Chapter STFW 37

Nakahanda na ang ngiti ni Aiesha nang pagbuksan si Aldrich ng pinto. “Hi,” bati niya at pinapasok ito sa condo niya sa Makati kung saan niya ito inimbitahang mag-dinner. Gaya ng inaasahan niya, isang tawag lang niya ay nagkukumahog na itong pumunta kahit na may meeting pa ito.

Niyakap agad nito ang baywang niya. “Marami akong kasalanan sa iyo. I realized that my work took too much of my time. Please take me back,” sabi nito at tinangka siyang halikan.

Itinulak niya ito palayo at nilingon si Silang na nakaupo sa sofa at walang ekspresyon sa mukha habang pinagmamasdan sila. Subalit alam niyang nagseselos ito. “Aldrich, we got company,” sabi niya.

Mabalasik ang mukha nitong sinugod si Silang. “Anong ginagawa niya dito?”

“I invited him for dinner,” kaswal niyang sabi.

“B-But I thought it would only be the two of us,” nanlulumong sabi nito.

“Then you are wrong, sweetie,” aniya at umabrisyete dito. “Let’s start dinner, shall we?” Sinulyapan niya si Silang. “Mr. Aladeo.”

Tumango si Silang sa kanya na makisig sa suot na itim na amerikana at sumunod sa kanila ni Aldrich. Habang ang huli naman ay matalim ang tingin tuwing nililingon si Silang. Naglalabanan ng tingin ang dalawa nang simulan nilang kumain.

“Bakit nandito ang lalaking iyan? Ayoko siyang makita,” ngitngit ni Aldrich at sa halip na kumain ay alak ang pinagbalingan. “Ano ba ang gusto mong palabasin?”

“Can we eat peacefully and discuss your sentiments after dinner? I’m famished,” aniya at sumubo ng mushroom soup.

Hinampas nito ang mesa at natigilan sila ni Silang. “Ayoko nang kumain! Bakit kailangan kong magtiis makasama ang taong-bundok na iyan samantalang dapat pinag-uusapan na natin ang tungkol sa kasal natin!”

Kalmante niyang pinunasan ng napkin ang gilid ng labi. “Then let’s go down to business.”

“Is it about those f***king mummies again?” gigil nitong sabi.

“Calm down, Aldrich.” Kinuha niya ang bag at inilabas ang mga larawan doon. “Take a look at these,” aniya at inabot dito.

Naaliw sila ni Silang habang pinagmamasdan ang pagkawala ng galit kasabay ng pagkawala ng kulay ng mukha nito habang tinitingnan ang mga pictures nito at ni Minerva. “What the hell is the meaning of these trashes?” galit nitong tanong.

Nagkibit-balikat siya. “I don’t know. Hindi ba ikaw ang gumawa niyan?”

“Kaya mo ba ako pinapunta dito para dito?” Ihinagis nito ang mga pictures sa mesa. “Akala ko gusto mong makipagbalikan. Na naniniwala ka na mahal kita. I thought you love me enough to believe me.”

“Or you thought I was stupid enough to believe you,” sarkastiko niyang sabi at ngumiti. “Alam ko na ang dahilan kung bakit gusto mo akong pakasalan. You want financial support for your father’s campaign, which will be provided by my Dad. At habang kasal tayo, nagsasaya kayo ni Minerva.Akala mo siguro hindi ko malalaman.”

“This is a bull!” bulalas nito at naglakad palayo.

“I can ruin you, Aldrich. With just a click of my finger. At kasamang masisira ang career ng Papa mo,” babala niya.

Galit na galit siya nitong binalikan. “You bitch!”

Akmang hahaklitin nito ang balikat niya nang itulak ito ni Silang palayo at pumagitna sa kanila. “Subukan mo siyang hawakan o matatanggal ang braso sa balikat mo,” banta nito.

She felt proud nang makitang namutla si Aldrich. Mas malaki ang katawan ni Silang at mas sanay sa labanan. Di tulad ni Aldrich na mas manipis ang katawan at alaga sa proteksiyon ng mga bodyguards.

Dinuro nito si Silang. “Sino ka para pagbantaan ako, taong-bundok? Ikaw na ba ang bagong bodyguard ni Aiesha? You don’t have class.”

“Wala siguro akong class pero kaya kong baliin ang buto mo kapag sinaktan mo siya,” ngingiti-ngiting sabi ni Silang.

“At tigil-tigilan mo ang pagtawag kay Silang ng taong-bundok,” pagtatanggol niya. Hindi kaya ito tumitingin sa salamin? Hamak na mas guwapo si Silang dito. “Baka mainis ako sa iyo at umulan ng picture ninyo ni Minerva sa buong Makati. I’m sure the media will love it.”

Nanlulumo itong yumuko at tinanggap ang pagkatalo. Nasa kanya ang alas para sirain ito. “I’m sorry,” mapagpakumbaba nitong usal. “Sinunod ko lang ang kagustuhan ni Papa. Kung hindi kita pakakasalan, ilalayo niya sa akin si Minerva.”

“May consent ang Papa mo sa relasyon ninyo?” gulat niyang sabi. Ibig sabihin si Donato Dominicano ang may intensiyong manipulahin sila.

Tumango ito. “Ayaw niyang maikasal ako sa babaeng hindi galing sa prominenteng pamilya. Kailangan niya ako para matupad ang political ambition niya. Running for Senate is a big step. Malaking halaga ang gagamitin sa kampanya. At kailangan ng dagdag na pwersa at impluwensiya na kayang ibigay ng pamilya mo.”

Pumalatak siya at humalukipkip. “Ano ang gagawin mo kung ikaw ang magiging dahilan ng pagkasira ng political career ng Papa mo? Without my dad’s money, he won’t get seat to the Senate.”

Lumuhod ito. “I am willing to compromise. Gusto kong matuloy ang kasal. Iiwan ko si Minerva kung kinakailangan.”

So he wanted to get his father a seat to the Senate badly. “Matagal nang nagbago ang isip ko. Ayoko nang pakasalan ka.”

“Kung hindi iyon matutuloy, paano si Papa?” takot nitong sabi. “Ayokong magalit siya sa akin dahil paglalayuin niya kami ni Minerva.”

“Pwede kang makatakas sa galit ng Papa mo at patuloy kayong magkasama ni Minerva. My dad can still give him support even without the wedding. Iyon ay kung maibabalik mo sa amin ang mga mummies.”

Galit nitong binalingan si Silang at dinuro. “Para sabihin ko sa inyo, wala kayong makukuhang mummies sa amin. Kalokohan! Baka nga gawa-gawa lang ang istorya ng mga mummies. So cut the crap, fool!”

Pilit niyang pinakalma ang sarili habang binabanatan nito si Silang. Nanatili lang tahimik ang huli dahil lahat ay umaayon sa plano nila. Inabot niya ang remote control at binuksan ang TV gayundin ang DVD player.

“Let’s see who is the real fool,” sabi niya at isinalang ang isang cd. Bumulaga sa screen ang mga nakatagong mummies. “Sa bodega iyan sa resthouse ninyo. At nakumpirma ni Silang na pag-aari iyan ng tribo nila dahil sa tattoo sa kanilang katawan. May batas na ngayon na nag-uutos na ibalik ang mga mummies kung saan sila kinuha at may parusa para sa mga ilegal na nagtatago nito. Pwede silang kumpiskahin ng pulisya at ng National Musuem para ibalik sa Gangan. Ang ibig sabihin, isa na namang malaking pasabog na tuluyang sisira sa Papa mo. Your family will be the media’s favorite. Tingnan natin kung makatakbo pa siya sa Senado.”

“Gusto mong ibalik ko ang mga iyan?” napapailing nitong tanong habang nakatitig sa video ng mummy na ayon kay Silang ay siyang pinakamatanda sa lahat at siyang laman ng mga kasaysayan ng tribo bilang magaling na mangangaso. “Hindi madali ang hinihingi ninyo.”

“Madali lang iyon,” sabi niya at binigyan ito ng scotch on the rocks. “Kaysa naman kami mismo ang direktang pupunta sa Papa mo kasama ang lahat ng picture ninyo ni Minerva. Lalabas din ang mga pictures at footage ng mummies sa dyaryo at TV para ma-pressure siya na ibalik ang mga iyon sa tribo.”

Humigpit ang hawak nito sa baso ng alak at nang-aakusang tiningnan si Silang. “Is this your idea?”

“My idea,” pag-angkin niya. “Kung makikipag-cooperate ka, pwede mong makasama si Minerva at ako ang aako ng kasalanan bakit di matutuloy ang kasal.”

Nagsalubong ang kilay nito. “Paano mangyayari iyon?”

Ginagap niya ang kamay ni Silang. “I am marrying someone else.”

Nanlaki ang mata ni Aldrich. “You mean him? Ganoon ba kalaki ang galit mo sa akin at gusto mo akong ipahiya sa lahat. Ipinagpalit mo ako sa taong-bundok.”

Pinisil ni Silang ang kamay niya upang pakalmahin siya subalit tuluyan nang sumambulat ang galit niya. “Hindi siya kahihiyan. Mahal ko siya dahil mas lalaki siya kaysa sa iyo. Hindi niya habol ang kayamanan ko.”

Ngumisi si Aldrich. “Paano ka nakakasiguro?”

Iniyakap niya ang isang kamay sa baywang ni Silang at humilig dito. “Marami na siyang rice terraces at walang mas importante sa kanila kundi ang ancestral land nila. Hindi na niya kailangan pa ang pera ko.”

Silang knows how to work. Oras na matapos ang problema sa tribo, magtuturo na rin ito sa isang university malapit sa Gangan. At maari rin itong tumulong sa gobyerno para mas mapaunlad ang agrikultura sa rehiyon nito.

Minasahe nito ang sentido na parang biglang sumakit ang ulo. “People will laugh at you and you will regret this.”

Ngumiti siya. “Who cares? Hindi mo rin naman inisip ang opinyon ng ibang tao nang mahalin mo si Minerva kahit mahirap lang siya. Kaya ingat ka sa pagsasalita dahil baka bumalik lahat sa mukha mo ang ibinabato mo.”

Muli itong napayuko. “Mahal ko talaga si Minerva. At kung may pagkakataong makasama ko siya nang walang tututol, gagawin ko.”

“Pwede ka naman naming tulungan,” sabi ni Silang. “Depende lang kung kaya mong ibalik ang mga ninuno ng tribo namin o hindi.”

“ITO ang plano. Tayo mismo ang pupunta sa resthouse namin para kunin ang mga mummies. Hindi na kokontra pa si Tiya Ising kapag ako mismo ang gumawa niyon,” paliwanag ni Aldrich. Kasama ito, si Aiesha, Silang at Minerva, pinag-usapan nila kung paano mababawi ang mummies na nasa pamilya nito.

Nang umaga ay tinawagan siya nito at sinabing handa na itong makipagtulungan sa kanya. Iyon na rin kasi ang pagkakataon para magkasama ito at si Minerva. Nangingibabaw din ang pagmamahal nito sa kasintahan.

“May conference kami sa Baguio next week,” sabi ni Minerva. “Sa halip na bumalik ng Manila, tutuloy na kami sa resthouse. Ako ang bahalang kumumbinsi sa kay Tiya Ising para ibigay ang mummies kay Aldrich.”

“Pero paano na si Tiya Ising?” nag-aalala niyang tanong. “Paano kung siya ang pagbalingan ni Uncle Donato? Itakas na rin natin siya.”

“Hindi siya papayag na iwan ang ancestral house. Pwede nating sabihing ninakaw ang mummies,” sagot ni Aldrich. “Marami namang private collectors ang nagkaka-interes sa mummies ni Papa. Tumanggi lang siya ipagbili kahit ano pang halaga ang I-offer nila dahil importante daw ang mga iyon.”

“Bakit naman siya magkaka-interes sa mga ninuno namin?” tanong ni Silang.

Nagkibit-balikat si Aldrich. “Hindi ko rin alam. Malalaman ko rin daw sa tamang panahon kung bakit pilit na pinangalagaan ni Lolo ang mga iyon.”

“Baka nakakalimutan mong hindi private collectors ang unang paghihinalaan ng Papa mo,” paalala niya. “Kung may gustong-gustong makakuha ng mummies mula sa inyo, tribo nila Silang iyon.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.