“SHIT, Sahara, a-ano 'to? Ano'ng kalokohan 'to?”
Hindi na namalayan ni Sahara na tumutulo na ang luha niya habang nakatutok kay Max ang hawak niyang baril. Kahit sina Ace at Armando ay napanganga sa pangyayari.
“Sahara, baby...Ibaba mo ‘yan, baka pumutok ‘yan,” anito, iiling-iling. Akma itong lalapit sa kanya pero maagap siyang lumayo rito.
“Ipuputok ko talaga ‘to, Max. Papatayin talaga kita, hayop ka!”
“Come on, Sahara.” Sa halip na matakot ay natawa pa si Max. “Hindi ‘to kasama sa plano natin.”
“Wala tayong plano, Max. Ikaw lang ang nag-plano ng lahat ng ‘to kaya huwag mo ‘kong idadamay sa kademonyohan mo!”
Doon biglang nag-init ang dugo ni Max. Sinuntok nito ang mesa na agad na nagpadugo sa kamao nito. Pero tila wala itong sakit na naramdaman at nagawa pa nitong isalya ang mesa na nagpagulat sa kanya, dahilan para makalabit niya ang baril at pagkatapos ay mabitawan iyon.
Napasigaw siya hindi lang dahil sa lakas ng putok niyon kundi dahil sa nakita niyang dugo sa balikat ni Max. Nadaplisan ito ng bala pero hindi iyon sapat para tuluyan itong tumigil sa kasamaan.
“Sahara!” halos sabay na sigaw ng mag-ama. Nagpupumilit ang mga ito na makawala sa pagkakatali pero wala pa ring napala ang mga ito kundi sugat sa mga braso.
Pupulutin pa sana niya ang baril pero sadyang mabilis si Max. Kahit hirap ay agad nito iyong nasunggaban at naitutok kay Sahara.
“Tsk, tsk. Wrong move, Sahara...wrong move.” Tumayo si Max at lumapit sa kanya. “Akala ko pa naman, okay na tayo, na makakapagsimula na tayong dalawa. Sayang. Handa na sana akong kalimutan ang lahat ng kasalanan mo, tsk, tsk.”
“Max, parang awa mo na, tigilan mo na ‘to, please...ako lang naman ang gusto mo, diba? Sige, sasama na ako sa’yo, kahit saan, basta pakawalan mo lang sila!”
“Ngayon pa? Sa tingin mo, maniniwala pa ako sa’yo ngayon?”
Hindi maipinta ang mukha ni Max sa sakit na dulot ng sugat. Tuluy-tuloy ang pagtulo ng dugo mula roon na halos magpapula sa buong tagiliran ng damit nito. Nilapitan siya ni Max at bago pa siya makatakbo ay nahila na nito ang kanyang buhok.
“Ah!” malakas na daing ni Sahara. Pilit niyang inaalis ang pagkakasabunot ni Max sa buhok niya pero sadyang malakas ang binata. Hinatak siya nito at pabalibag na itinapon malapit sa paanan ng mag-ama.
“Mahal kita, eh.”
Naupo si Max sa harap niya at pinagmasdan siyang mabuti. Takot na takot si Sahara pero pilit niya iyong itinago at tinitigan lang rin niya ito nang matuwid.
“Nagkanda-letse-letse ang buhay ko nang dahil sa’yo. Nakulong ako nang dahil sa’yo...nakapatay ako dahil sa’yo, t**ngina ka. Ginawa ko naman lahat para mapatunayan sa’yo na mahal na mahal kita, Sahara pero bakit ganito pa rin ang ganti mo sa akin, ha?”
Hindi inaasahan ni Sahara na marinig iyon mula kay Max at lalong hindi niya inaasahan na darating ang panahon na makikita niyang umiiyak si Max. Gusto niyang maawa rito pero wala na siyang kakayahang gawin iyon.
“Hindi naman talaga dapat hahantong ang lahat sa ganito, eh. Alam mo ba kung ano talaga ang plano? Alam mo ba, ha?”
Alanganing umiling si Sahara. Napalunok siya nang muling itutok ni Max ang baril sa noo niya.
“Ki-kidnap-in kita, dadalhin do’n sa lumang bodega sa Tanay. Ang usapan, tatakutin ka lang. Ikaw lang. Pero p*ta, no’ng nakita kita uli, umiral ‘tong t**nginang puso ko, eh. Tumibok uli, wala akong nagawa. Sabi ko sa sarili ko na mahal pa rin pala kita talaga kahit nagkanda-loko-loko ang buhay ko dahil sa’yo. At alam mo kung ano pa ang naramdaman ko no’ng nakita kita? Galit. Naalala ko lahat ng sakit sa tuwing nakikita kitang may kasamang iba.”
Bumaling si Max sa mag-ama na nanonood lang sa nangyayari. “Kaya kasama natin ngayon ‘tong dalawang tarantado’ng ‘to. Isinama ko sila sa plano para man lang kahit paano, makaganti ako sa pang-aagaw nila sa’yo! Pero t**ngna, tama nga si Karen. Hindi ka marunong makuntento. Ikakasal ka na’t lahat, nagawa mo pang landiin ang anak ng pakakasalan mo. At talaga yatang makati kang babae ka dahil may asawa nang may asawa, nilalandi mo pa rin!”
“S-sino?” Napamaang si Sahara. Hind siya sigurado kung tama ba ang pangalang narinig niyang sinabi ni Max o dala lang ‘yon ng magkakahalong takot, sakit at pagod.
“Oo, tama ka ng dinig. Si Karen. Siya ang naglabas sa ‘kin sa kulungan. Siya ang nagbayad sa ‘kin para kidnap-in ka, para takutin ka at para ipaalala sa'yo na hinding-hindi mo maaagaw ang asawa niya.” Dahan-dahang tumayo si Max. Hawak-hawak nito ang may tamang balikat para pigilan ang dugo mula roon.
Maging si Ace ay nagulat sa nalaman. Matagal na silang walang balita kay Karen, matagal na nila itong hindi nakikita, maliban na lang no’ng isang gabi’ng pumunta si Sahara sa lamay ng ina ni Baste. Oo, alam rin iyon ni Ace dahil ito ang naghatid sa kanya sa chapel, hanggang sa pag-uwi sa mansion.
Tama nga siya. Karen is still jealous of her, something she doesn’t quite understand. Matagal nang tapos ang lahat sa pagitan nila ni Baste at kung mayroon man siyang nararamdaman para rito, iyon ay ang pagiging magkaibigan na lang at wala nang iba.
“Umasa pa rin ako na kahit sa huling sandali, mapapabago ko ang isip mo, na ako pa rin ang pipiliin mo sa huli pero imposible na ‘yon, diba?”
“M-Max...kaya pa nating ayusin ‘to, Max,” bulong niya.
Umiling si Max at tumungo. Ilang sandali itong nagparoo’t-parito bago muling humarap sa kanila. “Kung pare-pareho na lang kaya tayong mamatay dito? Tutal, wala na rin naman, eh. Walang mapapakinabangan sa lintik na mag-ama na ‘to at wala nang pag-asang maging tayo, diba?” baling nito kay Sahara. “At sa mga oras na ‘to, siguradong hinahanap na tayo ni Karen at kapag nalaman niya ‘to, tapos na ang maliligayang araw ko.”
Nakangiti si Max habang nagsasalita na para bang nawala na ito sa tamang pag-iisip na kahit ang tama ng baril nito sa balikat ay hindi na nito alintana. Marahan nitong itinutok ang baril kay Armando at pagkatapos ay kay Ace, at kay Sahara, na noon ay nakaupo pa rin sa sulok ng silid.
At ilang sandali pa ay napasigaw si Sahara nang itutok ni Max ang baril sa sarili.
Unti-unti, pakiramdam niya ay tila nauupos na kandila. Patuloy lang sa pagsasalita si Armando, patuloy lang sa pagtatalo ang mag-ama. Wala na siyang kakayahang intindihin pa ang lahat dahil unti-unti ay nagdidilim na ang kanyang paningin at binabalot na ng lamig ang buo niyang katawan.
~~
“SAHARA, gising!”
Pilit idinilat ni Sahara ang mga mata at nagulat nang makita ang mukha ni Baste na malapit na malapit sa kanya. Nakaupo sila sa sahig, sa tabi ng mesa habang nakasandal siya rito.
Nasaan siya?
Nananaginip ba siya?
Iniligid niya ang paningin sa paligid. At nang makita niya sina Ace at Armando sa kabilang sulok ng kuwarto, napagtanto niya na hindi panaginip ang lahat. Wala nang tali ang mga ito, bagkus ay nakatalungko ang mga ito at kapwa nakatingin sa kanya. May sinasabi ang mga ito pero hindi niya iyon marinig dahil sa sabay-sabay na mga nagsasalita sa paligid.
Nananaginip ba siya?
Nang muli niyang tingnan si Baste ay nagulat pa siya nang bigla siya nitong yakapin. Magkasabay silang tuluyang natumba sa sahig, kasabay ng malakas ng putok ng baril.
“Sahara, okay ka lang?”
Tumangu-tango siya at pilit idinilat ang mga mata. “Paano’ng-“
“Sinabi sa ‘kin ni Karen ang lahat.”
“N-nasaan si Max?” lito niyang tanong.
“Nabaril siya ng mga pulis no’ng nagtangkang tumakas. Dinala na siya sa ospital.”
“S-sina Ace? Ano'ng nangyari sa kanila?” dagdag niyang tanong. “Kumusta sila?”
"Don't worry, okay na sila. Dadalhin sila ng mga pulis sa presinto. Protocol. Kailangan nilang magbigay ng testimonya tungkol sa nangyari. Ikaw rin, Sahara, kukunan ka rin nila ng statement kapag kaya mo na.”
“A-ano ba’ng nangyari?” Hindi sigurado si Sahara kung nahimatay ba siya o kung ano ang nangyari pero parang na-blangko ang utak niya. Ang huling natatandaan niya ay nang itututok ni Max ang baril sa sarili nito. May narinig rin siyang putok at pagkatapos no’n ay wala na siyang maalala.
“Kasama kong dumating ang mga pulis. Buti na lang, may phone tracking app ‘yung cellphone na ibinigay ni Karen kay Max kaya natunton agad ng mga pulis kung nasaan kayo.” Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “I’m sorry, Sahara. Kung hindi dahil sa akin, hindi sana mangyayari ‘to.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Nalaman ni Karen na...mahal pa rin kita.”
Nanlaki ang mga mata ni Sahara sa narinig.
“I’m sorry. Kung naging maingat lang sana ako, hindi niya malalaman na minsan, nagkikita tayo. Hindi ko alam na magagawa n’ya ‘to, na aabot sa ganito ang pagseselos niya.”
Napapikit si Sahara. Oo, may ilang beses silang nagkita ni Baste pagkatapos niyang dumalaw sa lamay ng ina nito. Pumayag siya sa paanyaya ni Baste dahil alam niyang nagdadalamhati pa rin ito at siguro ay kailangan nito ng karamay. Sumama siya rito para magkape bilang kaibigan, iyon lang at hindi niya naisip ang posibilidad na hanggang ngayon pala ay mahal pa rin siya nito, na hahantong ang lahat sa ganito.
“Sahara, sorry. Kasalanan ko ‘to.”
Umiling-iling siya. ”H-hindi...wala kang kasalanan.”
“Huwag kang mag-alala. Nakausap ko na si Karen at wala ka nang dapat ipag-alala. Nangako ako sa kanya na babalik na kami sa Canada, for good at kakalimutan na kita, kapalit ng impormasyon kung nasaan kayo.”
“S-salamat.”
Alanganing ngumiti si Baste matapos siyang tulungang tumayo. Halos mabingi siya sa tunog ng sirena ng pulis at masilaw sa ilaw mula roon. Marami pa ring mga pulis sa paligid kaya kahit paano ay nabawasan na ang takot na kanyang nararamdaman.
“Sigurado kang okay ka lang?”
Tumango siya pero bigla siyang nakaramdam ng pagkirot sa kanyang tagiliran. Hinawakan niya iyon at nagtaka kung bakit tila basa ang parte’ng iyon ng kanyang blouse.
“Sahara, may tama ka.”
“O-okay lang ako.” Pero habang inaalalayan siya ni Baste sa paglalakad ay unti-unting nagdidilim ang paningin niya. Humigpit ang kapit niya sa leeg ni Baste hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.