Chapter STFW 33

“Huwag mo nang isipin ang sinabi nila Ina at Ama na ayaw nila sa iyo para kay Kuya Silang. Pumayag naman na silang maikasal kayo, hindi ba?” wika ni Salinga kay Aiesha habang patungo sila sa olog. Napansin marahil nito na hindi siya mapalagay mula nang umalis sila sa bahay nito.

Naiwan si Silang upang masinsinang kausapin sina Lakay Kabuguias at Inang Negay. Subalit sinabi niya na hindi pa pormal na maitatakda ang kasal hangga’t hindi pa nakakausap ang mga magulang niya at ibabalik ang me’king.

Pagdating sa olog ay ilang kadalagahan ang naabutan nila. Biglang natigil ang tawanan at kwentuhan nang mga ito nang makita silang paparating. “Gawis ay masdem yo,” bati niya. Kinabahan siya nang makitang kasama sa mga ito si Inana.

Tumayo si Inana na hindi maipinta ang mukha at lumapit sa kanila. “Anong ginagawa mo dito?”

“Pumunta siya dito para kausapin si Silang at ang intugtukon,” paliwanag ni Salinga. “Humingi siya ng tawad at pinayagan na siyang manatili dito.”

Walang kangiti-ngiti siya nitong tiningnan. “Wala ka talagang kahihiyan. Ang lakas ng loob mong tumapak sa tribo namin. Pagkatapos ng ginawa mo kay Silang, may mukha ka pang ihaharap sa amin.”

“Tama na, Inana,” saway ng isang dalaga dito.

“Pabayaan mo siya,” sabi niya. “Karapatan niyang magsalita. Kasalanan ko naman talaga kung bakit nasaktan si Silang.”

Naglakad paikot sa kanya si Inana na parang inuuri siya. “Ang mahirap sa inyong tagapatag, akala ninyo laruan lang ang mga tao. Na kayang-kaya ninyo kaming paikutin sa mga palad ninyo.”

Nanatili siyang tahimik. Alam niya kung kailan dapat lumaban at kung kailan ititikom ang bibig. Sa pagkakataong iyon, naiintindihan niya ang nararamdaman ni Inana. Mahal nito si Silang at natural lang na magalit ito sa kanya.

“Inana, siya pa rin ang susi para mabawi natin ang me’king,” paalala ng dalagang kaibigan nito.

“Alam ko, Ikari. Pero paano ako maniniwala na ang isang tagapatag na katulad niya ang makakatulong sa atin kung puro gulo ang idinadala niya dito? Hindi natin kailangan ng tulong niya. Kaya dapat, bago pa sumikat ang araw bukas wala na siya sa tribo natin,” matigas na sabi nito.

“Kapag umalis si Aiesha, kasamang aalis si Kuya Silang,” sabi ni Salinga.

“Sino ba siya sa buhay ni Silang?” tanong ni Inana at si Salinga ang hinarap.

“Salinga, huwag mong sabihin,” mariin niyang pakiusap.

Ayaw pa niyang malaman buong tribo ang totoong relasyon nila ni Silang dahil lalala ang gulo. Hindi pa nga siya napapatawad ng mga ito nang mapagbintangang kidnapper si Silang, madadagdagan pa ng panibago. Anak si Silang ng isa sa pinuno ng tribo. Hindi matatanggap ng mga ito na nobya nito ang isang tagapatag na katulad niya.

Hindi pinansin ni Salinga ang pakiusap niya. “Si Aiesha ang nobya ni Kuya Silang.”

Natigagal si Inana habang nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Salinga. “Ikaw?” hindi makapaniwalang usal nito. Daig pa nito ang binagsakan ng langit. Nang makabawi ay bumalasik ang anyo nito at matalim na itinutok ang tingin sa kanya. “Wala kang karapatan kay Silang! Ako lang!” Nang haklitin nito ang braso niya ay halos bumaon ang daliri nito sa balat niya sa matinding galit. “Minahal ko siya mula pagkabata. At hindi ang isang katulad mo lang ang aagaw sa kanya. Sa akin lang si Silang!”

Hindi siya kumurap kahit kaunti at sinalubong ang galit sa mga mata nito. “Mahal ko rin si Silang kaya naiintindihan kita,” malumanay niyang sabi. “Pero hindi ko siya isusuko. Hindi sapat na rason na magkatribo kayo para maging karapat-dapat ka sa kanya. Kung sino ang pinili niyang mahalin, doon siya dapat mapunta.”

Tuso itong ngumiti. “Sa huli, maiisip ni Silang na mas matimbang ang pagmamahal niya sa tribo namin kaysa sa iyo. Kaya ako ang pakakasalan niya.”

“Inana, si Langkawan…” babala ni Ikari subalit hindi na naituloy nang ito naman ang balingan ng masamang tingin ni Inana.

Binitiwan siya ni Inana at si Ikari ang hinarap. “Wala akong pakialam sa kanya. Matagal na niyang alam na si Silang ang mahal ko pero ipinagsisiksikan pa rin niya ang sarili niya sa akin. Gusto ko ngang mawala na rin siya sa buhay ko.”

Lahat sila ay napalingon nang may marinig na pagbagsak ng isang bagay. Naroon bungad ng olog si Langkawan at nakatulala. Narinig ang tiyak nito ang sinabi ni Inana. Nang makabawi ay nagtatakbo ito palayo. Nasaktan ito sa sinabi ni Inana.

“Langkawan!” sigaw niya at tinangkang habulin ito. Subalit madilim na ang gabi at mabilis itong tumakbo. Dinampot niya ang kalileng o nose flute na nailaglag nito. Nang ibalik niya ang tingin kay Inana ay umiiyak itong pumasok sa olog nito.

TAHIMIK si Aiesha habang pinakikinggan ang malungkot na boses. Umaalingawngaw iyon sa paligid habang nagpapahinga sila ni Silang. Nasa bukid sila nananghalian kasama ang ibang miyembro ng pamilya. Masayang nagkukwentuhan ang mga ito subalit pinili nilang magpahangin sa ilalim ng puno sa di kalayuan.

“Napagod ka ba sa pagluluto ng pinikpikang manok?” tanong ni Silang at umupo sa damuhan. “Sabi ni Ina, nagpilit ka daw tumulong.”

“Ha?” aniya at nilingon ito. Saka lang niya naunawaan ang itinatanong nito. “H-Hindi naman. Naawa lang ako sa manok.”

Tumawa ito. “Sanay ka kasi nang luto na kapag ihinanda sa iyo.” Nagseryoso ito nang mapansing tahimik pa rin siya.“Sigurado kang iyan lang ang problema mo?”

Luminga siya sa maaliwalas na paligid. Maganda ang panahon at malamig ang simoy ng hangin. But she felt gloomy inside. Kagabi pa siya hindi mapagkatulog. Naalala pa niya ang sakit sa mga mata ni Langkawan. Naririnig pa rin niya ang iyak ni Inana. Wala man siyang kasalanan, pakiramdam niya ay responsable siya.

“Kanina ko pa kasi naririnig iyong kanta. Tungkol ba saan iyon?”

“Batawa. Ibig sabihin buong mundo. Tungkol siya sa isang lalaki na umikot ang mundo sa isang babae,” paliwanag nito. “Tapos ipinagpalit naman siya sa iba.”

Bumuntong-hininga siya at umupo sa tabi nito. “Nakakaiyak naman ang kanta.” Bagay na bagay iyon para kina Langkawan at Inana. Parehong nagmahal sa taong iba ang minahal. Nararamdaman niya ang sakit ng pagkabigo.

“Hindi mo naman sinisisi ang sarili mo sa nangyari?” anito at inakbayan siya.

Ihinilig niya ang ulo sa balikat nito. “Hindi naman. Pero kung hindi siguro ako dumating sa buhay mo, hindi sila masyadong nasaktan.”

Hinaplos nito ang noo niya at niyuko siya. “Nagkataon lang na ikaw ang minahal ko. Pero hindi mo kasalanan ang nangyari. Alam ko naman na darating rin kami sa puntong kailangang tanggapin ni Inana na hindi ko siya mahal. Masarap lang magmahal sa una. Nagiging bulag ka dahil umaasa kang mamahalin ka rin ng taong mahal mo. Pero kapag alam mong hindi ka niya mahal, talagang masakit.”

“Nalulungkot lang ako para kay Langkawan. He was so devastated last night. Kung nakita mo lang ang itsura niya.”

Ipinabalik na niya ang naiwang nose flute ni Langkawan kay Silang. Pero hindi raw iyon kinuha dahil maalala lang daw nito si Inana. Naalala niya ang pagkabigo kay Aldrich. Hindi rin niya matanggap noong una dahil parang winawasak ang puso niya. Hindi man siya na-depress pero mas naging agresibo siyang mabawi ito.

“Alam ko. Pero sinabi ko sa kanya na lilipas din ang sakit. Ngayon lang iyon dahil sariwa pa ang sugat. Sa kay Inana naman, wala na akong magagawa sa kanya. Sa ngayon, dapat ituon muna niya ang atensiyon sa pag-aaral niya.”

Bumangon siya at humarap dito. “Bakit hindi na lang natin isama si Langkawan mamaya pagpunta natin sa lawa? Para mabawasan ang lungkot niya.”

Umiling ito at tiningnan ang direksiyon ng bukid nila Langkawan. “Hayaan muna natin siya. Mas kakailanganin niyang mapag-isa ngayon.”

“Makaka-recover ba siya?”

Ngumiti ito. “Oo naman. Alalahanin mong kabilang sa tribo ng Gangan si Langkawan. Matatag siya sa pagharap sa pagsubok. Makakalimutan din niya si Inana. Kailangan lang niyang hintayin ang tamang babae para sa kanya.”

Ngumiti siya at humilig muli sa balikat nito. Panatag na ang loob niya ngayon. Sana ay katulad din siya ni Langkawan na matatagpuan ang tunay na magmamahal dito. Katulad nang kung paano niya natagpuan si Silang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.