Chapter ROYAL ENGAGEMENT CHAPTER 22

HINDI INAASAHAN ni Blossom na darating nga ang daddy niya dahil lang ‘ipinatawag’ niya ito at mas lalong hindi niya inaasahan na pupuntahan siya nito sa bahay ng mommy niya.

Alam niyang kaninang umaga pa ito nasa Pilipinas dahil laman ng news ang pagdating nito. Aware din siya na kagagaling lang nito sa Malakanyang para bumati sa presidente. Ang hindi niya in-expect ay ang pagderetso nito sa kanya ng gabing `yon. Sa pagkakaalam kasi niya, bukas pa sila magkikita sa five-star hotel kung saan ito nag-i-stay.

“Nagulat ka ba sa pagdating ko, Princess Cassiopeia?” tanong ng daddy niya sa French no’ng nag-tsa-tsa sila sa veranda ng third floor ng mansiyon kung saan matatanaw ang kabuuan ng village. Mas maganda `yong tingnan dahil sa nagliliwanag at makukulay na mga ilaw mula sa naglalakihang bahay sa paligid. “Alam kong bukas mo pa inaasahan ang pagkikita natin pero naisip ko na mas makakabuti kung mag-usap na tayo ngayong may libreng oras ako.”

Para makauwi ito agad sa Elestia, siyempre.

Maingat na binaba ni Blossom ang tasa sa pabilog na mesang nakapagitan sa kanila ng kanyang ama habang pinagmamasdan niya ito.

Her father was a full-blooded Elestian. Mas mukha itong stiff at cold kaysa sa kapatid niyang prinsipe. Hindi nga niya maalala kung kailan niya ito huling nakitang ngumiti. Hindi naman kasi talaga affectionate ang mga Elestian royalty dahil may imahen iniingatan ang mga ito. Pero dahil siguro sa dugong-Filipino nila ng kakambal niya kaya mas warm sila kaysa sa ibang member ng royal family. Maging si Prince Ross na may Filipina fianceé ay mas cheerful kaysa sa kapatid na si King Royale.

“Alam kong busy ka, Daddy, kaya dederetsahin na rin kita,” magalang na sabi ni Blossom dahil alam naman niyang mas prefer ng kanyang ama ang ganitong usapan gamit ang French. Kaya nga hindi na ito nag-abalang kumustahin siya kahit matagal silang hindi nakita. Sigurado siya na bago pa ito pumuntang Pilipinas ay nabasa na nito ang full report ng insidenteng nangyari sakanya at sapat na `yon para hindi na ito magtanong. “Gusto kong malaman kung ipinagkasundo mo ba ko kay Brooklyn Sprouse para lang masigurong magiging prinsipe ang kuya ko. Mas mahalaga ba siya sa’yo kaya nagawa mo kong i-sell off para lang magkaro’n ng titulo ang anak mong lalaki?”

Sumimsim muna ng tsa ang daddy niya na parang nag-iisip ng isasagot. Nang maingat nitong ibaba ang tasa sa mesa, saka ito nagsalita. “Ginawa ko `yon dahil desperado akong bigyan kayo ng titulo pero hindi sa dahilang iniisip mo. I did it for your mom.”

Kumunot ang noo niya sa pagtataka. “For Mom?”

“Oo, para kay Margarette,” tumatango-tangong kumpirmasyon ng ama. “Alam kong dumaan sa phase ang mommy mo kung kailan sinisisi niya ang pagiging ‘commoner’ niya kaya walang kasiguraduhan ang pagiging prinsipe at prinsesa niyo no’ng ipinagbubuntis pa lang niya kayo. No’ng panahon na `yon, sinusunod ng kapatid kong hari ang lahat ng sinasabi ng kapatid naming si Romano kaya lumapit ako sa tiyuhin mo. Si Romano ang nag-suggest sa dating hari na ipasuko sa’kin ang karapatan ko sa trono kapalit ng titulo niyong magkapatid. Pumayag ako dahil wala akong interes maging hari at mas mahalaga kayo kaysa sa pagiging tagapagmana ko. Isa pa, malayo naman ang bilang ko sa pagiging tagapagmana dahil ang kapatid kong hari, may dalawang anak na lalaki kaya noon pa man, hindi na ko umasa sa trono. Pero iba pala ang pag-iisip ng kapatid kong si Romano.

“No’ng panahong din `yon, bagong-kasal lang siya kay Lady Beatrice na may anak nang lalaki. Pero gaya ko, alam ni Romano na wala ring kasiguraduhan na magiging permanente ang pagiging prinsipe ng stepson niya. Naging official prince lang naman si Brooklyn no’ng naagaw niya ang monarkiya dahil sa kasamaan niya. Kinailangan niyang gawing official na prinsipe si Brooklyn Sprouse dahil ito lang ang tagapagmana niya dala nang kawalan niya ng kakayahang magkaro’n ng sariling anak. Para mas pagtibayan ang titulo ng stepson niya, naisip niya na magagamit niya ang anak kong prinsesa balang-araw. Kaya nabuo namin ang kasunduang `yon.”

“Naisip niyo na gagaang ang pakiramdam ni Mommy kung magiging prinsipe at prinsesa kami ni Roarke? Kaya isinakripisyo niyo ko?” paghihinanakit niya.

“I am sorry,” mukhang sinsero naman ng sabi ng kanyang ama. Ngayon niya lang ito narinig na humingi ng tawad sa kanya. “I might have done it for your mother but it doesn’t change the fact that it was a bad decision. Hindi ko naisip no’ng panahong `yon na lalamunin ng kasamaan at kasakiman si Romano na magtutulak sa kanya na patayin ang kapatid naming hari at ang sister-in-law naming reyna. Pinagtangkaan pa niya ang buhay ng mga pamangkin naming nakatakdang magmana ng trono.” Bumuga ito ng hangin habang iiling-iling. “Kung alam ko lang, hinding-hindi kita ipagkakasundo sa anak ng isang kriminal. Kahit kapatid ko pa ang kriminal na `yon.”

Humugot si Blossom ng malalim na hininga. Naiintindihan na niya ang kanyang ama. Ginawa nito ang kasunduan na `yon dahil sa pagmamahal nito sa kanyang ina at para masiguro ang kinabukasan nila ng kanyang kakambal. Pero siyempre, hindi pa rin niya naiwasang masaktan kahit humingi na ng tawad ang daddy niya. “Daddy… bakit hindi mo ko kinakamusta at dinadalaw ng madalas?”

“Dahil ayokong magkaro’n ng maraming alaala na ma-mi-miss ko lang kapag hindi na tayo magkasama.” Binigyan siya nito ng apologetic na ngiti. “Ayokong maging makasarili at agawin ka sa mommy mo. Nagkasundo kaming itatago ka para mailayo kay Brooklyn Sprouse. Alam kong iniisip mo na cold ako at walang pakialam sa ibang tao. Pero simula nang nakilala ko ang mommy mo, nagkaro’n na ko ng pakiramdam. Itinuro niya sa’kin ang family values na distinct sa mga Filipino. `Yon nga lang, matagal na siyang wala sa tabi ko kaya nakalimutan ko na yata kung pa’no i-e-express sa tamang paraan ang damdamin ko.” Bumuga ito ng hangin habang iiling-iling. “My princess Cassiopeia, I miss you. Whether you believe it or not, your father loves you. You and your brother are the only things that matter most to me aside from your mother.” Hinawakan nito ang kamay niya na nasa ibabaw ng mesa. “My princess, I’m so sorry for hurting you.”

Nangilid ang mga luha niya. Kahit gusto niyang magmatigas at ipakita sa daddy niya kung ga’no siya nasaktan sa mga nalaman niya, hindi na niya magawa dahil alam niya kung ga’no ka-rare ang moment na `yon. Kaya hindi man niya aminin ng malakas, sa pag-iyak pa lang niya ay alam na niyang naramdaman ng ama niya ang pagpapatawad niya. “Daddy, gusto mo ba talagang bumawi sa’kin?”

Tumango ang daddy niya. “Oo naman, Princess Cassiopeia.”

“Be kind to my Kuya, Daddy,” pakiusap ni Blossom sa gentle na boses. Alam niyang nakarating na sa kanilang ama ang relasyon ni Roarke kay Cassy. Brokenhearted na siya kaya hindi siya papayag na bumalik ng Elestia ang kakambal niya na durog din ang puso. “Please let him stay with Cassy Hart.”

PARANG robot si Cassy habang kasabay kumain ng lunch si Prince Reynold sa cafeteria ng Polaris Academy. Sa totoo lang, hindi siya makapaniwala na kasama niya ngayon ang matandang prinsipe. Alam naman niyang dumating ito sa Pilipinas dahil bukod sa nabalitaan niya `yon sa TV, sinabi rin sa kanya ni Roarke sa huling text sa kanya ng binata na kasama nito sa pag-uwi ang ama.

Ang hindi siguro niya inaasahan ay ang pagdating ni Prince Reynold sa Polaris Academy at puntahan siya sa classroom niya para sabihing gusto nitong malaman kung totoong the best ang cafeteria ng school nila sa buong Pilipinas. Sino siya para tumanggi? At mukhang wala ring nagawa ang teacher niya kundi payagan siya kahit maaga pa ng isang oras bago ang lunch time.

Kaya heto, bukod sa mga staff ng cateria ay silang dalawa pa lang ng matandang prinsipe ang kumakain do’n. Nasa tabi sila ng salaming dingding kaya natatanaw niya sa labas ang mga Knight nito na nakakalat sa buong canteen.

“I must say that the food is great,” pagbasag ni Prince Reynold sa katahimikan pagkatapos nitong uminom ng tubig sa baso sa eleganteng paraan. Tinuro pa nito ang plato beef ribs with sweet-and-sticky sauce na main dish ng cafeteria ng araw na `yon. “I believe the rumors now.”

Ngumiti siya, na-relieve na mukhang nagsasabi naman ito ng totoo. Sa katunayan niyan, ang bigat ng presensiya ng matandang prinsipe. Ngayong kasama niya itong kumain, pakiramdam niya ay nasa isang five star restaurant siya himbis na sa isang simpleng school cafeteria lang. “I’m glad you liked it, sir. Matutuwa ang mga staff ng cafeteria kapag narinig nilang…” Unti-unti siyang natigilan nang na-realize na baka hindi marunong mag-Tagalog ang matandang sorry. “Oh, sorry… I mean–”

“`Wag kang mag-alala dahil nakakaintindi at nakakapagsalita ako ng Filipino,” sabi naman ni Prince Reynold. “Mahigit isang dekada rin kaming nagkasama ni Margarette noon kaya imposibleng hindi ko matutunan ang pag-ta-Tagalog. Isa pa, kumuha rin ako ng Filipino lesson noon kasama ang mga anak namin.”

Natawa siya ng mahina dahil may hint ng pagbibiro ang boses nito. Saka natawa talaga siya nang na-imagine niya itong kasama ang child version nina Roarke at Blossom habang nag-aaral ng Filipino language. “Ang cute niyo po siguro no’ng nag-aaral kayo kasama sila.”

Napasin niyang medyo kumunot ang noo nito. “‘Cute?’ Ngayon lang may tumawag sa’kin ng cute.”

Mabilis nawala ang ngiti niya at mabilis tinampal-tampal ang bibig. “I’m so sorry, sir.” Akala niya ay malalagot na talaga siya kaya nagulat siya nang tumawa si Prince Reynold. Mahina pero buung-buo ang boses nito sa pagtawa na para bang aliw na aliw ito sa kanya. Kaya hayun, hindi na naman niya napigilan ang sarili sa pagsasalita. “Kamukha niyo po si Roarke kapag nakatawa kayo.”

Nangiti ito habang iiling-iling. “Hindi `yan magugustuhan ni Roarke kapag narinig niya.”

Siya naman ang natawa ng mahina.

“Mukhang nakikita ko na kung bakit nagustuhan ka ng anak kong prinsipe.”

Naging seryoso na siya at hinintay ang sunod na sasabihin ng matandang prinsipe. Inasahan naman niyang ito ang dahilan kung bakit gusto siyang makausap at makasabay kumain ni Prince Reynold ngayon. The struggle is real kapag real-life prince ang boyfriend mo.

“Cassy Hart, hindi naging madali ang pagsasama namin ni Margarette noon dahil hindi siya Elestian at hindi rin isang royal,” seryoso nang pagsisimula nang matandang prinsipe. “Mas mahihirapan kayo ni Roarke ngayon dahil hindi ka nagmula sa mayamang angkan dito sa Pilipinas. Alam mo naman `yon, hindi ba?”

Tumango si Cassy, tinitibayan ang dibdib niya. Kailangan niyang ipaalala sa sarili na hindi siya puwedeng bumitiw. Wala sa school si Roarke (at Blossom) ngayon dahil ang sabi ng lalaki, kakausapin naman ng magkapatid si Madam Serranilla tungkol sa future nila. Hindi niya alam kung ano eksakto ang ibig sabihin niyon. Mukhang sinamantala ng matandang prinsipe ang pag-absent ng anak nito para makausap siya. “Alam ko po na hindi ko deserve si Prince Roarke. Pero nagdesisyon po ako na mag-stay kasama siya. Gagawin ko po ang lahat para maging karapat-dapat para sa anak niyo. Hindi man po ako nagmula sa mayamang angkan, tinuruan naman po ako ng mga magulang ko ng magandang asal kaya makakasiguro po kayong hindi ko ipapahiya ang prinsipe. Wala man po akong mayamang pamilya na maipagmamalaki sa inyo, masisiguro ko naman po na `yong values na tinuro nila sa’kin, ibabahagi ko kay Roarke para maging mas mabuting individual siya at hindi lang isang prinsipe. Hindi ko po sinasabing hindi okay ang prinsipe ngayon. But we’re aiming to help each other grow better.”

Hindi nagbago ang pagiging formal at seryoso ng mukha ng matandang prinsipe. “You want my son to grow as an individual, huh?”

Tumango siya. “Yes, sir. Alam ko naman po na kahit seryoso na po ang relasyon namin ni Roarke eh may mga responsibilidad kami na kailangang gampanan. Gaya po ng pag-aaral at pagtatapos ng college. Hindi naman po namin kailangang paikutin ang mundo namin sa isa’t isa dahil kahit magkasama po kami ay may kanya-kanya pa rin kaming buhay.”

“Then why did my son say he would give up University of Elestia to stay here for good?”

Understatement kung sasabihin ni Cassy na nagulat siya. Walang sinasabi sa kanya si Roarke tungkol sa bagay na `yon! “Pardon, sir?”

Bumuga ng hangin si Prince Reynold habang iiling-iling. “Sinabi sa’kin ni Roarke na dito na siya titira sa Pilipinas para makasama ka, Cassy Hart.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.