawang mangkok ng lugaw na may nilagang itlog. At dalawang plato ng mga putahe na hindi pamilyar sa kanya.

“Tokwa’t baboy ang tawag dito,” paliwanag ni Cassy nang umalis na ang mga server at tinuro nito ang isang plato. Pagkatapos, `yong katabi naman niyo. “Lumpiyang toge naman `yan.” Kinuha nito ang bote na may lamang kung anong likido (sawsawan?) at nilagyan nito pareho ang tokwa’t baboy at ang toge. “Suka ito na may sibuyas at ibang pampalasa. Bagay ang side dish na `yan sa lugaw natin.”

Tumango siya at tinikman na ang in-order na mga pagkain ng dalaga. Nagustuhan niya ang mainit na lugaw lalo na no’ng nilagyan ni Cassy ng paminta. Nasarapan din siya sa tokwa’t baboy lalo na sa timpla ng suka. Napangiwi lang siya sa toge dahil hindi siya mahilig sa gulay. Meat person kasi siya. Unhealthy, oo. Kaya nga sa work-out na lang siya bumabawi para maging fit.

No’ng paubos na ang pagkain nila, saka siya muling in-open ang tungkol sa problema nila.

“Cassy, I like you.”

Biglang nasamid si Cassy habang sumisimsim ng softdrinks nito sa straw. Inabutan agad niya ito ng tissue at pinunasan din niya ang natapong likido sa mesa. Nang kalmado na ang dalaga, nilingon siya nito para bigyan ng hindi makapaniwalang tingin. “Sure ka na ba d’yan?”

Kumunot ang noo niya sa pagtataka. “Bakit naman hindi?”

“Simpleng babae lang ako, Roarke.”

“Parang hindi naman,” nangingiting kaila niya. “Wala akong nakikitang simple sa’yo, Cassy. You’re beautiful inside and out and you’re amazing.”

“Hindi ako nakikita ng mundo sa paraang nakikita mo ko.”

Naging seryoso na uli siya. “Ano ba ang mas mahalaga sa’yo, Cassy? `Yong nakikita ng mundo tungkol sa’yo o `yong nakikita ko kapag nakatingin ako sa’yo?”

Namula ang mukha ng dalaga at nag-pout. “Siyempre, mas mahalaga `yong nakikita mo sa’kin. Pero hindi naman gano’n kadaling hindi pansinin ang iniisip ng ibang tao tungkol sa’tin.” Tumalim ang tingin nito sa kanya. “Hindi ko nga alam kung bakit pinoproblema natin `to eh hindi pa naman tayo.”

“Matagal nang tayo, hindi mo lang alam.”

“Huh?”

Nakangiting kinuha ni Roarke ang kamay ng dalaga kung saan nakasuot ang bracelet na binigay niya rito. “Ang ibig sabihin ng bracelet na `to, kine-claim na kita as my future bride.”

Nanlaki ang mga mata ni Cassy at namula ang buong mukha. Pati mga tainga nito, namumula na rin. Mas lalo tuloy itong naging cute sa paningin niya. “Seryoso ka ba?”

Tumango siya. “Ang bracelet na `yan, binibigay lang namin sa mga taong gusto naming protektahan. Kadalasan, binibigay `yan sa mga family member. Pero dahil hindi ka parte ng pamilya ko, nangangahulugan lang `yan na espesyal ka sa’kin. Na girlfriend na ang tingin ko sa’yo.”

“Kaya pala biglang naging extra polite sa’kin ang Knight mo…”

“Hindi ko alam kung pa’no manligaw sa culture niyo pero sa mga Elestian royal, ganito ang paraan namin ng pagpapakita ng affection. I’m sorry kung naging sly ako.” He entwined their fingers together. “Cassy Hart, will you be my girlfriend?”

“Only if you promise you’ll still woo me the Filipino way,” sabi nito. “Kahit sinasagot na kita, kailangan mo pa rin akong ipagpaalam sa parents ko.”

Mabilis naman siyang tumango. “I will court you every single day…” Kumunot ang noo niya nang may maisip siya. “Wait, sinasagot mo na ko? What does it mean?”

Sa wakas, ngumiti na rin si Cassy. “Oo, Roarke. Payag na kong maging girlfriend mo.” Itinaas nito ang mga kamay at pinigilan siya nang akmang yayakapin at hahalikan niya ito. “Hindi mo puwedeng gawin `yan dito. Ayoko ng public display of affection lalo na’t nakasuot pa tayo ng school uniform.”

Mabilis naman siyang bumalik sa puwesto niya. “As you wish, my lady.”

Bumungisngis ito, pero mabilis ding naging seryoso. “Roarke, hindi magiging madali `tong choice natin na maging official, `di ba?”

“It won’t be easy,” pag-amin naman niya habang tumatango-tango, saka niya hinawakan ang mga kamay nito. “But we’ll go through this together, Cassy. Kapag magkasama tayo, hindi magiging gano’n kahirap ang mga pagdadaanan natin. Please trust me.”

Humugot ng malalim na hininga si Cassy na para bang isinama na nito ang lahat ng takot, pagdududa, at panghihina nito sa hanging ibinuga nito palabas ng dibdib. “I trust you, Roarke.” Ngumiti ito at pinisil ang mga kamay niya. “We’ll go through this together.”

“LAGI NA lang naghihintay… Umaasa sa ilang minuto mong mailalalay… Sa relasyong ako lang yata ang nakakaalam… O baka naman sumosobra na ko sa inaasam?” pagkanta ni Blossom sa self-composed song niya habang sinasabayan ng pagkalabit niya sa gitara. Nakaupo siya no’n sa damuhan at nakasandal sa katawan ng paborito nilang Flame Tree ni Koji. `Yon siguro ang dahilan kung bakit mas naging emosyonal siya. Mas lalo kasing naging malungkot ang boses niya kahit sa sarili niyang pandinig. “Handa naman akong umintindi at manatili sa’yong tabi… Pero masama bang humingi ng kasiguraduhan… Na kapag nagbunga na ang `yong mga pinaghirapan… Ay magiging tayong dalawa pa rin sa huli?”

“The lyrics burned me.”

Tumigil siya sa pagkanta at paggitara para mag-angat ng tingin kay Koji. “Hi.”

Halata sa mukha ni Koji ang magkakahalong sakit, guilt, at lungkot. Kilala niya ito kaya madali para sa kanya na mabasa ang mga emosyon nito. “Hello.”

Tinapik niya ang space sa tabi niya. “Sit down.”

Tumango ang binata at umupo sa tabi niya. Napansin agad niya na umupo ito nang may obvisous distant sa pagitan nila. Hindi gaya noon na magkadikit ang mga balikat at braso nila kapag magkatabi.

Nilapag niya muna ang gitara niya sa damuhan at tumingin sa harapan habang iniisip ang mga sasabihin niya. Nakikita niya ang mga Knight– oo, bukod kay Xia– na nakapaligid sa Botanical Park para masigurong walang uninvinted guest na makakalapit sa kanya. Hindi naman magiging ganito ka-tight ang security niya kung hindi lang siya pinagkaguluhan ng mga schoolmate niya kanina.

Nabigla siguro ang mga ito nang malamang siya si Princess Cassiopeia kaya nagkagulo ang mga ito at nag-unahan sa pagtatanong sa kanya kung totoo ang lumabas na news nitong weekend.

“My secret is exposed,” pagbasag ni Blossom sa katahimikan. “Alam na ng lahat na ako si Princess Cassiopeia.”

“Yeah. Kalat na nga `yong balita, lalo na dito sa Polaris Academy.”

“Hindi ka na nagulat.” Nilingon niya ang binata at binigyan ng nag-aakusang tingin. “Matagal mo na ngang alam na ako ang prinsesa.”

Sa pagkakataong `yon, nagulat na ang lalaki. “Alam mo na…”

“Sinabi na sa’kin ni Mommy,” pagkumpirma naman niya. “Nakipag-deal ka raw sa kanya.”

Bumuntong-hininga ito at tumango. “I did. I had to do it, Blossom. Ayokong magkaro’n ng utang sa mommy mo dahil gusto kong makita niya na deserving ako sa’yo. Pero hangga’t may utang ako sa kanya, hindi magbabago ang tingin niya sa’kin.”

“Hindi naman utang `yon,” giit niya. “Binayaran ni Mommy ang titulo at mga utang niyo bilang pasasalamat sa pagliligtas mo sa’kin at kay Chase na rin.”

Ngumiti ito ng mapait habang iiling-iling. “Naniniwala ka ba talagang `yan lang ang dahilan ni Madam Serranilla para gawin `yon?” Nang hindi siya sumagot, nagpatuloy ito. “Blossom, alam ng mommy mo ang tungkol sa closeness natin. Ginamit niyang chance `yon para ipakita at iparamdam sa’kin na hindi kita deserve. Naiintindihan ko naman kasi prinsesa ka at hindi bagay sa’yo ang tulad ko lang. That’s why your mother jumped at the first opportunity to make me stay away from you.”

Nag-iwas siya ng tingin. Masama ang loob niya sa mommy niya pero nasasaktan pa rin siya na para bang lumalabas itong masamang tao sa paningin ng iba. Lalo na kay Koji. “Tell me more about the deal,” pag-iiba na lang niya ng usapan. “Hindi ko alam kung dapat ko bang pagkatiwalaan si Mommy kaya sabihin mo sa’kin ang side mo.”

“I asked Madam Serranilla to make a deal with me,” pagsisimula ni Koji sa usual nitong straight to the point approach. “Sinabi ko sa kanya na ibabalik ko sa kanya ang lahat ng ipinambayad niya sa titulo at mga utang namin. Kapag nagawa ko `yon, papayagan niya kong i-date ka.”

“Sinabi ni Mommy na pumayag siya pero ang kapalit, lalayuan mo ko sa ngayon. Na hindi mo ko puwedeng ligawan o i-date hangga’t hindi ka pa successful man. Totoo ba `yon?”

Nakita niya sa gilid ng mga mata niya ang pagtango nito. “Ayon kay Madam Serranilla, wala pa raw akong karapatang tumabi man lang sa’yo. `Yon lang ang kondisyon niya para tanggapin ang deal na ginawa ko kaya wala akong choice kundi ang sundin `yon. Kaya napilitan akong lumayo sa’yo.”

“That’s so ridiculous, Koji,” mapait na sabi ni Blossom. `Yon din ang narinig niya mula sa mommy niya. “Don’t get me wrong. Naniniwala ako na magagawa mo ang deal niyo kasi naniniwala akong magiging successful ka someday. Pero alam ko rin na matatagalan pa ang pagdating ng araw na `yon. Mag-ka-college ka pa, eh. Five years ang Civil Engineering. Hindi ka magiging successful agad. `Yon ang kinakatakot ko. Pa’no kung magbago ang feelings natin? Worse, may makilala tayong iba?”

“Kung mangyayari `yon, mangyayari `yon kahit magkasama tayo,” katwiran ni Koji. “Blossom, look at me. Please.”

Nilingon naman niya ang binata. Nakita niya ang sincerity at paghingi ng unawa sa mukha nito. “What?”

“You know me,” sabi nito. “Alam mo na kapag naka-set na ang isip ko sa isang bagay, hinding-hindi na magbabago ang plano ko. I’m very goal-oriented.”

“I know,” sagot niya, nakangiti ng malungkot. “Kaya nga no’ng nagdesisyon kang layuan ako, ginawa mo talaga at hindi nagbago ang isip mo kahit ano pa ang gawin ko.”

Tumango ito, pero may sakit sa mga mata. “Blossom, nagdesisyon na kong ikaw ang gusto kong makasama sa huli. Pero nagdesisyon din ako na i-pe-pursue lang kita kapag successful na ko. Patutunayan ko sa’yo, sa sarili ko, at sa mommy ko na deserve kita. But right now, I don’t have the courage to stand beside you so I’m letting you go.”

“That’s a very selfish decision, Koji. Pa’no kung maging successful ka sa time na may nakilala na kong ibang lalaki? O kapag nagbago na ang feelings mo for me?”

“Sigurado ako na kapag nakita uli kita pagkatapos ng maraming taon, i-pu-pursue pa rin kita.”

“You’re a rock, Koji.”

Ngumiti ito ng malungkot. “So I have been told.”

“I love writing songs about you. Pero ngayon ko lang na-realize na lahat pala ng kantang sinulat ko para sa’yo, malulungkot. If I’m not singing about how I wanted more from you, kumakanta naman ako tungkol sa sadness at loneliness na nararamdaman ko kahit magkasama na tayo.” Ngumiti siya ng malungkot at marahang hinaplos ang gitara niya. “I thought my being stubborn will pay off. I thought my unwavering feelings will move a rock like you. But I was wrong. You are immovable, Koji Takishima.”

“I am sorry, Blossom,” mukhang sinsero namang sabi nito. “Life made me this jaded so early. I want to give in to you but my desire to succeed is my top priority right now.”

“I will stop writing sad love songs about you. For you. I won’t wait anymore.”

“I won’t ask to wait for me. That would be very, very selfish.” Kinulong ni Koji ang mukha niya sa mga kamay nito. “But before I let you go, let me…”

Hindi na ito nagkaro’n ng pagkakataong matapos ang sinasabi dahil hinila na niya ang kuwelyo nito para magdikit ang mga labi nila. Pero hindi gaya no’ng unang beses, mas matagal at mas malalim ang halikan nila na `yon. Kung aaminin siya, sasabihin niyang ‘passionate’ na `yon para sa first kiss nila.

First and last kiss, perhaps.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.