“OH, hija, hindi ka pa ba matutulog?”
Muntik nang malaglag ang hawak na cellphone ni Sahara nang marinig ang tinig ni Manang V at makitang nakatayo na ito sa kanyang harapan at may kung ano’ng kulay puti sa buong mukha, nakasuot ng mahabang pantulog na may disenyong maliliit na bulaklak. Madilim na ang kabuuan ng penthouse maliban na lamang sa maliliit na ilaw sa mga sulok niyon maging sa lampshade sa kanyang tabi.
“Alas diyes na at ako’y mauuna na sa iyong matulog ha?”
Tumango siya. “S-sige po.”
“Bakit kasi hindi mo pa tawagan o kaya i-text si Armando. May numero ka naman niya, hindi ba? Nang malaman mo kung ano’ng oras siya uuwi.”
“Hihintayin ko na lang siya Manang,” sabi niya. Umayos siya ng upo at muling tiningnan ang cellphone, nagbabakasakali na mayroong mensahe mula kay Mr. Tantoco, na imposible namang mangyari dahil hindi naman nito alam ang numero niya. “Sige po, matulog na kayo. Ako na lang ang mag-iinit ng sinigang pagdating niya.”
“O siya, siya, good night na hija. Naku naman kasi ‘yang si Armando, hindi mo talaga maintindihan minsan. Alam naman niyang may naghihintay sa kanya, maano’ng tumawag at magsabi na hindi makakauwi.
“Eh…hindi naman po niya alam na may naghihintay sa kanya.”
Nanlaki ang halos nakapikit nang mga mata ni Manang V. “Ano kamo? Hindi mo sinabi sa kanya na ipinagluto mo siya ng paborito niya?”
Marahan siyang umiling.
“Ay kaya naman pala! Talagang mabubulok tayo rito kahihintay, susme’ng bata!”
Nang tanungin niya si Manang V kung ano ang p’wede niyang gawin bilang pasasalamat kay Mr. Tantoco sa lahat ng mga naitulong nito, isa lamang ang sagot ng matanda. Sinigang na hipon. Sa tuwing mainit raw ang ulo ni Armando o kaya’y nalulungkot, sinigang na hipon lang raw ang katapat at nagiging masigla na ito. Kaya naman nagpaturo siya kay Manang V kung paano magluto ng paborito ni Mr. Tantoco at iyon ang naisip niyang ibigay rito bilang pasasalamat.
Ilang araw rin niyang inulit-ulit ang pagluluto ng sinigang na hipon bago niya nakuha ang tamang timpla para sa panlasa ni Armando kaya naman sabik siyang matikman nito ang kanyang luto ngayong gabi.
Pero ilang oras na siyang naghihintay, lumamig na ang kanyang sinigang ay wala pa ring Mr. Armando Tantoco na dumating. Gusto na nga niyang bumaba hanggang sa lobby ng condominium at doon abangan si Armando pero ayaw naman niyang magmukhang tanga. At ano na lang ang sasabihin niya kung magtanong ito kung bakit niya ito hinihintay? Nang muli niyang tingnan ang oras sa kanyang cellphone ay nagulat pa siya nang makitang alas dose na pala ng gabi. Nanlalambot siyang tumayo, marahang isinara ang ilaw ng lampshade at nanlulumong pumasok na ng kanyang kwarto.
~~
ALAM ni Sahara na wala naman siyang karapatang magalit o magtampo kay Mr. Tantoco pero iyon na nga ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Ilang araw siyang napagod sa pagluluto at napuyat pa siya kagabi kahihintay sa wala. Ngayon lang siya nakaranas nang ganoon, ang baliwalain ng isang lalaki at tratuhin na parang palamuti lamang sa bahay o kaya’y isang mumunting halaman. Mabuti pa nga ang mga bonsai sa hardin, naisip niya, na inaalagaan ng lalaki at minsan ay kinakausap pa samantalang siya, dinadaan-daanan lamang.
Katulad nang umagang iyon sa almusal. Tulad ng dati, umupo si Armando sa kabisera, humigop ng kape, nagbasa ng diyaryo. Sinubukan niyang siya ang magtimpla ng kape nito (na ilang araw rin niyang pinag-aralang timplahin bago nakuha ang gusto nitong lasa) pero wala man lang siyang natanggap kahit na maikling ‘salamat’. May galit ba ito sa kanya? Mainit ba ang dugo nito sa kanya? Ayaw na ba nito ang presensiya niya at gusto na siya nitong paalisin pero nahihiya lamang itong magsabi?
Ang sabi ni Manang V, baka stress lang raw sa opisina at sa iba pa nitong mga negosyo. Bukod kasi sa construction company ay mayroon pa itong iba’t-ibang korporasyon na pagmamay-ari tulad ng mga restaurants at textile factories. Malaki rin ang shares nito sa mga mall chains at bangko. Mabuti nga raw at gabi-gabi na itong nakakauwi sa bahay nitong mga nakaraang buwan hindi tulad noon na halos sa opisina na nito ito nakatira.
At dahil raw iyon sa kanya, ayon pa kay Manang V.
“Ano’ng oras ka na ba nakauwi kagabi, Armando?” tanong ni Manang V matapos lagyan ng pancake ang pinggan nito.
“Hindi ko na mataandaan, Manang. Ala-una, alas-dos yata.”
“Hay, alam mo bang sa sala na nakatulog ‘yang si Sahara kahihintay sa iyo?”
“Bakit?” Kunut-noo siyang tiningnan ni Mr. Tantoco. Ibinaba pa nito saglit ang suot na salamin.
For the first time in many weeks, he’s talking to her. But before she could say anything, Manang V interrupted.
“Para ipatikim sa iyo ang niluto niyang sinigang. Ipinagluto ka niya ng sinigang na hipon kagabi, Armando. Sayang, hindi mo natikman.”
“Ipinagluto mo ako ng sinigang na hipon?” Muli, isang mapanuring tingin ang ibinigay nito sa kanya. “Sana nagsabi ka para naayos ko ang timetable ko. This week had been hell and I had to attend to late night meetings and if I could only stay awake 24/7, I’d do it just to keep up with everything that’s been going on.”
Whoa. Hindi inaasahan ni Sahara na magku-kuwento ito tungkol sa trabaho. Mr. Tantoco was still looking at her as if it was the first time he laid eyes on her and it somehow made her feel as if he likes her one way or another. But no, she’s pretty sure that he’s just being nice.
“Well, I can free my schedule later tonight. I’ll try to be home by nine o’clock.”
And with that, Mr. Tantoco stood up, carried his attaché case and headed to the elevator door.
~~
SAHARA did the grocery, prepared the ingredients and cooked that night. She was also the one who picked the china and silverware and made sure that everything’s in order. She’s feeling giddy and she’s not sure whether she’d like it or not. Matagal-tagal na rin mula nang nakaramdam siya nang ganito, kahit pa nga hindi niya alam kung bakit. She’s not the type who makes an effort especially for a man but tonight, she’s being everything she’s not.
Ayaw na ayaw niya ang naghihiwa at nagluluto dahil pakiramdam niya ay napakalagkit niya pagkatapos. Hindi rin niya gusto ang namimili sa grocery dahil ayaw niya nang nakikipagsiksikan at naghihintay sa mahabang pila sa cashier. Pero heto siya, namili, naghiwa, nagluto. Para lamang kay Mr. Armando Tantoco.
Everything’s set. The food, the table. Herself. She put on her simple black nightdress and made sure that she’s wearing her most expensive perfume. Ano man ang mangyari, gusto niyang maging maganda siya sa paningin ni Tantoco nang gabing iyon. Hindi man niya alam ang damdamin nito sa kanya, gusto niyang siguraduhin na hindi matatapos ang gabi nang hindi niya niya nalalaman ang tunay nitong motibo sa pagtulong sa kanya.
One last look at her compact mirror and she’s ready. Tumingin siya sa relo sa dingding ng dining hall, alas nuebe na ng gabi at anumang sandali ay darating na si Armando. Huminga siya nang malalim, nang ilang ulit para mabawasan ang kaba’ng nararamdaman pero tila wala iyong epekto dahil lalo lamang lumakas ang pintig ng puso niya habang tumatakbo ang bawat minuto.
Magustuhan kaya nito ang luto niya? Ma-appreciate kaya nito ang lahat ng effort niya? Magustuhan kaya nito ang itsura niya ngayong gabi?
Makailang beses na niyang inayos ang pagkakalagay ng mga pagkaing nakahain na sa mesa – ang sinigang na hipon na nakalagay pa sa palayok, ang kanin, pritong tilapia at maging ang mangga’ng hinog na maayos na nakasalansan sa basket ay matiyaga pa rin niyang sinigurado’ng diretso ang pagkakahanay. Ayon kay Manang V ay minsan lamang makatikim ng Filipino dishes si Armando kaya naman sinigurado niyang iyon ang ihahain niya nang gabing iyon para rito.
Alas nuebe y media. Kumuha siya ng malamig na tubig mula sa smart water dispenser ng French door refrigerator at ininom iyon. Muli niyang tiningnan ang mga nakahain sa mesa at siniguro’ng walang langaw o anupamang insekto ang dumadapo roon.
Alas diyes. Naupo si Sahara sa kabisera na parating inuupuan ni Armando. Sinuklay-suklay niya ng mahabang buhok sa pamamagitan ng mga daliri at inamuy-amoy pa iyon. Magugustuhan kaya ni Mr. Tantoco ang ginamit niyang shampoo at pabango?
Alas onse. Malamig na ang sabaw, hindi na malutong ang balat ng pritong tilapia. Kumakalam na rin ang sikmura niya. Tumayo si Sahara at kinuha ang cellphone na nakapalag sa ibabaw ng mesa doon sa sala at akmang tatawagan na si Armando pero nang makita niya ang pangalan nito sa phonebook ay nagbago ang isip niya.
Bakit niya ito tatawagan? Kung gusto nitong umuwi, uuwi ito at kung hindi, hindi. Ayaw niyang isipin nito na masyado siyang umaasa o nagpapaka-martir kahihintay. Ibinalik niya ang cellphone sa bulsa, tiningnan mula sa sala ang mga nakahain sa mesa, mabilis na lumakad papasok sa kanyang kuwarto at padabog na isinara ang pinto niyon.
~~
“SI…Sahara? Natutulog pa ba?”
Katulad ng mga nakaraang araw, seryoso lamang si Armando nang humarap sa hapag-kainan nang umagang iyon, hawak ng isang kamay ang diyaryo at hawak ng isa pa ang kape nito. Alas siyete na noon pero hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa lumalabas ng kuwarto si Sahara.
“Alam niyang alas siyete en punto ang breakfast, hindi ba? Bakit hindi pa siya lumalabas hanggang ngayon?” sunud-sunod nitong tanong kay Manang V, na noon ay abala sa pag-aayos ng mesa.
“Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo, ha, Armando?”
“Bakit ako? Ano’ng ginawa ko?” Kinunutan iyon ng noon ni Armando.
“Ang tanong, ano ang hindi mo ginawa?” iiling-iling na sabi ni Manang V. Tiningnan nito ng masama ang kaharap. “Ang sabi mo, uuwi ka ng alas nuebe kagabi, hindi ba? Ano’ng oras ka na nakauwi? Alas-dos ng madaling-araw? Nagluto ang bata para sa’yo. Si Sahara ang namili, siya ang nag-prepara ng lahat, siya ang nagluto, nag-ayos ng mesa dahil ang sabi mo, maaga kang uuwi kagabi.”
Matagal pa bago nagsalita si Armando. “Bakit hindi siya tumawag, alam naman niya ang number ko.” Tumayo ito at akmang kukunin na ang iba pang gamit sa ibabaw ng mesa pero natigilan into. “Katukin mo nga, Manang.”
Umiling si Manang V. “Bakit hindi ikaw? Ikaw naman ang may kasalanan kung bakit nagtatampo ‘yon ngayon.”
“Nagtatampo?” natatawa nitong tanong. “That’s very childish!”
“Hay naku, sino kaya sa inyong dalawa ang kung umasta ay parang bata? Ikaw nga Armando, umayus-ayos ka ha. Hindi na nakakatuwa iyang pagiging torpe mo. Ke-tanda-tanda mo na, hindi ka pa rin marunong manligaw nang tama.”
Si Armando naman ang natawa. “Manligaw? Manang naman, sa inyo na rin nanggaling, matanda na ako, ano’ng ligaw-ligaw pa ‘yang sinasabi ninyo?”
“Ewan ko sa’yo. Matanda ka na kamo, hindi ba? Dapat alam mo kung ano ang ibig kong sabihin.”
Napailing na lang ito. “Manang, pakitawag na si Sahara, I’m already late for a meeting.”
“Naku Armando, ha. Kung sino ang may kasalanan, siya ang gumawa ng paraan. Sige na, puntahan mo na sa kuwarto niya at humingi ka ng tawad.”
“Humingi ng tawad? Ano’ng kasalanan ko at bakit ako hihingi ng tawad?” iritable nitong tanong. Muli nitong kinuha ang attaché case at mga folders sa ibabaw ng mesa, lumakad-lakad mula sa dining area hanggang sa sala, at pabalik. “As far as I’m concerned, I didn’t do anything that needs forgiveness.”
“Eh bakit ganyan ang itsura mo? Kung sa tingin mo eh wala ka namang kasalanan, bakit ka nagkakaganyan? Sige na, late ka na kamo, lakad na’t baka ma-trapik ka pa.”
“Manang V, will you just get Sahara, please?”
Sasalungatin pa sana iyon ni Manang V nang may marinig ang mga ito na pagbukas ng pinto.
Si Sahara, sa wakas. Bihis na bihis ito, dala ang mamahalin nitong shoulder bag. Vintage-inspired burgundy off-shoulder knit top, dark wash Bermuda shorts, canvas tennis shoes. Ngayon lamang nakita ni Armando na magbihis nang ganoon ang dalaga kaya naman hindi maikakaila ang pagkagulat sa mga mata nito.
“Oh, ayan na pala ang kanina mo pang hinihintay. Siya, maiwan ko na kayong dalawa at kanina pa ako hinihintay ng mga labahin ko.”