MAGKASALUBONG ang kilay ni Aiesha habang pinagmamasdan ang nagtataasang bundok sa gilid ng dinadaanan nila at sa kabila naman ay bangin at mga pine trees. Sakay siya ng Land Rover sa tabi ni Silang na siyang nagmamaneho habang si Minerva naman ay nasa likuran nila.
“Sigurado ka ba sa dinadaanan natin?” tanong niya at nilingon si Minerva na kagigising lang. Alas sais na nang umaga at siyam na oras na silang bumibiyahe mula sa Manila upang puntahan ang sinasabi nitong pinagtataguan ng mummies.
Tumango ito at tumingin sa labas. “Oo naman. Tama ang daan na ito. Bakit?”
Luminga siya sa magkabilang gilid ng daan pagkatapos ay sa harap. “Parang nakadaan na ako sa lugar na ito. Hindi kaya inililigaw mo kami?”
Nanatiling pormal ang mukha nito. “Hindi ko kayo ipapahamak. Kapag pumalpak ang plano, mapapahamak lang lalo si Aldrich. Hindi ko iyon gagawin.”
“Dito tayo dumaan papuntang Gangan,” sabi ni Silang. “Sundin na lang natin si Minerva. Saka natin malalaman kung nanloloko siya kapag naroon na tayo.”
Hindi siya kumibo at pinagkatiwalaan ang salita nito. Mahal na mahal ni Minerva si Aldrich at hindi ito gagawa ng anumang makakasama sa nobyo. Dahil kapag nalaman nilang niloloko sila nito, lalabas na lang sa mga gossip columns ang mga explicit pictures at istorya ng mga ito.
“Itabi mo!” utos ni Minerva nang tumapat sila sa isang bungalow-type na bahay. “Dito na tayo.”
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang bahay. “I know this place. Dito ako idinala ni Aldrich nang manggaling sa Gangan.” Isa sa mga kuwarto doon siya nakakulong habang parang military camp ang lugar sa dami ng bodyguards.
“Anong gagawin natin dito?” tanong ni Silang nang bumaba.
“Kakausapin natin ang Tiya Ising ko. Siya ang caretaker ng bahay,” anang si Minerva at sumilip sa gate. Ngumiti ito nang makita ang matandang nagwawalis sa harap ng bungalow. “Tiya! Tiya!”
“I know her!” bulalas niya. “Siya ang nagdala ng pagkain sa akin noon.”
Inakbayan siya ni Silang at binulungan. “Pretend it is your first time here. Huwag ka namang masyadong magpahalata.”
Nang makita sila ng matandang babae ay nagtatakbo ito palapit sa kanila at binuksan ang gate. “Sino iyan?” tanong nito at pilit silang inaaninag. Malabo na ang mata nito at walang suot na salamin.
“Tiya, si Minerva po ako.”
“Minerva, anak!” anito at nagyakap ang dalawa. “Matagal na panahon na tayong hindi nagkita. Akala ko hindi mo na ako dadalawin.”
“Kasama ko po ang mga kaibigan ko,” anang si Minerva at ipinakilala sila. “Sina Aiesha at Silang po.”
“Magandang umaga po,” bati nila ni Silang.
Bahagyang inilapit ni Tiya Ising ang mukha sa kanya at tinitigan siya. “Mukhang nakikilala kita. Saan na nga ba kita nakita?”
Kinabahan siya dahil baka makilala siya nito. Hindi mabuting malaman nito na siya ang idinala doon ni Aldrich. “Ngayon lang po ako nakarating dito,” sabi niya sabay tingin kay Silang. Sinunod lang niya ang sinabi nito.
“Malabo lang talaga siguro ang mata ko,” anito at pinapasok sila. “Hindi pa siguro kayo kumakain nang agahan. Ipaghahanda ko kayo.”
“Salamat po,” sabi niya. Gutom na siya at kahit siguro isang buong baka ay makakain niya. Hindi siya nakakain nang maayos sa mga stop over nila dahil sa sobrang kaba. Hindi kasi niya alam kung magtatagumpay sila sa plano.
“Matagal ka nang hindi nakakatikim ng tapang usa. Paborito mo iyon, hindi ba?” sabi ni Tiya Ising. “Tiyak magugustuhan iyon ng mga kaibigan mo.”
“Sasamahan ko na po kayong magluto, Tiya,” prisinta ni Minerva. Lumingon ito sa kanila. “Magpahinga muna kayo dito.” Tumango siya at sumama na ito kay Tiya Ising sa kusina.
Magkatabi silang umupo ni Silang sa sofa. “I remember the last time I was here. Umiiyak ako dahil nakita ko noong sinaktan ka nila. Ayaw nila akong palabasin. Akala ko hindi na kita makikita,” aniya at iniyakap ang kamay sa baywang nito.
Pinisil nito ang baba niya. “Kahit ako, natakot nang dalhin ka nila. Baka hindi ka na bumalik sa akin. Pero hindi ka na iiyak. Dahil kapag naayos ang lahat ng ito, magkakasama na tayo,” sabi nito at unti-unting lumapit ang mukha sa kanya.
Akmang magsasanib na ang labi nila nang may marinig silang nagbagsakang mga kaserola. Dali-dali silang nagtungo sa kusina upang tingnan ang nangyari nang marinig nila ang pagtatalo nina Tiya Ising at Minerva.
“Hindi pwede ang hinihingi mo sa akin, Minerva,” mariing sabi ni Tiya Ising. “Ako ang mapapahamak. Sa akin nila ipinagkatiwala ang lugar na ito.”
“Pero mahalaga po ito sa akin, Tiya. Ito na ang pagkakataon ko para tuluyang mapunta sa akin si Aldrich. Magiging masaya na ako sa wakas.”
“Anak naman,” malungkot na sabi ni Tiya Ising at tumingin sa kanila. “Ano ang gagawin ninyo sa mga mummies na iyon at gusto ninyong makita?”
“Gusto ko pong malaman kung iyon po ang mga ninuno ng aming tribo,” paliwanag ni Silang. “Dahil po sa pagkawala ng mga mummies sa mga kwebang libingan, dumating na ang kamalasan sa amin. Sinasalanta kami ng mga sakuna at pinepeste ang aming mga pananim. Kung hindi po maibabalik sa amin ang mga ninuno namin, baka lalong maghirap ang aming tribo. Kaya po nagmamakaawa ako sa inyo. Sa akin po nakasalalay ang kaligtasan ng tribo namin.”
Pinagmasdan ni Tiya Ising si Silang. Pinakikiramdaman ang katotohanan sa kwento nito at kung dapat nga silang pagbigyan. “Sige, sasamahan ko kayo pagkatapos ninyong kumain.
Paglipas ng kalahating oras ay idinala sila ni Tiya Ising sa isang bodega sa likod-bahay. “Pumasok kayo sa loob. Pumasok na lang kayo ulit sa loob ng bahay kung tapos na kayo,” bilin nito at iniwan na sila.
“Salamat po,” sabi ni Silang at magkasama silang pumasok.
Dahil madilim sa loob ay binuksan ni Silang ang ilaw. Nang magbaha ang liwanag ay kinilabutan siya sa tumambad sa kanya. Mga mummies na nakasanlansan sa isang panig ng bodega. Magaling ang pagkaka-preserba doon ng mga katutubo subalit unti-unti nang nasisira dahil marahil inalis sa natural na kinalalagyan.
“Ito ba ang mga ninuno mo?” tanong niya.
Sinuri nito ang balat ng mummies at tumango. “Naka-tattoo sa balat nila ang pagkakakilanlan ng aming tribo. Kung napansin mo ang mga palayok na gawa sa tribo at ang mga hinabi, ganito rin ang disenyo.”
Hindi siya makapag-focus sa mga tattoo kundi mismong sa mukha ng mummies. Nakanganga ang mga ito na parang nagmamakaawa at humihingi ng tulong. Sa halip na mamahinga ay pagkaligalig ang nakikita niya. Hindi lang sa mga patay kundi maging sa naiwan na tribo ng mga ito.
“Anong ginawa nila sa mga ninuno ko?” mariing sabi ni Silang habang pinagmamasdan ang mga mummies. Hindi nito maitago ang galit at hinanakit sa mukha nito para sa mga nagnakaw niyon.
“Napakasama nila.” Ninakaw na ang mummies, nilapastangan pa. Nakatambak lang basta ang ilan at wala na ang ibang bahagi ng katawan.
Hindi niya napansin ang bodegang iyon noon. Doon lang pala itinago ang mga mummies. Sa loob ng mahabang panahon ay naroon lang ang mga iyon. Naghihintay na makabalik sa himlayan ng mga ito.
“Hindi sila dapat nandito. Dapat nasa kweba namin sila at payapa na,” wika nito at inayos ang mga mummies. Parang gusto na nga nitong hakutin at ilayo na.
Mariin niyang hinawakan ang balikat nito. Nararamdaman niya ang galit nito dahil iyon din ang nararamdaman niya. Tao ang mga iyon at hindi bagay na basta na lang ikakalat-kalat. “Mababawi din natin sila. Pero sa ngayon, kailangan nating makunan ng video at camera ang mga ito,” sabi niya at inabot dito ang digital camera. Habang siya naman ay nagsimulang kunan ng video.
“Nakita na ninyo?” tanong ni Minerva nang bumalik sila.
Malungkot na tumango si Silang. “Bakit po ganoon ang ginawa sa kanila?” naghihinanakit nitong tanong.
Umiling si Tiya Ising. “Hindi ko rin alam. Tagabantay lang ako dito.”
Kinuyom ni Silang ang palad. “Gusto ko na po silang ibalik sa tribo namin. Hindi po sila nababagay sa ganitong lugar.”
“Hindi pwede!” tutol ni Minerva. “Si Tiya ang mapapahamak. Mahigpit ang bilin sa kanya na huwag iyong pakikialaman o ipapakita sa iba.”
“Pero usapan natin, kailangang maibalik ang mga mummies,” paalala niya. “Bakit hindi mo pakiusapan si Aldrich na ibalik ang mummies?”
Napayuko si Minerva. “Wala akong kapangyarihang mag-utos sa kanya.”
“Kung ganoon, si Uncle Donato na lang ang kakausapin ko,” aniya. “Siguro naman ibibigay niya ang mga mummies kung hihilingin ko.”
Mahigpit siyang hinawakan ni Minerva sa braso. “Huwag! Mas lalo ka lang mapapahamak. Hindi mo alam ang kaya niyang gawin para lang protektahan ang mga mummies na iyan. Malupit siyang tao. Lalong mapapahamak, hindi lang si Tiya Ising kundi baka maging ang mismong tribo nila Silang. Hindi mo siya kilala.”
“Si Uncle Donato?” gulat niyang bulalas. Hindi siya makapaniwala. Maaring ambisyoso ito at may kinalaman sa pagkawala at pagtatago ng mummies pero hindi niya ito nakitang nanakit ng kapwa o nagsalita ng masama.
“Nagmamakaawa ako,” mariing sabi ni Minerva. “Umisip ka na lang ng ibang paraan para maitakas ang mga mummies nang hindi napapahamak si Tiya.”
Mariin niyang pinagdikit ang mga labi. “Si Aldrich na lang ang kakausapin ko.”