Chapter 67

“SAHARA!”

Napabalikwas siya dahil sa malakas na kalabog sa pinto na narinig niya, kasunod ang pagbagsak ng kaisa-isang plorera sa kanilang bahay. Napanalunan pa niya iyon sa perya noong nakaraang pista at iniregalo sa kanyang ina sa kaarawan nito.

“Sahara!”

Hindi pa man siya tuluyang nakakatayo ay pumasok na si Conrad sa kanyang kuwarto. Kahit pa siguro nakapikit ay alam niyang lasing na naman ito dahil umaalingasaw ang amoy ng alkohol sa buo nitong katawan.

“Nasaan ang nanay mo?” malakas nitong tanong. Pasuray-suray itong lumapit sa kanya.

“H-hindi ko alam,” mahina niyang tugon. Gabi na nang bugbugin sila ng kanyang ina ni Conrad dahil wala silang maibigay na pera’ng pambili sa mga bisyo nito. At ngayong umaga na, sigurado siyang iyon pa rin ang dahilan kung bakit hinahanap ang kanyang ina.

“Nasaan ang nanay mo?” ulit nito.

Napaurong siya ng upo dahil mas lumapit ito sa kanya. “B-baka po naghatid ng labada.”

Isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa malaki nitong kamay. Ilang sandali pa ay nalasahan na agad niya ang sariling dugo. Pinunasan niya iyon ng kamay at muling humarap sa kausap.

“Ano, hindi mo sasabihin kung nasaan ang Nanay mo?”

“Para ano? Para saktan mo na naman siya?” matapang niyang sagot. Kahit pa mahapdi ang kaliwang parte ng kanyang labi dahil sa pagkakasampal ni Conrad at tumutulo ang dugo mula rito ay wala siyang pakialam. Tila manhid na ang buo niyang katawan sa dumadalas ng pananakit nito sa kanila. Kailangan niyang maging matapang para sa kanyang ina. “P’wede ba, Conrad, umalis ka na lang sa bahay namin? Kung ang nanay ko nadadala mo sa mga matatamis mong salita, ako, hindi!”

“Aba, matapang ka na ngayon, ha!”

Lumapit ito nang tuluyan sa kanyang kinauupuan at pilit siyang itinayo. Hanggang balikat siya nito at dahil higit itong mas malaki sa kanya ay para siyang laruan na kayang-kaya nitong buhatin at ibato anumang oras nito gustuhin.

“Bakit ka ba galit na galit sa akin, ha, Sahara? Wala naman akong ginagawa sa’yo, ah…” mahina nitong tanong. Kailanganng pigilin ni Sahara ang paghinga upang hindi maamoy ang mabaho nitong hininga. “Wala pa. Ngayon pa lang!” Hinawakan siya nito sa leeg at halos hindi na siya makahinga sa sobrang higpit niyon.

“B-bitiwan mo ‘ko, hayop ka!”

Sa halip na bitiwan ay mas hinigpitan pa nito ang pagsakal sa kanya. Pabalibag siya nitong ibinaba sa matigas niyang higaan at nauntog siya sa dingding dahil doon. Nahilo siya at pakiramdam niya ay mauubusan na siya ng hininga lalo pa’t dalawang kamay na nito ang ginagamit nitong pangsakal habang nakadagan ito sa kanya.

“C-Conrad, tama na…h-hindi ako ma…ka…hinga…”

Halos mangitim na ang buong mukha ni Sahara nang sa wakas ay luwagan ni Conrad ang pagsakal sa kanya. Pero hindi ito umalis sa ibabaw niya.

“B-bitiwan mo ‘ko!”Nagpumiglas siya sa pagkakahawak ni Conrad pero walang-wala ang iyon kumpara sa lakas ng lalaki. Kahit lasing na lasing ito ay hindi noon naapektuhan ang lakas ng katawan nito. Kahit pa suntuk-suntukin niya ang dibdib nito ay tila wala itong nararamdaman.

“Ang tagal ko nang nagpipigil sa’yo, alam mo ba?” Ang mga mata nitong kanina’y puno ng galit ay napalitan ng pagnanasa. “Alam mo bang parati kong inaabangan ang pagligo mo sa gabi? Alam mo ba kung ilang beses na kitang naangkin sa isip ko, ha, Sahara?”

“Hayop ka!”

Kumindat ito at binasa ang ibabang labi. “Kahit sino’ng lalaki naman, magiging hayop kapag nakita kung gaano nakaka-baliw ang hubad mong katawan…”

“Hayop ka, Conrad! Isusumbong kita kay Inay!” malakas niyang sigaw. “Inay! Inay! Tulong!”

“Shh…” Tinakpan nito ang kanyang bibig ng malaki nitong kamay. “Sige, isumbong mo ako kung gusto mong hindi mo na makitang buhay ang nanay mo.”

Tuluy-tuloy na ang daloy ng luha ni Sahara at hirap na rin siyang makahinga dahil sa madiing pagkakatakip ng kamay ni Conrad sa kanyang bibig. Dahil na rin sa wala pa siyang masyadong tulog, hindi pa nakakakain simula kagabi at sa bugbog na natamo, wala na rin siyang lakas para lumaban pa. At kahit siguro may lakas pa siya ay hindi na siya magtatangkang lumaban sa kung ano ang gustong gawin ng lalaking iyon. Mas gugustuhin niyang siya na lang ang masaktan, na siya na lamang ang ma-baboy kaysa sa may masamang mangyari sa kanyang ina.

Nagsimula nang gumapang ang kaliwang kamay ni Conrad sa katawan ni Sahara. Sinimulan nito sa mahaba at makinis niyang hita, paitaas. Dahil sa shorts lamang ang suot niya ay ramdam na ramdam niya ang mainit at maaligasgas na palad nito.

Kahit pa wala na ang kamay nito sa kanyang bibig ay mababaw pa rin ang paghinga ni Sahara. Ibinaling niya ang ulo pakaliwa’t-kanan, naghahanap ng maaari niyang magamit para maipukpok sa ulo ng lalaki. Pilit rin niyang itinataas ang dalawa niyang paa para matadyakan into pero sadyang mabigat si Conrad at tila bihasa na ito sa mga ganoong pagkakataon dahil kahit ano ang gawin niya ay hindi niya magawang makagalaw.

Dahan-dahan, naramdaman na ni Sahara ang palad nito sa kanyang dibdib. Marahas nito iyong minasahe habang pilit siyang hinahalikan sa leeg.

“T-tama na…t-tama na…maawa ka sa ‘kin, Conrad…” umiiyak niyang pakiusap.

Pero wala itong narinig. Patuloy lamang ang mga labi nito sa paghalik sa kanyang leeg habang nagpi-piyesta ang mga kamay nito sa buo niyang katawan. Nalilis na nito ang kanyang damit pang-itaas at abala sa pagtanggal ng butones ng kanyang maong na shorts.

“Hmmm…ang bango-bango mo, Sahara…”

Pumikit na lamang siya at nanalangin na sana ay panaginip lamang ang lahat. Na sana, paggising niya sa umaga ay bumalik sa dati ang lahat, kung saan sila lamang ng kanyang ina ang magkasama sa maliit na barung-barong na iyon.

“Ah!”

Bigla siyang napadilat nang marinig ang pagsigaw ni Conrad at ang pagyugyog nito sa ibabaw niya. Sa simula ay hindi niya alam kung ano ang nangyayari pero napanganga siya nang makita niya sa kanyang harapan ang kanyang ina, walang tigil sa pag-unday ng sunud-sunod na saksak sa likod ni Conrad.

Walang emosyon ang mukha ng nanay niya. Kung mayroon man ay alam niyang puno iyon ng galit. Hawak nito ang kaisa-isa nilang kutsilyo sa bahay – malaki, matalim. Iyon ang ginagamit nito sa paghihiwa ng karne sa tuwing may espesyal na okasyon at minsan lamang niya iyong makita dahil ayon sa kanyang ina, iyon lamang ang nag-iisang matalim nilang kutsilyo sa bahay kaya dapat raw iyong pakaingatan.

“’N-nay...”

Naupo siya at pilit na inalis ang wala nang kagalaw-galaw na katawan ni Conrad sa ibabaw niya. Naliligo na ito sa sariling dugo at maging siya ay natalsikan na rin ng dugo nito. Mabilis niyang nilapitan ang kanyang ina na hindi pa rin tumitigil sa ginagawa. Duguan na rin ang mga kamay nito, maging ang suot nitong kulay puti’ng daster ay naging kulay rosas na.

“’Nay, tama na po!” awat niya rito. Hinawakan niya ang dalawa nitong kamay at pilit inagaw ang hawak nitong kutsilyo. Wala pa rin itong reaksiyon, na para bang ordinaryong pangyayari lamang iyon sa araw-araw.

Inihagis ni Sahara ang kutsilyo sa ilalim ng kanyang higaan at niyakap ang ina. Humahagulgol na siya nang mga oras na iyon habang iniisip kung ano ang kahihinatnan ng lahat. Tulala na ang kanyang ina, nakatitig lamang sa wala nang buhay na si Conrad. Nakadapa ito sa higaan, tumutulo ang dugo sa lupaypay na mga kamay…

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.