Nag-e-enjoy sa pakikinig ng kanta ng Incubus sa cd player habang tinatahak ang daan sa Pampanga. Madaling-araw na noon at bahagya pang may tikatik ng ulan subalit wala siyang pakialam. Excited na siyang makarating ng Baguio kung saan sila magkikita ni Silang.
Nang matapos na ang kantang Drive ay isinuot niya ang headset ng cellphone at tinawagan si Aldrich. “Hello,” sagot ng boses ng babae. Hindi na niya kailangan pang itanong dahil alam niyang si Minerva iyon.
“Hi!” bati niya. “Pasensiya na kung naabala ko kayo. Sabihin mo kay Aldrich na nandito na ako sa Pampanga. Papunta na ako diyan sa Baguio.”
“Kasama mo ba ang driver mo?” tanong nito.
“Nope. Mag-isa lang ako,” nakangiti niyang sabi at bahagyang iginalaw ang ulo nang magsimulang tumugtog ang kasunod na track ng cd.
“Ano? Mag-isa ka lang? At ikaw ang nagmamaneho ng kotse mo?” sa halip na malambing na boses ni Minerva ay pasigaw na tinig ni Aldrich ang bumungad sa kanya. “Bakit hindi ka nagsama ng bodyguard? Hindi ka dapat nagbiyahe ng mag-isa. You should have used your private plane instead.”
“Naalimpungatan ka pa yata,” komento niya. “Muntik mo nang basagin ang eardrum ko. For your information, wala na akong bodyguard.”
Mula nang manggaling siya sa Gangan ay tuluyan nang nadispatsa ang mga iyon dahil napatunayan ng mga magulang niya na hindi siya kinanti sa tribo. May tiwala na rin ang mga ito sa mga kilos niya. At dahil sinabi niyang makikipagkita siya kay Aldrich, napasang-ayon niya ang mga ito na bumiyahe siyang mag-isa. Hindi siya mag-e-enjoy na sumakay ng private plane dahil maigsi ang biyahe. Kaya gamit ang sariling sasakyan ay umalis siya upang samantalahin ang kalayaan.
“Sana nagsama ka kahit isa. Nangako ako kay Silang na pangangalagaan ko ang kaligtasan mo. Paano kung mapahamak ka?” nag-aalalang sabi nito.
Natawa siya nang nahimigang takot ito kay Silang. “Hindi malalaman ni Silang kung hindi mo sasabihin.” At kung tuluyan nilang mababawi ang mummies, hindi na magiging isyu pa ang pagbiyahe niyang mag-isa.
“Palibhasa leeg ko ang pipilipitin niya at hindi sa iyo.”
“Stop fuming. Tinitiyak ko sa iyong safe ako. Maya maya lang, nandiyan na ako sa hotel ninyo. Handa na ba ang lahat para sa pagbawi ng mummies?”
“Medyo kinakabahan pa ako.” Iyon ang unang pagkakataon nitong susuwayin ang sariling ama. Natural lang na dagain ang dibdib nito.
“Huwag kang matakot. Pagkatapos nito, magiging malaya na kayo.”
At magiging malaya na rin kami ni Silang, usal niya sa sarili nang magpaalam dito. Halos isang linggo silang hindi nagkita kaya miss na miss na niya ito, ang yakap at halik nito. Humigpit ang hawak niya sa manibela. Ilang oras na lang ay magkikita na ulit sila. Babalik sila sa Gangan, magpapakasal at hindi na sila maghihiwalay pa.
Nasa kalagitnaan siya ng pangangarap nang may mabilis na van ang nag-take over sa kanya at humarang sa dadaanan niya. Ilang armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng itim na long sleeve at shades sa kabila ng madilim na gabi.
Kinabahan siya nang lumapit ang mga ito sa kotse niya. Mabilis siyang nag-dial sa cellphone at sinubukang tawagan si Aldrich. Subalit bago pa nito nasagot ay naibagsak niya ang cellphone nang tutukan siya ng kuwarenta y singkong baril.
“Itaas mo ang kamay mo at bumaba ka!” utos nito.
“SAAN ninyo ako dadalhin? Ano bang kailangan ninyo sa akin? Pera? Sino ang nag-utos sa inyo na kidnapin ako?” sunud-sunod na tanong ni Aeisha sa mga kidnaper niya. Matapos siyang tutukan ng baril kanina ay isinakay siya nito sa van at pinirangan ang mga mata niya. Ilang oras na silang bumibiyahe subalit hindi niya alam kung nasaan na sila. Nang una nga ay tinalian ang bibig niya para hindi siya makapagtanong. Nakatulog na siya sa sobrang pagod at sinamantala ulit niya ang pagtatanong nang paggising niya ay wala nang tali ang bibig niya.
“Tumahimik ka na lang, Miss. Malalaman mo rin naman ang pakay namin,” sabi ng lalaking katabi niya. Kanina pa siya nahihilo sa matapang nitong pabango. “Taga-deliver lang kami. Boss namin ang bahala sa iyo.”
Maliban nang tutukan siya ng baril, hindi na siya nakaramdam ng takot. Kaya nga pinipilit niyang magsalita para lumakas ang loob niya. Naiinis lang siya dahil nakatali ang kamay niya at wala siyang makita. Hindi niya alam kung anong klaseng grupo ng kidnaper ang kumuha sa kanya. Marami na ang tuma-target sa kanya noon pa. Siya lang ang makulit na huwag magkaroon ng bodyguard. Tiyak naman niyang walang sasabihin ang mga kumag niyang kidnaper tungkol sa amo ng mga ito.
“Kung pakakawalan ninyo ako, mas malaki ang reward na ibibigay ko sa inyo kaysa sa sweldo ninyo. Hindi na ninyo kailangan mangidnap,” pangungumbinsi niya.
Kung pera at pera lang din naman ang mapag-uusapan, baka mas yumaman pa ang mga ito sa utak ng kidnapping kung makikipagtulungan lang sa kanya.
Saglit na natahimik ang mga ito. Marahil ay pinag-iisipan ang proposal niya. Lihim siyang napangiti. Napapaikot pa rin ng mundo ang salapi.
“Pare, pakawalan na natin ito. Wala namang hihinging ransom si boss, hindi ba? Ibig sabihin hindi madadagdagan ang sweldo natin. Ilang taon na tayo sa kanya pero wala naman tayong increase,” sabi ng katabi niya.
“Oo nga. Magbubuhay-hari na tayo. Hindi na natin kailangang magsilbi sa iba,” sabi ng nasa harap niya.
“Mga bobo!” sabi ng lalaking sa tantiya niya ay nasa tabi ng driver. “Nagpapaniwala naman kayo sa babaeng iyan. Paano kayo nakakasiguro na hindi tayo isasabit sa mga pulis? Doon na lang tayo kay boss. Kahit hindi kalakihan ang sweldo, hindi naman tayo pinababayaan.”
“Huwag na nga kayong magtalo-talo. Hindi na rin naman kayo makakaurong dahil nandito na tayo,” sabi ng driver at bumagal ang sasakyan. Sa palagay niya ay papasok na sila sa hideout ng mga ito.
Maya maya pa ay tumigil na ang sasakyan. Napuno ng malamig na hangin ang baga niya nang bumukas ang pinto ng van. “Baba na!” utos ng katabi niya at halos kaladkarin siya. Naramdaman niya ang pagpasok nila sa kulob na lugar. “Pwede kang magsisigaw dito, Miss. Walang magrereklamo dahil kilo-kilometro ang layo ng pinakamalapit na bahay. Ibig sabihin, wala ring tutulong sa iyo.”
“Nasaan ba tayo?” tanong niya.
“Magtanong ka sa boss namin kapag nagkausap kayo, Miss,” sagot ng guwardiya niya at inakay siya papasok isang kulob na lugar.
Naalarma siya nang pilit siyang paupuin ng mga ito sa semento at itinali ang kamay niya sa posteng kahoy. “Hayop ang boss ninyo! At hayop din kayo! Kapag nakawala ako dito, titiyakin kong male-lethal injection kayo! Hindi yata ninyo ako kilala. Ako si Aiesha Wayne! Kayang-kayang bilhin ng Daddy ko ang mga buhay ninyo!” sigaw niya na nauwi sa hibik nang iwan siya ng mga itong nakatali. Hindi rin nakinig ang mga ito sa kanya.
Madilim dahil sa pagkakapiring ng mata niya. Isa iyon sa kinatatakutan niya. Ang maiwan sa gitna ng dilim nang walang katiyakan. Subalit hindi siya maaring sumuko hangga’t hindi niya nalalaman ang tunay na pakay ng mga ito sa kanya. Ipinikit niya ang mga mata at noon lang nakadama ng pagod. Kailangan niyang mag-ipon ng lakas. Dahil hinihintay siya ni Silang.