Chapter STFW 40

“IBUKA mo ang bibig mo, anak. Para masubuan kita,” mahina ngunit mabait ang boses ng matandang nagpapakain sa kanya. Kanina pa siya nakikiusap na kalagan nito ang tali at piring niya para siya na ang magsubo sa sarili kasama ang pangakong hindi siya tatakas. Pero hindi siya pinagbigyan nito.

“Hanggang kailan po nila ako ikukulong dito, Manang? Pakakawalan pa po ba nila ako kapag nagbayad ng ransom ang magulang ko?” tanong niya nang malunok na ang pagkain. Mas gusto niya itong makausap kaysa sa mga kidnapper niya.

“Hindi ko alam, anak. Tagabantay lang naman ako sa lugar na ito.”

“Tulungan po ninyo akong makatakas. Isasama ko na rin po kayo. Hindi ninyo kailangang magsilbi sa isang taong halang ang kaluluwa,” pangungumbinsi niya. Alam niyang naawa ito sa kanya. Kailangan lang niya ng kaunti pang paawa.

“Pasensiya na pero wala akong magagawa para sa iyo,” anito at iniumang sa bibig niya ang straw para makainom niya sa tubig.

“Tapos na ang oras ng pagkain. Makakalabas ka na, Tanda!” utos ng awtori-sadong boses. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Ito ba ang kidnapper niya?

Kasabay ng papalayong yabag ng matandang nagpakain sa kanya ay ang mabibigat na yabag na papalapit sa kanya. “Kumusta, Aiesha Wayne? Ano ang pakiramdam walang kalaban-laban at di ka pinakikinggan ng nasa paligid mo?”

“Sino ka? Ikaw ba ang walang kaluluwang kumidnap sa akin? Pakawalan mo ako!” sigaw niya at pilit sumipa upang ipakitang lumalaban pa siya. “Lumaban ka nang patas. Tatalunin kita at ipapalapa kita sa mga hayop sa gubat!”

Humalakhak ito na parang demonyo. “Matapang ka pa rin. Baka ikaw ang ipalapa ko sa mga hayop at uunahin ko ang matalas mong dila. Too bad, you won’t be my daughter-in-law anymore.”

“Uncle Donato?” bulalas niya nang makilala nang tuluyan ang Papa ni Aldrich. “Ikaw ang nagpa-kidnap sa akin?”

Tinanggal nito ang piring niya sa mata. Ikinurap-kurap niya ang mata upang makapag-focus dito. Sa pamamagitan ng malamlam na ilaw na nakasentro sa kanya ay nakita niya ang mukha nito.

Nagulat siya dahil hindi ito sumagi sa isip niya. “Bakit ninyo ako ipina-kidnap? Para makakuha ng mas maraming pera sa kampanya? Tutulungan na nga kayo ni Daddy at magpapakasal kami ni Aldrich. Ano pang kailangan ninyo?”

Pinisil nito ang panga niya. “Akala mo siguro tanga ako. Alam ko ang lahat ng galaw mo. Ang pamba-blackmail mo kay Aldrich para hindi na matuloy ang kasal nimyo dahil may relasyon na kayo ng taong-bundok na iyon.”

“P-Paano mo nalaman?” nanginginig niyang tanong. Maingat siya sa mga galaw niya at ganoon din si Aldrich. Hindi kaya nagsumbong ito sa Papa nito? Imposible. Hindi siya ipapahamak nito. Hindi ito katulad ng sariling ama na nagpapahamak ng kapwa.

“Hindi ako aabot sa posisyong ito kung hindi ko ginagamit ang utak ko.” Hinila nito ang buhok niya upang magsalubong ang mga mata nila. “You are the perfect daughter-in-law perfect for every politician. You have the money and the charisma. Pero hindi ako mangingiming alisin ka sa landas ko.”

Nag-apoy sa galit ang mata niya. “Malalaman din nila na ikaw ang kumidnap sa akin. At malalaman din ng buong Pilipinas ang kabulukan ng pagkatao mo. You will rot in jail and your career will rot in hell. Tingnan lang natin kung makakuha ka pa ng posisyon kahit baranggay captain.”

Titiyakin niya na mapaparusahan ito. Hindi lang ito kidnapper. Magnanakaw din ito at isang ahas na magaling magbalat-kayo. Hindi dapat nagkakaroon ng kapangyarihan at awtoridad ang tulad nito dahil mananamantala lang sa iba.

Binitiwan siya nito at naglakad palayo. “Sa palagay mo ba may makakaalam pa ng katotohanan? Hindi ka na makakalabas sa lugar na ito.” Naglakad ito at may pinindot na hula niya ay switch at bumaha ng liwanag. Umikot ang paningin niya sa mga mummies na nasa paligid. Alam na niya kung saan siya nakatago. Nasa bodega siya sa resthouse ng mga Dominicano. “Gusto ninyong makuha ang mga mummies na ito, hindi ba?” sabi nito at umuklo sa harap niya. Pwes, hindi na kayo magkakahiwalay. Magsasama na kayo habambuhay…sa kabilang buhay,” anito at nagpakawala ng nakakapangilabot na halakhak.

Gumapang ang takot sa katawan niya at nakaawang ang labing tumitig dito. “P-Papatayin mo ako?” She suddenly felt defenseless. Ngayon lang niya nakaharap si Kamatayan. Nasa isang liblib siyang lugar at walang maaring tumulong sa kanya. Paano malalaman ni Silang o ni Aldrich kung nasaan siya?

Nakangisi itong naglabas ng kutsilyo na may etnikong disenyo sa puluhan. Naramdaman niya ang malamig na metal sa pisngi niya. Bagamat hindi siya nasaktan o nasugatan, nagdala iyon ng ibayong takot sa kanya.

“At hindi doon nagtatapos ang bangungot mo. Akala mo ba makakaligtas sa galit ko ang pinakamamahal mong taong-bundok?”

Lalong nadagdagan ang takot niya nang banggitin nito si Silang. “A-Anong gagawin mo sa kanya? Sasaktan mo?”

“Itatapon ko ang bangkay mo malapit sa tribo nila. At natural lang na sa kanila maibintang ang pagkamatay mo. Siyempre, sa anak ko mapupunta ang simpatya ng lahat dahil pinatay ng isang sawing mangingibig ang pakakasalan niya. I can still get a seat in the Senate,” anito at matagumpay na ngumiti. “At ang kutsilyong ito ang tatapos sa buhay mo.”

Napalitan ng galit ang takot na nararamdaman niya. Isisi nito sa taga-Gangan ang pagkamatay niya para tuluyang matabunan ang isyu ng pagkakanakaw ng mga mummies. Makukulong si Silang at hindi niya alam kung sino pa ang ibang madadamay. Tuluyan nang masisira ang kinabukasan ng tribo nito. Habang nakakalaya naman at tumatamasa ng tagumpay ang taong may kasalanan ng lahat.

“Kaya dasalan mo na ang lahat ng santo at pati na rin mga anito. Dahil malapit ka nang mawala sa mundo.”

Kusang tumulo ang luha niya nang sumara ang pinto at naiwan siyang mag-isa. “Silang,” usal niya. Baka hinahanap na siya nito. Kung may magagawa lang sana siya para malaman nito kung nasaan siya.

Hindi siya natatakot mamatay. Mas natatakot siya sa maaring mangyari dito kapag wala na siya. Dobleng sakit ang mararamdaman nito kapag dito pa ibinintang ang pagkamatay sa kanya. Pero sino nga ba ang maniniwala sa pagmamahal ng isang tulad nito laban sa kapangyarihan ng isang tulad ni Donato Dominicano?

Maaring hindi matupad ang mga pangarap nila na maikasal at bumuo ng pamilya. At baka hindi na rin niya ito makita pa kahit kailan.

Mariin siyang napapikit at piping nanalangin. “Tulungan po ninyo ako. Sana malaman ni Silang ang nangyari sa akin. Kailangan ko siya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.