Chapter 66

"N-NASAAN ako?"

Iniligid ni Sahara ng paningin sa paligid. Pupungas-pungas siyang lumingun-lingon at pinakiramdaman ang sarili. Pinilit niyang maupo sa malawak na kama pero hindi niya iyon magawa dahil parang binibiyak ang ulo niya sa sobrang sakit. Idagdag pa na hindi niya maigalaw ang mga kamay. Muntik na siyang mapasigaw nang makitang nakatali ang dalawa niyang kamay gamit ang packaging tape.

“Shit, ano’ng nangyari?” tanong ni Sahara sa sarili.

Pilit niyang inalala kung ano nga ba ang nangyari at bakit siya naroon sa lugar na iyon. Muli niyang iniligid ang paningin sa kabuuan ng lugar. Dahil sa makapal ang kulay asul na kurtina sa naglalakihang mga bintana ay hindi niya maaninag kung ano ang nasa labas niyon, o kung may araw pa o gabi na. Halatang mamahalin ang mga kagamitan sa loob, mula sa mga kabinet at dekorasyon hanggang sa malaking renaissance painting na nakasabit sa ibabaw ng vanity table. Classic Italian ang tema ng kuwarto, na mas naging elegante ng sahig na gawa sa makintab na marmol.

Ano nga ba ang nangyari at bakit siya naroon? Ang huli lamang niyang naaalala ay sinundo siya ni Marco sa kanyang photoshoot at nag-alok itong itakas siya. Makikipagkita dapat siya noon kay Ace pero-

“O my God! Si Ace!”

Kahit pa masakit na masakit ang ulo at hindi maigalaw ang mga kamay ay pinilit niyang umupo sa malaki at malambot na kama. Dahan-dahan siyang tumayo at tinungo ang pinto. Nang pihitin niya ang seradura niyon ay ayaw nitong bumukas.

Was she kidnapped? Was she raped?

Umiling-iling siya. Mayroon pa naman siyang saplot sa katawan at wala naman siyang kakaibang nararamdaman at kung mayroon man, iyon ay ang nangangalay niyang mga kamay at sumasakit na ulo.

“Tulong!” malakas niyang sigaw sabay pukpok ng dalawang kamao sa kahoy na pinto. “K-kung sino man ang nandiyan, please, tulong!”

Gulu-gulo na ang mahabang buhok ni Sahara at humalo na sa luha niya ang makapal niyang mascara. Mangiyak-ngiyak niyang inilapit ang tainga sa pinto para pakinggan kung may tao sa labas pero wala. Napakatahimik ng buong kapaligiran at sa tingin niya ay nag-iisa lamang siya sa napakalaking bahay na iyon. Hindi niya alam kung nasaang lupalop siya naroon, kung ano’ng oras na o kung makakalabas pa ba siya nang buhay.

May kinalaman kaya si Marco doon? Dahil ito ang huli niyang kasama bago nangyari ang lahat. Ano ang ginawa nito sa kanya?

“Shit,” bulong niya. “Sinasabi ko na nga ba, hindi dapat ako nagtiwala sa gago’ng ‘yon!”

Sa sobrang panghihina ay hindi na niya kinayang tumayo pa. Halos gumapang na siya para lamang makabalik sa kama at maupo roon. Wala ang mga gamit niya – ang kanyang bag, mga mahahalagang personal na gamit, mga dokumento. Wala ang kanyang cellphone at wala ring telepono sa kuwarto.

Ano na naman ba iyong nangyayari sa kanya? Bakit ba hindi na naubos-ubos ang pagsubok na dumarating sa buhay niya? Ni hindi niya alam kung nasa Pilipinas pa ba siya o impiyerno na ba ang kinalalagyan niya. Kumakalam ang tiyan, masakit ang ulo, pagod na katawan. Gusto na niyang sumuko, gusto na niyang ipikit na lamang ang mga mata, magpahinga at matulog na habang buhay.

Pero hindi maaari dahil kailangan pa siya ng kanyang ina. Kailangan niyang piliting mabuhay para makatakas at mapuntahan ang nanay niya sa ospital. Pupuntahan niya si Ace at hihingi ng tulong dito. Gagawin niya ang lahat, ang kahit na ano’ng gusto nitong gawin niya para lamang makaalis sa madilim na lugar na iyon.

Tatayo na sana si Sahara para maghanap ng maaari niyang gamitin pantanggal sa pagkakatali sa kanyang kamay nang biglang bumukas ang pinto. Kinailangang paliitin ni Sahara ang kanyang mga mata dahil sa sobrang liwanag na nagmula roon.

“Sahara…”

~~

PINILIT tumayo ni Sahara pero hindi niya iyon magawa. Ramdam pa rin niya ang pananakit ng katawan dahil sa bugbog na tinamo mula sa kinakasama ng kanyang ina. Halos dalawang taon pa lamang mula nang makisama ang kanyang ina kay Conrad pero hindi pa man ay saksi na siya sa kalupitan nito sa kanila.

Mas matanda ng ilang taon sa kanyang ina, walang trabaho at pala-inom. Hindi na niya matandaan ang eksaktong kuwento kung saan iyon nakilala ng nanay niya dahil na rin siguro sa wala naman talaga siyang pakialam roon. Basta ang naaalala lang niya, umuwi siya mula sa eskuwela isang araw at naabutan na niya ang lalaki’ng iyon sa kanilang bahay.

Sa umpisa ay mabait ito – nagsasaing, nagwawalis, nagluluto. Tinutulungan pa nito ang ina sa paglilinis ng bahay at paglalaba. Pero nagbago ang lahat isang araw. Parati na itong nasa labas ng bahay at nakikipag-inuman sa mga barkada nito. Umuuwi itong lasing at paggising nito sa umaga ay bote ng alak ang laging hanap-hanap. Ayos lang sana kay Sahara kung ganoon lamang pero nang magsimula na nitong saktan ang kanyang ina, doon na siya natututong lumaban.

Sa simula ay magiliw ito sa kanya at napakalambing sa kanyang ina. Madalas niyang makita ang mga itong nagyayakapan at minsan na niyang nahuli ang mga ito na naghahalikan sa loob ng kuwarto ng mga ito. Maliit lamang naman ang kanilang bahay at ang bawat pinto ng kanilang kuwarto ay natatabingan lamang ng manipis na kurtina kaya kitang-kita mula sa labas ang kung ano mang nangyayari sa loob.

Nasa first year high school pa lamang noon si Sahara kaya naman nagkaroon ng malaking epekto iyon sa kanyang buong pagkatao. Lalo pa nang halos gabi-gabi na lamang niyang naririnig ang mga ungol at halinghing ng mga ito na sa pagdaan ng mga araw ay tila ba hinahanap-hanap na niya. Labing-tatlong taong gulang pa lamang siya noon at dapat ay inosente pa sa ganoong mga bagay pero ganoon siguro talaga kapag ganoon ang klase ng paligid ang kinalakhan ng isang tao. Kung ang mga kasing-ka-edaran niya ay mga problema sa assignments at projects ang iniisip, kakaibang problema ang hindi makapagpatulog sa kanya sa gabi. Alam niyang mali pero hindi niya maiwasang makaisip ng mga bagay na hindi dapat, at makaramdam ng mga emosyong hindi dapat, tulad na lamang ng pagpapantasya na mayroon siyang kaulayaw, na may humahalik sa kanyang mga labi, humahaplos sa kanyang katawan na magpapaungol sa kanya sa sobrang kaligayahang dulot niyon.

Hindi niya alam kung saang lupalop kukuha ng baon sa araw-araw, ng pangmatrikula at mga pangangailangan para sa pag-aaral kaya minsan ay naisip na niyang huminto na lamang. Pero iisa lamang ang pakiusap ng kanyang ina sa kanya noon – ang huwag sukuan ang eskuwela dahil kailangan niyang makatapos at makapag-trabaho sa isang malaking kumpanya para makaalis sila sa impiyernong buhay na iyon…

“Hayaan ninyo akong hanapin ang Tatay,” naalala niyang pakiusap niya sa ina isang umaga bago siya pumasok sa eskuwela. Nasa harap niya ang isang tasa ng kape’ng walang lasa at isang pirasong pandesal na walang palaman. Titig na titig siya sa nanay niyang halatang kulang sa tulog dahil sa pangingitim ng ilalim ng mga mata. Hindi na rin nito nagawang suklayin ang buhok bago i-pusod. Maganda ang nanay niya noong kabataan nito at makakakitaan pa rin naman ito ng ganda ngayon pero dahil sa sobrang hirap ng buhay, hindi na nito nabibigyan ng pansin ang pansariling pangangailangan.

“Wala na ang Tatay mo, Sahara. Iniwan na niya tayo. Ilang beses ko bang kailangan sabihin ‘yon sa’yo?” matalim nitong sagot. Tumayo ito at inilagay sa balikat ang hawak na bimpo. Kupas na ang kulay asul na bulaklaking daster nito at may maliit na butas na rin sa bandang manggas.

“Pero ‘Nay-“

“Huwag mong hintaying magalit ako, Sahara,” anito. Isa-isa na nitong tiniklop ang mga damit doon sa kanilang upuan na gawa sa kawayan, mga damit na hindi naman sa kanila. “Hala sige na, bilisan mo na diyan at baka mahuli ka sa klase.” May kinuha ito sa bulsa at iniabot sa kanya. “O, idagdag mo sa baon mo. May project ka, hindi ba?”

Tiningnan niya iyon at umiling. “Itago n’yo na lang ‘Nay, may ipon naman ako. Baka hanapan na naman kayo ng pera ng magaling ninyong ‘asawa’ para sa bisyo niya.”

“Sahara!” pabulong nitong sabi. “Hinaan mo nga ‘yang boses mo, baka marinig ka.

Tumayo na rin siya at padabog na kinuha ang libro na nakapatong sa mesa. “Eh di marinig niya. Totoo naman eh. Lahat na lang, inaasa sa inyo. Ang laki-laki ng katawan, ayaw maghanap ng trabaho para kahit paano, may pangtustos sa mga bisyo niya.”

Napailing na lamang ang ina ni Sahara habang nililingon ang kuwarto nito kung saan prente’ng-prente pang nakahilata si Conrad. At sigurado siya, tanghali na naman ang gising noon at sigurado rin siyang alak na naman ang aalmusalin noon.

“Bakit ba kasi hinahayaan ninyong saktan kayo ng lalaki’ng ‘yon? Ni hindi kayo kasal sa kanya. Ano bang nahihita n’yo do’n, ha, ‘Nay?”

Umiling-iling itong muli. “H-hindi mo maiintindihan. Bata ka pa.”

“’Nay naman, trese na po ako. At sa maniwala kayo’t sa hindi, alam ko ang mga nangyayari dito sa pamamahay na ‘to. Alam kong binubugbog niya kayo, pine-perahan, iniisahan. At ano ang kapalit lahat nang ‘yon, ‘Nay? ‘Yung pagsiping niya sa’yo gabi-gabi?”

Matalim ang tinging ibinigay ng nanay niya sa kanya. Nang itaas nito ang nanginginig na kanang kamay ay alam ni Sahara na sa pisngi niya ang tungo noon kaya pumikit na lamang siya. Pero wala siyang anumang naramdaman dahil pagdilat niya ng mga mata ay nakita niyang abala na muli ang ina sa pagtitiklop ng mga damit.

Ganoon ang eksena sa kanilang bahay. Sa umaga, sa tanghali, sa gabi. Madalas ay ang Conrad na iyon ang dahilan ng pag-aaway nila ng ina at may mga pagkakataon na mas kinakampihan nito ang lalaki kaysa sa kanya. Gusto man niyang magalit sa kanyang nanay ay hindi niya magawa dahil hindi pa rin mababago ng kanilang sitwasyon ang katotoohanan na ina pa rin niya ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.