Chapter ROYAL ENGAGEMENT CHAPTER 17

NAPANGITI agad si Brooklyn nang makita si Cassiopeia kahit pa kasama nito si Chase Serranilla at ang personal Knight na si Xia. Kumalma na ang mga estduyanteng muntik nang mang-mob sa prinsesa kaya siguro naging lowkey na rin ang mga Knight na nakapalibot dito kanina.

Nang lumakad siya papunta sa prinsesa niya, hinarangan agad siya nina Xia at Chase na parehong masama ang tingin sa kanya. Hindi naman siya na-intimidate kahit hindi niya kasama ang Knight niya dahil confident siya sa skills niya na protektahan ang sarili.

Kung ibang pagkakataon lang `yon, baka napikon na siya at hinamon ng away ang Knight at ang lalaking Serranilla. Pero maganda ang mood niya dahil sa prinsesa. Hindi siya papayag na masira ng kahit sino ang magaang na pakiramdam na ngayon niya lang uli naranasan.

“I just want to talk to the princess,” nakangising sabi ni Brooklyn, kay Cassiopeia lang nakatingin. “Princess Cassiopeia, I have something to show you. Please come with me.”

Halata ang pagsimangot at pagtutol sa mukha nina Xia at Chase pero wala siyang pakialam dahil hindi ang mga ito ang magdedesisyon tungkol sa bagay na `yon.

“Okay,” sagot ni Cassiopeia sa matamlay na boses. “I’ll go with you.”

“Sigurado ka ba, Blossom?” kunot-noong tanong dito ni Chase na medyo naiintindihan na niya dahil sineseryoso na niya ang Filipino class niya. “Kinidnap ka ng lalaking `yan.”

“I’m fine,” sabi ng prinsesa kay Chase bago nito nilingon si Xia. “I want private time with Prince Brooklyn so don’t follow us. Don’t worry– he won’t hurt me.”

Halata sa mukha ni Xia ang pagtutol pero wala naman itong nagawa nang lagpasan na ni Cassiopeia maliban sa magalang na pagyukod.

Napangiti naman si Brooklyn nang tumingin sa kanya ang prinsesa niya. In-offer niya ang braso niya rito pero tiningnan lang siya nito at nauna nang maglakad. Hindi naman siya nainsulto o nainis. Natawa lang siya, saka siya mabilis na sumabay ng lakad dito. Kinausap niya ito sa French. “Masaya ako na may tiwala ka sa’kin, Princess Cassiopeia. Nararamdaman mo bang sincere ako sa feelings ko for you?”

“Hindi ko alam,” sagot nito sa French gamit ang matapat pero malungkot na boses. “Naaalala ko lang siguro ang childhood memories natin kaya kahit palaaway at bastos ka na, malaki pa rin ang tiwala ko sa’yo. Sweet at mabait ka sa’kin no’ng mga bata pa tayo kaya siguro pakiramdam ko, hindi mo ko kayang saktan.”

“Totoo naman `yon,” pagsang-ayon niya. “Sa’yo lang ako nakakaramdam ng urge na protektahan ka. I care so much about you, Princess Cassiopeia.”

“Well, thanks.” Kunot-noo siya nitong nilingon. “Saan nga pala tayo pupunta?”

He led the way this time. Dinala niya ang prinsesa sa art room ng main building. Hindi naman buong araw ang Filipino class niya kaya kapag may libreng oras siya habang hinihintay matapos ang mga klase ni Cassiopeia, nagpupunta siya sa lugar na `yon para mag-unwind. Naisipan niyang mag-paint uli nitong nakaraan dahil inspired siya.

“Huwag kang magugulat, Mahal na Prinsesa,” playful na sabi ni Brooklyn habang naglalakad palapit sa canvas na tinakpan niya ng puting tela. “Baka bigla kang mag-propose ng kasal sa’kin kapag nakita mo `tong masterpiece ko.”

Napansin niyang bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi ni Cassiopeia na para bang naaliw ito sa mga sinabi niya pero pinigilan naman nito ang pagngiti. “Siguraduhin mong magugustuhan ko `yan,” playful na biro naman nito, saka ito umupo sa ibabaw ng mesa na nasa tapat ng canvas. Pagkatapos ay humalukipkip ito at binigyan siya ng nagdududang tingin. “Kapag hindi ko `yan nagustuhan, hindi na kita papansinin kahit kailan.”

Tinawanan niya lang `yon dahil imposibleng mangyari `yon. Hinawakan niya ang dulo ng puting tela at ngumisi siya sa prinsesa. “Ready?”

Tumango ito. “Ready.”

Hinila niya ang puting tela hanggang sa tumambad na ang masterpiece niya.

The painting’s subject was his muse, of course. Sa canvas na `yon, nakapinta ang magandang imahe ni Cassiopeia habang nakaupo ito sa loob ng pavilion at nag-gi-gitara. Napapaligiran ito ng mga dilaw na bulaklak na ‘yellow belle’ daw ang itawag nang i-research niya. Oo, ang ipininta niya ang araw na nakita niya ang prinsesa na umiiyak habang tumutugtog ng gitara sa pavilion na napapaligiran ng matitingkad na dilaw na mga bulaklak ng yellow belle tree.

Pero sa painting niya, nakangiti ang prinsesa. Hindi niya ito kayang ipinta nang umiiyak dahil mas gusto niya ang ngiti nito. Maganda pa rin ito kahit umiiyak pero hindi niya gusto na nalulungkot ito. Kaya ipininta niya ang masigla at nakakahawa nitong ngiti na matagal na niyang hindi nakikita.

“Watercolor ang ginamit ko sa pagpinta,” paliwanag ni Brooklyn, hindi makatingin sa prinsesa dahil natatakot siyang makita ang reaksyon nito. Nagyayabang lang naman siya para pagtakpan ang kaba niya. Pero ang totoo, natatakot siya at hindi confident dahil matagal-tagal na rin simula no’ng huling beses siyang nagpinta. “Alam kong hindi ma-ja-justify ng painting ko ang kagandahan mo pero–”

“I love it.”

Mabilis siyang nag-angat ng tingin sa prinsesa na hindi niya namalayang nakatayo na pala sa harap ng painting niya. Titig na titig ito sa makulay na canvas at sa wakas, nakangiti na ito. Pagkatapos ng maraming araw na nakikita niya itong malungkot, pinagbigyan din siya nito na makita ang isa sa mga pinakapaborito niyang bagay sa lahat– ang ngiti nito. “Talaga? Nagustuhan mo ang painting ko?”

Nilingon siya ni Cassiopeia at mas lalong lumuwang ang ngiti nito. “Oo naman, Prince Brooklyn. Ang ganda-ganda kaya ng painting mo. At hindi ko `to sinasabi dahil lang ako ang subject, ha?”

Napangisi siya dala ng relief. “Masaya ako na nagustuhan mo ang painting ko, Princess Cassiopeia. Ikaw ang iniisip ko habang pine-paint ko `yan. Kaya nga kung tatanggapin mo, buong-puso ko ibibigay sa’yo ang painting para maalala mo ko kapag nakikita mo `yan.”

Medyo kumunot ang noo nito na parang may naalala. “Pero bakit nakangiti ako sa painting? Kung tama ang hinala ko, nabuo mo ang image na `yan nang makita mo kong tumutugtog ng gitara sa pavilion, `di ba? Kung tama rin ang pagkakaala ko, umiiyak ako no’n.”

“Gusto kong ipaalala sa’yo kung ga’no ka kaliwanag tingnan kapag nakangiti ka para ma-realize mo na kahit malungkot ka ngayon, makakabawi ka rin at magiging masaya uli.”

Napansin niyang naging emosyonal ito pero halatang nagpigil din sa pamamagitan ng pagiling-iling. “Nakaka-touch naman ang mga sinabi mo, Prince Brooklyn. You just said the words I needed to hear right now.” Sa pagkagulat niya, ipinatong nito ang kamay sa balikat niya. “Salamat, ha? Hindi lang para sa painting. Thankful din ako na napagaang mo ang loob ko ngayon.”

Napatingin siya sa kamay ng prinsesa sa balikat niya, pagkatapos ay sa mukha ng prinsesa. Akala niya ay sasabog na ang puso niya sa sobrang saya dahil ito ang unang pagkakataon na hinawakan siya nito. “Princess Cassioepia, magpakasal na tayo. Hindi kita inaayang pakasalan ako para maging permanente ang posisyon ko bilang prinsipe. Ginagawa ko `to dahil gusto talaga kitang makasama bilang asawa. Mga bata pa lang tayo, gusto na kita. Mas malalim na ang damdamin ko para sa’yo ngayon. Kaya sana, pag-isipan mo ang marriage proposal ko sa’yo.”

“Bukod sa pagpapakasal sa’kin, ano pa ang gusto mong gawin sa buhay, Prince Brooklyn?”

Natigilan siya dahil sa tanong ng prinsesa. Ano pa ba ang gusto niyang gawin bukod sa pagpapakasal dito? Wala na siyang maisip dahil lahat ng kailangan niyang gawin sa oras na matupad ang kagustuhan ng mommy niya na maikasal siya kay Cassiopeia, hindi na niya gusto. Responsibilidad na lang ang lahat ng `yon na nagpapabigat sa kalooban niya.

Pero kung siya ang tatanungin, ano nga ba ang gusto niya sa buhay?

Ngumiti ng malungkot si Cassiopeia. “Hindi mo rin alam ang gusto mong gawin sa buhay, Prince Brooklyn. Pareho pala tayo.” Inalis nito ang kamay sa balikat niya para humalukipkip. “Nakilala ko agad si Koji no’ng unang taon ko pa lang dito sa Polaris Academy. Wala na kong ibang ginusto simula no’n kundi ang makasama siya. Pinaikot ko sa kanya ang mundo ko kasi naniniwala ako noon na magiging kami rin sa huli. Akala ko, magiging fairytale ang love story namin. Magpapakasal kami, magkakaro’n ng mga anak, at mabubuhay ng masaya habambuhay.” Umiling-iling ito. “Pero na-realize ko na masyado pa pala akong bata para isipin agad ang pagkakaro’n ng pamilya. Masyado pang maaga para ihinto ko ang pag-grow ko bilang individual. Masyadong malaki ang mundo para paikutin ko sa isang tao lang.” Umiling-iling ito. “Ma-re-realize mo rin `to, Prince Brooklyn. Hindi ako ang finish line. Alam kong genuine ang feelings mo para sa’kin. Pero hindi ko `yan matatanggap dahil bukod sa hindi tayo pareho ng nararamdaman, gusto ko ring i-explore muna ang lahat ng opportunities na darating sa buhay ko. Gano’n ka rin dapat. Hindi lang tayo mga royalty, Mahal na Prinsipe. Teenagers tayo na marami pang makikita at matututunan sa mundong ito. Samantalahin natin ang youth natin.”

Hindi siya nakapagsalita o nakapag-react man lang dahil aminin man niya o hindi, tinamaan siya sa mga sinabi ng prinsesa. Sa tanong pa lang nito kanina, parang bigla nang nag-malfunction ang utak niya. Na-realize kasi niya na bukod sa paghahabol kay Cassiopeia, kinakainisan na niya ang lahat ng ginagawa niya sa buhay niya kaya siguro siya naging bugnutin at galit sa mundo.

May kumatok sa pinto bago `yon bumukas.

“Princess Cassiopeia at Prince Brooklyn, pasensiya na sa istorbo,” magalang na sabi ni Xia sa French, saka ito yumukod. Pagkatapos ay natutok na ang atensiyon ng Knight sa prinsesa. “Mahal na Prinsesa, ipinapatawag ka ni Prince Roarke. Kailangan ka raw niyang makausap ngayon.”

“Sige, hintayin mo na lang ako sa labas,” sagot ni Cassiopeia bago i-dimiss ang Knight. Nang mawala na si Xia, saka siya nilingon ng prinsesa. “Prince Brooklyn, pasensiya ka na pero kailangan ko nang umalis. Maraming salamat sa painting. Ipapakuha ko `yan kay Xia mamaya.”

Tumango siya. “Walang problema, Princess Cassiopeia. See you around.”

Ngumiti lang ang prinsesa, pagkatapos ay umalis na ito.

Naiwan naman si Brooklyn sa art room. Ewan ba niya pero bigla siyang hindi mapalagay dahil sa mga na-realize niya kanina. Kung hindi pa tumawag ang mommy niya, hindi pa siguro siya matatauhan. “Yes, Mommy?” bati niya nang sagutin niya ang tawag ng kanyang ina.

“Hi, son,” bati ng mommy niya, saka ito nag-switch sa French. “Kumusta ang plano natin?”

“Tinanggihan ni Princess Cassiopeia ang marriage proposal ko,” pagbabalita naman ni Brooklyn. Pero sa kabila ng mapait na katotohanang `yon, hindi pa rin masama ang loob niya. Dahil sa nangyari kanina, naramdaman niyang naging malapit sila ni Cassiopeia sa isa’t isa. Kaya pa niyang mas lumapit pa sa dalaga. “But I’m fine. Hindi ako susuko hangga’t hindi ko siya napapa-oo.”

“Ako nang bahala, anak,” deklara naman ng mommy niya sa cold nitong boses. “May naisip na kong paraan para mapilitan si Princess Cassiopeia na pakasalan ka.”

“WHY DON’T we ask Nikita to join us for dinner?”

Natigilan si Roarke sa pagtatali ng lintik na kurbata dahil sa tanong ng mommy niya na nakasilip sa nakabukas na pinto ng kuwarto niya. Napabuga siya ng hangin habang iiling-iling, saka niya ipinagpatuloy ang ginagawa. “Why don’t I just go back to the academy?”

Tuwing weekend ay umuuwi siya sa bahay ng mommy niya para makasama ito. Kasama niyang umuwi si Cassiopeia kanina. Ngayong alam na ng lahat na ito ang prinsesa, wala nang dahilan para itago nila ang kakambal nila. Kaya nagdesisyon silang mag-dinner sa paborito nilang restaurant.

Pero kung isasama ng kanyang ina si Nikita Lao, tatakas talaga siya at babalik na lang sa dorm. O makikitulog sa bahay ng mga magulang ni Cassy. Well, baka naman makalusot ang charm niya.

“Alam ko kung ano ang ginagawa mo, Mommy,” maingat na sabi niya habang nakatingin sa mommy niya mula sa full-length mirror sa harap niya. “I won’t marry Nikita Lao.”

“I’m not forcing you to marry Nikita. I’m just urging you to consider her.”

“I’m dating Cassy Hart, Mom,” seryosong deklara niya.

“I know,” sagot naman nito sa hindi nagbabagong posture nito– cold at istrikto. “Pero sigurado naman akong hindi rin magtatagal ang relasyon niyo ni Cassy Hart. Hindi kakayanin ng isang tulad niya ang maging asawa ng isang prinsipe. Wala siyang alam sa mundo ng mga gaya natin.”

“Stop classifying people based on social ranking, Mom,” iiling-iling na saway niya sa kanyang ina. “Cassy Hart is a good person and her feelings are genuine. Hindi `yon magbabago kahit kino-consider mo siya na bagsak sa standards mo.”

“You’re not staying here for good, Roarke.”

Natigilan siya. `Yong bagay na iniiwasan muna niyang isipin, walang kaabog-abog na pinaalala sa kanya ng mommy niya.

“You’ll soon be leaving,” pagpapatuloy ng kanyang ina. “University of Elestia, remember? Huwag mo sanang kalimutan na nandito ka sa Pilipinas para i-convince si Cassiopeia na bumalik sa Elestia para makapag-entrance exam kayo sa UoE. Hindi ka masusundan ni Cassy Hart sa bansa niyo.”

“What if I just stay here for good?” Hinarap ni Roarke ang mommy niya na halatang nagulat dahil nanlaki ang mga mata nito. “Mommy, what if I choose to live in the Philippines for Cassy?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.