“Those snakes are still together,” nagngingitngit na sabi ni Aiesha habang nakatitig sa apartment na tinitirhan ni Minerva. “Alas onse na ng gabi pero magkasama pa rin sila?”
Nakaparada ang sasakyan ni Portia sa di kalayuan. Napilitan silang isama ito sa misyon nila dahil gusto daw nitong makatulong. At dahil mas mahirap I-identify ang sasakyan nito dahil bagong bili pa lang kaya iyon ang ginamit nila. Si Portia ang nasa driver’s seat. Habang nasa likuran naman silang dalawa ni Silang.
Magkasalubong na ang kilay ni Silang. Hindi sa pagkainip kundi sa iritasyon. “Akala ko ba nakipaghiwalay ka na sa lalaking iyon? Huwag mong sabihing sinundan mo sila para mahuli sila sa akto na magkasama. I can’t see the logic.”
Nakagat niya sa labi at bahagyang tumingin kay Portia na patay-malisya lang sa pinag-uusapan nila ni Silang. “Hindi pa formal ang break up namin ni Aldrich. Para sa akin, break na kami. Pero hindi pa rin niya alam na break na kami. Kasi…”
Bumugso ang galit sa mukha nito. “Ano?” pasigaw nitong bulalas. “Hindi pa kayo hiwalay pero…”
“Shhh…” pagpapatahimik niya dito. Sekreto lang ang pag-iisa nila sa lawa. Hindi niya sinasabi kahit kanino lalo na kay Portia kahit kaibigan pa niya ito.
Pagkatapos ng shhh niya ay nagpatuloy ulit ito. “At pumayag na akong magpakasal tayo dahil akala ko wala ka nang kompromiso sa kanya tapos…”
“Oh, please,” pakiusap niya na huwag na nitong ituloy ang sasabihin.
Subalit namumula na ito sa galit at hindi na mapigil ang sarili sa pagsasalita. “At sa lawa, pumayag ako na… na…” Natigilan ito at tumingin kay Portia na hindi maitago ang ngiti. Parang noon lang nito napansin na may iba pa silang kasama at masayang nakikinig sa muntik nang pagkakabulgar ng mga sekreto nila.
Kinintalan niya ng halik sa labi si Silang para matapos na ang pakikipagtalo sa kanya. “Hindi ko naman gusto na ilihim sa iyo. Pero intindihin mo naman. Kasama iyon sa plano ko.” Dahil alam niyang hindi ito papayag na magkaroon sila ng relasyon kung alam nitong hindi pa sila tuluyang magkahiwalay ni Aldrich.
“Mga plano mo na hindi mo naman sinasabi sa akin,” may kahinaang sabi nito. Bumaling ito kay Portia. “May alam ka ba dito?”
“Pareho lang tayong inosente dito,” anang si Portia at sumubsob sa manibela. Hanga daw ito sa kanya dahil siya lang ang nakakatagal sa kasupladuhan ni Silang.
Biglang tumahimik nang umugong ang sasakyan ni Aldrich. Nang dumungaw sila ay ihinatid pa ito ni Minerva sa labas na bathrobe ang suot. Hindi na niya kailangang itanong kung ano ang ginawa ng dalawa.
Nang humarurot paalis ang sasakyan ni Aldrich ay kinuha niya ang handbag at tiningnan ang sarili sa compact mirror. “Paano, iiwan ko na kayo.”
Pinigilan siya ni Silang sa braso. “Mag-iingat ka. At tiyakin mo lang na babalik ka dito,” anitong hindi maitago ang pag-aalala sa kanya.
Ngumiti siya at kinintalan ito ng halik sa labi. “Layladen sik a.”
“Ano iyon?” tanong naman ni Portia.
“Sa amin na lang iyon ni Silang,” aniya at bumaba ng sasakyan. Para sa kanya ay sagrado ang salitang iyon. Isa pang sekreto sa pagitan nila ni Silang.
Bukas pa rin ang ilaw sa apartment nang pindutin niya ang doorbell. Hindi pa natatapos ang isang buzz niya ay bumukas agad ang pinto. Nakangiting bumungad si Minerva na suot pa rin ang bathrobe. “Darling, may nakalimutan ka ba?” Nawalan ng dugo ang mukha nito nang makita siya. “Miss Aiesha, anong ginagawa mo dito?”
Matamis siyang ngumiti. “Hindi mo ba ako papapasukin?”
Atubili nitong niluwagan ang pinto. “Gusto ba ninyo ng kape? Pasensiya na nga lang dahil wala akong gourmet coffee na paborito ninyo.”
“Hindi na kailangan,” aniya at inikot ang paningin sa paligid ng apartment. Elegante ang interior at pawang mamahalin ang mga gamit. Puro state of the art ang mga appliances. Hindi iyon makakayang bilhin ng simpleng sekretarya lang. “Maganda ang apartment na kinuha ni Aldrich para sa iyo. Ito pa rin ba ang lovenest ninyo kapag naikasal na kami?”
Naestatwa ito sa kinatatayuan habang nakatitig sa kanya. Ibinuka nito ang bibig subalit hindi na nakapagsalita. Pinadaan niya ang daliri sa crystal statue na naka-display. “Very Aldrich,” sabi niya at hinarap ito. “Ganito rin kaya ang interior ng bahay na titirhan namin kapag kasal na kami?”
Inikom nito ang palad. “Hindi ko alam ang sinasabi mo. Mabuti pa, umalis ka na. Kung si Sir Aldrich ang hinahanap mo, wala siya dito,” may katapangang sabi nito. “Hindi ko na matatagalan ang pang-iinsulto mo.”
Humalukipkip siya at itinapik ang daliri sa braso. “I’m sorry kung nainsulto ka. Pero nainsulto rin kasi ako sa nalaman kong relasyon ninyo.” Mula sa bag ay inilabas niya ang mga larawan nito at ni Aldrich na resulta ng imbestigasyon ni Calvin at inabot dito. “Siguro hindi magsisinungaling ang mga pictures na iyan.”
Nanlaki ang mga mata nito habang tinitingnan ang mga picture na magkasama ang mga ito sa loob mismo ng apartment at sa mga private bars na pinupuntahan ng mga ito. Mabilis na nitong inilipat ang mga larawan habang sa mabitiwan nito ang larawan. Parang nauupos itong umupo sa sofa at hindi makapaniwalang tumingin sa mga larawan na nakakalat sa sahig.
Isinubsob nito ang mukha sa palad. “Hindi!” mangiyak-ngiyak nitong sigaw.
“Marami pa akong alam tungkol sa inyo,” kaswal niyang sabi at naglakad paikot sa kinauupuan nito. “Childhood sweetheart ka ni Aldrich. Discreet ang relasyon ninyo. Walang masyadong nakakaalam maliban sa mga malalapit ninyong kakilala. You became his secretary while he dates other girls. At kahit ikakasal na kami, patuloy pa rin ang relasyon ninyo. Willing ka ba talagang maging mistress?” patuya niyang tanong.
Tumayo ito at hinarap siya. “Ako ang mahal ni Aldrich!”
“Mahalin ka pa rin kaya niya ngayong alam ko na ang relasyon ninyo? Sa palagay mo, sino ang pipiliin niya sa ating dalawa?”
Nanginig ang mga labi nito. Malapit nang bumigay sa pag-iyak subalit pinipilit lang lumaban. Direkta siya nitong tiningnan nang may kakaibang tapang sa mga mata. “Baka nga ikaw ang piliin ni Aldrich dahil iyon ang kagustuhan ng Papa niya. Sa simula pa lang, alam ko nang hindi ako ang papakasalan ni Aldrich dahil mahirap lang ako. Gusto ng Papa niya na mag-asawa siya ng mayaman at sikat na makakatulong sa political career niya. At ikaw nga iyon.”
Kung noon niya iyon narinig, baka magwala siya sa galit. Subalit pinanatili niyang walang emosyon ang mukha. Ni wala siyang maramdamang negatibong emosyon kahit insulto sa kanya na pakakasalan siya ni Aldrich dahil sa pera.
“Ibig sabihin, patuloy pa rin ang relasyon ninyo kahit kasal na kami. Magagalit tiyak si Aldrich kapag nalaman ito ng ibang tao. It will jeopardize his grand plans at baka ikaw ang sisihin niya.” Imbi siyang ngumiti. “You know, Aldrich will do everything to win me back. At tiyak na unang-una niyang gagawin ay ang alisin ka sa buhay niya,” malambing niyang sabi.
Tuluyan na itong napahagulgol ng iyak. “B-Bakit? Kasalanan ba na nagmahal ako?” Inangat nito ang tingin sa kanya na nagsusumamo. “Huwag mo akong ilayo sa kanya. Hindi ko siya hihingin nang buo. Kahit hindi na kami magkasama basta hayaan ninyong makita ko siya. Kahit lumuhod pa ako sa iyo.”
Parang kinurot ang puso niya sa awa dito. Nagkataon lang na mahirap magkaroon ng katuparan ang pagmamahalan ng mga ito dahil sa interes ng ibang tao. Kalahati niya ang nalulungkot dahil kailangan nitong masaktan. Kalahati niya ay nasisiyahan dahil umaayon ang lahat sa plano niya. At sa pagkakataong ito, tiyak niyang hindi na siya papalpak.
“Hindi mo na ako kailangang luhuran, Minerva. Naniniwala naman ako na mahal na mahal mo si Aldrich,” aniya sa magaang boses. “Hindi ako madamot. Handa akong ibigay siya sa iyo nang buong-buo.”
Sumilay ang pag-asa sa mga mata nito. “Iiwan mo na siya?”
Pumalatak siya. “Not so fast. Hindi ako basta-basta nagbibigay ng isang mahalagang bagay nang walang kapalit. Alalahanin mong si Aldrich ang pinag-uusapan natin dito.”
Hinakawan nito nang mahigpit ang kamay niya. “Ano ang gusto mong gawin ko? Kailangan ko bang magpaalila sa iyo?”
Binawi niya ang kamay. “Hindi na kailangan. Marami na akong alila. Hindi naman mahirap ang ipagagawa ko sa iyo. Nalaman ko mula sa confidante ko na sa iyo sinasabi ni Aldrich ang lahat ng sekreto niya at ng pamilya nila. Mahal ka niya kaya wala siyang itatago sa iyo, hindi ba?”
Tumango ito. “Sinasabi nga niya. Pero hindi ako magsasalita kung alam kong makakasira kay Aldrich. Hindi ko siya ipapahamak,” sabi nito.
Umupo siya sa eleganteng sofa. “Don’t worry. Hindi ko siya ipapahamak. Sabihin mo lang sa akin kung nasaan ang mga mummies ng tribo ng Gangan.”
“Mummies?” bulalas nito at namutla. “H-Hindi ba walang alam si Aldrich tungkol diyan? W-Wala talaga siyang alam.”
Kunway ay nanlaki ang mata niya. “Really?” aniya at tumayo upang maghandang umalis. “Kung wala akong makukuhang impormasyon sa iyo, pakakasalan ko si Aldrich sa lalong madaling panahon. At titiyakin ko na tuluyan ka nang mawawala sa buhay niya.” Pinanood niya pagkagimbal sa mukha nito. Muling nangilid ang luha nito nang makita ang masasayang larawan nito at ni Aldrich. “Oh, you can keep those pictures. Remembrance kapag nasa malayo ka na at nag-iisa. Pero bago mangyari iyon, si Aldrich muna ang kakaladkarin ko sa kahihiyan. Para mas masaya naman ang paghihiwalay ninyo at may malaki siyang rason para kamuhian ka niya. Titiyakin kong mawawala na ang pagmamahal niya sa iyo.”
Taas-noo siyang naglakad patungo sa pinto. It was a bluff playing with human emotions. Alam niyang gusto lang nitong protektahan si Aldrich. Pero kailangan din niyang protektahan ang sarili niyang kaligayahan. Ngayon niya malalaman kung hanggang saan ang pagmamahal nito kay Aldrich.
“Sandali lang!” sigaw nito subalit hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan. Tigmak na sa luha mga mata nito. Subalit nakikita niya na may nabuo na itong desisyon. “Ano ang gagawin mo kapalit ng impormasyong maari kong ibigay sa iyo?”
“Uurong ako sa kasal namin ni Aldrich oras na maibalik ang mga mummies sa tribo ng Gangan. I will take the blame of our broken engagement. Tinitiyak ko sa iyong hindi mapapahiya si Aldrich. And if his father wants to pair him with another girl, ako mismo ang gagawa ng paraan para kayo ang maikasal. Is that fair enough?”
Tumango ito subalit hindi mawala ang pagtataka sa anyo. “Anong dahilan kung bakit ginagawa mo ito?”
Ngumiti siya subalit sa pagkakataong ito ay bukal na sa loob niya. “Katulad ng dahilan mo, Minerva. Because of love.”