Chapter THIRTY

“Matangkad nga! Lampas six-foot! Sobrang tangkad! Grabe sa tangkad! Pagka-tangkad-tangkad!” mariing giit naman ni Jing-jing na hindi malaman kung paanong pagpipilipit ang gagawin sa mga labi para hindi ito tuluyang mapabungisngis.

Tila nakahalata naman na si Yang dahil mabilis itong nagtaas ng mukha at tumingin sa kanila ni Jing-jing. Huling-huli tuloy nito ang pagsesenyasan nila.

“Ewan ko sa inyong dalawa! Sige, kayo na ang magaganda!” napipikang asik naman ni Yang sabay walk-out.

Nagkatinginan sina Chrisma at Jing-jing. Medyo nakonsensya sila. Kahit naman kadalasan ay asar sila kay Yang dahil sa kayabangan at pagiging demanding nito, hindi pa rin tamang laitin nila sa harapan nito ang nobyo nito.

“Ayan, nagalit tuloy. May I walk out ang beauty. Ikaw kasi!” paninisi ni Chrisma kay Jing-jing.

“Ano’ng ako? Eh ikaw diyan ang panay ang tanong kung gwapo ba ang jowa niya.”

“Paulit-ulit mo ba namang sabihing ubod ng tangkad, nakahalata tuloy.”

“Eh sa matangkad nga!”

“In other words, chaka to the nth level nga?!” mulagat na untag niya.

Pero ang bruhang Jing-jing, naghugas kamay. Itinuro pa siya sabay sabi ng, “Hindi ako ang nagsabi niyan ha. Ikaw. My lips are sealed. Husgahan mo na lang mamaya.”

Nang makita ni Chrisma ang ipinagmamalaking boyfriend ni Yang ay agad siyang napasang-ayon kay Jing-jing. Ubod nga ng tangkad ng lalaki! Hindi niya alam kung paano mai-describe ang hitsura ng lalaki. Para kasi itong pinaghalong palaka at buwaya na naging tao. Para bang nag-joke lang ang mga magulang nito at hindi sinasadyang makabuo ng tao.

Kung sana ay bumawi man lang ang lalaki sa ugali, hindi niya paliliguan ng panlalait ang lalaki sa isip niya. Pero hindi ganoon ang nangyari. Mas masahol pa yata kasi ito kaysa kay Yang. Hindi pa naman siya kilala ng lalaki pero aba’t galit na sinermunan na siya matapos malaman mula kay Yang na natagalan sila sa pagdating dahil sa paghihintay sa kanya. FC agad ang lalaki, feeling close. And to think na sabit lang ito sa lakad nila. Ayaw lang niyang sumama ang mood niya kaya hindi na niya pinatulan ang topak na lalaki.

At kung mamasdan mo si Yang habang nakakunyapit sa braso ng lalaki ay iisipin mong nasa level nga nina Chris Evans, Chris Hemsworth at Chris Pine ang kagwapuhan at kakisigan ng lalaki. Tila takot na takot pa si Yang na maagaw ng ibang babae ang nobyo. Ang sama nga ng tingin ni Yang sa mga salesladies na nag-a-asisst sa kanila habang nagsa-shopping sila, akala mo pinagbabalakang akitin ng mga naturang salesladies ang nobyo nito.

Ang pinakamasaklap pa, sugar mommy ang peg ni Yang dahil panay ang bili ng kung ano-ano para sa nobyo. Hindi, mali, ang pinakamasaklap pala ay ang ugali ng nobyo nito na hindi lang feeling ubod ng gwapo, feeling tornado pa sa lakas ng hangin sa katawan. Kulang na lang ay angkinin nito pati Spratlys kung makapagkwento ng mga ari-arian nito. Kahit pa hindi naman nila itinatanong ni Jing-jing.

Hindi na tuloy nakatiis si Chrisma nang saglit na umalis para magtungo sa restroom ang lalaki habang kumakain sila sa isa sa mga restaurant sa loob ng mall. Pagkalayong-pagkalayo ni Chris ay agad niyang sinalat ang noo ni Yang.

“Bakit?” takang tanong ng babae.

“Tinitignan ko lang kung nagdedeliryo ka sa lagnat. ‘Di kaya may sapi ka? O baka naman nakulam ka?” seryoso ang anyo at tonong sagot niya.

Dahil seryoso talaga siya. Ano ang nakita ni Yang sa mukhang science experiment na boyfriend nito? Buti sana kung kaaya-aya ang ugali ng lalaki. Pero hindi rin. And knowing Yang na isa ring mapanlait na nilalang, hindi niya maunawaan kung bakit at paano ito napasagot ng ‘Oo’ ni Chris Yabang.

“Ginayuma kamo. Matinding gayuma ang inilagay ng Chris Yabang na iyon sa pagkain niya kaya nagkaganyan iyan!” wika ni Jing-jing.

“Yabong! Hindi Yabang, Yabong ang apelyido ni Chris!” pagtatama ni Yang sa pinsan.

“Mas bagay sa kanya ang Yabang. At kahit pa maging Hemsworth, Pine o Evans ang apelyido niya, wa epek sa kanya. Pero ang epekto ng gayuma niya sa iyo, matindi,” iiling-iling na ani Jing-jing.

“Bakit ba ipinipilit mong ginayuma niya ako? Imposible ba talagang paniwalaang in love ako sa kanya? Panlabas na anyo lang ba ang basehan ng pagmamahal? Hindi ba dapat kapag nagmamahal ka, walang sukatan, walang timbangan,” defensive ang tonong ani Yang.

“Okay, fine! Eh ‘di ikaw na ang may true love. Pero huwag kang makalapit-lapit sa amin ni Chrisma habang ngumunguyngoy na ginayuma, kinulam, binarang, niloko, ginamit, pinaglaruan at pinagtaksilan ka ng boyfriend mong look-alike ng love child ni Kermit the Frog at ng buwaya sa Lacoste ha? Sa presinto ka na lang magpaliwanag,” nakaduro pa ang hintuturo sa pinsan na wika ni Jing-jing kay Yang.

Pagkuwan ay bumaling si Jing-jing kay Chrisma at itinuro ang halos hindi pa niya nababawasan na seafood pasta at garlic bread sa plato niya. Pinapak lang niya ang sahog na shrimps ng pasta. Hindi pa kasi siya gaanong gutom. Pero dahil nagyaya nang kumain ang hari ng yabang alias Chris Yabang na sabit lang sa pagsa-shopping nilang magkakaibigan, napilitan na rin siyang umorder ng pagkain.

“Kakainin mo pa ba iyan? Kung hindi na, akin na lang,” ani Jing-jing sa kanya.

Mulagat na napatitig naman si Chrisma sa simot na simot nang mga plato sa harapan ni Jing-jing. Ni katiting ng inorder nito na double sized bacon fiesta pizza, baked macaroni, roasted chicken, chorizo potato salad at coleslaw ay wala nang natira. Maging ang medium sized iced tea nito ay said na rin pati ang mga ice cubes.

“My god, Jing-jing! Ano’ng ginawa mo sa pagkain mo? Sininghot mo lang? Ang dami nun ah! Hindi ka pa rin ba busog?!” bulalas niya na hindi mapigilang mamangha sa kapasidad ng tiyan ng kaibigan.

“Grabe ang tiyan mo, Jing-jing! Hinay-hinay ka lang, baka hindi ka na matunawan. Buti na lang talaga at hindi ka tabain. Kung hindi sa lakas mong kumain malamang sinlaki mo na ang elepante,” iiling-iling na palatak ni Yang.

“Hindi na kayo nasanay sa lakas kong kumain. Sa ganun talaga eh, mabilis ang metabolism ko at hindi uso sa akin ang diet-diet na iyan. Takot kumapit sa akin ang mga fats,” katuwiran ni Jing-jing. “Ano, kakainin mo pa ba iyan? Bawal magsayang ng pagkain, maraming nagugutom,” muling tanong nito kay Chrisma.

“Para namang willing ka ngang i-share sa mga nagugutom ang pagkain mo. Malamang pa nga makipag-agawan ka pa sa kanila kapag isinama kita sa feeding programs ng Wishing Foundation sa Pasko,” napapailing na sagot na lang niya sa kaibigan.

Ang Wishing Foundation na tinutukoy niya ay ang charitable organization kung saan ay isa siya sa mga volunteers. Dati ay ang Lola Lala niya ang namamahala roon. Pero nang mag-migrate na ito sa Australlia ay ipinaubaya na ng lola niya sa iba ang pamamahala roon. Bata pa lang siya ay madalas na siyang isinasama ng lola niya sa foundation tuwing may projects ito roon. Kaya naman ngayon ay isa na rin siya sa mga nagbo-volunteer sa foundation.

“Sinabi mo pa. Malamang hindi makarating sa pakakainin ninyong mga bata ang pagkain dahil sa sasakyan pa lang ay ubos na ni Jing-jing lahat ng pagkain,” bungisngis ni Yang.

Natatawang iniabot ni Chrisma ang plato niya kay Jing-jing na as usual dedma lang sa panunukso nila ni Yang tungkol sa katakawan nito. Walang alinlangang kinuha ni Jing-jing ang plato niya at sinimulang kainin ang seafood pasta at garlic bread. Pati ang halos hindi pa nababawasang roast pork loin with mushroom gravy sa plato ni Yang ay sinusulyap-sulyapan na rin ni Jing-jing habang abala pa ito sa pagnguya. Tila balak na iyon naman ang isunod pagkatapos nito sa seafood pasta niya.

“Huwag mo nang balakin, Jing-jing, kakainin ko pa ito,” maagap na ani Yang nang mapansin ang masamang tingin ni Jing-jing sa plato nito.

“Nasaan ba ang waiter, gusto ko pang um-order,” ani Jing-jing.

Natatawang naiiling na luminga sa paligid si Chrisma at naghanap ng waiter. Paglingon niya sa kaliwa ay ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang masalubong ang kulay-alak na mga matang nakatuon ang tingin sa mukha niya. Awtomatiko ang pagsikdo ng puso niya at ang pagsilay ng matamis na ngiti sa mga labi.

Si Wayne Domingo, ang one and only Wayne Domingo ng buhay niya! Hindi siya maaaring magkamali. Si Wayne nga ang lalaking nakaupo sa mesa hindi kalayuan sa mesa nila. Kahit magka-amnesia siya, nasisiguro niyang hinding-hindi niya makakalimutan ang hitsura ng gwapo at makisig na lalaking limang taon nang lihim na itinitibok ng puso niya. Well, not exactly ‘lihim’ dahil alam ng madlang people ang tungkol sa pagnanasa, este, damdamin niya para sa brother-in-law ng pinsan niyang si Michelle.

Si Wayne Domingo ang lalaking hanggang ngayon ay nananatiling ideal man niya sa kabila ng pang-iisnab nito sa beauty niya. Ito ang ruler niya na hindi mapantayan ng sinumang manliligaw at mga naging nobyo niya nitong nakalipas na limang taon sa kabila ng pagiging allergic ng lalaki sa presensya niya.

For Wayne, she was nothing but an annoying pest he had to deal with because his brother and her closest cousin are married. But then all good love stories start out with the boy and girl hating each other, don’t they? Kaya balewala sa kanya ang pagiging suplado at isnabero ni Wayne sa kanya nang magkakilala sila five years ago.

Paniwala pa nga niya noon ay itinadhana talaga na magkakilala ang pinsan niyang si Michelle at ang kapatid ni Wayne na si Xander dahil ang dalawa ang magiging tulay para magkatagpo, magkakilala at magkaibigan sila ni Wayne.

Hindi niya matatawag na love at first sight ang damdaming umusbong sa puso niya para kay Wayne noon. Mas bagay sabihing lust at first sight iyon. Dahil sa totoo lang, kahit yata female alien tutubuan ng pagnanasa sa hitsura at kakisigan ni Wayne Domingo. Malaki ang hawig ni Wayne kay David Beckham, sa mukha at pangangatawan. Those thick eyebrows, sharp cheekbones, strong jaws and dark as midnight eyes all helped to create the stunningly unforgettable face of one Wayne Domingo. Kung sakali ngang mangailangan si David Beckham ng double ay papasa si Wayne na maging double ng naturang athlete.

Matipuno rin ang katawan ni Wayne. Matitigas ang mga biceps at dibdib nito na hindi iilang beses na niyang natsansingan sa tuwing magkukunwari siyang natatapilok kaya kinakailangan niyang yumakap dito. Pero hindi iyong klase ng matipuno na halatang binabad sa gym kaya namumutok ang mga muscles sa dibdib at braso. Sapat na ehersisyo at martial arts training ang sanhi ng magandang pangangatawan ng lalaki.

Wayne gives off an air authority and self-confidence without being arrogant or conceited about it. Ito ang tipo ng lalaking gugustuhin mong dikitan sa gitna ng krisis, sakuna, delubyo, end of the world at attack of the zombies. Dahil nakatitiyak ka na kahit wala nang masusulingan ay makahahanap pa rin ito ng paraan para malagpasan ang anumang mapanganib na sitwasyon. At higit pa roon, titiyakin din nito na lahat ng taong nasa pangangalaga nito ay maililigtas nito kahit pa kapalit ng sariling kaligtasan nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.