Kinintalan niya ito ng halik sa labi at ipinakita ang kamay. “Hindi ko na suot ang engagement ring ko. Hindi na ako magpapakasal sa kanya.”
Sa halip na matuwa ay mas matinding paghihirap ang nabanaag sa mga mata nito. “Aiesha, baka gumaganti ka lang sa kanya kaya ayaw mo nang magpakasal at tumatakbo ka sa akin. Sinaktan ka niya kaya natural lang na saktan mo rin siya.”
Tumaas ang kilay niya. “Sa palagay mo ba, susugod ako dito at aakyat ng ilang bundok para lang makita ka kung hindi kita mahal?”
Tinalikuran siya nito. “Ewan ko. Kakaibang tumakbo ang isip mo. Kung nakakagawa ka ng desperadang hakbang kapag nagmamahal ka, lalo siguro kung galit ka. Matindi ang epekto nito kay Aldrich Dominicano kapag nalaman niyang katulad ko lang ang ipinagpalit mo sa kanya.”
Namaywang siya habang nakatitig sa likod nito. “I don’t even like you to start with. Naiinis din ako sa iyo dahil ubod ka nang suplado. Your coldness is definitely a challenge to a woman’s ego. But when I get to know the real you, you rob me of my senses. At ang pinakatamang bagay na ginawa ko ay nang minahal kita.” Niyakap niya ito mula sa likuran at ihinilig ang pisngi sa likod nito. “I love you.”
Humarap ito sa kanya at pinaliguan nang halik ang mukha niya. Nang magtagpo ang labi niya ay hindi niya maitago ang panginginig ng katawan. She had never wanted anything but his kiss, his touch and his love.
“Laylayden sik a,” usal nito.
Kumislap sa isip niya ang salitang iyon na nakasulat sa lawa noong unang beses silang pumunta doon. “I love you rin ba ang ibig sabihin niyon?”
Tumango ito. “Sagrado sa akin ang salitang iyon. Kasing sagrado ng kasal. Naramdaman ko na mahal kita noong magpunta tayo dito. Kahit na alam kong gulo lang ang dala mo at ikaw ang pinaka-opinionated at weird na babaeng nakilala ko. Hindi ko pa nga matanggap sa sarili ko na mahal kita dahil alam kong may iba kang mahal. Pero ngayon, hindi ko na kailangang itago.”
“That was the sweetest ‘I love you’ I ever heard.”
Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya. “Sayang, hindi kita kayang bigyan ng diyamanteng singsing,” malungkot nitong sabi.
“Ibig sabihin, nagpo-propose ka ng kasal sa akin?” Tiningnan niya ang magkasalikop nilang kamay. “Hindi naman mahalaga sa akin ang singsing. Materyal na bagay lang iyon. It can’t make me happy.” What she wanted to do is freeze the space and time. Para hindi na sila magkahiwalay pa.
Magkahawak-kamay silang naglakad sa tabi ng lawa. “Handa ka na ba sa sasabihin ng ibang tao?” sabi nito.
“Naging bingi na ako sa sasabihin nila mula nang mahalin kita. Puso ko lang ang pakikinggan ko.” Mas kailangan niyang masanay lalo na’t ikino-konsidera na nila ang pagpapakasal. “Hindi ko naman maririnig ang mga sasabihin nila dahil dito ko gustong tumira kapag kasal na tayo.”
“Sigurado ka? Hindi madaling ang buhay dito kumpara sa kinalakihan mo.”
“Alam ko. Pero alam ko kung gaano kaimportante sa iyo ang tribo. Bilang mapapangasawa mo, dapat hati tayo sa responsibilidad.” Nawala ang ngiti sa labi niya nang may maalala. “Pero marami pa akong kasalanan sa inyo.”
Niyakap siya nito at kinintalan ng halik sa noo. “Nakabawi ka na sa akin dahil minahal mo ako.”
Tiningala niya ito. “Gusto kong makausap ang mga leader ninyo at ang pamilya mo para pormal na humingi ng paumanhin.”
“Hindi sila matutuwang makita ka,” nag-aalala nitong sabi.
“Natural lang iyon dahil sa gulong dinala ko. Pero kailangan nila akong tanggapin sa ayaw nila’t sa gusto. Gusto kong tanggapin din nila ako.”
Ngumiti ito. “Matapang ka talaga at kakaiba ang takbo ng isip mo. Kung ibang babae siguro, magmumukmok lang at iiyak. Hindi ka talaga natatakot.”
“Don’t expect me to change. Kung iniisip mo na iiyak lang ako sa isang tabi kapag kasal na tayo, nagkakamali ka,” babala niya.
“Wala kang kailangang baguhin dahil iyon ang minahal ko sa iyo.”
Niyakap niya ito sa baywang. “Payag kang magpa-under?”
“Iyon ang hinding-hindi mangyayari.”
“BAKIT bumalik pa ang tagapatagb na iyan sa tribo natin? Hindi pa ba sapat ang malaking gulong ginawa niya?” nagngingitngit na sabi ni Lakay Biano nang humarap sila sa intugtukon. Bagamat kasama niya si Silang, hindi pa rin mapalagay ang loob niya. Ni hindi siya makatingin nang diretso sa sinuman sa mga ito.
“Gusto ko pong humingi ng tawad sa ginawa ko,” nakayuko niyang sabi.
“Unang utos sa amin ay huwag magsinungaling. Dahil ang mabubuting nilalang ay hindi mamumuhay kasama ang mga sinungaling,” mariing sabi ni Lakay Kabuguias. “Sa nakalipas na daang taon, mahigpit ang batas namin ukol dito.”
“Alam ko po,” mahina niyang sabi. Sinabi ni Silang na noong unang panahon ay kamatayan ang parusa sa mga napapatunayang nagsisinungaling. “Inaamin ko po na mali ang ginawa ko. Pero hindi ko po intensiyong magpahamak ng iba. Gusto ko lang makatulong.Kung gusto po ninyo akong parusahan, handa po akong tanggapin.”
Nang maramdaman niya ang init ng kamay ni Silang sa kamay niya ay nawala ang takot niya. Bahagya itong ngumiti nang sulyapan siya.
“Mabuti naman at handa kang tumanggap ng kaukulang parusa. Napagpulungan naming intugtukon na kay Silang ka kailangang managot dahil sa kanya ka direktang may kasalanan. Mapapatawad ka lang ng tribo namin kapag napatawad ka na niya,” wika ni Lakay Datub.
“Nagkausap na po kami ni Aiesha. Hindi naman po ako masyadong nasaktan at hindi rin po ako nagtagal sa kulungan dahil sa tulong niya. Nangako po siya sa akin na hindi na niya uulitin ang pagsisinungaling,” paliwanag ni Silang.
“Wala pa rin akong tiwala sa kanya,” nakaismid na sabi ni Lakay Biano. “Hindi natin alam kung ano pang gulo ang maari niyang dalhin sa atin.”
“Lakay Biano, siya pa rin ang susi para mabawi natin ang mga me’king,” paalala ni Lakay Datub. “Hindi pa rin nagbabago ang pangitain ko.”
Natahimik ang lahat. Walang sinuman ang nagawang makakontra. Naniniwala rin siya na nasa kanya pa rin ang susi para maibalik ang mga mummies. Hindi pa tapos ang misyon niya. Palpak man ang una niyang plano, sa pagkakataong ito ay hindi na siya papayag na mabigo pa.
“Kapag naibalik na ang me’king, ayoko nang makita pa ang tagapatag na iyan,” anang si Lakay Biano at humitit ng tabako.
Ibig sabihin ay hindi pa rin siya tanggap ng mga ito. Hindi niya masisisi ang mga ito dahil matinding batas ang nilabag niya. Paano na ang kasal nila ni Silang?
Pinagsalikop ni Silang ang mga palad nila at tiningnan ang kaharap. “Mukhang magkakaproblema tayo, Lakay Biano. Kailangang masanay na kayong makita si Aiesha dahil siya ang babaeng napili kong pakasalan.”
“MAGPAPAKASAL kayo ni Aiesha? Hindi maari” bulalas ni Inang Negay. Nanlulumo itong umupo sa kawayang upuan sa tabi ni Lakay Kabuguias. “Silang, paano nangyari ito?”
Naghahapunan sila nang buksan ni Silang ang usapan. Bakas sa mukha ng magulang nito ang matinding pagtutol. Habang tahimik si Salinga. Bagamat nag-aalala ito, wala itong magawa para depensahan sila ni Silang.
“Mahal ko po si Aiesha,” katwiran ni Silang at lakas-loob na sinalubong ang pagtutol ng mga magulang. Hindi naman niya magawang makisali. Napag-usapan nila ni Silang na ito ang magsasalita.
Nagulat siya nang umugong ang pagtutol mula sa mga inugtukon nang sabihin ni Silang na magpapakasal sila. Kung hindi pa umawat si Lakay Datub at sinabing dapat ay pag-usapan iyon sa pagitan ng pamilya ni Silang ay hindi pa titigil ang mga ito sa pagkontra.
“Alam mo ang batas ng tribo natin, Silang,” sabi ni Lakay Kabuguias. “Hindi ka maaring mag-asawa ng hindi mo katribo o mula sa grupo ng tao na hindi natin kasundo. Mahigpit na ipinagbabawal sa atin ang pag-aasawa ng tagapatag. Kung ipipilit mo ang gusto mo, baka itakwil ka ng tribo natin.”
Napansin niya ang pagtalim ng mata ni Silang. Isang matinding kahihiyan kung itatakwil ito ng sariling tribo. “Hindi po sa kinukwestiyon ko ang batas ng tribo ninyo,” sabi niya. “Pero kailangan po bang saklawan ng batas ninyo ang nararamdaman namin?”
Matiim siyang tiningnan ni Lakay Kabuguias. “Aiesha, hindi ba nobyo mo ang anak ni Donato Dominicano? Mas nababagay ang isang mayamang tulad mo sa kanya na may magandang katayuan sa buhay. Natitiyak ko na siya rin ang mas pipiliin ng mga magulang mo para sa iyo kaysa sa anak naming si Silang.”
“Ayoko na pong magpakasal sa kanya. Isa pa, wala na pong magagawa ang mga magulang ko kung si Silang ang pinili ko,” matapang niyang wika. “Mula nang manggaling po ako dito, natuto po akong mabuhay nang hindi sinasaklawan ng katayuan sa buhay o kulturang kinalakihan.”
“Tatapatin ka namin. Gusto namin para kay Silang ay babae na makaka-unawa sa kultura at pamumuhay ng aming tribo. Gusto namin na dito palakihin ni Silang ang kanyang mga anak katulad ng pagpapalaki namin. Siya ang manga-ngalaga sa aming lupain. Imposibleng mangyari iyon kung sa iyo siya magpapa-kasal,” sabi ni Inang Negay. Sa mga taga-Gangan, importante ang lupa at kultura. Dahil kapag nawala ang dalawa, mawawala rin ang pagkakakilanlan ng mga ito.
“Kapag kasal na po kami ni Silang, handa po akong gawin ang anumang tungkuling maiaatang sa akin bilang asawa niya. Hindi po mahalaga kung hindi man ninyo ang katribo. Ang importante po, kaya kong tanggapin ang pinagmulan ni Silang at iginagalang ko iyon. Hinihingi ko lang naman po ay tanggapin ninyo ako bilang nobya niya.”
“Tanggap ka namin bilang kaibigan ni Silang. Pero bilang mapapangasawa…” Umiling si Lakay Kabuguias. “Hindi iyon magiging madali. Alalahanin mong hindi lang kinabukasan ni Silang ang nakasalalay dito kundi maging ang buong tribo namin.”
Taas-noo siyang tumayo. “Patutunayan ko po sa inyo na karapat-dapat ako para kay Silang. Higit pa sa sinumang dalaga sa tribong ito.”
Kaya’t kailangan niyang maibalik ang mga me’king. Maaring iyon lang ang paraan para hindi na hadlangan ng mga ito pagmamahalan nila ni Silang.